Lutang at halos wala sa sarili si Sarah kinabukasan. Gustong isipin ng dalaga na panaginip lang lahat. Na ang lahat nang nangyayari ay bahagi lamang ng imahinasyon o guni-guni niya.
Subalit ang nakapanlalambot na sakit sa kanyang dibdib na tumitimo sa buong katawan niya na parang isang tinik na malalim na nakabaon sa dulo ng kanyang daliri ay sapat upang ipamukha sa kanya ang katotohanan.
Hiwalay na sila ni Erick..
Nakabuntis ito..
At kay Mercy pa..
Sa babaing labis-labis na nagdudulot ng pangamba sa kanya simula pa lang nang magkarelasyon sila ng binata. May sapat na dahilan pala talaga siya upang mangamba.
"Kahapon pa tumatawag ang ate mo."
Bungad ni Lanie sa silid bitbit ang tasa ng kape.
"Hindi ko masagot, hindi ko din kase alam kung ano ang sasabihin eh."
"Babalik naman ako sa ospital ngayon."
Matamlay na sagot niya.
"Paano iyon? Hindi mo din nakausap si Chino?"
"Baka sa bangko na lang kami lumapit ni ate.."
Balewala niyang sagot. Nangunot ang noo ng kaibigan niya bago naiiling na lumapit at iniabot ang kape.
"Sarah, ayusin mo ang sarili mo. Hindi lang si Erick ang nag-iisang lalake sa mundo. Isa pa, napaka-bata mo pa. Marami pa ang pwedeng mangyari sa iyo."
"Madaling sabihin iyan Lanie, hindi kase ikaw ang nasa katayuan ko."
Mariin niyang sabi.
"At talagang nagpapasalamat ako dahil hindi ko nararanasan iyan. At kung maranasan ko man, hindi ko uubusin ang oras ko sa pagmumukmok dahil 'yung nanay ko nasa ospital at agaw buhay!"
Napipikang singhal sa kanya nito. Nag-init ang mukha niya sa pagkapahiya, batid niyang tama si Lanie, at kapakanan lang niya ang iniisip nito. Pero suwail ang puso niya. Ilang ulit man na diktahan ng isipan niya ay bumabalik pa din iyon sa pag-iisip kay Erick.
"Salamat sa kape.."
Aniya matapos ang ilang sandali. Hindi naman niya nagalaw iyon. Hindi makapaniwalang natawa ng pagak si Lanie sa kanya nang tumayo siya upang lumabas na sa silid nito.
"Hibang ka na talaga Sarah. Malinaw pa sa sikat ng araw na iniwan ka na niya. Sabihin mo nga sa akin..sa ospital ba ang punta mo pagkagaling mo dito? O, pupuntahan mo si Erick at kukulitin?"
Saglit siyang hindi naka-kibo. Bago pa man niya masagot ang sinabi nito ay mabilis nang nakalapit sa kanya ang kaibigan. Napangiwi siya sa sakit, at gulat nang mariing sinaklit nito ang braso niya. Sa pagkakataon na iyon ay nauubusan na ng pasensya sa kanya si Lanie.
"Agaw buhay si tita Carmen! Pagkatapos ay iyang si Erick pa rin ang iniintindi mo? Iyang sakit na nasa puso mo makakapaghintay pa yan! Pero ang nanay mo? Tingin mo ba ay kaya pa niyang hintayin ang kahibangan mo?! Magtira ka naman ng kahihiyan sa sarili mo. "
Pigil na pigil ang galit nitong singhal sa kanya.
Hanggang sa daan, sakay ng jeep patungong ospital ay ang mga binitiwang salita ni Lanie ang nanunuot sa isip niya. Naiintindihan niya iyon, totoong naiintindihan niya..
Ang bawat katagang binigkas ni Lanie ay mga punyal na sumusugat, bumabaon..
Kinakain siya ng konsensya..
Dahil totoo ang lahat ng iyon..
Inis niyang pinahid ang bawat patak ng luha sa kanyang mga pisngi. Kahit na panaka-naka siyang tinitingnan ng mga kapwa pasahero ay wala siyang pakialam.
Nagagalit siya sa sarili, dahil kahit sa mga sandaling iyon..kahit na ilang minuto na lang at nasa ospital na siya, kahit na gustong-gusto din niyang makita ang ina.. Bumabalik kay Erick ang kagustuhan niyang makita ito..
*Walang kwentang anak! *
Tuya ng boses na iyon sa sulok ng kanyang isip.
*Wala kang kwenta! *
Nang makarating sa destinasyon ay nagmamadali siyang pumasok sa loob. Kung hindi lang bawal tumakbo ay baka para na siyang nasa marathon marating lang ng mabilis ang ICU kung saan naroroon ang kanilang ina.
Malayu-layo pa siya ay tanaw na niya ang kapatid na si Jamila. Ang mabibilis na hakbang niya ay unti-unting bumagal. Parang nagkaroon ng pabigat ang kanyang mga binti hanggang sa hindi na niya iyon maigalaw.
Naka-salampak sa malamig na sahig ang ate niya habang yakap-yakap ni Gilbert. Ang bawat hagulgol nito ay pumupuno sa tahimik na hallway. Naitutop niya ang palad sa bibig habang pinapanuod kung paano pumalahaw ang kapatid sa mga bisig ng nobyo nito.
"A-ate.."
Agaw pansin niya.
Si Gilbert ang lumingon pero tila sampal sa kanya ang nagaakusang titig nito bago muling binalingan si Jamila at sapilitan na itong itayo at akayin palayo. Subalit kumawala ito, mabibilis ang hakbang na lumapit sa kanya at gawaran siya ng malakas na sampal na halos magpamanhid sa kanyang mukha.
Awang ang labi at sapo ang nasaktan pisngi ay tulalang napatitig siya kay Jamila. Poot at hinagpis ang malalarawan sa luhaan nitong mukha.
Napa-hakbang siya paatras nang muli siya nitong sampalin kahit naroon sa kanyang pisngi ang kanyang kamay. Tiyak niyang nasaktan din ito pero hindi iyon inalintana, sa halip ay inulit pa iyong muli. Sa pagkakataong iyon sa kaliwang pisngi naman niya, hanggang sa magsalitan ang mga palad nito sa kanyang mukha.
"Makapal ang mukha mo! Anong klaseng anak ka!"
Duro nito sa kanya. Kung hindi pa ito yakapin ni Gilbert ay hindi siya titigilan.
"Ate.."
Umiiyak na aniya. Wala siyang maapuhap na salita. Wala siyang masabi. Wala siyang magawa kung hindi ang umiyak. May karapatan ang kapatid niya upang magalit ng ganoon.
"Patay na ang nanay! Wala na siya! Narinig mo?! Wala na siya!"
Nanginginig hindi lamang ang labi kundi maging buong katawan ni Jamila habang minamasdan siya, ngunit ilang sandali pa ay napalitan iyon ng lungkot at dalamhati. Muling humalili ang pagtangis.
Nang muling akayin ni Gilbert ang ate niya ay hindi na iyon nanlaban pa. Walang salitang tinalikuran siya ng mga ito.
***
"Darating si tiya Cora bukas, pagkatapos ng libing at pagbalik niya sa Vigan ay sasama ka sa kanya."
Gulat na napataas ng tingin si Sarah sa kapatid. Ang tiya Cora nila ay nag-iisang kapatid ng nanay nila. Matandang dalaga iyon na nakatira sa Vigan. Napakadalang nila itong makita. Ang huli ay noon pang mamatay ang tatay nila. Umuwi din ito upang makipaglibing.
"Pero ate.. Ang layo ng Vigan."
Natitigilang aniya.
"Iyon na nga mismo ang dahilan Sarah. Kailangan ay sa malayo ka, bukod sa hindi ko matagalan ang makita ka..hindi ko rin alam kung ano ang tumatakbo d'yan sa kukote mo."
Hindi siya nakakibo. Totoong hindi siya matagalang makita ng kapatid. Kapag nasa iisang silid sila ay kaagad itong umaalis. Nagkakasama lang sila ng matagal kapag may padasal. Damang-dama niya ang galit ni Jamila sa kanya. Kung noon ay nagagawa pa niyang nakipag-sagutan, makipagsumbatan at makipagpataasan ng kilay dito, ngayon kahit salungin ang matalim nitong tingin ay hindi niya magawa.
"Sasama na din ako kay Gilbert sa Cagayan."
Anito.
"S-Sasama na lang siguro ako sa'yo ate?"
Alanganin niyang tanong. Nanliit siya nang sumama ang tingin nito sa kanya. Parang gusto siyang sapukin anu mang oras.
"Bingi ka ba? Ang sabi ko.. Hindi ko matagalan ang pagmu-mukha mo! Sa tuwing nakikita kita kumukulo ang dugo ko. Sa tuwing naaalala ko ang nanay.. Habang ikaw? Habang... ikaw..."
"A-ate.. Sorry na."
"Hindi ko kailangan ang sorry mo. Hindi ako ang may kailangan niyan."
Mariing anito.
"Magkanya-kanya na tayo Sarah. Tutal, wala naman na ang nanay."
Dagdag nito bago lumabas ng bahay at harapin ang mga naglalamay.
Gaya ng sinabi ni Jamila ay dumating ang tiya Cora nila at sinabing kukupkupin siya, habang ang ate niya ay sasama na kay Gilbert sa probinsya nito.
Nang dumating ang araw ng libing ay para siyang laruan na may batirya. Kumikilos dahil kailangan. Kakatwang 'ni isang patak ng luha ay walang dumaloy sa kanyang pisngi, bagay na ipinagtataka ng mga nakilibing. Maging ang mga ka-klase at kaibigan niya, partikular si Archie at Lanie ay nagtataka. Samantalang ang ate niya kinailangan pang hilahin dahil sa pagkakayakap nito sa kabaong na kinahihigaan ng nanay nila.
Nang subukan niyang kausapin ang tiyahin at ang kapatid upang tapusin ang taon para sa graduation ay sinabi nitong nakausap na daw ng mga ito ang mga guro niya. Kahit anong pakiusap ay hindi umubra. Hindi man lang siya nakapag-paalam kay Archie at Lanie dahil kinabukasan din matapos ang libing ay umalis sila ng tiya Cora niya.
Hindi siya makaramdam ng kahit na ano. Hinahayaan na lang niya na lumipas ang oras at ang araw. Maging nang makarating sila sa bahay ng tiyahin ay hindi man lang niya nagawang matuwa sa magandang lugar. Ang mga makalumang tirahan, ang mga kalye at istraktura na sa larawan at libro lang niya nakikita..maging ang mga iyon ay hindi napukaw ang interes niya.
Ilang araw na siya sa bahay ng tiya Cora niya, ilang araw din siyang walang ginagawa kung hindi ang magkulong sa silid at titigan ang kisame. Mabait naman ang kapatid ng kanyang nanay, maunawain din. Hindi siya nito pinipilit na lumabas, binibigyan siya ng pagkakataon at oras para sa sarili at magluksa. Kinakatok lamang siya nito kapag kakain na.
Isang araw ay umalis ang tiya Cora niya. May mga pinapaupahan itong pwesto sa palengke. Araw daw ng singil nito. Inaya siya nito upang makalibot na din daw siya, pero tumanggi siya at sinabing sa ibang pagkakataon na lang kaya naiwan siyang mag-isa sa bahay.
Lumabas siya ng silid at binuksan ang telebisyon sa sala. Nang walang palabas na humuli ng interes niya ay pinatay niya iyon. Tumayo siya upang kumain na lang ng almusal kahit na ba alanganin na para doon. Patungo na siya sa kusina nang mapansin ang silid ng tiyahin na bahagyang nakabukas. Lumapit siya upang isara iyon, pero sa halip na pasara ay mas niluwangan pa niya ang pagkakabukas ng pintuan.
Napalunok siya nang mariin ng mapako sa tukador ang kanyang tingin. Kagat labing binuksan niya ang mga drawer niyon. Nanlaki ang mga mata sa gulat at tuwa ng makita ang pakay doon.
"Erick.."
Sambit niya habang nakatingin sa ilang piraso ng isang libong piso na nakarolyo. Nang mag-angat siya ng tingin at masalubong ang repleksyon sa salamin ng tukador ay mapait siyang nangiti.
Ibinulsa niya ang pera at inayos ang bahagyang nagulong gamit sa tukador at ng makuntento ay lumabas na ng silid na iyon.