One year ago…
“Dad, please, why do I need a bodyguard? Ayaw ko pong may sumusunod-sunod sa akin sa lahat ng pupuntahan ko. Please, dad,” patuloy kong pakiusap sa daddy ko. Dalawang beses na kasing nakatanggap ng death threats si daddy at hanggang ngayon ay wala kaming ideya kung kanino iyon galing o kung ano ang dahilan. Basta isang araw, bigla na lang may dumating na patay na ibon na nakakarga sa isang kahon at may nakasulat na ‘katapusan mo na’.
“Hindi ko na uulitin ang sinabi ko. Magbihis ka na at maya-maya lang ay darating na iyong ipinadalang bodyguard ng agency,” maawtoridad na utos nito. At kapag ganito na ang tono ni daddy, ibig sabihin ay wala nang daan pa ang pakiusap sa kaniya.
Napasimangot na lang ako at padabog na tinungo ang kuwarto ko. Nagpupuyos ang kalooban ko sa matinding inis. Siguradong aasarin na naman ako ni Raiza kapag nalaman niya ito. Alas nuweve pa ang unang klase ko ngayong araw kaya sinadya kong tagalan ang paliligo. Maging sa pagbibihis at pag-a-apply ng light make-up ay hindi rin ako nagmadali.
Mahigit isang oras ang itinagal ko sa kuwarto ko bago ako lumabas. Didiretso na sana ako sa kusina para kumain nang tawagin ako ni daddy. Umikot ang mga mata ko sa matinding inis pero pinilit ko pa ring ngumiti nang harapin si daddy.
Mula sa kaniya ay napadako ang mga mata ko sa lalaking nasa kaliwang sofa. Mahinang singhap ang kumawala sa akin dahil hindi ko inaasahang napakaguwapong lalaki ang makikita ko. Matangkad ito at talagang malaki ang katawan. Nakasuot siya ng white na t-shirt at maong na pantalon. Maging iyong pantalon niya ay nakayakap nang maganda sa mga hita niya.
Bumalik ang paningin ko sa mukha niya. Ang tangos ng ilong niya na bumagay sa malalalim niyang mga mata. Gray iyong kulay ng mga mata niya at makapal ang kilay. Saka bakit gano’n? Ang pula ng mga labi niya. Kalalaking tao ang ganda ng kulay ng mga labi? Mayroon din siyang maninipis na mga bigote at balbas na lalong bumagay sa kaniya. Mukha siyang super guwapong bad boy. Siya ba ang magiging bodyguard ko?
“Leahbel! Nakikinig ka ba sa sinasabi ko?” naagaw ang pansin ko nang Pagalit na magsalita si daddy. Kanina pa pala niya ako kinakausap pero abala kasi ako sa pagtingin dito sa napakaguwapo at sobrang machong nilalang sa harap ko.
“Sorry, dad,” nag-iwas ako ng paningin. Ramdam ko rin kasing mataman akong tinititigan nitong lalaki kaya biglang hindi tuloy ako mapakali.
“This is Ram Gomez. He will be your new bodyguard. Ram, this is my daughter Leahbel Hendarez. Sometimes she’s got some temper, but you don’t have to worry about that. Ako ang nagpapasuweldo sa iyo kaya sa akin ka lang makikinig at susunod,” pormal na pakilala ni daddy sa aming dalawa. Napalunok pa ako sa huling sinabi niya.
“Good morning, ma’am,” magalang na bati naman sa akin ni Ram. Isang tipid na ngiti ang ipinukol ko sa kaniya. Hindi ko kasi alam kung bakit biglang-bigla ay bumibilis ang t***k ng puso ko. Masiyado kasing mataman tumitig ang lalaking ito kaya para bang kaya niyang makita maging ang kaluluwa ko.
“Hi,” tipid kong tugon.
“Sumabay ka nang kumain sa amin, Ram. Pagkatapos ay sasamahan mo na sa university si Leahbel,” utos ni daddy. Pero ngumiti sa kaniya si Ram. Mas guwapo pa pala siya kapag nakangiti. Maputi at pantay-pantay ang mga ngipin niya. Masiyado naman yatang pinagpala ang lalaking ito.
“Ayos lang ako, sir. Tapos na po akong kumain sa bahay. Hihintayin ko na lang si ma’am sa labas,” magalang na tanggi niya kay daddy. Tumango lang si daddy at lumakad na patungo sa hapag kainan.
Muli pa niya akong nginitian bago ko siya tinalikuran. Marahas akong nagbuga ng hangin. Mukhang kakaiba ang lalaking iyon. Mapapasunod ko ba talaga siya sa mga gusto ko? Mukhang ako yata ang mag-a-adjust!
Paglabas ko nang bahay ay dumiretso agad ako sa sasakyan ko. Kunot-noong napatingin ako sa banda ng driver.
“Nasaan si Kuya Nestor?” gulat kong tanong nang makitang si Ram ang naroroon imbes na iyong driver namin.
“Utos po ng daddy ni’yo, ma’am. Simula ngayon ako na rin po ang maghahatid at susundo sa inyo sa lahat ng mga pupuntahan ni’yo. Si Mang Nestor ay mamamalagi na lang na personal driver ng daddy ni’yo,” tugon nito. Nagtagis ang mga ngipin ko at nakaramdam talaga ako nang ibayong inis. Lalong hindi sumikip ang mundo dahil siguradong marami akong hindi magagawa ngayon. At least si Mang Nestor kahit papaano parang anak ang turing sa akin kaya hindi ako sinusumbong kina daddy at mommy. Itong isang ito pa naman ay mukhang magiging kontrabida ng buhay ko.
“Fine! Diretso na tayo sa university!” padarag kong sagot at humalukipkip habang nakabusangot.
Lalo akong nainis dahil hindi pa rin niya binubuhay ang makina, at sa halip ay tinititigan pa ako sa rearview mirror.
“Ano pang tinitingin-tingin mo riyan? Male-late na ako! Tara na!” halos pasigaw na iyong pagkaka-utos ko sa kaniya kasi talagang bad mood ako ngayon. Isang beses pa niya akong tiningnan saka bumuntong hininga. Umiiling-iling pa siya habang binubuhay ang makina ng sasakyan.
Pagdating namin sa school ay agad pumarada sa isang lugar sa parking area ang sasakyan. Ilang Segundo na ang nakalilipas ay hindi pa rin siya bumababa ng sasakyan para ipagbukas ako ng pintuan.
“Inaasar mo ba talaga ako? Hindi ka pa ba bababa para buksan itong pintuan at nang makababa na ako?” singhal ko sa kaniya. Parang hindi man lang siya nagulat sa pagtataray ko, bagkus ay napansin ko pa ang pagkibot ng kilay niya.
“Sorry, ma’am. Wala naman po kasi akong nakitang problema sa mga kamay ni’yo kaya akala ko kaya ni’yo nang buksan iyang pintuan ng kotse,” mahinahon niyang sagot. Banayad lang iyong pagkakasabi niya pero halatang may kakaibang ibig sabihin.
Balak ko palang sumagot pero nakababa na siya at ilang saglit lang ay nasa tapat ko na siya. Binuksan niya ang pintuan at ngiunitian pa ako na parang nakakaloko.
Inirapan ko siya at saka nilampsan. Nagmartsa na ako papunta sa building namin. Kumukulo talaga ang dugo ko sa lalaking iyon. Hindi ko maintindihan kung bakit parang hindi man lang siya natatakot sa akin? I mean, ako iyong amo niya kaya dapat susunod siya sa lahat ng gusto ko, ‘di ba? Pero mukhang nagpapalapad ng papel kay daddy kaya binubuwisit ako!
Napansin agad ng mga kaibigan ko ang hindi magandang timpla ko nang pumasok. Inis na inis akong umupo at nilapitan nila ako agad.
“Bakit ganiyan ang itsura mo? Napagalitan ka na naman ba ng daddy mo?” tanong ni Erlyn. Nakatunghay lang din sa amin sina Cella at Pony.
Actually, ang tatlong ito ang naging bestfriends ko dito sa school dahil nga pare-pareho kaming kumukuha ng business administration na course. Pero ang ultimate bestfriend ko talaga ay si Raiza. Mas matanda iyon sa akin ng siyam na taon pero naging malapit kami sa isa’t isa noong manligaw ang pinsan ko sa kaniya. Kaya lang ay hindi pinalad. Nakaka-inggit ang katalinuhan ng babaeng iyon, lalo na sa math.
“Binigyan ako ng buwisit na bodyguard ni daddy. Ito pa namang nakuha niya eh mukhang sipsip sa kaniya at balak gawing impyerno ang buhay ko!” nakasimangot pa ring tugon ko. Nanggigigil talaga ako kapag naalala ko ang pagmumukha ng lalaking iyon. Sayang, dahil guwapo pa naman. Wait! Hindi ako naguguwapuhan sa kaniya, ah! Depensa ng maliit na bahagi ng utak ko.
“Oh my gosh! Hoy, girl, Friday ngayon at hindi puwedeng hindi ka sumama sa amin mamaya. Nakapangako na tayo sa mga boys. Saka may surprise kami sa iyo!” tila kinikilig naman na sambit ni Pony kaya napalingon ako sa kaniya na nakataas ang kilay.
“Surprise?” bigla akong na-curious at saglit na nakalimutan iyong inis ko. Lalo pa silang lumapit sa akin na tila ba ayaw nilang iparinig sa iba ang sasabihin nila.
“Napapayag namin sumama si Zendie Aragon! At siya ang magiging date mo mamayang gabi!” pigil na pigil ni Cella ang tumili habang sinasabi iyon. Nanlaki ang mga mata ko at halos mahulog na ang panga ko sa sahig.
Si Zendie Aragon ay tinaguriang crush ng bayan. Guwapo, matangkad, mayaman at matalino. Mas matanda siya ng limang taon sa amin at fourth year students na siya sa kursong law. Pero sa kasalukuyan ay nagtatrabaho siya sa law firm ng daddy niya na isa ring sikat at tinitingalang abogado sa bansa.
“Talaga? Paano? Saka sure ba kayo na ako ang date niya? Alam ba niya?” kinikilig at sunod-sunod kong tanong. Malalapad din ang ngiti ng mga kaibigan ko na halatang masaya para sa akin.
“Totoo nga. Ganito kasi iyon. Hindi ba si Mike, iyong boyfriend nitong si Erlyn, kaklase pala ng kuya ni Mike si Zendie. Tapos ipinatanong nitong si Erlyn kung free ba siya ngayon kasi may kaibigan kaming walang pang kasamang date mamaya. Tapos sinabi nila iyong pangalan mo. Kahit hindi ka pa nakikita eh pumayag na raw agad! Kaya nga ang aga naming pumasok kasi kating-kati na kaming ibalita sa iyo!” tuwang-tuwang saad ni Pony. Lumuwang naman ang pagkakangiti ko at agad nag-init ang mga pisngi ko. Alam kasi ng mga kaibigan kong matagal ko nang crush si Zendie. Tapos makaka-date ko pa mamayang gabi! May kapalit pala iyong maagang pagkasira ng araw ko.
“Naku Erlyn, pakisabi kay Mike salamat, ah! Sabihin mo ililibre ko siya sa lunes. O kaya, kung may gusto siyang hinging favor sabihin mo magsabi lang siya,” nasabi ko dahil sa sobrang katuwaan. Natawa naman si Erlyn at tumango lang.
“Kaya lang iyong avid suitors mo nagwawala, lalo na si Jeron. Galit na galit daw noong malaman na may date ka na mamayang gabi. Siyempre, siguradong alam na niyang wala siyang laban kay Zendie,” natatawang komento naman ni Cella. Napaikot na lang ang mga mata ko.
Sa lahat ng mga manliligaw ko ay iyong si Jeron Sandoval ang pinakamakulit at masugid sa lahat. Guwapo at mabait din naman si Jeron, kaya lang wala talaga akong maramdaman na spark sa kaniya. Kaya sabi ko maging magkaibigan na lang kami ayaw naman. Hangga’t wala pa daw akong boyfriend ay may pag-asa pa siya. Ewan!
Natigil na kami sa pagdadaldalan dahil dumating na iyong professor namin. Hindi mapalis ang ngiti sa mukha ko dahil sa matinding excitement. Hindi ko lang malalapitan mamaya si Zendie kung hindi magiging date ko pa siya. Kinakabahan ako kasi hindi ko talaga alam ang gagawin o sasabihin.
Kinahapunan ay excited akong umuwi. Kahit mainit ang ulo ko dito kay Ram ay hindi ko na lang siya pinansin. Masiyado kasi akong masaya ngayon para pansinin pa siya.
Ramdam ko ang panaka-nakang pagsulyap niya sa akin mula sa rearview mirror. Hindi ko iyon pinansin noong una, pero hindi ko maiwasang mapatingin rin sa kaniya.
“May problema ka ba? Bakit ka tingin nang tingin?” masungit kong tanong. Tumaas ang kilay niya nang tumingin sa akin.
“Kanina ko pa po kasi napapansin na parang masaya kayo,” magalang niyang sagot. Hindi ko napigilang hindi mapangiti dahil naalala ko na naman ang dahilan kung bakit masaya ang mood ko buong araw.
“Friday night out kasi at mapa-party clubbing kami mamaya. Hanggang alas singko lang ang trabaho mo sa akin, ‘di ba? Ibig sabihin hindi mo na kailangang sumama mamaya,” nakangiting sabi ko. Kumunot naman ang noo niya pero nakatutok pa rin ang mga mata sa daan.
“Ang description ng trabaho ko ay bantayan kayo at samahan kahit saan man kayo pupunta. Kaya kung lalabas kayo mamaya kailangang kasama ako. Huwag kayong mag-alala, ma’am, lalayo na lang po ako sa puwesto ni’yo. Basta natatanaw ko ang kinaroroonan ninyo ay okay na po sa akin iyon,” pataas na naman sana ang init ng ulo ko kanina pero mabuti na lang ay okay naman iyong sinabi niya sa bandang huli.
“Siguraduhin mo lang, ah! Nakakahiya kasi na may kasama pa akong bantay. Pakiramdam ko kinder ako na kailangan pang bantayan!” napapasimangot na namang sagot ko.
“Huwag ka nang sumimangot, ma’am. Mas maganda kayo kapag nakangiti,” napamulagat at napakurap-kurap ako sa huling sinabi niya. Hindi ko alam kung bakit biglang bumilis ang t***k ng puso ko dahil sa papuri niya.
“Palagay mo ba talaga maganda ako?” alanganing tanong ko. Gusto ko kasi talagang maging magandang-maganda mamaya, para naman hindi nakakahiyang tumabi kay Zendie.
“Ikaw ang may pinakamagandang mukha sa lahat ng mga babaeng nakilala ko,” seryoso lang siyang nakatutok sa daan habang sinasabi iyon. Natigilan ako at hindi nakapagsalita agad. Napalunok pa ako at tila naubusan ng sasabihin. May bahagi ng puso ko ang tila nadiriwang dahil sa sinabi niya.
“Thanks,” iyan lamang ang nasabi ko dahil para akong tumakbo nang malayong-malayo dahil sa bilis ng pintig ng puso ko.
Pagdating ko sa bahay ay hinanap ko agad si mommy para ipaalala iyong lakad namin mamaya. Nakapagpaalam na ako noong Martes pero kailangan ko pa ring magpaalam ulit.
“Hi, yaya! Si mommy po?” tanong ko kay Yaya Maring nang masalubong ko siya sa sala.
“Nasa kusina. May mga bisita kasi ang daddy mo mamaya at dito raw maghahapunan,” sagot nito. Bigla akong kinabahan. s**t! Baka hindi ako payagang lumabas at mapilitan akong makisalo sa dinner. No!
Mabilis akong nagpaalam kay yaya para puntahan si mommy. Naabutan ko itong kasalukuyang nag-i-instruct sa mga katulong na naghahanda ng mga sangkap. Iyong isa ay naghihiwa ng mga gulay.
“Hi, mom!” masiglang agaw-pansin ko kay mommy. Napangiti naman ito agad nang makita ako.
“Mukhang masaya ang baby ko, ah!” bati niya sa akin. Lalong lumuwang ang ngiti sa mukha ko.
“Mommy, ipapaalala ko lang iyong ipinaalam ko noong Martes. Lalabas po kaming magkakaibigan ngayon,” paglalambing ko sa kaniya. Humalik ako sa pisngi niya at yumakap pa sa baywang niya. Mahina naman siyang natawa at tumango.
“Pumayag na ako, ‘di ba?” nakangiting tanong niya. Nakayakap pa rin ako sa baywang niya.
“But I heard daddy will have a visitor tonight. Baka po hindi na niya ako paalisin,” kunwa’y nalulungkot na tanong ko.
“Don’t worry about it. It’s purely business, hija. Saka wala namang sinabi ang daddy mo na kailangan naroroon ka kaya okay lang naman siguro,” napangiti ako dahil sa sinabi niya.
“Mom, gustong-gusto ko po talagang pumunta sa party na iyon kasi nandoon si Zendie,” kinikilig na sambit ko. Gulat na napatitig sa akin si mommy pero bakas ang mapaglarong ngiti sa mga labi niya.
“Iyan ba iyong ikinukuwento mong crush mo sa school? Kaya naman pala nanlalambing kasi takot na hindi makasama ang crush niya,” panunudyo ni mommy kaya lalong lumuwang ang ngiti ko nang tumango sa kaniya. Para kaming mag-bestfriend ni mommy kaya hindi ako naglilihim sa kaniya. Si daddy naman kasi sobrang higpit. Ganito pala ang hirap kapag nag-iisang anak ka lang.
“Sige po, Mommy, maliligo na po ako. Magpapaganda pa po ako,” hinawi ko pa ang buhok ko papunta sa likod ng tainga ko. Natawa naman si mommy sa ginawa ko.
“Dati ka nang maganda anak. Kapag hindi ka nagustuhan noon, it’s either bakla siya, bulag o kaya may iba ng mahal,” kumindat pa si mommy pagkatapos ngang sabihin iyon.
Natatawang umiiling-iling na lang ako pagkatapos magpaalam sa kaniya. Lalong gumaan ang pakiramdam ko kasi alam kong hindi bakla o bulag si Zendie. Higit sa lahat, wala siyang girlfriend.
Naligo ako at lumabas na naka-robe nalang. dumiretso ako sa walk-in closet para pumili ng isusuot. Ibinukas ko iyong maluwang na cabinet at napabuntong-hininga. Sa dami ng mga damit ko ay wala man lang akong mapili.
Sa huli ay iyong high waist maong pants na lang ang isinuot ko pagkatapos ay crop top. Ipapatong ko na lang iyong Jacket mamaya. Light make-up lang din ang inilagay ko sa mukha ko. Hindi kasi bagay sa akin ang heavy make-up.
Napangiti ako nang mapagmasdan ang sarili sa salamin. Masipag kaming magkakaibigan na mag-workout sa gym kaya hindi na nakapagtatakang maganda talaga ang abs ko. I put my hair in a French bun and went out of the room wearing the jacket.
Sa sasakyan ko na lang tatanggalin itong jacket mamaya. Baka magalit kasi si mommy kapag nalaman niyang ganito ang suot ko sa loob. Napaka-conservative kasi ni mommy. Conservative din naman ako kaya lang mahilig talaga akong isuot iyong kumportable ako.
Kasalukuyan kong dina-dial ang number ni Raiza dahil excited na akong ibalita sa kaniya ang pupuntahan ko ngayong gabi pero hindi sumasagot. Nang mapadako ang mga mata ko sa sasakyan ay nakatayo roon si Ram na parang isang hot model. Nagbihis din siya ng damit at ngayon ay nakamaong na lang din siya at nakasuot ng itim na t-shirt.
Ang ganda nang pagkakalapat ng suot niyang pantalon at t-shirt sa katawan niya. Lalo pa yata siyang gumuwapo kapag ganitong nakapangsibilyan siya ng damit. Namilog ang mga mata ko dahil nang mapadako ang paningin ko sa kaniya ay nakangiti ito sa akin na parang may iniisip na kapilyuhan.
Ramdam ko na naman ang biglang pagbilis ng t***k ng puso ko. Hindi ko talaga alam kung bakit ganito ang epekto sa akin ng lalaking ito. Nagbuga ako ng hangin at hinid nagpahalatang medyo na-intimidate ako sa tingin niyang iyon.
“Let’s go!” yaya ko sa kaniya. Hindi ko siya tiningnan sa mukha dahil lalo lang nagugulo ang isip ko. Ipinagbukas naman niya ako ng pintuan ng kotse at tipid ko lang siyang nginitian.
“Mukhang excited kayo, ma’am,” maya-maya ay biglang nagsalita si Ram. Nginitian pa niya ako at dahil doon nablangko na naman ang utak ko. Hindi agad ako nakasagot kaya kumunot ang noo niya. Nakalimutan ko na nga kung ano iyong tinatanong niya.
Pakiramdam ko hihimatayin na ako kapag ako talaga nginitian ni Zendie. Pero itong si Ram, kapag nginingitian ako para akong nawawala sa sarili. Sinasabayan pa nitong dibdib ko na parang may naghahabulang mga kabayo sa loob.