Chapter 2
Wala sa sarili si Jared na sumakay ng sasakyan. Hindi niya alam kung saan siya pupunta basta bigla na lang niya pinaandar ang sasakyan paalis sa lugar na iyon pero hindi pa siya nakakalayo sa ospital nang biglang
Blag!
Nahimasmasan si Jared nang marinig ang malakas na kalabog. Nakabangga yata ako! Nataranta siya, agad siyang bumaba sa sasakyan.
“Aray ko po! Ang sakit!” daing ng isang babae.
“Miss ayos ka lang pasensya na kasi-” natigilan sila kapwa ng makita ang isa’t-isa.
“Ikaw na naman?!” sabay pa nilang sabi.
“Oo, ikaw na naman! Kanina binangga at naapakan mo ang paa ko sa loob ng ospital ngayon naman balak mo pa yata akong sagasaan! Bakit dahil ba sa tinarayan kita kanina?!” mataray nitong sagot.
“Hindi! Nagkakamali ka! Look Miss I’m sorry. Hindi ko talaga sinasadya.” hingi nya ng paumanhin dito. Napansin nyang hinihimas nito ang balakang.
“Miss tara dadalhin kita sa doktor. Tara sa loob.” aya niya dito.
“Huwag na! Bigyan mo na lang ako ng pera pambili ng gamot at pampacheck-up, ako na lang ang magpapagamot sa sarili ko.” wika ni Althea saka lihim na sumulyap kay Jared.
“Ang gwapo naman pala nitong nabiktima ko.” bulong niya sa sarili.
‘Miss may kilala akong doktor sa loob, tara na. Baka kung ano na ang nangyari sayo baka napuruhan kita.” wika ni Jared.
“Ang kulit mo rin eh ano, bigyan mo na lang ako ng pera tapos ang usapan.” aniya. Pinagtitinginan na sila ng mga tao sa paligid. Yung iba may hawak pang cellphone na tila kumukuha ng video. Iniyuko niya ang ulo at ibinaba ang suot na sombrero ayaw niyang magkalat ang mukha niya sa social media.
“Miss sumakay ka muna sa sasakyan please, doon na tayo mag-usap. Hindi kita pwedeng abutan ng pera dito, ano na lang ang sasabihin sa akin ng mga tao.” pabulong na wika ni Jared. Tumalima naman si Althea at sumunod dito sa loob ng sasakyan agad naman iyong pinaandar ni Jared.
Huminto sila sa nang makalayo sa ospital.
“Mabuti na lang nasa harapan lahat ng reporters.” nakahinga ng maluwag si Jared nang sabihin iyon.
“Bakit? Artista ka ba? Sino ka ba?” tanong ni Althea pero hindi iyon binigyang pansin ni Jared. Nasa akto na itong huhugot ng pera sa wallet nang muling tumingin kay Althea, mukha naman itong maayos at mukhang nagdadrama lang. Napansin iyon ni Althea kaya muli siyang umakting.
“Aray ko po! Nabali yata ang tagiliran ko.” daing niya na pasimpleng tumingin sa binata. Huminga ng malalim si Jared saka nag-abot ng limang libong piso sa dalaga kasabay ng isang calling card.
Halos lumuwa ang mata ni Althea nang abutin ang pera. Sa lahat naman ng nabiktima niya ng kunwaring pagkakabangga ay ito ang may pinakamalaking ibinigay sa kanya. Jared Gastardo ang nakalagay sa calling card nito.
“Para saan ‘to?” tinaas niya ang binigay nitong calling card. Baka alamin pa nito kung saan siya nakatira at mabisto nito na raket lang niya ang kunwaring nabangga sa lahat ng mga sasakyang mapipili niyang biktimahin. Nang magkabanggaan sila nito sa ospital ay nahalata niya ng mayaman ito kaya palihim niya itong sinundan para makita kung saang sasakyan ito sasakay at sinadya niyang magpabangga dito. Hindi naman siya nasaktan, para saan pa ang ipinamana sa kanyang galing ng kanyang ama sa pagiging stunt man nito kung hindi naman niya magagamit.
“Calling card yan para kung sakaling may major injury ka matawagan mo ako.” wika ni Jared saka biglang naalala si Chelsea. Nag-ulap ang kanyang mga mata. Para namang na-guilty si Althea dahil sa kabaitan ni Jared sa kanya.
“Ako si Althea. Ano nga palang ginagawa mo sa ospital?” tanong niya.
“Fiancee ko, car accident. Malubha ang lagay niya.” matipid na sagot ni Jared na ikinagulat ni Althea parang gusto niyang ibalik ang pera nito pero anong ipapalusot niya? At saka kailangan niya rin ang perang yun para sa may sakit niyang ama.
“Ikaw? Bakit ka nandoon?” balik tanong ni Jared.
“Nag-donate ako ng dugo sa isang pasyente.” tipid niya ring sagot.
“Ang bait mo naman.” wika ni Jared.
“Nagpapabayad ako kapalit ng dugo ko, five hundred isang bag.” prangka niyang sagot.
“Ganun ba? Bakit nagpapabayad ka pa? Kawawa naman yung may pasyente hindi mo ba naisip na kinakapos din sila?” tanong ni Jared.
“Kailangan nila ng dugo, kailangan ko naman ng pera.” sagot ni Althea. Tumango naman si Jared, hindi niya akalaing may mga ganitong babae na nag-eexist sa mundo. Prangka. Nasanay siya sa presence ni Chelsea na laging mahinahon at babaeng babae kumilos. Muling lumungkot ang mukha ni Jared. Napansin naman iyon ni Althea.
“Bababa na ako.” akma na sana niyang bubuksan ang pinto ng sasakyan.
“Saan ba bahay niyo ihahatid na kita.”
“Huwag na.” saka tuluyang bumaba si Althea. Hindi na lang umimik si Jared at inisip na baka nga hindi ito masyadong nasaktan sa pagkakabangga niya rito. Dire-diretso na naglakad si Althea patawid sa ibang direksyon. Pinaandar naman ni Jared ang sasakyan kahit hindi niya alam kung saan ba talaga siya pupunta.
Nakarating si Jared sa isang bar. Tahimik ang bar na yun kahit madaming nag-iinuman, may kumakanta pero acoustic songs ang kinakanta kaya makakapagrelax ka talaga. Umorder siya ng isang bucket ng beer. Pumuwesto siya sa isang sulok sa gawing labas ng bar.
“Chelsea, bakit ngayon pa sayo nangyari ‘to? Magpo-propose pa ako sayo eh!” kinakausap ni Jared ang sarili habang sumisimsim ng alak. Tumulo ang mga luha sa mata ni Jared, kung sinamahan niya lang sana ang girlfriend niya sa business dinner nito baka hindi nito maisipan na magpaiwan kay Mat at sumabay na ito sa kanya. Sinisisi niya ang sarili. Madalas niya kasing hindi masamahan ang dalaga sa mga lakad nito. Ayaw na ayaw niya ng camera, laging may nakasunod na paparazzi saan man ito magpunta.
“Chelsea, I’m sorry. Sorry talaga! Kapag nagising ka pangako magpapakasal tayo agad kahit saang simbahan mo pa gusto!” medyo napapalakas na ang boses ni Jared, may tama na rin siya ng alak dahil halos maubos na niya ang lahat ng inorder na alak.
Dinukot niya ang cellphone sa bulsa niya. Tumutunog ito at tumatawag si Brent sa kanya sinagot niya iyon.
“Hello Jared! Nasaan ka ba?!” tanong nito na may halong pag-aalala para sa kaibigan.
“N-nandito ako s-sa sa Kenjo’s Acoustic Bar.” sagot niya.
“Hintayin mo ako diyan, pupuntahan kita. Huwag kang aalis huh!” nahimigan nitong lasing na si Jared. Agad na namatay ang tawag sa telepono.
“Tay? Tay?” tawag ni Althea sa ama. Paika-ikang kumikilos sa kusina ang ama nitong si Nante. Naabutan ni Althea na naghuhugas ito ng mga plato, nakapagsaing na rin ito. Nakasaklay ang ama gawa ng nagmamanas nitong mga binti at paa ay hirap na itong makalakad.
“Ano ka ba nama tatay! Sinabi ko ng huwag ka ng kumilos pa at ako na ang gagawa ng mga iyan.” sermon niya sa ama sabay lapag sa binili niyang piniritong manok.
“Anak, kung hindi ako kikilos baka lalo akong maging baldado. Ano ba yang dala mo?” sinipat niya ang dala ng anak.
“Siyempre ang paborito niyo ni bunso.” nakangiting sagot ni Althea saka inamoy-amoy ang dala na tila tinatakam ang kaharap.
“Mukhang maganda ang kitaan mo ngayong gabi ah?” nakangiting wika ng ama.
“Opo! Mabait mga naging kliyente ko.” palusot niya, ang alam ng ama ay raket niya ang kumanta sa isang bar sa malate, maganda kasi ang boses niya na minana niya sa nanay niyang namayapa na.
“Bunso! Kain na!” tawag niya kay Mark ang bunso niyang kapatid na nasa kolehiyo na. Ginagapang niya ang mga gamot ng ama niya at ang pag-aaral ng kapatid niya kaya kung anu-ano na yatang pambubudol ang pinasok niya para lang kumita ng mabilisang pera. Masaya silang nagsalo sa hapunan, pagkatapos niyang gawin ang mga gawaing bahay ay muli siyang nagpaalam sa ama.
“”Tay balik na ko sa trabaho ko baka hinahanap na ako ng amo ko!” wika niya saka inabot dito ang kinitang pitong libo kasama ang perang ibinigay ni Jared.
“Anak ang laki naman nito!” bulalas ng ama.
“Itabi niyo na itay pambili ng gamot niyo at baon ni Mark.” wika niya sabay halik sa pisngi ng ama at nagpaalam na. Isinara niya ang tarangkahan ng barong-barong nilang bahay na halos nakadapa na sa kabulukan. Simple lang ang buhay niya, mairaos lang niya ang kapatid sa pag-aaral at makakakain tatlong beses sa isang araw ay sapat na sa kanya.
Naisipan niyang puntahan ang bar na pinagtatrabahuan ng kaibigan niyang si Dhadha. Mag-iinom siya, paminsan-minsan kailangan din ng alak sa katawan katwiran niya noon sa tatay niya. Patawid na siya ng kalsada nang makita sa kabilang dulo ng kalsada ang pamilyar na mukha. Susuray-suray ito na naglalakad.
“Si Jared ba yun?” sinisipat niyang mabuti dahil may kadiliman sa bandang iyon ng kalsada. Patawid ito ng kalsada at hindi maayos ang paglalakad nito. Gewang gewang itong naglakad patawid. Awtomatikong napatingin si Althea sa mga papalapit na sasakyan, palit-palit ang tingin niya kay Jared at sa isang malaking sasakyan na parating. Mababangga nito ang binata.
Agad na tumakbo si Althea sa direksyon ni Jared uunahan niya ito para itulak sana ito pabalik.
“Jared!” sigaw niya pero huli na ang lahat. Pareho silang tumilapon ni Jared sa kalsada. Kapwa sila duguan, dalawang dipa lang ang pagitan nilang dalawa nang bumagsak sila sa kalsada.