CHAPTER 9

2363 Words
Maruem Isusuot ko na sana ang aking kamay sa ilalim ng kaniyang palda nang bigla niya akong tinulak at sampalin. Lumayo siya sa akin at niyakap ang kaniyang sarili. Doon ako nagising sa aming ginagawang dalawa. Ano ulit ang ginawa ko kanina? Talaga bang hinawakan ko ang pang-upo niya? Baka isipin ng babaeng bampira na ito na m******s ako! Uhaw lamang ako sa dugo ngunit hindi naman ako nambabastos pisikal ng mga babae. "Hindi ko sinasadyang mahawakan ang matambok mong pang-upo. Nadala lang din ako tulad mo," kamot-ulo kong sabi. Hindi dapat makalabas ang pangyayaring ito lalo na kay ama. Tiyak na magugulat iyon at baka ipakasal pa ako sa babaeng ito. Hindi ako magpapakasal dahil hindi ko kailangan ng kabiyak! Ang kailangan ko ay ang pinakamamahal kong trono bilang emperador ng Prime Empire. Iyon lamang ang tanging makakapagpasaya sa akin ng lubusan. Hindi babae, hindi kahit sinong may matambok, malaking dibdib, o maganda pang mukha. "Inakit mo ako," nahihiya niyang sabi. Napaubo naman ako at napatayo. Nakaturo ako sa aking sarili na talagang hindi makapaniwala sa kaniya. Sinasabi niyang inakit ko siya? Ako itong gwapo, walang asawa, hari, mayaman, at makapangyarihan siya pa ang inakit ko!? Hindi ako makapaniwalang nasabi niya iyon! "Babae, hindi kita inakit. Baka nga ikaw iyong nang-akit sa akin! Lumayas ka rito sa aking silid kung ayaw mong ikulong kita sa dungeon. At huwag na huwag mong ikukwento ang nangyari sa pagitan natin, talagang malilintikan ka sa akin. Lumayas ka, bilis! Nag-iinit ang aking ulo at baka mabalian kita ng leeg!" malakas kong sigaw at itinaboy siya. Mabilis naman itong nag-ayos ng sarili at umalis sa aking silid. Magsasalita pa sana ako nang muli itong bumalik ngunit mabilis niyang kinuha ang tambong nasa gilid ng aking lamesita bago muling lumabas. Malamig pa ako nitong tinitigan at hindi ko malaman kung inirapan ba ako nito o sadyang ganoon talaga siya tumingin. Aba, mapangahas ang babaeng ito! Huwag na huwag siyang babalik dito sa aking silid kung ayaw niyang may magawa akong hindi maganda! Napahawak ako sa aking sentido dahil sa stress. Sobrang nadala ako kanina, muntik pang may mangyari sa amin. Ano ba kasi ang mayroon sa dugo ng katulong na iyon at napakatamis? Hindi kaya pinaglihi iyon sa asukal? Baka may nakakatangang epekto ang pagkasobra sa akin ng pampatulog. Kailangan ko na lang itong ipahinga. Kulang lamang ako sa tulog. Tama, iyon ang dahilan. Nang mapatingin ako sa salamin ay napabuga ako ng hangin. Nakita pa ako ng babaeng iyon na nakasuot ako ng baduy na damit. Nakakainis, parang napakamalas ko sa araw na ito. Kahit kailan ay hindi tinablan ang kagwapuhan ko ng kamalasan. Ipapahinga ko na lamang ito, nabasa ko sa balita na nakakapanget at nakakatanda raw ang sobrang pagkapagod. Naghubad ako ng damit. Sobrang sikip ng aking sapatos kaya winasak ko na ito. Inis na inis ko itong initsa sa aking labahan. Dapat sunugin ang mga damit na ito, itapon, at ipatumba ang nakaimbento! Nagtungo ako sa banyo at nagbabad sa aking bathtub. Napabuntong hininga ako dahil sa wakas ay ako ay makakaligo na. Pumayapa ang aking pakiramdam dahil sa masarap na tubig na lumalapat sa aking balat. Masarap ang maligamgam na tubig. Nakakabawas ng pagod at nakakakalma. Agad akong napabalikwas nang hindi ko namalayang nakaidlip na pala ako. Masakit na naman ang aking ulo pagkagising ko. Nang makita ko ang orasan ay tatlong oras agad akong nakatulog. Babad na babad ang aking katawan sa tubig. Agad akong nag-anlaw at tinapos ang aking paliligo. Nagsuot lamang ako ng boxer matapos kong maligo. Presko ito at tinatamad na akong magbihis pa. Wala rin naman akong balak na lumabas. Magpapadala na lamang ako ng pagkain dito sa aking silid. Umupo ako sa aking kama at kinuha ang aking cellphone. Muli akong naglaro ng mga mobile games habang nagpapahinga. Maya-maya pa ay may kumatok na sa aking pintuan. "Pakidala na lamang ng pagkain dito sa aking silid. Masama ang aking pakiramdam. Pakisabi na lamang kay ina," malakas kong sabi na hindi tinatanggal ang aking mata sa screen. Mukha namang narinig ako nung kumatok kaya agad itong umalis. Nagpatuloy lamang ako sa paglalaro. Nang mamatay ako ay tinigilan ko na. Natalo ko naman na ang aking high score. Talagang sa lahat ng bagay ay magaling ako. Napangisi naman ako habang nakatingin sa kisame. Ako si Haring Maruem Ezekiel Crimson, isa na akong hari. Isang ganap na hari sa kaharian ng Coran. May pinakamataas na kapangyarihan sa buong Coran at kayang magsasa-ayos ng lahat. Sa wakas ay nakuha ko na rin ang unang hakbang ng aking mithiin. Sunod naman ay ang pagrerehistro ko kung kailan sasapit ang araw ng pagbubukas ng pagsali sa Blood Compact Organization kung saan doon magkakaroon ng iniation at pagsubok upang mapunta sa huling yugto ng pagkuha ko sa pwestong emperador. Makakapunta rin ako sa mundo ng mga mortal na aking inaabangan. Madali ko itong malalampasan dahil hindi ako susuko ano man ang mangyari. Lalaban ako, ipaglalaban ko ang tronong para sa akin. Ramdam kong masusungkit ko ito gamit ang aking tatag, determinasyon, at tiwala sa sarili. Napatingin naman ako sa pinto nang may kumatok ulit. Sinigaw ko naman ang salitang "pasok" ngunit kumatok ulit ito. "Sabing pumasok na nga!" inis ko namang sigaw. Napatalon naman ako sa aking kama nang biglang lumipad ang aking pinto. Agad kong kinuha ang aking roba na nakasampay at isinuot ito. Sisigaw na sana ako nang pumasok ang bunso kong kapatid na si Moriah. Napahawak naman ako sa dibdib dahil muntik ko pa itong masigawan ng sobra. Ayaw ko naman siyang umiyak, bata pa ito at malambot pa ang damdamin. Inosente si Moriah sa maraming bagay ngunit mainitin ang ulo niya. Kahinaan ko ang aking pamilya lalo na si ina at ang aking mga kapatid. Kapag si ama naman ay handa akong makipagsabong at makipagtalo. Lagi naman itong kontra sa akin kaya kontra din ako sa kaniya. Ni hindi yata kami nagkasundo sa tanang buhay kong naninirahan sa Coran Kingdom. "Magandang tanghali, kuya kong hari! Ipinaghanda kita ng tanghalian! Ako ang naghanda ng dugo mong inumin," nakangiti niyang bungad. Umupo siya sa aking couch na may katapat na center table. Umupo naman ako sa tabi ni Moriah. "Kumusta ikaw, kuya? Na-miss kita, aalis na ulit ako para mag-aral sa ibang kaharian. Hindi ko napanood ang pakikipaglaban mo, sayang. Pwede bang sa susunod ay tayong dalawa naman ang maglaban?" nakangiting tanong ni Moriah. Napangisi naman ako at ginulo ang kaniyang buhok. Sa aming magkakapatid ay si Moriah ang pinakamalambing. Minsan ay lubos itong mapanganib ngunit oras na mabusog ito sa dugo ay kumakalma na ito. Tinuturuan din siya kung paano kontrolin ang kaniyang bloodlust. Pagdating ng panahon ay tiyak kong mas lalakas pa si Moriah kapag mas nahasa pa ang kaniyang abilidad. "Ayos naman ako. Ikaw ba, nakapatay ka na naman ba? Huwag mong sabihin na hindi mo pa kontrol iyang bloodlust mo. Ako na ang hari, ikukulong kita. Dapat ay magpakabait ka," tanong ko. "Kontrol ko na, kuya! Marunong na akong uminom ng dugo mula sa kopita na hindi sinusugod ang mga tao sa paligid ko. Kaya ko na rin kumontrol ng tubig depende sa natitirang lakas ko," nakangiting sagot niya. Ginulo ko naman ang kaniyang buhok. Sinimulan ko na kainin ang ibinigay niyang pagkain. Nanonood lamang ito sa akin at naglilibot sa aking silid. Pati ang cellphone ko ay kinalikot niya. Hinayaan ko lang naman si Moriah. Matapos kong kumain ay mabilis na humarap sa akin si Moriah. Nakangiti ito hanggang tenga. "Bakit?" tanong ko. "Aalis daw kayo ni ama, kuya. Pupunta raw kayo sa militar upang pormal kang ipakilala sa mga bampira doon. Tinipon niya ang mga militar na panlupa at pandagat," sagot ni Moriah. Tumango naman si Moriah bilang paalam at kinuha ang aking pinagkainan. Mabilis itong nawala sa aking harap ngunit walang tunog niyang naisara ang pinto. Kung hindi ko nasundan ang kaniyang bilis ay iisipin kong tumagos sa pader ang aking kapatid. Baka nga mas malakas pa si Moriah kaysa kay Chadler at Claire paglaki niya. Ngayon pa lamang ay kakikitaan na siya ng ibang klaseng mga abilidad. Agad naman akong nagsuot ng damit. Isang pares naman ng navy blue na tuxedo ang aking isinuot. Ipinares ko naman dito ang aking paboritong mamahalin na sapatos. Matapos kong ayusin ang aking buhok ay lumabas na ako ng silid. Luminga-linga ako sa paligid, wala na rito ang kaninang katulong na muntik ko pang makasiping. Sana ay hindi na muling magkrus ang aming landas. Ayaw ko na maaalala pa ang nangyari sa amin. Mas lalong ayaw ko na iyon na maulit pa. Mamaya ay makabuntis pa ako, may aagaw na sa aking trono. Ngunit hanggang kanina na uminom ako ng bagong dugo ay hindi pa rin ako nauuhaw. Parang busog na busog ako sa dugo matapos kong uminom sa kaniya, kay Chania. Marahil ay dahil iyon sa naparami ang aking inom. Nang makababa ako ay nakaabang si Claire. May iniabot siya sa aking mga papel. "Pinapaabot iyan ni ama para sa iyo. Basahin mo raw habang nasa byahe ka. Ayusin mo raw ang iyong tindig at pakikisama sa ibang mga kaibigan nating kaharian. Maraming mga manunulat na dadalo. Ingatan mo ang iyong imahe," bungad sa akin ni Claire. Iniabot niya lang ang maliit na libro at naglaho sa aking harap. Nang basahin ko ang title ng libro ang nakasulat ay Royalty Etiquettes. Napabuntong hininga naman ako. Hindi ako ang may kailangan nito, silang mga matatalas ang bibig ang dapat sumaulo nito. Naglakad na ako papalabas ng kastilyo. Nandito naman si Heneral Zakarias na may katabing isang lalaki. Nang humarap ito ay agad ko siyang namukhaan. "Pinsan, kumusta ka na? Ang laki mo na ngayon ah," nakangisi niyang bungad sa akin. "Buhay ka pa pala. Huwag niyo sabihing iyang gagong iyan ang magiging personal butler ko? Palitan niyo, sawa na ako sa pagmumukha niyan. Hindi rin iyan tapat sa trabaho, lahat ng kinuwento ko sa kaniya ay pitong kaharian agad ang nakaalam," pagtutol ko kay Heneral Zakarias. Kinindatan naman ako ni Felipe, ang pinsan ko sa aking ina. Ito ang kababata ko noon na umalis at lahat ng sikreto ko ay binunyag. Muntik ko na rin itong mapatay noong mga binatilyo pa kami matapos sunugin ang aking damit. "Grabe ka naman, Haring Maruem. Hindi mo ba pinapahalagahan ang pagsasama natin noon? Ang kabutihang nagawa ko sa iyo? Ang mga problemang nilampasan natin sa hirap at ginhawa?" tanong ni Felipe. "Hindi," matigas kong sabi. Bago ako pumasok sa kotse ay sinikmuraan ko muna si Felipe. Napayuko ito habang sapo ang tiyan at itinaas ang kaniyang gitnang daliri sa akin. Pagsisisihan niyang siya pa ang nag-apply bilang personal butler ko. Bago umandar ang sasakyan ay nakapasok na sa shotgun seat si Felipe. Kinindatan ulit ako ng gagong ito. Napamasahe naman ako sa sintido dahil tiyak kong sasakit ang aking ulo sa hayop na si Felipe. Nagtagal ang aming byahe bago kami nakarating. Tumigil pa kami sa isang gasulinahan dahil naiihi si Felipe. Pagbalik nito ay may dala na siyang popcorn at inumin. Muntik ko na itong mabigwasan. Matanda na ngunit isip-bata pa rin. Isang taon lamang ang itinanda ko sa kaniya. Nang nasa tapat na kami ng malaking bulwagan ay pinagbuksan ako ni Felipe ng pinto. Nakasuot ito ng shades na kulay pula. Kinindatan na naman ako nito kaya sa inis ko ay palihim ko siyang sinikmuraan ulit. Napaupo pa ito sa sahig kaya mabilis kong niyaya si Heneral Zakarias na pumasok na sa loob. Nang makapasok kami sa isa sa mga kampo ay nakapila ang napakaraming mga sundalo upang batiin ako. Nandito rin si ama na matiim na nakatitig sa akin. Bagot ko naman siyang tinitigan. Naalala ko naman ang librong binigay niya sa akin na nakalimutan kong basahin. Lumapit sa akin si ama at pekeng ngumiti. Ipinakilala naman ako nito sa mga sundalo. "Mga sundalong militar ng Coran Kingdom, ipinapakilala ko sa inyo ang inyong bagong hari na si Haring Maruem! Labis kong hinihingi sa inyo ang kooperasyon upang tulungan ang aking panganay na anak sa mga pagsubok na kakaharapin ng ating kaharian. Ganoon din ang mga karahasang kailangang bigyan ng hustisya at tugon," pagpapakilala sa akin ni ama. "Alam ko namang kilala niyo na akong lahat. Ako si Haring Maruem Ezekiel Crimson, ang bagong hari ng Coran Kingdom. Hinihingi ko ang inyong kooperasyon. Sa mga susunod na mga araw din ay isasaayos ko na ang mga napansin kong maling pamamalakad ng aking ama. Itatama ko ang kaniyang mga kakulangan ng aksyon tungkol sa iba't ibang bagay," seryoso kong sabi. Nagningas naman ang mga mata ni ama na tumitig sa akin. Rinig ko naman ang pigil na bungisngis ni Felipe dahil sa aking sinabi. Gulat na gulat ang aking ama dahil sa pagkabulgar ng aking bibig. "Pagpasensyahan niyo na ang sobrang pagbibiro ng inyong bagong hari. Ngayon ay pupunta naman kami sa hukbong pandagat," paalam ni ama at mabilis akong hinila paalis. Nang makalayo kami ay humigpit ang kapit niya sa aking braso. Galit na galit ito na parang gusto na akong balian. Napailing na lamang ako. Masama na ba maging prangka? Totoo namang nagkulang siya. Kung binigay niya sa akin agad ang trono, napunan ko na sana ang lahat. "Bakit mo sinabi iyon? Pinagmukha mo akong hindi naging mabuting hari sa harap nila!" tanong sa akin ni ama. "Totoo naman, hindi mo nga nasolusyunan ang makakalat na estero noon sa bayan at ang pagbaha. Hindi mo alam kung paano pupuksain iyon kaya linggo-linggo mo na pinalinis," sabi ko. "Aba at talagang–" Hindi ko na pinatapos ang sasabihin ni ama. Mabilis akong naglaho sa harap niya at bumulaga sa harap ng hukbong pandagat. Agad naman nagsiayos ang mga ito ng pwesto. "Kayo na ba ang hukbong pandagat!?" malakas kong sigaw sa kanila. "Sir, yes, sir!" sigaw nilang lahat. "Para kayong mga babae! Tumindig kayo ng maayos at ipakita niyo ang inyong mga tikas! Mamaya ay may mahalaga akong misyon na ipapagawa sa inyo!" sigaw ko. Bakas naman ang pawis sa mukha ng iba. Mukhang may mga bampirang kinabahan sa akin. Kailangan silang magkaroon ng kilabot. Dahil kung hindi, karamihan sa kanila ay babastusin ako. Ayaw kong maubos ang militar dahil sa gagawin kong pagpaparusa sa mga bastos. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD