Maruem
Kakagising ko lamang mula sa aking mahimbing na pagkakatulog kanina. Napakasarap ng aking gising. Gigising ba naman akong hari na mamaya ng Coran Kingdom. Pumapalakpak ang aking puso.
Nag-unat ako at lumabas sa veranda ng aking kwarto. Wala akong pang-itaas kaya rinig ko ang malakas na hiyawan ng mga dalagitang katulong sa ibaba. Kinawayan ko naman ang mga ito. Nagsi-iritan sila na parang mga sinilihan. Tsk, binibiro ko lamang sila dahil maganda ang aking gising. Dapat nilang ipagmalaki na nagawa ko silang kawayan. Mga prinsesa na may masasarap na dugo lamang ang aking pinapansin palagi.
Matapos kong mag-unat at lumanghap ng sariwang hangin ay pumasok na ulit ako sa loob ng aking silid. Agad akong nagtungo sa banyo upang maligo ulit. Tatlong beses na akong naligo ngayong araw. Napakasarap naman maligo, maginhawa sa pakiramdam. Lalo pa akong bumabango at mas nagiging gwapo.
Matapos kong maligo ay agad akong nagbihis. Isang itim na tuxedo ang aking kinuha. Mahilig ako sa mga ganitong damit. Pormal at malinis tignan. Galing sa isang sikat na mananahi ang damit na ito mula pa sa mundo ng mga mortal. Tanging mga maharlika lamang ang maaaring makipag-usap sa mga mortal. Ang mga mabababang bampira kasi ay kalimitang may hindi mapigilang pagkauhaw sa dugo. Delikado iyon para sa mga mortal at ayaw ng vampire council na masira ang maliit at sikretong samahan namin sa kanilang lahi. Maganda ang mga naaangkat na produkto mula sa kanila. Kaya gusto ko rin na masilayan ang kanilang mundo. Isa rin sa mga pagsubok ko habang sumasailalim sa pagpili sa magiging emperador ay mga utos na ipapagawa sa mundo ng mga mortal. Paniguradong masaya iyon. Masisilayan ko ang magagandang diyamanteng mayroon sa kanilang mundo. Pati magagandang kababaihan, ngunit magagandang prinsesa pa rin ang tanging iinuman ko ng dugo.
Matapos kong magbihis at magpagwapo ay nagsuot na ako ng mamahaling sapatos. Nang bihis na bihis na ako ay inintay ko na lamang ang tawag ng mga katulong para ako ay bumaba. Aabalahin ko muna ang aking sarili.
Tiningnan ko ang aking cellphone. Wala akong kahit ano man na app para sa komunikasyon kung hindi ang aking email. Mahaharlika ang nag-angkat ng mga ganitong kasangkapang gumagamit ng teknolohiya mula sa mga tao. Natutunan din ng aming lahi kung paano paunlarin ang teknolohiya. Matatalino ang mga tao at marami kaming natututunan sa kanila. Kahit sila ay walang kapangyarihan at abilidad ay kahanga-hanga sila pagdating sa inobasyon.
Naglaro ako ng games na na-download ko mula rito sa aking cellphone. Ito iyong nagtatanim at nag-aani ng mga halaman. Nagpapalaki rin ng sakop niyang sakahan. Parang agrikultural na sektor ang ginagawa ng larong ito. May mga baka at kambing din akong alaga maging mga manok na isang oras lamang kung mangitlog.
Abala ako sa paglalaro nang may kumatok na. Agad ko namang na-save ang aking laro bago iwan ang aking telepono sa lamesa. Pumunta ako sa pinto at binuksan iyon.
"Prinsipe Maruem, pinapababa na po kayo sa selebrasyon. Tinatawag na po kayo ng emperatris," sabi ng katulong na nasa aking harapan.
Tinanguhan ko lamang ito. Nagbigay daan ito sa akin para makalabas ako ng silid. Pumasok naman ito sa akong silid para siguro maglinis.
Ginamit ko ang aking bilis upang makababa sa unang palapag ng kastilyo. Agad akong nagtungo sa silid kung saan ginaganap ang mga selebrasyon. Pagpasok ko naman ng pinto ay sumalubong sa akin ang tugtog ng mga harmonika at instrumentong may malamlam na melodya. Mayroon ding ibang mga maharlikang imbitado. Pati sa labas ng silid ay nandoon ang mga normal na bampira. Lahat ay imbitado at maaaring pumunta.
"Nandito na pala ang bagong hari ng Coran Kingdom! Maruem hijo!" pagtawag sa akin ni Haring Emil. Ang tanging hari na walang pakialam, tanging mga pagtitipon lamang ang mga pinupuntahan niya upang kumain ng shanghai. Wala naman akong problema sa kaniya, mabuti siyang hari. Lagi rin siyang tumutulong sa mga kahariang kapos.
"Haring Emil, ikinagagalak ko hong nakapunta kayo. Nagustuhan niyo po ba ang mga pagkaing nakahain?" tanong ko sa kaniya.
"Oo, hijo. Napakasarap ng mga putahe. Paborito ko talaga ang inyong kaharian pagdating sa mga may sabaw na putahe. Mamahalin din ang dugong ibinabahagi," sabi ni Haring Emil at kinindatan ako.
Naglakad naman ako patungo sa mahabang lamesa kung saan naka-upo ang aking pamilya. Tinalasan ko naman ang aking pandinig upang makarinig ng mga bulungan.
"Pakiramdam ko ay dinaya ang mga sumali o kaya sadyang mahihina ang isinali upang manalo ang prinsipe na iyan. Wala naman iyang abilidad. Tiyak na mahina pa. Baka sadyang mas mahina lang talaga sa kaniya ang prinsipeng nakalaban sa huling yugto ng paligsahan. Hindi ako. Makapaniwalang siya ang nanalo."
"Totoo, sang-ayon ako. Sikat naman ang anak ni Emperador Julyan dahil sa wala itong abilidad. Kahihiyan ito sa pamilya nila. Lahat ng anak ng emperador ay may kakaiba at natatanging abilidad. Siya pang panganay at susunod na hari ang wala. Hindi ako makapaniwala. Dapat ay hindi pa rin pumayag si Emperador Julyan. Kung sa akin iyon ay talagang tututol ako!"
"Tama ka. Paniguradong walang laban iyan sa anak kong hari na ngayon ng aming kaharian. Tiyak kong kulang pa sa iinuming dugo ang prinsipe ng Coran Kingdom."
Nagtawanan pa sila matapos magkwentuhan. Napayukom ang aking kamao. Kahit tinitigasan ko ang aking puso ay gusto kong durugin ang kanilang mukha. Kahit pa mga reyna ang nag-uusap ay wala akong pakialam. Napakatatabil ng kanilang mga dila. Puro chismis lang naman ang kanilang alam.
Umupo ako sa tabi ng aking ama na iba pa rin ang intensidad ng mga titig sa akin. Wala naman akong pakialam, ang mahalaga lang sa akin ay ako na ang hari mamaya pagkatapos ng koronasyon.
"Maruem, ikinagagalak kong nanalo ka. Hindi ko lubos akalaing matagal mo iyon na pinaghandaan," bulong ng aking ama. Muntik naman akong mapatawa.
"Ama, ikaw ba iyan? Hindi ko lubos akalaing marunong ka rin pa lang magbigay ng puri. Akala ko ay pangmamata lang ang kaya mong ibigay sa akin," sumbat ko rito.
"Umayos ka Maruem, huwag mo akong subukan ngayon. Baka bawiin ko ang korona sa iyo," sabi ng aking ama.
"Para namang hahayaan kong gawin mo iyon, ama. Asa ka pa," malamig ko namang tugon.
Hindi kami nagtitinginang dalawa upang hindi mahalatang nag-uusap kami. Sa mga bampira ay madaling marinig ang mga pag-uusap. Matalas ang aming pandinig. Lalong mas malinaw pa ang mata ng mga mahaharlika kaya makikita kung sino ang nag-uusap.
Kumain ako at hinayaang magsaya ang aking sarili para sa aking pagkapanalo. Akala ko ay mag-iiba na ang tingin sa akin ng lahat matapos kong manalo at pahirapan si Prinsipe Dominique ngunit hindi pala. Mayroon pa ring mga maharlikang mababa ang tingin sa akin. Wala naman akong pakialam ngunit pinapakulo nila ang aking dugo.
Hindi ko rin naman obligasyong ikalat sa lahat na malakas ako. Basta at nagawa ko ang dapat kong gawin, masaya na ako roon. Likas na mapangmata ang mga nilalang. Isa iyon sa mga katangiang hindi na mababago pa. Magaling din gumawa ng kwento. Akala mo ay sila rin mismo ang tunay na nakakita, parang mas alam pa ang buhay mo kaysa sa iyo mismo. Parang binurda at sinulsi ang kanilang mga sinasabi.
"Maruem, hindi ko nabanggit sa iyo. Oras na maging hari ka ay kailangan mong magkaroon ng isang reyna. Kailangan mo ring mag-asawa," bulong ng aking ama.
"Wala iyon sa batas, ama. Wala pa sa mga plano ko ang pag-aasawa maski pagkakaroon ng nobya. Ang pangunahin kong dapat masungkit ay ang titulo mo ngayon. Ako ang susunod na magiging emperador ng Prime Empire," bulong ko rin.
Natawa naman ang aking ama at napailing. Sasabat sana ako kung may problema ba ito sa sinabi ko ngunit agad na rin siyang nagsalita.
"Pwes, patunayan mong karapat-dapat ka. Patunayan mong magiging mabuti kang hari. Oras na makita ko ang pagbabago mo ay patatalsikin kita papunta sa lugar kung saan gaganapin ang pagrerehistro. Para naman matahimik ako sa presensya mo," sabi ng aking ama.
"Para namang gusto rin kitang makasama, ama. Sawa na ako sa iyong pagmumukha at sa matinis mong pagsigaw. Dinaig mo pa si ina," pang-aasar ko naman sa kaniya.
Bago pa ito makapagsalita ay nakangisi akong tumayo sa aking kinatatayuan at bumeso sa aking ina. Ganoon din kay Claire na malamig ang mga titig na ipinupukol sa akin. Mukhang lutang na naman ito sa paligid.
"Hindi mo man lang ba ako babatiin, kapatid?" tanong ko kay Claire.
"Alam ko namang gagawin mo rin ang lahat ng gusto mo. Hindi ka titigil hangga't hindi mo nakukuha ang iyong gusto. Basta at huwag mo lamang akong idadamay sa mga kalokohan," sabi niya na hindi ako binabalingan ng tingin.
Nagkibit-balikat naman ako. Parang ang layo naman ng kaniyang sinabi.
Wala na naman si Moriah. Mukhang nakakulong ito sa kaniyang kwarto dahil kapag pinapatalas ko ang aking pandinig ay nakakarinig ako ng mga kalabog mula sa ika-walong palapag. Tiyak kong uhaw na uhaw pa rin ito sa dugo. Hindi talaga makontrol ang bloodlust ng aking kapatid.
Si Chadler naman ay abala pa rin sa kaniyang PSP. Hindi ko na ito pinansin. Agad naman akong nag-ikot upang lumanghap ng mababangong dugo. Saang kaharian naman kaya ang matitikman kong dugo ngayon?
Naglalakad-lakad lamang ako nang may sumabay sa akin na prinsesa. Pula ang kaniyang buhok at mayroong itim na itim na pares ng mata. Hindi katamisan para sa akin ang dugo nito ngunit pwede na.
"Alam kong gusto mong tumikim ng dugo ng mga prinsesa. Hahayaan kong tikman mo ang akin basta at papatikimin mo rin ako ng sa iyo. Ako si Prinsesa Sofia ng Villan Kingdom. Kilala ang aming kaharian sa paggawa ng mga sandata," pakilala niya sa akin.
Maganda ang babaeng ito, mistulang artista sa mundo ng mga mortal. Maganda rin ang katawan at mayaman ang kaniyang dibdib. Ngunit wala naman akong pakialam doon, masarap lang pagmasdan. Hindi ako kahit kailan man tumikim ng dugo mula sa panget na prinsesa. Wala rin namang maituturing na panget sa mundo ng mga bampira, mangkukulam, at taong-lobo. Halos lahat ay mga perpekto.
"May napili ka na bang lugar?" tanong ko sa kaniya.
"Masyadong maraming tao, Prinsipe Maruem. Pwede naman sa bakanteng kwarto," sabi nito at mahinang tumawa.
Nagpunta kami sa isang sulok bago ko ito hinawakan sa bewang. Sa isang iglap ay nasa isang bakanteng kwarto na kami sa pangalawang palapag.
"Tikman mo ang aking dugo hangga't sa gusto mo. Pagkatapos mo ay ako naman," mapang-akit na sabi nitong prinsesang hindi ko na tanda ang pangalan.
Lantad ang kaniyang leeg ngunit sa pulso ko siya ininuman ng dugo. Matamis din pala ang kaniyang dugo, hindi na masama. Banayad ang daloy nito sa aking lalamunan. Sapat na ang lasa para mapapula ang aking mata. Villan Kingdom, mukhang tanggal na ito ngayon sa listahan. Hindi ako umiinom nang dalawang beses mula sa isang prinsesa. Kahit pa medyo matamis ay mabilis akong magsawa.
Matapos kong uminom ay mabilis akong nagpunas ng labi. Narinig ko naman ang anunsyo sa ibaba na tinatawag na ang aking pangalan.
Mabilis sana akong pupunta roon nang pigilan ako nitong prinsesa. Mahina ko naman itong itinulak.
"Nalinlang kita, prinsesa ng Villan Kingdom. Hindi ako kailan man nagpatikim ng aking dugo sa kahit sino. Paalam sa iyo," nakangisi kong sabi.
"Napakasama mo!" sigaw nito ngunit hindi ko na siya binalingan pa ng tingin.
Mabilis akong naglaho sa kaniyang harapan at sa isang iglap ay nasa entablado na ako. Itinuro pa ng aking kapatid na si Chadler ang natira kong dugo sa gilid ng labi. Napailing naman ang aking ama.
"Hindi ka talaga magbabago. Gusto na kitang putulan ng pangil," bulong niya.
"Iyan ang kahit kailan ay hindi ka magtatagumpay, ama. Para mo na rin akong pinatay," nakangisi kong bulong.
Mula sa ulo niya ay kinuha niya ang korona at inilipat sa akin. Gamit ang makasaysayang espada mula sa aming ninuno ay binasbasan ako ni ama. Nakaluhod ako sa harap niya. Ngayon ko lamang ginawa ang ganitong bagay at tiyak kong natutuwa siya. Mukhang kahit muntik na naman akong manggulo ngayon ay talagang masaya siyang mananahimik na ang kaniyang buhay. Gusto na agad ako nitong patalsikin sa Coran Kingdom. Magandang balita rin naman sa akin na ipapadala niya ako at hahayaang magparehistro upang sumabak sa susunod na magiging emperador ng Prime Empire.
Matapos kong basbasan ay tumayo na ako. Nagpalakpakan naman ang mga mahaharlikang bampira na nasa loob. Rinig ko rin ang hiyawan ng mga normal na bampira sa labas.
"Mabuhay si Haring Maruem! Yaman para sa Coran Kingdom!" sigaw ng mga mamamayan sa labas.
"Yaman para sa Coran Kingdom!" malakas naman na sigaw ng aking ama.
Kinuhanan naman kami ng litrato para ilagay sa dyaryo. Hindi gaanong uso sa amin ang telebisyon dahil karamihan sa mga bampira ay nagsasabing masakit ito sa mata. Masyado kasing malinaw ang aming mga mata. Mas sensitibo rin ito sa liwanag. Walang umaga sa aming mundo ngunit tumatakbo pa rin bente-kwatro oras.
Nang makababa ako sa entablado ay ako na ang umupo sa sentro ng aming mahabang lamesa. Nakita ko naman ang masamang tinging ipinupukol sa akin ng ama ni Prinsipe Dominique. Napansin kong wala ang anak niya rito, mukhang nagpapagaling pa ang kawawang prinsipe.