CHAPTER 7

2297 Words
Maruem Nagsimula ang sayawan at kwentuhan ng mga bisita. Maraming mahaharlika ang bumabati sa akin dahil isa na akong hari, ngunit alam ko namang ang iba sa kanila ay labag sa loob na sabihin iyon. Kapag nakatalikod ako ay roon nila ako sisiraan. Makakapal ang mukha nilang pumunta rito sa selebrasyon kung hindi rin naman nila ako tanggap. Nandito lamang sila sa aming kaharian upang magpabango sa aking ama. Ang mga anak nila ang susunod na hari at lalaban upang makamit ang pwesto ng ama kong emperador ng Prime Empire. Asa pa sila, sa akin na iyon. Kahit lumuha sila ng dugo ay lalaban ako para sa pwestong iyon kahit p*****n pa. "Binabati kita, Haring Maruem. Napakagaling mong makipaglaban. Narinig ko sa mga kwento na una mo raw binalian ng braso si Prinsipe Dominique," bati sa akin ng isang magandang prinsesa. Napangisi ako, maganda ito at amoy ko ang kaniyang mabangong dugo. May naaamoy nga lang akong bagong dugo sa kaniyang sistema. Mukhang uminom itong direkta sa ibang bampira. Baka sa mga alipin niya, marahil. Natatakpan ng amoy ng sarili niyang dugo ang bagong inom niyang dugo. "Salamat, magandang binibini. Sana ay nasisiyahan ka sa selebrasyon ko," mapang-akit na sabi ko at ngumiti. "Labis akong nasisiyahan, Haring Maruem. Ako nga pala si Prinsesa Althea, mula sa kaharian ng Risheinhan. Matatagpuan iyon sa malayong silangan. Malapit sa itim na karagatan ang aming kaharian," pakilala ng prinsesa. Napangisi ako at uminom ng tubig. Nakakauhaw ang kaniyang dugo. Ang kaharian nila ay nasa malayong silangan kung nasaan ang black sea, kaya pala morena ang magandang prinsesa na ito. Gusto kong matikman ang kaniyang dugo. Bihira sa mga bampira ang morena. Hindi nangingitim ang mga bampira, nasa dugo o lahi ng isang kaharian kung ano ang pisikal na anyo ng mga mamamayan. Lalo na ang mga mahaharlika sa bawat kaharian, kilala sa mga natatangi nilang pagkakakilanlan. Ang aming kaharian, ang Coran Kingdom, ay kilala para sa aming matangkad na pisikal. Malalaki kaming tao at kadalasang mas angat sa ibang mga bampira. Itim na itim din ang aming mga buhok lalo na ang akin. Mas lalo ring nakilala ang apelyido naming Crimson dahil sa bawat henerasyon, nagsisilang ang aming emperyo ng mga makapangyarihang hari. Mula sa aking ninuno na may abilidad na pagpapalabas ng apoy, pagkontrol sa mga hayop, at iba pa. Ang sa aking ama naman ay ang paghigop ng lakas. Kaya niyang humigop ng enerhiya ng isang bampira. Nagagawa niyang gamitin iyon upang mas maging malakas siya. May pambihirang lakas ang aking ama. Ang aking ina naman ay kayang kumontrol ng panahon. Mas malakas nga lang ang abilidad ni Claire kaysa sa kaniya at tanging pag-ulan at matinding init lamang ang kaya ni ina. "Aking hari, maaari mo ba akong samahang mag-ikot sa inyong kaharian? Gusto kong libutin ang malawak na paligid," pagkuha ulit nitong prinsesa sa aking atensyon. Althea ang kaniyang pangalan, kung hindi ako nagkakamali base sa aking pagkakarinig kanina. Ramdam ko na ang bumibigat na presensiya ng aking ama na nakaupo sa aking gilid. Narinig niya panigurado ang pagyayaya sa akin ni Prinsesa Althea. Alam nito ang gagawin ko sa kawawang prinsesa. "Maruem, hindi ba at may gagawin ka pa? Bumalik ka na sa iyong silid upang masimulan mo na ang iyong gagawin. Tatawagin na lamang kita oras na matapos ang kasiyahan," matigas na sabi ng aking ama. Sinadya ko namang sagiin ang kaniyang paa nang makatayo ako. Lalo itong nainis sa akin. Gumaganti lang naman ako sa mga panahong sobra niya akong ibinababa. Nasisiyahan din akong makita na magalit si Emperador Julyan. Kilala pa man din ito bilang matikas at mahaba ang pasensyang emperador. Naglakad ako palabas ng bulwagan na hindi binabalingan ang prinsesang nakikipag-usap sa akin kanina ng paningin. Paglabas ko sa bulwagan ay mabilis akong umakyat patungo sa ika-tatlong palapag ng kastilyo. Bumulong naman ako ng mahina. Alam kong sinusundan pa rin ako ng prinsesang iyon. "Prinsesa Althea..." Sandali lamang ay nakaramdam na ako ng presensiya sa aking likod. Nandito na agad ang prinsesa, mukhang interesadong-interesado ito sa akin. Hinila ko si Prinsesa Althea sa bewang at pumasok kami sa isang bakanteng kwarto. Binuksan ko ang bintana bago hinarap ang prinsesa. "Handa ka na bang tumakas sandali, Prinsesa Althea? Kanina ko pa gustong matikman ang iyong mabangong dugo," seryoso kong sabi sa prinsesa habang nagtitimping ubusin ang lahat ng kaniyang dugo. "Tikman mo ako, Haring Maruem. Tinitiyak kong kapag natikman mo ang aking dugo ay gagawin mo akong iyong asawa. Iyong-iyo na ako, Haring Maruem. Kahit mahina ang iyong pisikal ay saksakan ka naman ng gwapo," malanding sabi sa akin ni Prinsesa Althea. Nagpantig ang aking tainga sa kaniyang sinabi. Mahina? Tingnan natin kung sino ang mahina. Pati pala ang prinsesang ito ay peke ang unang ipinakitang ugali. Hindi ko pinapansin minsan ang pangungutya ng iba ngunit kapag hindi ako makapagtimpi at maikli ang aking pasensya sa oras na narinig ko ang pangungutya nila, tiyak na may kapupulutan sila. "Mahina? Ulitin mo ang iyong sinabi, mababang prinsesa. Baka putulin ko ang iyong dila at ipakain ka sa mga alaga kong piranha," tiim-bagang kong sabi. Bakas sa kaniyang mukha ang takot at pagkagulat. Akmang tatakas na ito sa bintana nang mahuli ko ang kaniyang braso. Diniinan ko ang kapit doon kaya impit itong napaaray. "Huminahon ka, Haring Maruem. N-Nasabi ko lamang i-iyon dahil wala k-kang abilidad. H-Hindi ko t-talaga sinasadyang masabi i-iyon sa iyo-" Sinakal ko si Prinsesa Althea at lumabas ako ng bintana. Tinalon ko ang ibaba at mabilis na pumunta sa likod na parte ng aming kastilyo kung saan tago at walang makakakita. Ibinato ko si Prinsesa Althea sa isang puno. Umaray ito sa sakit. Hindi ko alam kung ano ang pakay niya ngunit agad kong naamoy ang binuksan niyang gayuma. Malakas ang gayumang ito kaya agad kong naamoy. Nakakapaghinala ang balak niya. "Kung isa akong mahinang hari, bakit mo ako gagayumahin upang mabihag mo at mapakasalan?" tanong ko sa prinsesang nahihirapang tumayo. "Hindi ko lubos akalaing magpapabayad ang isang katulad mong prinsesa na may maamong mukha. Kung sino man ang kasabwat mo sa kalokohang ito ay isiwalat mo na. Alam kong plano ito at gusto niyong makamkam ang yaman ng aming kaharian. Kung gusto mo pang mabuhay ay magsalita ka na." Pinatulis ko ang aking kuko at pumula ang aking mata. Doon na kinabahan si Prinsesa Althea. Kuminang na rin sa dilim ang kaniyang pulang mata. "Nagkakamali ka rin ng binangga! Hindi ako basta-basta magpapatalo!" sigaw niya. May pumupulupot na mga sanga sa aking binti. Maliliit na sanga lamang ito kaya mahina akong napatawa. May abilidad nga siya ngunit ubod naman ng hina. Wala ring saysay at mukhang mahina ito sa pisikal na laban. Naglakad ako papunta sa kaniya. Madali ko lamang napadyak ang aking paa upang makalaya sa kaniyang mga baging. Tumingin naman ito sa likod na parang may hinihintay. Paglingon ko ay roon na nanlaki ang aking mata. May mga nakaitim na papalapit sa aking direksyon. Mabilis akong tumakbo ngunit bigla akong sumalpok sa isang malaking kumot na agad na bumalot sa aking katawan. Hindi maaari, kagagawan ito ng mga mangkukulam! Sino ang mangangahas na gawin sa akin ito!? Pupunitin ko sana ang tela nang may mabigat at malamig na bagay ang pumulupot sa aking katawan. Malakas iyon na nagpalabas ng mabahong kemikal kaya hindi ako nakagalaw. "Kumusta, Prinsipe Maruem? Oo nga pala, hari ka na ngayong hayop ka! Pwes, tapos na ang pagiging maligaya mo dahil may malaki kang kasalanan sa aking pamilya! Isa kang barumbado, arogante, at mahinang hari para sa inyong kaharian! Dapat kang paslangin! Hindi kita hahayaang mabuhay pagkatapos ng ginawa mo sa aking anak na si Prinsipe Dominique!" sigaw ng isang boses na mababakas ang sobrang galit. Napangisi naman ako kahit nahihirapang gumalaw. Siya pala ang may kagagawan nito. Hindi na dapat ako nagtaka na magtatanim ito ng matinding galit sa akin. Masyado kasing sipsip ang kanilang kaharian sa aking ama upang makatanggap ng donasyon at piliin ang kanilang kaharian para maging lugar kung saan gaganapin ang pagpili ng mga kalahok para sa pwestong emperador ng Prime Empire. Umasa pa siya, hinding-hindi iyon matutupad kailanman. Sinubukan kong magsalita ngunit ungol lamang ang lumabas sa bibig ko. Maging ang aking katawan ay hindi ko na maigalaw. Nalaman ko ang dahilan ng lahat nang wasakin ni Haring Gordon ang tela sa aking mukha. May matinding hinanakit ito. May nakapulupot sa akin na tela at malaking itim na kadena. Amoy ko ang mabahong langis na nasa kadena at kita ko rin ang berdeng ilaw na pumapalibot dito. May lason at mahigpit ang kadena kaya hindi ako makagalaw at makapagsalita. Oras na makalaya ako rito ay katapusan na nilang lahat. Hindi nila alam ang kanilang ginagawa. Babalian ko rin sila isa-isa ng buto. Sisiguraduhin ko ring matatanggal ang pamilya ng mga ito mula sa mga mahaharlika ng Ditan Kingdom. Mga baliko ang kanilang ginagawa. "Bitbitin niyo na ang hayop na iyan! Isakay sa karwahe at dalhin sa abandonadong bahay!" sigaw ni Haring Gordon. Binitbit ako ng mga kasabwat nito. Si Prinsesa Althea naman ay nakita kong binatuhan ni Haring Gordon ng mga diyamante. Tinitigan pa ako nito bago tumakbo. Marahil nagsisisi sa kaniyang ginawa at pinasukan ng konsensiya. Wala ring kawala ang kaharian ng Risheinhan kapag naisiwalat ang kabahuang ito. Nang makarating kami sa karwahe ay inihagis nila ako sa loob. May pumasok namang mangkukulam. Matanda na ito at may balabal sa mukha. May inilabas itong itim na libro at nagbasa ng mahika. Nanlaki naman ang mata ko nang mapagtanto kung para saan ang spell na iyon. Unti-unting bumagsak ang aking mga talukap. Pampatulog ito, dapat ay nanlaban na ako kanina! Ngayon ay hindi ko na alam kung saan ako dadalhin ng mga hayop na ito! - Sumakit ang aking ulo nang magkamalay ako. Nang mailibot ko ang aking paningin sa paligid ay napabuga ako ng hangin. Hindi ko alam ang lugar na ito, hindi na pamilyar. Hindi naman sa hindi ako marunong umuwi, ayaw ko lang ibalandra ang aking kagwapuhan. Isa pa ay baka pagkaguluhan ako ng mga kababaihan. Wala ang aking mga guwardya upang umawat. Nakatali ang aking kamay, paa, at katawan dito sa aking inuupuan. Nasa harap ko si Haring Gordon na nakatitig sa akin. Mukhang iniintay akong magising kanina pa. Nag-abala pa siyang hintayin ako at itali ng husay gayong kaya ko rin namang makalaya mula rito. "Prinsipe Kangkong, gising ka na pala. Ayaw ko namang pahirapan ka na habang tulog ka pa. Gusto kong magsaya tayo habang gising ka at saktong-sakto ang gising mo. Iyon bang humihiyaw ka sa sakit habang hinahataw ko sa iyo ang iba't ibang palakol na aking koleksiyon. Pati mga baril galing sa mga mortal, lahat iyon ay susubukan ko sa iyo," pagyayabang ni Haring Gordon. "May huling habilin ka ba? Baka kasi mamaya ay hindi ka na makapagsalita?" tanong pa niya. Napabuntong hininga na lamang ako nang makitang punit-punit na ang aking suot na tuxedo. Saan ako kukuha ng panibagong damit nito? Talagang hindi ko palalampasin kahit isang kuko ni Haring Gordon dahil sa pagsira niya sa aking mamahaling damit. "Kangkong na naman. Hindi mo ba ako titigilan? Kung Kangkong pala ang tawag mo sa akin, dapat ba kitang tawagin bilang Haring Tanga? O kaya ay Haring Iresponsable, Haring Kurap, o kaya ay Haring Sipsip?" tanong ko kay Haring Gordon na nagpainit ng ulo nito. "Hindi ka mauubusan ng katawagan, Haring Gordon. Lubos kang nakakaawa sa estado mong ito ngayon. Ramdam ko ang mga bampira sa labas, tiyak kong kakaunti ang dala mong tauhan. Masyado mo yatang iniisip na mahina ako, ano?" natawa ako para asarin ang haring kaharap. May lalabas na yatang usok sa kaniyang ilong, para siyang toro. "Limang minuto. Hahayaan kitang magsaya sa loob ng mga minutong iyon. At pagkatapos ng huling segundo ay sisiguraduhin kong pagsisisihan mo na nagsaya ka pa. Tumawag ka na sa iyong asawa upang mamaalam." Seryoso ang aking pagkakasabi at malamig ngunit humalakhak ito ng tawa. Doon nabunot ang aking pasensya. Wala na ang limang minuto, pupulbusin ko na ang hayop na ito ngayon. Sinubukan kong dahan-dahang sirain ang taling nakapulupot sa aking kamay ngunit lalo itong humigpit. Maging ang sa paa ko ay humigpit pati na sa katawan. Magkakakonekta ang tatlong tali. Kagagawan na naman ito nung babaeng mangkukulam. "Akala mo ba ay makakatakas ka? Sa bawat tangka mong pagsira sa mga tali ay lalo iyan na hihigpit! Hihigpit iyan nang hihigpit kaya magdudusa ka talaga ngayong hayop ka!" nababaliw na sigaw ni Haring Gordon. Napailing naman ako sa sinabi nito. Akala niya ba ay hindi ko iyon magagawan ng paraan? Hindi ako si Maruem Ezekiel Crimson kung sa simpleng tali ay wala akong laban. Hindi ako nagpakahirap magpalakas para pumayag na alilain ng kahit sino. Ginamit ko ang aking lakas mula sa paa upang malakas na bumwelo at banggain ang pader. Pagsalpok ko sa pader ay gumuho ito. Hindi ko natantiya at masyado pala akong napalakas. Wasak ang upuan kung saan ako nakatali. Makapal ang kahoy nito kaya lumuwag ang tali mula sa aking katawan at dalawang paa. Nahulog ito sa lupa matapos kong tumayo. Ang natitira na lamang ay ang nasa kamay ko. Sa likod nakatali ang aking mga kamay. Pinalabas ko ang aking kuko at mabilis na pinutol ang tali. Wala itong nagawa sa matutulis kong kuko. Ni hindi pa ako naglaan ng masyadong lakas para doon. "Iyon na ba 'yon?" tanong ko kay Haring Gordon at pinatunog ang aking mga daliri. Nawindang ito dahil sa aking ginawa. Nanlaki ang kaniyang mata at naghandang tumakas. Pinapula ko naman ang aking mata upang mas takutin ito. "Babaliin ko ang mga buto mo at hihilahin ko ang lahat ng ugat sa iyong katawan. Sisiguraduhin kong ulo mo na lamang ang maigagalaw mo pagkatapos, Haring Bobo. Mamamatay ka na ngayon," mapanindig-balahibo kong sabi at mabilis na sinugod ang kawawang hari. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD