"May pambaon ka pa ba hanggang sa susunod na linggo?" rinig kong tanong ng lola, nakaawang lang ang pinto ng silid ko. Isinuot ko ang kwintas ko na kabibe. Ako mismo ang gumawa nito. String at kabibe ang pendant. Itong kabibe ay nasisid ko, maliit lang tapos pinintahan ko para kumintab. Gusto pa nga itong bilhin ng mga kaklase ko pero hindi ko ipinagbenta.
"Mayroon pa ho, 'la."
Pagkapalit ko ng malaking tshirt at ng fitted black short na abot hangggang taas ng tuhod ko ay lumabas na rin ako. Nakita ko na nagtutupi ng mga damit ko ang Lola Pacita.
"Ako na ho riyan."
Pero nang aabutin ko ang mga naka-hanger ko na damit ay inilayo niya.
"Hayaan mo na ako, minsanan ko na lang itong magawa."
Hindi na nga dapat, eh. Sa mansyon ay ganito na ang trabaho niya, dito pa sa bahay?
"Maupo ka muna," tumingin sa akin si Lola. Tumalima naman ako at umupo sa gilid.
Maayos itong bahay namin, maliit lang. May dalawang silid para sa aming dalawa ng lola, maayos ang lababo, ang palikuran, may sala na maliit. May mga tv at may maliit na ref rin. May gas stove. Ito rin ang naipundar ni Lola, pero hindi naman ganito ang bahay na 'to dati. Ipinagawa niya lang.
"Tatanungin ulit kita, Allie. May pambaon ka pa ba sa susunod na linggo?"
Natagalan ako sa pagsagot, napalunok ako dahil mukhang alam niyang nagsisinungaling ako.
Pero ang toto ay hindi naman. Totoo na mayroon pa. Iyong kinita ko sa paninisid ng mga laman dagat.
Napalayo ako ng tingin at napalabi.
"Mayroon po talaga..." sagot ko ng hindi nakatingin.
"Allie Carlottha."
Sa pagbanggit niya muli sa pangalan ko ay napakamot ako sa likod ng aking tainga. Humarap na ako sa kaniya at nasalubong ko ang seryosong mukha ng aking Lola Pacita.
"Totoo po, ipon ko..." mahina ang dalawang huling salita. Napabuntong hininga sa akin ang lola at napailing ng sunod-sunod.
"Buti na lang hindi ka sa mga magulang mo nagmana. Hindi kita sakit ng ulo pero may pagkapasaway pa rin kung minsan."
Hindi ko naman ikakaila 'yon. Saka, kahit nagsisinungaling ako sa kaniya, hindi naman yung matindi. Kumbaga, white lies ika nga.
"Oh siya, mag-iiwan pa rin ako ng panggastos mo kung sakali."
Tumango na lang ako dahil alam ko naman na hindi ko mapipigilan ang lola.
"Ayos ka lang ba rito?" sunod na tanong niya.
Alam ko ang pangamba na ito ng Lola Pacita. Dahil nagdadalaga na ako at nakakarating rin sa kaniya ang balita na may mga babaeng nawawala dito sa Barangay Maraveles ay dumoble lalo ang takot niya. Pero sana alam rin ng lola ang totoong dahilan ng pagkawala, ano? dahil kaya naman nawawala ang iba ay nakikipagtanan daw ang mga ito.
"Ayos na ayos naman po. Bakit po, lola? babalik ka na po ba dito para tumira kasama ko?" ngising tanong ko kahit alam ko na ang sagot.
"Kakausapin ko palagi si Odet para mapatingnan ka dito."
Tumayo ako at tumabi sa lola, hinawakan ko pa ang kamay niya ng mahigpit kaya napahinto siya sa pagtutupi ng mga damit.
"Lola, maayos po ako. Saka, tinuruan ako ni Karlos ng self-defense!" pagkwento ko. Ikinalingon niya naman agad 'yon sa akin.
"Talaga ba?"
"Hmm!" tango ko. Itinaas ko ang kamao ko. "Kung sinoman ang magtatanggka sa magandang apo mo ay haharapin ang bagsik ng kamao ko."
Umiling ng sunod-sunod ang lola at ibinaba ang kamay ko. Nakangiti na siya, wala na rin ang masungit na tingin.
"Ang mga kamay mo na iyan ay iangatan mo. Hindi ba at gusto mong maging pintor? iyon ang kurso na nais mo sa kolehiyo? malapit ka nang magtapos kaya alagaan mo ang mga kamay mo, apo."
Napangiti ako sa tinuran ng lola. Akala ko nga ay tututulan niya 'yon pero hindi pala... todo suporta siya lalo nang iguhit ko siya.
Napatingin ako sa kaliwa ko, kung nasaan ang ipininta kong mukha ng lola.
"Opo."
"Oh siya, maaga-aga pa naman. Ako ang magluluto ng hapunan, pero may iuutos ako sa 'yo. Mag-uuwi ako ng mga seafood kaya pumunta ka sa dagat at mamili ka kay Kaloy."
Ang lawak ng ngiti ko nang marinig ang sinabi ni Lola. Sakto! madadala ko yung mga nasisid kong sea urchins kanina! tatay rin kasi ni Karlos sii Mangg Kaloy.
"Sure, lola!"
Inabutan ako ni Lola ng dalawang libo. Bago ako umalis ay sinabi niyang request daw 'yon ng Ma'am Nyla saka ng anak nito na panganay. Marami rin daw ang bisita kaya siguruhin ko raw na magaganda at fresh talaga ang makukuha ko. Sinabi na rin ng lola na mananatili siya ngayong gabi at bukas ng umaga na lang uuwi.
Natuwa naman ako dahil higit pa iyon sa request ko na tumagal siya ngayong gabi!
Ngayon ay ngiting-ngiti ako habang naglalakad. Sampung minuto lang naman ang layo sa bahay ng dagat tapos tatlong minuto na paglalakad papunta sa pwesto ni Mang Kaloy.
Ayos na rin kahit hindi magtatagal ang lola, dito naman siya matutulog at ipagluluto pa niya ako.
Habang naglalakad ay natanaw ko ang tatlong mga kabayo na nakatali hindi kalayuan sa aking pwesto. Napataas ang mga kilay ko. Ang gaganda ng mga kabayo na 'yon, ah? saka, malalaki, mukhang hindi sa may ari ng rancho sa itaas.
"Allie!"
Napalingon ako sa tumawag sa akin.
"Oy, Pia, Gwen. Anong atin?"
"Akala ko hindi ka lalabas dahil nariyan ang lola mo! mabuti na lang! alam mo ba? may mga turista na dumating ngayon-ngayon lang? at naku, ang gugwapo nila!"
Gwapo? siya lang naman mahilig sa gwapo.
"True ang sinasabi ni Pia, pero nasa dulong bahagi na ata ang mga 'yon, iniwan lang diyan ang mga kabayo. Nasulyapan ko nga kanina."
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Hindi naman ako interesado kaya hindi ako masyadong nagbigay ng opinyon. Saka, ayaw ng lola ng mga ganito, pinagbawalan nga niya akong sumama dito sa dalawa.
"Diba may boyfriend na kayo pareho? normal lang ba na magwapuhan pa rin kayo at makaramdam ng excitement sa ibang lalake?" tanong ko habang diretso lang ang tingin.
Sa gilid ng aking mga mata ay napansin ko na nagkatinginan sila.
"Ano ka ba! normal lang 'yon, appreciative lang kami!"
Ganon?