CHAPTER 8

2173 Words
Maruem Sinubukan ni Haring Gordon na tumakbo nang sugurin ko siya. Agad ko namang nahuli ang pulso nito kaya idiniin ko ang aking pinatulis na kuko sa gitna ng kaniyang radius bone at ulna bone. Napahiyaw ito sa sakit kaya agad kong pinaghiwalay ang dalawang buto gamit ang isa ko pang kamay. Salamat sa mga medisinang libro ng mga mortal, nasaulo ko ang bawat parte ng isang tao. Katulad lamang din namin ang kanilang pisikal na anyo. Mas madali kong mapapatay ang aking mga kalaban. "Hayop ka! Papatayin kita!" sigaw ni Haring Gordon. "Mukhang iyan ang mangyayari sa iyo," nakangisi kong sabi. Umikot ako at malakas na sinipa ang kaniyang mukha. Lumipad siya hanggang sa dulo ng kwartong ito at tumagos. Ginamit ko ang bilis ko bilang isang bampira upang mapuntahan siya. May balak na naman itong tumakas nang hulihin ko ang kaniyang leeg. Mahigpit kong hawak ang kaniyang leeg at inihampas ang kaniyang mukha sa pader. Nang duguan na ito ay malakas ko siyang ibinagsak sa sahig. Isa-isa kong hinawakan ang kaniyang mga daliri at pinatunog. "Bakit mo ako dinakip at ano-anong mga kaharian ang iyong kasabwat, Haring Gordon? Kung sasabihin mo ay hahayaan kong hindi bali ang iyong tadyang. Binibigyan kita ng pagkakataong magsalita," madiin kong sabi. "H-Hayop ka. P-Paniguradong gumamit ka n-ng salamangka p-para matalo a-ako," nahihirapan naman niyang sabi. Napailing naman ako at pinutol ang kaniyang kaliwang kamay. Malakas itong humiyaw dahil sa sakit. "Maruem, itigil mo na ito! Ibigay mo na sa amin ang haring iyan upang malitis at maikulong!" Napaangat ako ng tingin sa sumigaw. Nandito na ang aking ama, ang tagal naman nila akong matunton. Akala ko ay uuwi akong mag-isa. Sana ay may dala silang sasakyan. Ayaw ko ng karwahe dahil napakabagal ng kabayo. Bago pa ako makabalik sa aming kaharian ay bagot na bagot na ako at ligong-ligo na. "Bakit niyo pa ito ikukulong kung wala naman ng kamay na lalagyan ng posas?" tanong ko. "May isa pa namang kamay–" Bago matapos si ama ay binali ko na rin ang kanang kamay ni Haring Gordon. Humiyaw na naman ito at umiiyak na sa sakit. Hindi na nito kaya ang ginagawa ko. Dapat lang ito sa kaniya, ilan pa kayang mas mahihina sa kaniyang bampira ang inalila niya. Ngayon ay wala siyang takas sa akin. "Hayop ka talagang bata ka! Tama na iyan, mabuti na lamang at wala ang council! Kung narito ay makukwestiyon ka!" sigaw ng aking ama. Nginisian ko siya at mabilis na tumabi sa kaniya. Napahawak ako sa aking baba at tinitigan ang kawawang si Haring Gordon. "Maganda pala ang tanawin mula rito. Para akong nanonood ng pelikula," tumatango kong sabi. "Ikaw na ang bahala riyan, ama. Alam mo naman na ang nangyari. Dinakip niya ako at may mga kasabwat siya. Hindi ako ang may kasalanan at inosente ako. Pinrotektahan ko lang din ang aking sarili kaya nagkaganiyan ang haring iyan. Mauna na ako sa sasakyan." Maglalakad na sana ako palayo nang hulihin ng aking ama ang braso ko. Madilim ang mga titig na ibinibigay nito sa akin. "Magpalit ka ng damit at ayusin mo ang iyong sarili. Alalang-alala ang iyong ina na nasa kastilyo. Magmadali ka nang umuwi. Paniguradong maraming manunulat ang sasalubong sa sasakyan mo pagbalik ng kaharian. Ayusin mo ang iyong mga isasagot. Sasamahan ka ni Heneral Zakarias pabalik," sabi ng aking ama. Parang ang layo yata ng aking narating. Ang dami rin nilang nandito. Ang bilis din maibalita na nawawala ako. Ilang oras na ba akong nawawala? "Ilang oras na ba akong nawawala, ama? Bakit yata napakabilis kumalat ng balita? Parang ang layo rin yata ng naabot ko," tanong ko. "Magkakalahating araw ka nang nawawala. Mabuti na lamang at nakakalat ang lahat sa paligid ng buong kaharian kaya narinig ang sigaw ng maduming hari na iyan. Nasa dulong parte ka na rin ng kaharian. Paniguradong ginamitan ka ng sobrang daming pampatulog," paliwanag naman ng aking ama. Napailing na lang ako at naglakad palabas sa parteng gubat. Iniwanan ko lamang ang aking ama at hindi na nagpaalam. Titigan niya ang aking magandang likod. May nakasunod naman sa akin na tatlong sundalo at si Heneral Zakarias. Naramdaman kong pumintig ang aking ulo. Mukhang sasakit ang ulo ko mamaya dahil sa dami ng pampatulog na ginamit ng hayop na mangkukulam na iyon. Oras na matunton ko kung sino at saan nakatira ang huklubang iyon ay bubulukin ko siya sa kulungan. Nang marating namin ang sasakyan ay agad nila akong pinapasok. Nasa dulong bahagi kami ng kaharian kaya matagal ang aming biyahe. Tinanong ko naman kay Heneral Zakarias ang aking damit upang makapagpalit na ako. Walang tao kaya naghubad ako ng aking mga punit na suot. Itinira ko ang aking panloob. Nagpalit na ako ng bagong pantalon at polo shirt. Ito lamang ang dala nila, alam naman ni ama na mahilig akong magsuot ng mga pormal. Mukha akong gagala lamang dito sa ibinigay niya. Wala rin naman akong pagpipilian kung hindi ang suotin ito. Muntik pa akong mapamura nang makita ang sapatos na pinadala niya. Anak ng bampira, sneakers ito! Ano ba ako, jeproks? Ni hindi man lang nakabaston ang pantalon kong ito. Paniguradong hindi alam ng aking ama ang mga sukat ko. Ang aking ina marahil ang bumibili ng aking mga damit mula sa mundo ng mga mortal. Inis naman akong sumakay ng kotse. Tatakbuhin ko na lang sana pabalik ang aming kastilyo ngunit ayaw kong tumakbo na ganito ang aking suot. Hinding-hindi ako magpapakita sa mga bampira at ibang nilalang na nakasuot ng pantalon na hindi man lang nakabaston. Maging polo shirt na muntik pang maging bitin sa akin. Baka sinadya nga yata ito ng aking ama. "Haring Maruem, kumain ka muna upang magkalaman ang iyong tiyan. Ipinagluto ka kanina ng iyong ina na ipinadala sa amin. Inihabilin niyang ipakain daw namin sa iyo oras na makita ka na namin," sabi ni Heneral Zakarias. Inabot niya sa akin ang isang lunch bag. Binuksan ko iyon at bumungad sa akin ang isang tupperware. Napanood ko ito sa pelikula dati, hindi ko naman naiwasang mapatawa. Ganito ang ipinapabaon ng mga ina sa maliliit na batang elementarya kapag papasok sa eskwelahan. Mukhang walang maayos na nalagyan ang aking ina sa pagmamadali. Binuksan ko ang tupperware at nanuot ang amoy ng tapa sa aming sasakyan. Mayroon naman itong kapares na nilagang patatas na dinurog ko. Kumain ako at ipinalanghap sa aking dalawang kasama rito sa sasakyan ang amoy. Sayang ang dalawang naiwan na sundalo, nalanghap din sana nila ang amoy na ito. Kita ko naman kung paano lumunok si Heneral Zakarias. Mukhang nagugutom na rin ito. Mamaya sila kumain, para sa akin lamang ito. Hindi ako mahilig magbigay ng mga bagay na para sa akin lamang. Matapos kong kumain ay nagpatanggal ako ng busog. Mga dalawa hanggang tatlong oras pa ang aming tatahakin kaya napagpasyahan ko munang matulog. Gigisingin naman ako ng mga ito kapag nakarating na kami sa kastilyo. – "Haring Maruem, narito na po tayo sa kastilyo ng kaharian. Nakaparaming tao ang naghihintay sa inyong pagbaba." Nagising ako sa sunod-sunod na pagkatok sa aming bintana. Nang maaninaw ko kung sino ang mga kumakatok ay halos mapatalon ako. Agad kong pinagtatapik ang balikat ng nagmamanehong sundalo. "Patakbuhin mo ang sasakyan, kahit sagasaan mo na ang mga manunulat na iyan! Hindi ako pwedeng makita na ganito ang suot! Idaan mo sa likod ng kastilyo!" sigaw ko. Gising agad ang aking diwa dahil sa mga nakakatakot na mukhang kumakatok. Napakaraming kumakatok na akala mo ay mga batang nanghihingi lamang ng barya sa parke. Inutusan naman ni Heneral Zakarias na businahan ang mga nasa paligid. Hindi umaalis ang mga ito kaya pinaharurot na nitong sundalo ang sasakyan. Bago pa kami nakalusot sa lahat ng mga nanghaharang ay sumasakit na ang aking ulo. Nang makarating kami sa likurang parte ng kastilyo ay roon ako luminga sa kaliwa at kanan kung may mga bampirang nakatingin. Doon ako mabilis na tumakbo papunta sa loob ng kastilyo. Pagkapasok ko sa pinto ng kastilyo ay agad ko iyong isinara. Dito ako sa labahan dumaan upang walang makakita sa akin. Pagdating ko sa may hallway ay nanlaki ang mata ko nang makita ang aking ina. "Maruem anak ko, nakauwi ka na! Alalang-alala ako sa iyo!" sigaw ng aking ina. Ginamit ni ina ang bilis at lakas niya bilang bampira upang mahigpit akong mayakap at hindi ako makatakas mula sa kaniya. Agad ding nasa harap ko na ang aking dalawang kapatid. Napuno naman ng tawa ni Chadler ang apat na sulok ng kastilyo. Si Claire naman ay nakangisi habang nakatitig sa akin. "Napakapanget ng iyong suot, Kuya Maruem! Ikaw ba iyan? Ikaw ang hari ng mga pantalong nakabaston!" sigaw ng aking kapatid at kinuhanan ako ng litrato. "Tigilan mo ako Chadler kung ayaw mong sunugin ko ang iyong kwarto! Burahin mo ang litrato na iyan ngayon din!" sigaw ko. Rinig ko ulit ang pagflash ng camera nang mapatingin ako sa aking likod. Nandoon si Moriah na bigla ulit naglaho. Nakabalik na pala ang bunso kong kapatid dito sa kastilyo. Dalaga na ang postura nito. Marahil ay mabilis siyang lumaki mula sa pag-inom ng dugo. "Ina, bitawan mo na ako. Pupunta na ako sa aking silid upang magpahinga. Masakit ang ulo ko dahil sa dami ng pampatulog na ibinuhos yata sa akin," sabi ko at marahang itinulak palayo sa akin si ina. "Sige, maigi ngang magpahinga ka na. Kinain mo ba ang pinadala kong pagkain? Mamayang tanghalian ay gigisingin kita ha," tanong ni ina. "Oo, ina, kinain ko. Sige na, ina. Aakyat na ako sa aking silid," sabi ko at mabilis na naglaho sa kanilang harap. Ginamit ko ang aking bilis upang mabilis na makaakyat sa aking silid. Pagbukas ko ay may magandang katulong ang nagliligpit ng aking higaan. Umaalingasaw ang kaniyang matamis na dugo. Napakatamis nito na sobrang nagpauhaw sa akin. Agad kong sinara ang pinto at lumapit sa kaniya. "Sino ka? Parang ngayon lamang kita nakita rito. Ano ang pangalan mo?" tanong ko. "Ako si Chania, Haring Maruem. Isa ako sa mga bagong kasambahay sa palasyo. Pinaltan ang mga nagtraydor at ikinulong na," sagot niya sa akin. "Buong pangalan ang gusto kong malaman," matigas kong sabi sa kaniya. "Ako si Chania Leigh Victoria, Haring Maruem. Nagsasabi ako ng totoo na isa akong bagong kasambahay," magalang niyang sabi. Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa pulso mula sa kaniyang braso na namula. Maganda ang babaeng ito, may mahaba at maalon na itim na buhok ngunit nakatali. Itim din ang kaniyang mga mata. Mukha itong palaban ngunit isa lamang siyang normal na bampira. Mas maganda pa ito sa mga prinsesang nakilala ko. Inayos ko ang kaniyang buhok upang maladlad ang kaniyang leeg. Itinulak ko siya sa pader upang hindi siya makawala. Doon na naalerto ang babaeng ito. Chania, hindi kagandahan ang pangalan niya ngunit masasabi kong bago sa aking pandinig. "Ano ang g-gagawin mo, Haring Maruem? H-Hindi mo p-pwedeng inumin ang a-aking dugo," kabado niyang sabi. Rinig ko ang pintig ng kaniyang puso. "Nandito ka sa aking silid. Hindi ka ba naaawa sa iyong hari na masama ang pakiramdam? Nadakip pa ako ng gagong si Haring Gordon," bulong ko sa kaniya at inamoy ang kaniyang leeg. Napakabango, iyon lamang ang masasabi ko. Ngayon lamang ako titikim ng dugo mula sa isang normal na bampira. Buong buhay ko ay sa mga prinsesa ako umiinom ng dugo. Minsan naman ay mula sa mga hayop na inihahanda sa hapag-kainan. Akmang kakagatin ko ang kaniyang leeg nang itulak niya ako. Agad ko namang nahuli ang kaniyang kamay kaya mahina ko siyang itinulak sa kama at pinaibabawan. Namamawis ang maganda niyang mukha. Pinunasan ko ang pawis na namumuo sa kaniyang noo at ilong. Rinig ko ang kaniyang pigil na pagsinghap. "Iinom lamang ako ng dugo mula sa iyo at makakalaya ka na. Huwag kang malikot kung ayaw mong maparusahan," bulong ko. Inalis ko ang mga sagabal niyang buhok sa kaniyang makinis na leeg. Doon ko ibinaon ang aking matutulis na ngipin. Ramdam ko ang pagkabuhay ng aking katawan at sobrang pagningas ng aking pumulang mga mata dahil sa sarap ng kaniyang dugo. Tuloy-tuloy ang aking pag-inom sa kaniya habang mahigpit niyang hawak ang kwelyo ng aking suot. "H-Haring Maruem..." nahihirapan niyang sabi. Hindi ko matigilan ang kaniyang matamis na dugo at tiyak kong nahihirapan na ito dahil sa nawawalang dugo sa kaniya. Bigla naman akong napatigil nang kagatin niya ang aking leeg. May namuong sensasyon sa aking katawan na nagpasiklab ng nag-aalab na damdamin sa aking loob. Hindi ko alam na masarap pala ang sabay na pag-inom ng dugo. Ngunit hindi ko alam kung bakit sa isang normal na bampira ko lamang ito ginawa. Sa kahit sinong magandang prinsesang bampira ay hindi ako nabuhayan nang ganito. Hindi ko napigilan ang aking sariling magpalit kami ng pwesto. Umupo ako sa kama at pinangko si Chania. Patuloy ang pag-inom nito sa akin ng dugo maging ako sa kaniya. Kahit sino sa amin ay hindi nanghihina. Humigpit din ang kapit niya sa aking balikat nang diinan ko ang aking pangil sa kaniyang leeg. Doon siya napaungol kaya napahawak ako sa kaniyang pang-upo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD