GRACE
Isang linggo na ang nagdaan simula nang magising ang aking son-in-law. Subalit imbes na kagalakan at selebrasyon ang mamayani sa aming mga pamilya, napuno ng kaguluhan at pagkabahala. Wala ni isa ang makapaniwala sa kasalukuyang nangyayari at halos wala lahat sa kontrol.
“Carcel, pleaseee! Pakinggan mo muna ako!” humahagulgol na nagmamakaawa ang aking anak na si Gianna kay Carcel, pinipilit niyang pinapatigil ang kasintahan sa pagwawala at paghahalughog sa buong mansyon namin. “Carcel, nakikiusap ako!!”
“Tumabi ka!!” walang pusong binalibag ni Carcel si Gianna sa pader nang harangin nito ang dinaraanan niya.
“Gianna!”
“Hala! Si ma'am si Gianna!”
“Gia!” Puno ng taranta at aligaga akong tumakbo patungo kay Gia sa second floor nang makita siyang namimilipit sa sakit. Subalit hindi ko pa man siya naaalalayan ay nagmamadali na siyang kumilos upang habulin muli si Carcel.
“Carcel!! Please, stop! Listen to me! I'm begging you, Carcel!!” halos magkandarapa si Gia sa paghahabol sa lalaki kahit pa ilang beses nito siyang binabato at kung saan-saang bahagi siya ng mga bagay tumatama.
“Mommyyy! Daddyyy!” narinig ko ang hagulgol ni Gigi na siyang natatakot na umaakyat din sa second floor.
Agad akong nakakilos para harangan siya. “Nanny! Kunin mo si Gigi ngayon din! Doon lang kayo sa living room, dalian mo!”
“Yes po, yes po! Sorry Madam!” Agad itong nakakilos para bawiin nito si Gigi na mas lalo nitong kinaiyak.
“But Granny!! Anong nangyayari? Bakit nag-aaway sila Mommy?” ayaw magpakuha ni Gigi.
Umiling ako. “Sasabihin namin sa'yo after this, okay ba? Behave ka muna sa sala, please, anak.”
Wala itong nagawa kundi ang muling bumaba kasama ang kanyang nanny.
Matapos niyon ay kaagad akong humabol kina Gianna at Carcel. Puro basag na mga vase, wala sa ayos na mga wall portrait at lahat ng mga pintuan ng mga kwarto ay naiwang nakatiwangwang ang kada nadadaanan ko.
“JETT!! Nasaan ka?!! Anjetiie!!!”
“Carcel, ano ba?!! Tumigil ka na! Wala rito si Ate!!”
“Nasaan ang asawa ko, Gianna?!”
“Ako ang asawa mo!! N-No, we're only about to get married! Ikakasal na dapat tayo kasi hiwalay na kayo ni Ate Jet—AH!”
Nanlaki ang mga mata ko nang saktong pagliko ko sa pasilyo ay nasaksihan ko ang malakas na pagsampal ni Carcel sa aking anak!
“What do you think you're doing?!” nagigimbal akong pumagitna sa kanila upang proteksyunan ang aking anak. Ganoon na lang ang panlalambot ko nang makita ang matinding galit sa mukha ni Carcel. “H-Huwag mong sasaktan si Gia, Carcel! N-Nakikiusap ako, puwede natin itong idaan sa pag-uusap!”
Nanlilisik at namumula ang mga mata niya. Nagkikiskisan ang mga ngipin sa panggigigil. Pakiramdam ko’y isang pagkakamali ko ay magagawa niya rin akong saktan. Ako na biyenan niya!
“Sa tingin niyo ba pagkakatiwalaan ko kayo matapos ng ginawa niyo sa akin noong huli?!” ibinuntong niya ang galit sa pagwawasak ng mga gamit na kanyang mahawakan.
“C-Carcelll…” mas humagolhol si Gia sa aking likuran. Ramdam na ramdam ko ang panginginig ng buo niyang katawan.
Noong huli na tinutukoy ni Carcel ay ang unang araw na nagwala siya sa kanilang mansyon at halos sirain niya rin ang lahat ng nandoon dahil lang hindi niya makita si Jett. Walang paraan para mapakalma siya kung kaya’t ilang mga nurses ang pinadala namin para turukan siya ng pampatulog at muli siyang isugod sa hospital dahil hindi pa maayos ang kanyang kalagayan.
Naka-detained siya sa hospital hanggat hindi parin nasusuri ang lagay niya at ang epekto ng sinapit niya sa loob ng limang taong pagkaka-comatose. Subalit heto at nakatakas na naman siya sa hospital bago pa namin mamalayan. Mabuti na nga lang at dito siya sa aming mansyon nagtungo at hindi kung saan-saang lugar!
Bago ang kasalukuyang nangyayari, noong araw na magising si Carcel, agad niyang hinahanap si Jett, napuno pa siya ng pagtataka kung bakit kami-kami ang naroon, partikular kung bakit si Gia ang nag-aalaga sa kanya. Syempre lahat kami ay naguluhan din sa kanyang mga sinasabi na para bang hindi niya maalala ang huling sandali ng mga nangyari noon bago ang insidente.
Nang sabihin ni Gia ang katotohanan dahil hindi nito nagugustuhan ang inaasal ni Carcel at sa paghahanap nito kay Jett, doon na nagsimulang magkagulo ang lahat.
“C-Carcel, kailangan nating bumalik sa hospital nang malaman natin kung bakit ka nagkakaganito! T-Tingnan mo ang sarili mo, halos hindi ka pa nga makatayo ng maayos! Sinabi ng doktor na mahinang-mahina ka pa… p-pero bakit…” maging ako ay hindi na makapag-isip ng maayos sa biglaang pangyayari.
“Wala akong pakialam, Tita! Huwag niyo akong gaguhin!! Natulog ako na kasama ko pa si Jett! B-Bakit pagkagising ko wala na siya?! Nasaan siya—‘yun lang naman ang gusto kong malaman eh! Sige na naman oh!!” halo-halong emosyon ang nakaguhit sa mukha niya na ngayon ko lamang nakikita. Ang boses niya, bagaman galit at iritado ay puno ng pagmamakaawa.
“C-Carcel, ako ang mahal mo!” impit na umiiyak na usal ni Gia.
“Putangina naman?!!” lukot na lukot ang mukha ni Carcel na matalim ang pagkakatitig kay Gia. “Alam kong matagal ka nang may gusto sa ‘kin, pero for f**k sake! Asawa ako ng ate mo, Gianna! Puwede bang tumigil ka na?!”
“M-Mommy…” ganoon na lang ang pagbagsak ni Gianna sa sahig habang may nanlalamig na mga kamay na nakakapit sa aking binti. “I-Ibalik niyo si Carcel sa ‘kin…. I'm begging you!”
Natulala ako at ilang beses na napakurap-kurap. Bilang isang ina ay nararamdaman ko rin ang hinagpis ni Gianna ngayon.
Ayaw ko mang tanggapin, at ayaw mang iproseso ng aking utak, pero mukhang….
Nanunuyo ang lalamunan kong muling nagsalita nang kalmado. “Carcel, makinig ka.”
Nagtagis ang bagang niya. “Sasabihin mo na ba sa akin kung nasaan ang asawa ko?”
Huminga ako ng malalim. “Matagal na kayong hiwalay ng aking anak na si Jett. Hindi mo ba maalala?”
“Bullshits!!” agad niya akong tinalikuran, akmang aalisan.
Hindi ako nagpatinag. “Divorce na kayo dahil matagal na siyang nagtataksil sa iyo. Tuwing nasa business trips ka, kapiling niya lagi ang kuya mo na si Callisto. Hindi mo ba maalala iyon?”
May nanlalaking mga mata siyang napalingon, natitigilan sa narinig. “W-What? What did you say?”
Nagpatuloy ako sa sinasabi. “Matagal mo iyong hindi tinanggap dahil mahal mo siya pero kalaunan nagsawa ka rin dahil sa paulit-ulit na panloloko ni Jett. Si Gia ang palaging nandiyaan sa’yo pati na ang anak ninyong dalawa… kaya sa huli nagdesisyon kang gawin ang tama. Iyon ay ang hiwalayan na si Jett, pakasalan si Gia, at gawin ang responsibilidad mo kay Gigi.”
“B-Bullshits…” nanghihina siyang napahawak sa kanyang noo, nawalan ng balanse sa pagkahilo. “T-This is all… bullshits… no…” sinuportahan niya ang kanyang sarili na humawak sa pader upang hindi siya bumagsak sa sahig.
Mula sa gilid ng mga mata ko ay sinenyasan ko ang mga nurses na nakaabang lamang at nakatago sa gilid ng pasilyo. Nang makitang mahina na si Carcel ay agad silang nakakilos.
Bago pa makabawi si Carcel ay muli na siyang naturukan ng pampatulog na kinaginhawa naming lahat.
Nakahinga ako ng maluwag na niyakap si Gianna na walang humpay sa paghahagulgol.
“M-Mommy… hindi niya maalala…” nauubusang hininga niyang sambit. “Ang lahat ng paghihirap natin…”
Hinagod ko ang kanyang likod at napaseryoso. “Don't worry, Gia. Sa'yo lang si Carcel kahit anong mangyari. Gagawan natin ulit ng paraan.”