CHAPTER 2

2120 Words
NAGMAMADALI SI BERRY. Sigurado kasing nakapasok na ng bahay nila ang tubig-baha. Mababasa ang mga gamit nila. Mababasa si Bogart! Ang mga laman ni Bogart! Naabutan niya ang tiyahin na hindi na magkandaugaga sa pagliligpit ng mga gamit nila, habang walang tigil sa pagmumura. Na lalong umariba nang makita siya. “Oo na, Tiyang! Huwag ka ng hayblad!” Nilingon ni Berry si Matthew na prenteng nakapayong lang sa labas ng bahay nila at nakatingin lang sa kanya. “Tulungan mo kaming magbuhat ng mga gamit!” “May bayad ang serbisyo ko. Five hundred.” “Taragis na ‘yan!” Hindi na niya hinintay ni Berry na kumilos ito at siya na ang tumulong sa tiyahin. Sanay naman sila sa mga ganitong sitwasyon. Pero pagdating kay Bogart, hindi niya alam kung paano iyong bubuhatin para mailagay sa mas mataas na puwesto. Hindi niya makukuha ang tulong ng tiyahin dahil ang mga listahan nito ng mga pautang ang pinagkakaabalahan na nitong isalba.. Nilapitan niya si Matthew na abala sa panunuod sa lumulutang na lata sa harapan nito. “Tu handred pipti.” Nilingon siya nito. “Five hundred.” “Wala kang puso. Hindi ka ba naaawa sa Tiyang ko?” “She looks fine to me.” Nilingon uli ni Berry ang kinaroroonan ni Bogart. Parang naririnig na niya ang pagmamakaawa ng bestpren niyang pridyider, at ang kalampagan ng mga laman niyon. Wala tuloy siyang nagawa kundi ang ibalik sa lalaki ang limang daang piso. Kinuha iyon ng lalaki saka lang pumasok sa loob ng bahay nila. “Ano ang gagawin ko?” “Bubuhatin si Bogart.” “Sino?” “’Yung pridyider ko.” Idinikit uli ni Matthew sa noo ni Berry ang pera. “Sa iyo na ang limang daan mo.” Hindi iyon tinanggihan ng dalaga. “Tutulungan kita.” “Okay.” Mabilis ding binawi ni Matthew ang pera. Pero mas mabilis si Berry dahil naunahan niyang maipasok ang pera sa bulsa ng pantalon niya. “Hindi pinapasok ng tubig ang bulsa ng pantalon ko. Kaya dito na muna ito sa akin. Halika, doon na tayo kay Bogart. Bilis!” Halata ang pagkaasar sa mukha ng lalaki, pero hindi na lang ito nagsalita at sumunod na lang kay Berry sa harap ng pridyider. Nagbigay ito ng utos. “Go on the other side of the ref. When I say pull, you pull up and we take it to your wooden sofa.” “Inuutusan mo ako? Bahay namin ito—“ “Maaabot na ng tubig ang refrigerator na ito kapag hindi pa tayo kumilos.” Napatingin si Berry sa paanan ni Bogart. Humahalik na nga ang kulay kapeng tubig sa paanan ng pridyider. “Bogaaaarrt!" “Shut up and just do what I say. Sabay natin itong bubuhatin para maitaas sa ibabaw ng ng kahoy ninyong sofa.” “O, Tiyang, tumulong ka.” Malutong na mura lang ang isinagot ng tiyahin na abala pa rin sa paglilipat ng mga gamit nila sa mas matataas na bahagi ng bahay. Sasagutin sana niya ang tiyahin kung hindi lang niya nakita na nakatingin si Matthew sa tiyahin niya. Halata sa mukha ng lalaki na hindi nito nagustuhan ang mga narinig na salita mula sa tiyahin. “Ganyan talaga si Tiyang. Tuwing araw lang ng Linggo siya hindi nakaka-imbento ng mga bagong ‘salita’.” Hindi siya nito pinansin. “Magbuhat ka na riyan.” “Oo na.” Hinaplos na lang ni Berry ang refrigerator. “Bogs, kapit lang, ha? Paka-tatag ka. Matatapos din itong kalbaryo natin. ‘Yung mga pagkain mo riyan sa loob, ingatan mo. Baka madisgrasya e maparusahan na naman tayo ni Tiyang, ha? Ha? Lab yu.” Hinalikan pa niya iyon. “You’re one creepy woman.” “Yes. Bekos der was neber an as.” “What?” “Bekos der was neber—“ “Nevermind. Pull up.” “An as.” Pakiramdam ni Berry ay mapuputulan na siya ng litid sa pagbuhat ng refrigerator. Napa-utot pa nga siya pero salamat at naka-upo na siya sa baha kaya ‘kumulo’ lang ang tubig imbes na sumabog ang nakapangingilabot na ingay kasunod ang masamang hangin. Minsan may silbi din ang tubig-baha, eh. Napadako ang tingin niya kay Matthew. Kakaiba ang ibinibigay na tingin nito sa kanya. Nakita ba nito ang ‘magic’ niya sa tubig-baha? Hindi iyan, sagot ng munting tinig sa isip niya saka tinanguan ang lalaki bilang senyales na kailangan na nilang kumilos bago malunod si Bogart. Hindi na nagsalita pa ang lalaki at sabay na nilang binuhat ang refrigerator sa destinasyon niyon sa kahoy na sofa. Pero pakiramdam ni Berry ay si Matthew lang ang sumalo ng lahat ng bigat ng binuhat nila dahil hindi siya masyadong naglabas ng lakas sa pagbubuhat. Nakakabilib na lakas. Ameysing. At hindi lang iyon. Dahil pagkatapos nilang magbuhat ay tumulong na rin si Matthew sa pagliligpit ng iba pa nilang gamit. Ng libre. Oo, naniniwala si Berry na walang bayad ang kabaitan na ipinapakita ngayon ng lalaki. Lahat sila ay lupaypay sa pagod nang matapos ang pagliligtas sa mga gamit sa bahay. Tumigil na rin sa wakas ang pagbuhos ng ulan pero ang pagratsada ng bibig ng tiyahin niya, iyon ang parang malabo pang mangyari. “Tapos nagdala pa ng isa pang bungangang palalamunin.” “Tiyang, hindi siya dito titira.” “I wouldn’t even dream of it,” sambit ni Matthew na masama pa ang tingin sa lumulutang na tsinelas sa harapan nito. “O, kita nyo, Tiyang? Umi-ingles. Kaya hindi iyan tatagal dito sa atin.” Tinapik ni Berry sa braso ang katabing lalaki. “Salamat, ha?” “May bayad ito.” “Tsaka na natin pag-usapan iyan. Magpahinga muna tayo. Mahirap magkuwenta kapag pagod. At hapon na. Kaya bukas na lang natin pag-usapan ang bayad mo. Malas sa mga negosyante ang maglabas ng pera sa gabi, sabi ng Tiyang ko.” “Ngayon lang ako nakakilala ng isang taong gagawin ang lahat para lang laging makalamang sa kapwa.” “Uy, huwag kang ganyan. Nasasaktan ang Tiyang ko.” “I was talking about you.” “Para kayong mag-syota diyan kung mag-usap, ah,” singit ng tiyahin niya. “Mag-aasawa ka na ba, Berry? Aalis ka na sa poder ko?” Isang malutong na mura uli ang pinakawalan nito. “Pagkatapos palamunin ng ilang taon, basta ka na lang iiwan. Punyemas na buhay talaga ‘to, oo.” “Tiyang, huwag ka muna magdrama diyan. Sayang ang sama ng loob mo. Ang totoo ikaw ang hinahanap niya. Baka kayo ang may itinatagong relasyon?” Kunot-noong nilingon ni Berry si Matthew. “Paksyet.” Tiningnan lang siya ni Matthew na para bang naka-inom siya ng isang drum na tubig-baha. Tumawa lang si Berry. Imbes na patulan pa siya ay tumayo lang si Matthew at pinagpagan ang suot nitong pormal na damit na basa na rin naman. “I’m Atty. Matthew Guzman. Ako ang abogado ni Don Alfonso Banal Sr.,” pormal na wika ng lalaki, saka binalingan si Berry. “Ng lolo mo. Kung ikaw nga talaga si Mulberry Banal.” “Sinong Mulberry?” “Tiyang, ako iyon. Di ba Mulberry ang totoo kong pangalan?” “A, oo nga pala.” “Ni minsan kasi hindi nyo yata ako tinawag sa totoo kong pangalan, eh.” Muli siyang minura ng tiyahin. “Tiyang, naman. Nagpapaliwanag lang naman ako.” “Nasaan na nga pala si Renata?” singit ni Matthew, halatang naiinip na. “Hindi ko yata siya nakikita. Kailangan ko rin siyang makausap—“ “Wala na ang nanay ko. Matagal ng tepok. Binalak niyang maging singer sa Japan kaya nag-Japayuki siya pagkatapos akong ipanganak pero hindi na umabot ng Japan kasi nadisgrasya yung eroplanong sinakyan niya. Malas, ‘no? Si Tiyang na lang ang kinilala kong nanay.” “Ulol. Hindi mo ako nanay.” “Sabi ko nga. Pero mabalik tayo sa usapan tungkol sa lolo ko, Ser Matyu—“ “Just call me Matthew.” “Sige, Atorni.” “It’s Matthew!” “Okey, payn. Hayblad ka naman masyado dyan. O bakit mo nga pala ako hinahanap? Kung don ang lolo ko, ibig sabihin mayaman siya. Mamamatay na ba siya at ipapamana niya sa akin ang mga kayamanan niya?” “Oo. Kasama ng mga kapatid  mo.” Napakurap-kurap si Berry sa narinig. “Ini-istir mo ba ako?” “I don’t know what you mean. But I’m here to tell you…na ikaw ang isa sa mga apo ni Don Alfonso Banal Sr., ang isa sa pinakayamang tao sa bansang ito. Gusto kang makita ng lolo mo sa lalong madaling panahon…” Hindi na pinakinggan pa ni Berry ang mga sumunod na sinabi ng abogado. Isang salita na lang kasi ang umaalingangaw ngayon sa kukote niya. Mana at kayamanan. Dalawang salita pala iyon. Pero…may mayaman talaga siyang lolo at magiging tagapagmana siya ng kayamanang iyon? Pucha! Kinikilig ako! Ilang sabungan kaya ang maipapatayo niya sa makukuha niyang mana? Makakabili na rin siya ng mga tayaan ng lotto. O kaya, puwede na rin kaya iyon na makapagpatayo siya ng sarili niyang casino-han gaya ng mga napapanuod niya sa tv? O kaya, mga karerahan ng kabayo. Waw! “May pito ka pa palang kapatid na kailangan mo ring makilala. Kaya ipinapasundo ka ng lolo mo para dalhin sa Sagada at nang magkakilala na kayong lahat.” Nilingon niya si Matthew. “Sagada?” “Doon nakatira ang lolo mo. Somewhere in the Cordillera region.” “At…kailangan kong pumunta ng Sagada para lang makilala sila? Bakit hindi na lang dito sa Tondo? Wala akong pamasahe papuntang Sagada.” “Ako ang maghahatid sa iyo. At kailangan doon kayo magkitang magkakapatid dahil iyon ang gusto ng lolo mo.” “Mukhang malayo iyong Sagada…” “Gusto kayong makilala ng lolo ninyo ng personal, bago niya ibahagi sa inyong magkakapatid ang mga kayamanang nararapat sa inyo.” Ang mana! “Kailan ba ang alis natin? Ngayon na? O, tara! Alis na tayo!” “Sa Sabado ang alis natin.” Binalingan na uli ni Matthew ang tiyahin ni Berry na biglang natahimik. “Ipinararating ho ni Don Alfonso ang pagpapasalamat niya sa inyo sa pag-aalaga sa kanyang apo. Asahan ho ninyong may kapalit ang pag-aalaga ninyong ito kay Mulberry.” Nilapitan ni Berry si Matthew at ipinatong niya ang basang kamay sa balikat nito. “Tsong, hindi kilala ng Tiyang ko ang Mulberry. Kaya Berry na lang ang itawag mo sa akin—“ “Sino ang gagawa ng mga trabahong iiwan ni Berry dito? Hindi siya puwedeng sumama.” Nagtaka si Berry sa sinabi ng tiyahin. Ito kasi ang unang pagkakataon na narinig niya itong tumanggi sa biyaya ng sangkaperahan. “Tiyang, pag hindi ako sumama, baka ‘yung pera e maging bato pa. Sayang ‘yun!” Napangiwi na lang si Berry nang muli siyang mamura ng tiyahin. “Puwede bang ipa-LBC na nga lang ang mana ko, Ser Matyu?” Masamang tingin lang ang ibinigay sa kanya ng binata. “Matt?” Nanatili pa ng ilang segundo ang tingin ni Matthew kay Berry bago ito unti-unting bumaling uli sa tiyahin niya. “Hindi tumatanggap ng milyones na money transfer ang LBC.” Daig pa niya ang binagsakan ng bomba sa narinig. Milyones. Milyones. Milyones…at bakit lalo yatang nagiging guwapo sa paningin niya ang abogadong ito? At ang pagkabat ng katawan nito sa basang damit… “Berry!” Natulig yata si Berry sa sigaw na iyon ng tiyahin niya. “Ano pa ang tinutunganga mo riyan?! Maghanda ka na nga ng mga damit na dadalhin mo sa Sagada! Ang kupad-kupad mo talagang kumilos, punyemas ka!” “Tiyang, sa Sabado pa daw ang alis namin. At tsaka…akala ko ba ayaw mo akong sumama—“ “Mas mahalaga ang milyones kaysa sa trabaho mo rito. Hala, kilos na, lintik!” “Sa Sabado pa nga daw ang alis namin. Ang kulit naman, o.” Nakipagsagutan pa siya sa tiyahin na hindi maintindihan ni Berry kung galit ba o masaya sa mga mangyayari sa buhay niya ngayon. A, di bale na nga. Ang mahalaga, may naghihintay ng kayamanan sa buhay nilang magtiyahin. “Huminto na ang ulan. Baka may mga taxi na na makakadaan sa kalsada, kaya mauuna na ako. Magkita na lang tayo sa Sabado, Berry.” “Baka gusto mo munang magkape?” Nagdududa ang tingin ni Matthew sa kanya. “Wala na akong cash.” “Libre na iyon.” “Wala na tayong kape!” singit ng tiyahin niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD