Chapter 1: Anghel sa Lupa

1572 Words
“Paano ba… Tawagin niyo na lang akong Angel Castillo.” Napayuko ako at natawa sa sinabi kong may pait sa lalamunan. “Angel, tama. Pangalan ko ‘yun. Ang anghel na pinutulan ng pakpak. Ang anghel na ikinulong sa hawla ng pagdurusa.” Binuksan ko ang bintana ng nakaparada kong sasakyan para damhin ang malamig at walang kabuhay-buhay na hangin ng Abakan Bridge. Hinawakan ko ang nakataling voice recorder sa leeg ko at iniangat ko ng kaunti palapit sa bibig ko. “Alam ‘niyo ba ang pakiramdam na kahit sa sarili mong buhay ay hindi ikaw ang bida? Yung para bang kapag binasa mo ang kuwento ko eh malalaman mong isa akong dakila at masunuring sidekick kahit na ang pamagat ng istorya ko ay pangalan ko. ‘Yun. ‘Yun ang eksaktong kuwento ng buhay ko.” Nilunok ko ang namumuong luha sa lalamunan ko para pigilan ang pag-angat nito. Huminga ako ng malalim at sinulyapan ko ang litrato naming mag-asawa na nakasabit sa rearview mirror ng aking sasakyan. “Maganda naman ang takbo ng istorya ko noong una eh… Nadapa lang sa pag-ibig. Ayun, isinugal ko ang lahat para sa kanya. Ah oo nga pala, paano ‘nyo naman ako maiintindihan kung hindi ko ikukuwento, diba? Heto kasi iyon…” Hinaplos ko ang litrato sa aking harapan at marahas ko itong hinablot. Nag-ipon ako ng lakas para maibato ito sa rumaragasang tubig sa ilalim ng tulay para sa pag-asang maitangay na rin ng mabagsik na tubig na ito ang alaala ko. “Pangarap ko talagang maging isang singer simula pa noong bata pa ako. Lahat na yata ng singing contest sa probinsya, sinalihan ko na. Kahit manalo man o matalo, masaya pa rin ako sa tuwing nakakakanta ako. Hindi ko nilubayan ang pangarap ko at nagsikap talaga akong maging isang singer. Nag-audition ako sa isang acoustic band at pinalad na maging lead vocalist. Araw-araw, para akong nasa ulap sa saya noon. Sino ba naman ang hindi liligaya kung kinikilala kang isang matalinong estudyate sa isang sikat na unibersidad sa umaga at magaling mang-aawit sa isang tanyag na coffee shop sa gabi?” Nakaalpas ang isang luha sa mata ko at mabilis ko itong binura sa aking palad. “Akala ko noon ay tuloy-tuloy na ang daloy ng kagandahan sa aking buhay… Lalo na ng makilala ko si Joaquin Castillo.” Tuluyan na akong napahikbi sa sakit ng nararamdaman ko nang mabitawan ko ang pangalan ng aking asawa. “Si Joaquin. Siya ang ang puno’t dulo ng pagkasira ng aking buhay…” Napatingin ako sa itaas at kumurap-kurap para pigilan ang sarili kong bumigay sa kalungkutan. “Isang gabi, habang ako ay kumakanta sa gilid ng coffee shop ay bumisita ito kasama ang kanyang mga barkada. Simple kung manamit ngunit napakalakas ng dating. Simula ng sila ay maupo at magkape ay hindi na ako nilubayan ng kanyang mga mata. Noong una ay iniiwas ko pa ang aking paningin dahil hindi ko talaga kayang titigan ng matagal ang napaka-gwapo niyang mukha—lalong-lalo na ang mapang-akit niyang mga labi. Nang matapos ang unang set ng aming presentasyon ay yumuko kami ng aking banda upang magpasalamat. Nang muli akong tumingin sa mga manonood ay nagkasalubong ang aming mga mata at siya ay palihim na ngumiti. Napayuko ako sa hiya at hindi rin napigilan ng aking mga labi ang kilig kaya nakangiti rin akong umalis sa entablado...” Tumigil ako saglit sa aking istorya. Tumingin ako sa passenger seat at inabot ko ang paper bag doon. Kinalkal ko ang laman nito at hinanap ko ang binili ko sa Robinsons Easymart. Ayun, nakita ko ang isang kaha ng Marlboro Red at lighter. Ilang minuto ko ding kinalikot kung paano ito buksan ang kaha ng sigarilyo. Hindi naman kasi talaga ako nagyoyosi. Pero dahil ito na ang huling gabi ko bago ko wakasan ang aking buhay ay nais ko munang tikman ang mga bagay na hindi ko pa nararanasan. Isinubo ko ang isang stick at sinindihan ito. Humithit ako ng kaunti ngunit agad akong nasamid at naubo. Tang-ina. Anong meron dito at ang daming naaadik? Itinapon ko sa daan ang yosi. Kahit na naiiyak ako sa sakit na dulot ng pag-ubo ko at ng puyos na bumabalot sa aking puso ay natawa pa rin ako sa katangahang ginagawa ko. Nang kumalma na ang lalamunan ko ay itinuloy ko ang pagkuwento sa voice recorder. “So ayun na nga… Tuloy natin ang kuwento… Napagdesisyunan ng kanyang mga kasama na umalis na sa coffee shop nang sila ay matapos na magkape habang nasa kalagitnaan pa ang banda namin sa pagkanta sa second set. Habang naglalakad ito palabas ng café ay nanatili pa rin siyang nakatingin sa akin hanggang sa mauntog ito sa pintuan. Muntikan na nga akong matawa habang kumakanta ako. Wala siyang kasing-cute noong mga panahong iyon… Akala ko ay iyon na ang una’t huli naming pagkikita. Ngunit bigla siyang sumulpot pagkalipas ng isang linggo—parehong araw at oras. Tandang-tanda ko pa ang suot niyang beige na jacket na walang tatak. Nakababa ang tuwid niyang buhok hanggang sa kanyang mga kilay na lumilingon-lingon sa paligid. Umupo siya sa isang pang-dalawahang mesa sa gilid at nakangiting umorder ng isang tasa ng kape. Pagkatapos ay muli niya akong tinitigan habang ako’y umaawit. Grabe, parang dinig sa mikropono ang pintig ng puso ko ng mga panahong iyon. Patay na patay talaga ako sa kanya. Sa dinami-dami ng lumabas-pasok sa coffee shop nang gabing iyon ay parang pakiramdam ko ay kami lang na dalawa ang naroroon. Para akong kumakanta para lamang sa kanya…” Tumigil ako sa pagkukuwento nang makita kong muli ang kaha ng Marlboro. Kailangan ko talagang matutunan kung paano mag-yosi. Kasi sa dinami-dami ng isinakripisyo ko para sa asawa ko, at least kahit ito man lang sana ay magawa ko para sa sarili kong kagustuhan. Tumingin ako sa magkabilang panig ng daan at mabilis na bumaba sa kotse. Sumandal ako sa pintuan ng sasakyan at sinindihan ulit ang yosi. Pero sa pagkakataong ito, dadahan-dahanin ko na ang paghithit. “Nang matapos na ang pagtatanghal namin ay lumabas na ako sa likod ng coffee shop para umuwi. Doon ko nakita si Joaquin na naghihintay pala sa may kalsada habang tinatapik nito ang kanyang mga pisngi sa lamig ng Tagaytay. Binagalan ko ang aking paglakad dahil hindi ko alam kung lalapit ba ako sa kanya o mag-iiba na lang ng tatahaking daan. Dahil hindi ako makapagdesisyon sa aking pupuntahan ay bigla kong nabangga ang isang lalaki. “Ayyyy! Kuya sorry po! Sorry po talaga!” “Tingin-tingin din miss. Maganda ka pa man din pero may pagka-bulag.” Sagot ng lalaki. Paulit-ulit akong nag-sorry sa tao hanggang sa ito ay makaalis na. Nang muli kong tignan ang kinaroroonan ni Joaquin ay laking gulat ko na nasa harapan ko na pala siya. Inabot niya ang kanyang kamay at nagsabing, “Magandang gabi, miss. Ang galing mong kumanta. Ako nga pala si Joaquin…” ‘Yun oh. Kaya ko nang mag-yosi! Sheeet. Tumingala ako ng banayad at nagbuga ng usok sa himpapawid. Hinabol ng mga mata ko ang dahan-dahang pagkalat ng usok. Parang isang makapal na usok ang pagdating ni Joaquin sa aking buhay. Para siyang isang bisyong ang hirap bitawan ngunit nakakalabo ng kinabukasan. Ipinagpatuloy ko ang pagkukuwento ko habang nilalasap ko ang kakaibang sarap na dulot ng pagkahilo ko dahil sa yosi. “Ayun… Doon na nagsimula ang aming kuwento. Matalino siyang kausap, masayahin din. Kuhang-kuha niya ang tipo kong ng lalaki— malakas ang dating at may sense ang sinasabi. Napakabilis ng mga pangyayari. Isang buwan palang kaming magkakilala ay agad na nahulog ang loob ko sa kanya. Unti-unti akong naligaw ng landas dahil itinuon ko ang lahat ng aking atensyon sa pag-aalaga sa kanya. Kahit na pareho kaming nag-aaral ay ginugugol ko ang oras ko sa pagluluto ng kanyang makakain sa araw-araw. Pagkatapos ng singing part-time ko sa gabi ay dumidiretso ako sa kanyang boarding house para linisin ang kanyang kuwarto. Habang siya ay umaangat patungo sa kanyang mga pangarap ay ako naman ang inuupos ng tsansang makapagtapos ng pag-aaral. Ngunit dahil ramdam ko ang kanyang pagmamahal sa akin ay pinili ko pa ring mag-sakripisyo.” Inapakan ko ang cigarette butt nang maubos ang yosi ko. Inamoy ko ang dulo ng mga daliri ko at hindi ko nagustuhan ang amoy. “Naniwala ako sa kanyang pangako na balang araw ay siya ang magdadala sa amin sa kaginhawaan. Siya ang lalaki, kaya nararapat lamang na siya ang bumuhay sa aming dalawa. Itinakwil ako ng aking mga magulang nang sabihin ko sa kanilang titigil na ako sa pag-aaral at sasama na lang sa kanya sa Maynila. Kahit na luhaan kong nilisan ang Tagaytay ay napuno naman ng galak ang aking puso dahil sa wakas ay makakasama ko ang pinakamamahal kong lalaki at mamumuhay kami sa siyudad na parang mag-asawa…” Pinause ko ang voice recorder at humalakhak ng pagkalakas-lakas. Napahawak ako sa umigting kong sikmura sa sobrang tawa ko dahil sa napaka-estupido kong desisyon na magpa-budol sa kanyang mga matatamis na salita. Pagkatapos ay muli kong isinindi ang voice recorder para maibuhos ko ang lahat ng gusto kong sabihin sa kung sino man ang makakarinig ng recorded story ko kapag tumalon na ako sa tulay. “Ang tanga ko talaga! Akala ko magkasama kaming magbo-board sa Maynila dahil itutuloy niya ang Film and Audio-Visual Communication degree niya! Ngayon pala ay titira kami kasama ang mga magulang niya!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD