"So bakit ka nga hindi nagpapakita sa'kin?" sa wakas ay muli na naman niyang naungkat kay Quieno ang dahilan ng hindi nito pagpapakita sa kanya. Hindi niya kasi matanong ang binata kanina dahil puro ito kalokohan. Kung hindi nito itatapat ang mic sa kanya ay bumubulong naman ito ng naka-mic. "Hindi mo pa rin talaga nakalimutan ang bagay na iyan?" natatawang balik na tanong ni Quieno sa dalaga. "Halika.." mahigpit na hinawakan nito ang palad niya at dinala siya sa kung saan. Kanina nang matapos ang proposal niya ay nagtungo sila sa terasa para makapag-solo. Ngunit dahil naungkat na naman ang pagkawala niya ng ilang linggo na halos umabot na ng buwan ay magpapaliwanag siya. "Anong ginagawa natin dito?" kurot niya sa tagiliran ni Quieno nang makarating sila sa puwesto nina Macoy at Yvette.

