Zaina Jhin
“Ang tahimik mo naman ata,” Napukaw ang aking atensyon buhat sa malalim na pag iisip ng magsalita si Jovann.
Nang sulyapan ko siya ay nakatuon parin sa daan ang kanyang tingin habang maingat sa pagmamaneho. Katamtaman lamang ang takbo ng kanyang motor kaya naman hindi ako nakakaramdam ng kahit anong kaba. Sa totoo lang ay tila sanay na ako lalot si Jovann ang nagmamaneho.
“Is there a problem Zaina? Kanina kapa tahimik,” muli ay wika niya kayat napayuko ako. Sa isang iglap ay tila nais kong itago ang maaaring ipakita ng aking mga mata kahit pa batid ko namang hindi niya iyon makikita sapagkat naka talikod siya mula sa akin.
“Wala ito, pagod lang talaga, pasensya kana,” pagpapaliwanag ko naman. Totoong pagod ako, ngunit mas nilukod ng lungkot ang isipan ko lalo at bumalik na naman sa aking alaala ang mga paghihirap na naranasan namin. Sa totoo lang ay madalas kong pinagdadasal na sana ay magawa ko nang maka move on sa mga paghihirap na dinanas namin upang sa gayon ay mas magawa ko ng tama ang mga bagay bagay sa hinaharap.
“Pasensya kana Jovann, may sinabi kaba na hindi ko na sagot?” nag aalala kong tanong ng huminto ito sa gilid dahilan upang mapababa maging ako. Ngayon nga ay magkaharap na kami sa isat isa, sinikap kong tingnan ang kanyang mga mata ngunit hindi ko iyon nagawang tagalan lalo at tila sinusuri niya ang tunay na sinasabi ng aking mga mata.
“Here, isuot mo malamig na, baka magkasakit kapa,”
Muli ay nagulat ako ng hubarin ni Jovann ang kanyang suot na jacket at ibigay sa akin. Hindi ko na nagawang tumanggi sapagkat siya na mismo ang tumulong sa akin sa pagsusuot nito. Inayos pa niya ang pagkakasuot ko kayat sobrang lapit namin sa isat isa. Nang magtaas ako ng tingin ay nagkasalubong ang aming mga tingin.
“Alam kong may mabigat kang inaalala. Hindi kita pipilitin na magsabi sa akin, but Ina remember that I will always here for you. You can tell me everything, and you can cry on my shoulder anytime. Hindi ko gustong umiiyak ka ngunit kung iyan ang ikagagaan ng pakiramdam mo handa akong damayan ka sa lahat,”
Sa hindi inaasahan ay kusang tumulo ang mga luha mula sa mga mata ko. Hindi ako kumibo, ganon din di Jovann ngunit nanatili kaming magkaharap sa isat isa habang nakatitig sa mga mata ng bawat isa. Tanging ang mainit na palad ni Jovann ang siyang naramdaman kong humahaplos sa aking pisngi, pinupunasan ang bawat luha dito.
Isa sa nakakatuwang pangyayari sa buhay ko ay ang pagbabalik ni Jovann. Aaminin kong malaking bagay na narito na siyang muli sa tabi ko. Pakiramdam ko ay nadagdagan ako ng lakas upang harapin ang bawat pagsubok na darating sa buhay ko.
“Salamat,” nakangiti kong wika ng inabot ko kay Jovann ang helmet na gamit ko kanina. Tumango naman siya habang nakapaskil ang matamis na ngiti sa kanyang labi. Matapos niya itong kunin ay muli siyang tumitig sa akin bagay na naghatid sa akin ng hiya. Hindi ko batid kung bakit napapadalas akong makaramdam ng hiya kapag nakatitig siya sa akin.
“You’re always welcome Ina,” sagot niya kasabay ang nakakahawang ngiti.
Kasalukuyang narito na kami sa labas ng bahay namin. Kanina ay naging magaan ang pakiramdam ko dahil sa simpleng bagay na ginawa ni Jovann. Tila nawala din ang pagod na kanina ay naramdaman ko sapagkat ng matapos akong umiyak ay sinikap ni Jovann na pangitiin ako. Hindi nga lang ngiti dahil panay ang pagpapatawa nito sa akin kayat naenjoy ko ang byahe hanggang sa makauwe kami.
“Nga pala, heto na ang jacket mo, salamat ulit,” Muntik ko ng makalimutan, buti na lamang ay naramdaman ko ang pag ihip ng hangin kayat napatingin ako sa suot kong jacket. Matapos kong hubarin ay inabot ko na rin sa kanya na agad naman niyang kinuha.
“Ina, please wag kang mahihiya sa akin. Matagal na tayong magkaibigan, at gusto ko sana na maging kampante ka sa akin gaya noong high school tayo,” seryosong wika niya. Nang tingnan ko ang kanyang mga mata ay mababakas mula doon ang pag aalala kayat binigyan ko siya ng isang ngiting makakapagpanatag ng kanyang kalooban. Hindi ko nais na may mag alala pa sa akin, lalot hindi ko gustong mag alala ng sobra si Jovann.
“Wag kang mag alala, kapag hindi ko na kaya ay kayo naman ang una kong sasabihan ng problema ko. Salamat sa pag aalala Jovann, salamat sa lahat,” sambit ko. Sa tingin ko naman ay nasabi ko na ang bagay na makakapagpanatag ng kanyang kalooban sapagkat umaliwalas nang bahagya ang kanyang muka.
“Sige na, pumasok kana sa loob ng makapagpahinga kana,” wika niya matapos mapasulyap sa aming pinto.
Nang mapansin ko ito ay agad akong napalingon sa aking likod at mula doon ay nakita ko ang pagsilip ni nanay na agad din namang umalis. Doon ko napagtanto na nakita ni Jovann ang naging pagsiliup ni nanay. Marahil ay narinig ni nanay ang motor ni Jovann kanina kayat nagising ito at napasilip sa amin.
“Sige papasok na rin ako, mauna kana muna umalis bago ako pumasok,” wika ko naman. Ayaw ko namang basta na lamang pumasok sa loob ng bahay gayong mag isang uuwe si Jovann sa ganitong dis oras ng gabi.
Tumango siya at sumakay sa kanyang motor, nagsimula na siyang mag ayos at naghahanda na sa kanyang pag alis. Hindi ako mapakali, may nais akong sabihin sa kanya ngunit nahihiya lamang ako bagay na dati naman ay kayang kaya kong sabihin sa kanya.
“Jovann, mag iingat ka,” sa huli ay kusa ding lumabas sa aking bibig ang kanina ko pa gustong sabihin. Muli siyang lumingon sa akin saka unti unting napangiti, kasunod ang kanyang wika na sa akin ay naghatid din ng munting mga ngiti.
“Good night Ina,”
“Goodnight din,” sagot ko naman.
Wala ng salitang naputawi sa aming dalawa, nakita ko na lamang ang aking sarili na nakatanaw sa kanya habang siya ay papalayo. Humingna ako ng malalim saka ako nagpasyang pumasok na sa aming bahay. Nang maisara ko ang pinto ay bahagya pa akong nagulat ng makita si nanay. Katatapos lang nitong maghain ng pagkain na siyang pinasalamatan ko.
“Si Jovann pala ang naghatid sayo, buti ay nagkakasama na kayong muli,” puna ni nanay na tinanguan ko agad. Binaba ko na muna ang bag ko bago naupo sa tabi ni nanay.
“Opo nay, nakauwe na po siya dito. Umalis po pala siya ng bansa kayat nawalan kami ng communication,” sagot ko bago kinuha ang kutcharang nakalagay sa aking pinggan. Nagsimula na akong kumaiin habang naghihintay ng sasabihin ni nanay ngunit natagalan bago ito muling nagwika.
“Mabuti at hinatid ka nya anak, nag aalala ako kase hating gabi na ang uwe ninyo. Wala naman akong mapakiusapan kung sino ang maaaring sumundo sayo, buti na lamang at nariyan si Jovann,” sambit ni nanay.
Hindi na ako kumibo at sa halip ay napangiti na lamang. Totoo ang sinabi ni nanay, buti na lamang talaga ay nariyan si Jovann dahil delikado na ang panahon ngayon lalo at mag isa lamang akong uuwe sa dis oras ng gabi. Ngunit nahihiya parin ako lalot naghintay siya ng matagal. Mamaya ay magmessage na lang siguro ako ulit upang magpasalamat.
Hindi nagtagal ay nagpaalam na rin si nanay dahil magliligpit pa daw siya ng mga damit namin. Naaawa ako kay nanay dahil pagod din siya galing sa trabaho ngunit hindi niya nakakalimutang asikasuhin kaming mag kakapatid, bagay na isa sa hinahangaan ko sa kanya.
Tinapos ko na agad ang aking pagkain ng sa ganon ay magawa ko na ang mga dapat ko pang gawin. Matapos makapagpahinga ay nagtungo ako sa mga gamit ng mga kapatid ko upang alamin kung mayroon pa silang magagamit sa eskwela.
Una kong tiningnan ang bag nila, nalungkot ako ng makitang kakaunti na lamang ang mga tinta ng mga ballpen nila. Ang mga notebook naman nila ay paubos na din. Kailangan ko na ulit bumili dahil baka sa school pa sila walang magamit. Batid ko ang pakiramdam ng kulang ang gamit mo at mahihiya ka dahil wala kang magamit. Kaya naman sa abot ng makakaya ko ay sinisikap kong mabili ang mga pangangailangan nila kahit na mumurahin lamang.
Ang sinunod kong tingnan ay ang kanilang mga sapatos. Luma na ang mga sapatos ng mga kapatid ko sapagkat bihira kami makabili. Minsan ay binibigay lamang ng mga pinsan namin ang mga pinagpalitan nila kapag naibili na sila ng bago. Malaking tulong iyon sa amin dahil madalas ay hindi ko sila maibili ng sabay dahil narin sa mahal ng bilihin.
Ang mga sapatos nina Josh at James ay maayos pa naman, ngunit ang kay Vina ay hindi na. Bakbak na ito at kitang kita ang kalumaan. Hindi ko kase naibili si Vina dahil inuna ko yung sa dalawa kayat itong gamit niya ay ang bigay ng pinsan namin. Sa susunod na buwan ay sisikapin kong maibili si Vina, ngunit sa ngayon ay gagawan ko na lamang ng paraan ang bakbak niyang sapatos. Kinuha ko ang pentel pen na itim saka ko nilagyan ang mga parte ng sapatos na bakbak na upang maging itim ito at hindi na mahalata ang pagbabakbak, nilinis ko na rin ito upang maging kaaya aya kahit paano. Napangiti ako ng matapos ako, naalala ko kase na gawain ko ito noong nag aaral pa ako.
Hindi masamang magtyaga at magtiis kung ano lamang ang bagay na mayroon tayo. Magpasalamat tayo sapagkat kahit paano ay mayroon parin tayong nagagamit. May ilang tao na mas mahirap pa ang dinadanas kaya naman matuto tayong makuntento at magpasalamat sa munting biyaya sa ating ng Panginoon.
“Anak,”
Napatingin ako sa likod ko ng marinig ko ang boses ni nanay. Nang magtama ang mga mata namin ay agad itong lumapit sa akin saka tiningnan ang aking hawak. Malungkot na napangiti si nanay habang maingat na kinuha ang sapatos ni Vina sa aking kamay. Hindi ako kumibo, hinintay ko lamang na magsalita si nanay. Ngunit naroon sa akin ang pag aalala lalo at kabbakasan siya ng lungkot sa kanyang mga mata.
“Kawawa naman ang mga anak ko, hindi ko man lang kayo mabilhan ng maayos na sapatos,” sambit nito kasabay ng pagtutubig ng kanyang mga mata.
Mabilis kong dinaluhan si nanay, hinawakan ko ang kamay niya saka masuyong sinalubong ang kanyang tingin. Nakaramdam ako ng kirot sa puso ko ng makita ang pagpatak ng luha mula sa kanyang mga mata. Agad ko iyong pinunasan gamit ang aking mga daliri.
“Wag mo ng isipin iyon nay, balang araw ay magkakaroon din kami ng maayos na sapatos, hindi lang isa kundi madami. Sa ngayon ay ayos lang po kahit pagtiisan ang mga ito. Makakatulong ito upang matuto rin silang magsikap. Ang paghihirap nating ito nay ang siyang tutulong sa atin upang mas mangarap at mas magsumikap,” wika ko habang pilit pinasasaya ang aking itsura.
Maging ako ay nalulungkot sa dinadanas ng mga kapatid ko, subalit hindi ko nais na panghinaan ng loob si nanay. Kailangan naming magpakatatag upang magkaroon kami ng lakas upang lumaban. Kung tutuusin ay hindi lamang naman kami ang nakakaranas ng ganitong paghihirap. Madami sa atin ang may kanya kanyang paghihirap na dinadanas, at sa tuwing nahihirapan ako ay iniisip ko na lamang na maswerte parin kami sapagkat kahit paano ay may bahay kaming tinutuluyan sa pagsapit ng gabi at pagkain pinanglalaman sa aming mga tyan.
“Sana nga anak, palagi kong pinagdarasal n asana ay guminhawa na tayo. Naniniwala naman ako na may awa ang Panginoon, bastat manalig lamang tayo sa kanya ay hindi niya tayo pababayaan,” wika naman ni nanay. Nagawa na nitong ngumiti kayat nababatid kong kahit paano ay nagkaroon ng kapanatagan ang kanyang kalooban buhat sa suliraning aming pinapasan.
Hindi nagtagal ay nagpaalam na rin sa akin si nanay upang matulog. Kapwa kami pagod at may pasok pa bukas kayat hinayaan ko na si nanay upang ito ay makapagpahinga na rin. Ako naman ay sinigurado ko na munang nakasara ng maayos ang aming pinto at mga bintana bago nagtungo sa higaan naming magkakapatid. Bago nahiga ay hindi ko nakalimutang kunin ang aking cellphone sapagkat mayroon akong nais gawin mula pa kanina.
Ngunit isang ngiti ang siyang sumilay sa aking labi ng isang mensahe ang siyang aking nabungaran ng bugsan ko ang aking cellphone.
“Hi, I just want to say na nakauwe na ako, hindi mo na kailangan mag alala,”
Nakakatuwa na ginawa nga niya ang pinangako niya na magme-message siya agad sa akin sa oras na nakauwe na sya ng bahay. Kanina kase ay panay ang pagpapaalala ko na mag ingat sa pagmamaneho at magdahan dahan lang upang makauwe siya ng ligtas. Natapos lamang ako sa pagpapaalala ng sabihin niyang ipapaalam agad niya sa akin kapag nasa bahay na siya.
Hindi na ako nag aksaya ng oras, kusang kumilos ang aking mga daliri upang magtipa ng mensaheng irereply ko sa kanya. Alam kong ilang beses ko na itong nasabi sa kanya ngunit nais ko paring muli siyang pasalamatan.
“Mabuti naman at nakauwe ka ng ligtas, salamat ulit sa paghahatid mo sa akin Jovann,”
Matapos isend ay nahiga na ako upang sana ay matulog na, ngunit kabababa ko lamang ng aking cellphone ay agad itong umilaw tanda ng nakatanggap ako ng mensahe. Agad ko itong binasa at hindi nga ako nagkamali, sapagkat si Jovann iyon na agad nakapagreply sa akin.
“You’re always welcome Ina, basta if mag isa kang uuwe magsabi ka sa akin, mas gugustuhin kong ihatid ka to make sure na lagi kang ligtas,”
“Salamat,” iyon na lamang ang aking nireply sa kanya sapagkat hindi ko alam ang aking sasabihin. Hindi ko nais na maabala pang muli si Jovann ngunit batid kong hindi ko siya mapipigil sa nais niya.
“Good night Zaina,”
“Good night din Jovann,” Huling mensahe na pinadala ko sa kanya bago ako natulog ng may ngiti sa aking labi.