KABANATA 3:

1047 Words
KABANATA 3: "LETISHA MAE VALDERAMA, 21 years old. Born in March 29, 1977–" Napahinto sa pagbabasa ng tungkol sa akin ang babaeng sumalubong sa akin pagkapasok ko sa cleansing room. Nag-ring kasi ang teleponong kaharap niya. Kaagad niya naman iyong sinagot at kinausap ang nasa kabilang linya. "Gano'n? Pero may ginagawa ako ngayon," aniya. Napatingin ako sa bintanang nasa likuran niya lang. Malaki iyon at tanaw ang malawak na hardin sa kaniyang likuran. Siguro mapayapa maglakad-lakad roon? Iyon na ba ang papuntang langit? "Gano'n ba? O sige, kung talagang importante iyan, papunta na ako." Nang matapos makipag-usap ang babae sa telepono ay kaagad niya akong tiningnan at saka ngumiti. "May importante kasi akong pupuntahan pero saglit lang ito. Pwede bang maghintay ka muna kahit na sandali?" Well, sino ba naman ako para magreklamo? "Sure po," sagot ko. Hinayaan ko siyang umalis, isinara ang pinto at narinig ko pa iyong ini-lock niya. Naniniguro pa talagang hindi ako makakatakas, huh? Paano naman ako makakatakas sa ganitong klaseng lugar? Napabuntong-hininga ako. Cleansing room, ito pala iyong kwarto kung saan lilinisin ka, ipapalimot sa'yo ang lahat ng poot na naramdaman mo sa lupa at tanging mga masasayang alaala na lamang ang maiiwan sa'yo bago ka paakyatin sa langit. Pagkatapos ay pupunta raw kami doon sa kasunod na kwarto kung saan ay ang Next Life room. Doon naman sasabihin sa'yo kung ano ang mangyayari sa'yo sa susunod mong buhay. Ang problema lang, ang pinakamaiksing taon bago ka ipanganak muli ay more than a hundred years which is hindi ko kakayanin lalo na at gusto kong makasama na kaagad si Rufert. Paano kaya ako– natigil ako sa pag-iisip nang muling mapansin ang bintana. Kaagad akong tumayo at nagtungo sa bintana para silipin ito. Malaki ang bintana na sakto lang para magkasya ang isang taong kasing laki ko pero ang problema ay napakataas nito. Hindi ko nga alam kung paanong naging ganito kataas kung nasa first floor naman kami? This is the only way para makatakas ako rito. Pero walang kasiguraduhan kung makababalik ba ako sa katawan ko kapag ginawa ko ito. Who knows kung anong klaseng hardin ito at kung may gate ba papunta sa lupa? Napailing ako at naisip ang maaaring mangyari kapag tumakas ako. Baka mamaya maging kaluluwang ligaw ako kapag nagkataon! Babalik na sana ako sa upuan nang may nakita akong isang lalaki mula sa baba. Marahan itong naglalakad, nakasuot ito ng kulay itim na tuxedo at maayos na nakapomada ang buhok. Na-curious ako sa kaniya lalo na at para bang nang-aakit siyang bumaba rin ako. Mayamaya pa ay napansin niya yatang nakatingin ako dahil umangat ang tingin niya sa akin. Ang itsura niya'y parang nasa late 40's ang edad, kulay kayumanggi ang balat, medyo matangos ang ilong. Parang siguro sa kapanahunan pa ni Rizal ang porma niya. Mag-iiwas na sana ako ng tingin ngunit hindi ko alam kung bakit na-enganyo ako nang kumindat siya at saka muling naglakad matapos mag-iwas ng tingin sa akin. Wala sa sariling inangat ko ang paa ko at umakyat sa bintana. Oo, takot ako na baka mabagok ang ulo ko at baka ma-double dead pa ako pero naisip ko iyong mga nangyari kanina. Hindi ako nasasaktan kaya bakit ako masasaktan ngayon? Walang ano-anong tumalon ako mula sa bintana, nabigla ako nang hindi mataas ang binagsakan ko. Kunot ang noong napalingon ako sa bintana dahil nasa tabi ko lang ito. Ilusyon lang ba 'yon? Kung ilusyon man iyon, wala na akong pakialam! Kaagad akong tumakbo para hanapin iyong lalaking nakita ko kanina. Panay ang linga ko sa paligid para hanapin siya pero hindi ko siya makita, hindi ko alam kung nasaan! Pero hindi ako susuko! Halatang may katungkulan ang lalaking iyon at siguradong kaya niya akong tulungan na makabalik. Pero paano kung evil pala 'yon? E, paano naman magkakaroon ng evil dito?! Ilang segundo pa akong tumatakbo sa malawak na hardin na puno ng mga bulaklak at mga punong nagtataasan nang may matanaw akong isang balon. Mukha lang namang ordinaryong balon iyon pero ewan ko ba kung bakit naakit akong lapitan. Nang tuluyang makalapit ay kaagad ko itong tinanaw at nakita ang malalim na tubig. Sa aking pagmamasid, natigil ako nang may marinig akong tinig mula sa aking likuran. "Gusto mo bang humiling sa aking cheating well?" Kaagad ko iyong nilingon at nakita ang lalaking kanina ay hinahanap ko lang. "Cheating well?" takang tanong ko. Ngumiti ito na para bang ang bait bait niya. Kita ko sa mga mata niya ang pagnanais na makatulong. "Hindi ka pa handang mamatay, hindi ba?" tanong niya sa akin. Mabilis na napatango ako dahil totoo ang sinabi niya. "Opo, masyado pa akong bata para mamatay. Marami pa akong pangarap na gusto kong tuparin!" ani ko. Napatango-tango siya, para bang naiintindihan niya kung ano man ang problema ko. "Bibigyan kita ng pagkakataon na makabalik kaagad sa lupa." "Talaga po? Makakabalik na ako sa katawan ko?" gulat na tanong ko. Umiling siya na kaagad ikinabagsak ng balikat ko, "Hindi dahil patay na ang katawang lupa mo. Lagpas isang buwan ka nang patay." Nagimbal ako sa sinabi niya. Pakiramdam ko ay nanikip ang dibdib ko at unti-unti na sana akong maluluha nang pinigilan niya ako. "Hindi kita tutulungan kapag umiyak ka. Ayaw na ayaw kong tulungan iyong mga taong ayaw nang umasa." Naitikom ko ang bibig ko at pinigilan ang nagbabadyang pag-iyak. "Kung desidio ka, ipapanganak ka nang muli ngayong araw. Pero hindi sa kaparehong ina mo. Sa ganoong paraan, maaabutan mo pang buhay ang mga naiwan mo sa lupa at mabibigyan ka pa ng pagkakataong gawin ang misyon mo." Kaagad akong napatango bilang pagsang-ayon sa sinasabi niya. Ang tanging hiling ko lang naman ay ang mapakasalan si Rufert at ang makatapos ng pag-aaral. "Pero syempre, lahat ng bagay ay may kapalit–" Hindi na ako nagdalawang isip pa. Pinigil ko siya sa pagsasalita. "Deal! Kahit ano man ang kapalit, tatanggapin ko basta makabalik lang ako sa lupa." Napangiti siya at saka inilahad ang kaniyang kamay, itinuturo ang balon na nasa likuran ko. Unti-unti akong napaharap sa balon. "Pumikit ka, Letisha. Isipin mo ang mga bagay na gustong-gusto mong tapusin sa lupa." Pumikit ako at unti-unting inalala ang mga bagay na hindi ko pa natatapos. Ang mga taong gusto kong balikan. Pumapasok iyon lahat sa aking isipan. Gustong-gusto ko pa iyong gawin, gusto kong makamit ang mga misyon ko sa buhay. Mayamaya pa'y naramdaman ko ang pagtulak sa akin, kaagad na nahulog ako sa balon na ikinatili ko. Habang nahuhulog ako sa malalim na balon, bigla akong nagising mula sa isang malalim na panaginip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD