Hindi kailanman sumagi sa isip ko na may mga bagay na hindi mo kayang gawin nang mag-isa, sapagkat ako'y anak ng pinakamayamang negosyante sa aming bayan. Kaya't lumaki akong nakukuha ang lahat ng mga bagay na gusto ko.
“Ha? Ba't pa ako mag-aaral? Sa yaman pa lang ni Dad, kayang-kaya na akong buhayin, at kahit pa mag-asawa na ako ngayon ay hinding-hindi pa rin kami maghihirap,” mayabang na sambit ko sa harap ng aking Yaya.
“Senyorito, dapat kang mag-aral para na rin sa iyong kinabukasan at para matuto ka rin kung paano patakbuhin ang negosyo ng iyong ama, sapagkat ikaw na ang mamamahala nito sa hinaharap,” malumanay at malalim na salitang binitawan ni Yaya.
“Yun nga, Yaya. Ako ang magmamana ng negosyo ni Dad balang araw, kaya wala ring silbi kahit mag-aral pa ako kasi mayaman pa rin naman ako kahit pa 'di ako mag-aral dahil sa negosyo ni Dad na mapapasakin din pagdating ng panahon,” mga salitang binitawan ko habang nakaharap sa aking Yaya.
“Senyorito, kapag hindi ka nag-aral at wala kang alam sa pagpapatakbo ng negosyo, maaaring ito pa ang maging dahilan ng pagkalugi ng negosyong pinaghirapang ipundar ng iyong ama,” mga salitang binitawan ni Yaya habang hinawakan ang aking kamay.
“Ah, wala akong pakialam! Tsaka ba't ka ba nangingialam, ha? Eh, Yaya lang naman kita. Si Mommy nga, hindi ako pinipilit mag-aral, eh, at binibilhan pa ako ng maraming laruan. Pareho lang kayo ni Dad, hindi n'yo ako naiintindihan. Si Mommy lang talaga ang nakakaintindi sa akin dito!” Pasigaw na sambit ko habang iniwaglit ko ang aking kamay at pumasok sa aking kuwarto at isinara ang pinto.
Kinabukasan, kinausap ako ni Dad tungkol sa nangyari kahapon. Nagsumbong pala si Yaya. Sabay ipinaliwanag sa akin na kailangan kong mag-aral para matuto ako sa kalakaran ng mundo at magkaroon ng sapat na kaalaman para sa pamamahala ng negosyo. Pero dahil sa aking kayabangan, sumagot ako kay Daddy.
“Ba't pa ako mag-aaral, eh? Kaya mo naman kaming buhayin ni Mama, at isa pa, marami na tayong pera.”
Halata sa mukha ni Dad na hindi siya nasiyahan sa aking sagot. Tumalikod siya at isinara nang malakas ang pinto.
Humiga ako, sabay sabing, “Nasaan ka na ba, kasi Mommy lang ang kakampi ko? Dalawang taon na simula nang umalis ka. Ba't hanggang ngayon, hindi ka pa rin bumabalik?”
Umalis si Mommy noong ako'y walong taong gulang pa lamang kasi nag-away sila ni Daddy, pero hanggang ngayon, sampung taong gulang na ako, hindi pa rin siya bumabalik.
Makalipas ang limang taon, ako'y labinlimang taong gulang na. At isang araw, nagpasya akong sumama kay Yaya sa palengke. Habang namimili kami, may nakita akong isang babae na kasing-edad ko na nagtitinda ng mga gulay. Sobrang ganda niya kahit hindi siya nakaayos.
Gustong-gusto ko siyang lapitan at makipagkilala, pero nangibabaw sa aking isipan ang mga salitang, “Ba't ako makikipagkilala sa isang mahirap na kagaya niya? Siya dapat ang lalapit sa akin at makikipagkilala kasi mayaman ako at mahirap siya.”
Umuwi kami ni Yaya na hindi ko man lang naitanong kung ano ang pangalan ng babaeng iyon.
Kinagabihan, nag-chat ang kaibigan ko na si Ryse.
“Uy, Theo? Libre ka ba bukas? Sama ka sa amin. Mag-o-outing kami ng barkada,” mga salitang binanggit ni Ryse.
“Oo naman, libre ako. Wala naman akong gagawin dito sa bahay, eh. Saan ba tayo?” sagot ko sa kanya.
“Sa De Luna Beach. Sikat 'yan ngayon dito sa ating bayan, eh,” sagot ni Ryse.
“Ah, sige, Ryse. Punta ako bukas. Saan ba tayo magkikita?” sagot ko.
“Punta ka na lang dito sa amin mga bandang alas-8 ng umaga. Dito kami maghihintay sa iyo,” sambit ni Ryse.
“Ah, sige. Hintayin n'yo na lang ako bukas. Pupunta ako, panigurado 'yan. Ako na ang bahala sa pagkain at inumin,” sagot ko.
“Sige, Theo. 'Yan ang gusto namin sa'yo. Napaka-galante mong kaibigan. Sige, aasahan ka namin bukas, ha,” sagot ni Ryse.
Natulog ako nang maaga na may halong galak para sa outing kinabukasan.
Nagising ako ng alas-5, sobrang aga kumpara sa pang-araw-araw kong paggising. Kalimitan, nagigising ako ng alas-8 hanggang alas-9, pero exception ngayong araw kasi may gala akong sasamahan. Lumabas ako ng kuwarto at inutusan si Yaya na ihanda na ang aking agahan bago ako pumasok sa banyo para maligo.
Pagkatapos kong maligo, nagbihis agad ako at dumiretso sa kusina para kumain ng agahan. Bakas sa mukha ni Yaya ang gulat at hanggang sa hindi na siya nakatiis at nagtanong na siya.
“May lakad ka po ba ngayon, Senyorito? Ang aga mo kasing nagising,” tanong pa ni Yaya.
“Oo, Yaya. Mag-o-outing kami nila Ryse ngayon, pero mamimili muna ako ng mga pagkain at inumin. Nakapangako kasi ako na ako na ang bahala sa pagkain at inumin,” sagot ko kay Yaya.
“Pero, Senyorito, alam ba ito ni Senyor? Baka kasi magalit na naman iyon kapag lumakad ka nang hindi nagpapaalam,” batid pa ni Yaya na bakas sa mukha ang pag-aalala.
“Wag kang mag-alala, Yaya. Malapit lang naman kami sa De Luna Beach lang daw kami, sabi ni Ryse kagabi. Mabuti pa, Yaya, mag-ayos ka na at magpapasama ako sa'yo sa pamimili,” sambit ko kay Yaya.
“Nakahingi ka na ba ng pera sa Dad mo, Senyorito?” tanong ni Yaya.
“Wag kang mag-alala, Yaya. May sarili akong pera,” mayabang kong tugon sa katanungan ni Yaya.