Pagkatapos ng madamdaming pagpapakilala ay naghanda ng meryenda si Lola Lita para sa amin. Gusto niyang Lola Lita na lang din ang itawag ko sa kaniya. Saglit na umakyat si Ram dahil may aayusin at kukunin daw itong gamit sa dati niyang kuwarto. “Leahbel, hija, ang ganda-ganda mo talaga. Kamukhang-kamukha mo ang mommy mo pero nakuha mo ang mga mata ng daddy mo,” papuri niya sa akin kaya naiiyak na naman ako habang nakangiti sa kaniya. “Kilala ni’yo rin po ang mommy ko,” naluluhang tanong ko. Nakangiti siyang tumango at inipit pa ang ilang hibla ng buhok ko sa likod ng tainga ko. “Oo, naman. Magkasunod lang na nag-asawa sina Reynante at Rodrigo. Nauna lang na biniyayaan ng mga supling sina Rodrigo at Ravina. Dalawang taon matapos maipanganak si Rachel ay doon naman nagbuntis ang mommy mo.

