Maruem
"Tumigil kayo, Maruem at Chadler. Ikukulong ko kayong dalawa oras na gumawa kayo ng eksena. Umayos nga kayong dalawa, para kayong hindi prinsipe kung umasta."
Napangisi ako nang marinig ang bulong na iyon ng aking amang hari. Si Chadler naman ay napanguso. Hindi ko pa rin alam ang balak ng batang ito.
Pinatunog na ang kampana, hudyat na simula na ang laban. Si Chadler naman ay dahan-dahang itinaas ang kaniyang dalawang kamay. Lumalabas na ang kaniyang usok sa paligid.
Napangisi naman ako at napailing. Mukhang maglalaban nga kaming dalawa. Huwag lamang iiyak ang kapatid kong ito dahil titiyakin kong masakit ang mararamdaman niyang pagkatalo.
Pumula ang aking mata. Pinatigas kong muli ang aking mga buto sa kanang kamay upang maghandang sugurin si Chadler. Humaba rin ang aking mga kuko. Mukhang kakailanganin kong gumalaw sa aking pwesto.
Mas bumilis ang pagkalat ng usok sa paligid hanggang sa mabalutan na kaming dalawa nito. Nang hindi na kami kita ng mga manonood ay nagtaas ng dalawang kamay si Chadler.
"Suko na ako, kuya. Alam ko namang malakas ka. Gusto ko pang mabuhay at makapiling ang kasintahan kong si Melisa." Hindi ko naman naiwasang mapailing sa sinabi ni Chadler. Ang batang ito, hindi ko alam kung dapat ba akong matawa o pagsabihan siya tungkol sa kasintahan daw niyang si Melisa.
"Alam mo namang virtual lamang si Melisa at hindi totoo, hindi ba?" tanong ko.
"Alam ko, pero wala ka na roon. Ang mahalaga ay may kasintahan ako. At saka suko na ako, panalo ka na. Huwag mo na akong guguluhin ulit," sabi ni Chadler at humiga sa lupa.
Kumalma naman na ang aking katawan at unti-unting nawala ang usok sa paligid. Pinagkrus ko ang aking kamay sa dibdib habang nag-iintay na tuluyang mawala ang usok sa paligid. Nang makita ng lahat ang itsura ni Chadler ay marami ang napasinghap. Magaling talagang umakto at bumuo ng plano ang kumag na ito.
"Nanalo si Prinsipe Maruem! Magbigay ng masigabong palakpakan para sa panganay na prinsipe!" sigaw ng tagapagsalita.
Naghiyawan naman ang mga manonood ngunit bakas sa mukha ng iba ang dismaya. Maraming may ayaw na manalo ako dahil wala akong espesyal na abilidad. Naniniwala ang ibang bampira, lalo na ang matatanda, na ang may pinakamalakas na abilidad ang siyang dapat mamuno sa isang maharlikang pamilya. Pwes, papatunayan kong mali iyon. Malakas ako kahit walang abilidad. Espesyal ako kahit wala iyon. Nasa dugo ko ang pagiging pinuno at maaabot ko ang lahat ng iyon. Kailangan lang ay huwag akong sumuko at huwag makikinig sa masasakit na salitang ibabato ng iba. Bato na ang puso ko, matagal ko itong hinulma at inihanda.
Nagsitakbuhan ang mga mangkukulam palapit kay Chadler na may dalang stretcher. Agad nilang sinaklolohan ang kapatid kong nagkukunwaring bago pa lamang nagkakaroon ng malay at nakahawak pa sa ulo. Bago naman ito dalhin palabas ay kinindatan pa ako ni Chadler.
Muli akong umupo sa aking pwesto. Bagot ako nang matapos ang mga sumunod pang naglaban. Ito na ang huling yugto. Matira ang matibay. Wala akong pakialam kung ilan pa kaming maglalaban-laban dahil ako naman ang mananalo. Kakalabanin ko ang Prinsipe Dominique na iyon at ipapalasap sa kaniya ang kahihiyan.
"Sa lahat ng mga natirang kalahok, tinatawagan kayong pumunta na sa gitna at humanap ng sariling pwesto. Magsisimula na ang matira matibay bago kalabanin si Prinsipe Dominique para sa huling yugto ng paligsahan sa pagpili ng susunod na hari!" sigaw ng tagapagsalita kaya muling nagwala ang mga manonood.
Pinatunog ko ang aking mga daliri upang masiguro na tagos hanggang sa buto ang sakit na kanilang mararamdaman. Magsisisi silang sumali pa sila sa paligsahang ito.
"Simulan na ang laban!"
Nang i-anunsyo iyon ng tagapagsalita ay pinaligiran ako ng lahat. Mukhang may napag-usapan silang taktika na gagamitin. Akala nila ay nakaangat na sila ngayon? Pwes, nagkakamali sila.
Sabay-sabay silang sumugod kaya mabilis na pumula ang aking mata at tumulis ang mga kuko. Inilagay ko ang aking kaliwang kamay sa likod upang ipakita na hindi ko ito gagamitin. Simulan na ang pagdanak ng dugo.
Mabilis akong gumalaw upang daanan ang mga bampirang kalaban ko. Lahat sila ay malalim kong kinalmot sa leeg upang matiyak na hindi na sila makakabawi pa. Bago sila matumba sa lupa ay mabilis ko rin silang nabalian ng tadyang.
Nang bumalik ako sa pwesto ay sabay-sabay silang bumagsak. Dahil sa aking pag-pupursigi na lumakas noon ay mas naging mabilis ako. Doble ang bilis kumpara sa bilis nila. Pisikal na abilidad pa lamang ay wala na silang laban. Wala man akong espesyal na abilidad o kapangyarihan ay natural na malakas naman ako.
Gulat ang mga manonood, maging ang tagapagsalita na nag-anunsyo, dahil halos walang nakakita sa bilis ng pangyayari. Nagpunas naman ako ng kamay habang nakatitig sa aking ama. Ang aking ina naman ay mahinang pumapalakpak.
Wala itong emosyon habang nakatitig sa akin. Iyon naman madalas ang ekspresyon ni ama kapag nagpipigil ng galit o inis. Nginisian ko naman siya bago titigan si Prinsipe Dominique. Masama ang mga ipinupukol nitong tingin sa akin. Sinubukan ko namang pakinggan ang pintig ng kaniyang puso. Nagsusumigaw na roon ang kaba.
"Mga butihing manonood, bago tayo tumapak sa pinakahuling yugto ng paligsahan ay magkakaroon tayo ng maikling–"
"Ituloy ang laban! Wala ng dahilan pa para patagalin ito! Pinapahaba niyo lang ang aking paghihintay," sigaw ko.
Napatigil ang tagapagsalita dahil sa malakas kong sigaw. Lito naman itong sumulyap sa hari bago sumulyap sa akin. Pinulahan ko ito ng mata kaya nakaramdam ito ng takot at muling nag-anunsiyo.
"Dahil sa hiling ni Prinsipe Maruem, magpapatuloy ang paligsahan! Dumako na tayo sa huling yugto!" sigaw ng tagapagsalita. "Tinatawagan si Prinsipe Dominique upang pumunta rito sa baba para sa huling yugto ng paligsahan."
Mula sa taas ay tumalon si Prinsipe Dominique papunta sa harap ko. Malakas na naghiyawan ang mga manonood dahil sa paghanga. Iyon lang ang ginawa niya? Walang saysay. Kung nakita lang nila kung paano ko putulan ng braso ang isang iyan.
"Oras na manalo si Prinsipe Maruem laban kay Prinsipe Dominique, siya na ang hihiranging hari ng Coran Kingdom! Ngunit oras na matalo si Prinsipe Maruem, uulit ang paligsahan at hahanap ng bagong mga kalahok! Kaya ngayon, simulan na ang laban!" malakas na sigaw ng tagapagsalita.
Dagundong ang hiyawan ng mga manonood. Seryoso lamang akong nakatingin kay Prinsipe Dominique habang siya ang kumakaway pa sa mga tao na animo'y may fans club. Mas gwapo naman ako kumpara sa dugyot at mayabang na prinsipeng iyan.
"Mas handa na ako ngayon, Prinsipe Kangkong. Sisiguraduhin kong matatalo kita. Luluhod ka sa harapan ko at magmamakaawang itigil ang aking gagawing paghihiganti," mayabang na sabi ni Prinsipe Dominique. Lumakas na rin ang hangin sa paligid.
"Mukhang ikaw ang luluhod, Prinsipe Dominique. Matalas pa rin ang dila mo. Huwag mo akong sagarin at baka iyan na ang aking putulin," malamig kong sabi.
Inilagay ko ulit ang kaliwa kong kamay sa likod. Pinatigas ko ang aking mga buto at pinalabas ang kuko. Mas isinentro ko ngayon ang aking lakas sa binti at kamay. Gagamitin ko ang aking bilis at lakas upang mapatumba ang prinsipe na ito. Isang dayo na malakas ang loob. Dapat tuldukan ang kayabangan niya.
Unang sumugod si Prinsipe Dominique ngunit biniro niya iyon kaya nagmukha akong sobrang alertong mahina at masyadong nag-aabang sa galaw niya. Nagtawanan ang mga bampirang nanonood maging ang kaniyang ama. Doon nagpintig ang aking tainga. Hindi ito tumitigil sa pagyayabang. Hindi ko na pipigilan ang sarili kong pulbusin ang lalaking ito. Walang sinuman ang pwedeng gumawa noon sa akin. Ni hindi siya hari at wala pang napapatunayan para maging ganito kayabang.
Ako ang sumugod at biniro ko rin ang direksyon ng aking galaw. Inuna ko ang kanan bago ako mabilis na kumaliwa. Naiwan ito sa paggalaw dahil mas mabilis ako sa kaniya. Walang kwenta ang hangin ni Prinsipe Dominique. Disenyo at pampabango lamang sa pangalan niya ang kaniyang abilidad.
Malalim kong kinalmot ang kaniyang likod. Napahiyaw si Prinsipe Dominique sa sakit. Nagtilamsikan ang kaniyang dugo sa lupa. Napakalaki ng nagawa kong sugat sa kaniyang likod.
Malakas itong humiyaw dahil bawat galaw niya ay mas sumasakit ang ginawa kong sugat. Malalim iyon at nagawa kong baliin ang kaniyang T12 thoracic vertebrae spinal cord bone. Inaral ko rin ang katawan ng isang bampira maging ang bawat nilalang upang malaman ang mga parteng maaari nilang maging kahinaan at kalakasan para sa akin. At sa parteng iyon, hindi na makakalakad ang kawawa at mayabang na prinsipeng ito.
"Ahh! Isa kang mandaraya!" sigaw ni Prinsipe Dominique.
Nang subukan nitong humakbang ay agad itong bumagsak sa lupa. Nagawa niyang tumihaya upang kontrolin ang hangin at subukang labanan ako.
May ipo-ipong patungo sa aking direksyon. Mabagal ito dahil hindi buong lakas ang kaniyang gamit dulot ng nagawa kong pinsala. Ngayon ay sisiguraduhin kong hindi malilimutan ni Prinsipe Dominique ang pangyayaring ito at magiging kahihiyan sa buhay niya.
Walang kahirap-hirap kong naiwasan ang malaking ipo-ipo dahil mabilis pa ako rito. Agad kong pinuntirya ang dalawang kamay ni Prinsipe Dominique na nakataas. Gamit pa rin ang aking kanang kamay na may matulis na kuko ay pinutol ko iyon.
Sa tulis ng aking mga kuko ay dalawang beses kong pinadaan ito sa pulso ni Prinsipe Dominique. Natanggal ang kaniyang dalawang kamay at gumulong sa lupa. Doon nanlaki ang mata nito at humiyaw.
"Nasisiyahan ka ba sa mga nangyayari?" tanong ko kay Prinsipe Dominique. "Dahil ako, lubos akong nasisiyahan. Sobra-sobra ang binibigay mong aliw sa akin at sa mga manonood. Pagmasdan mong mabuti ang gagawin ko."
Mabilis akong gumalaw at tinapakan ang kaliwang kamay ni Prinsipe Dominique. Napahiyaw ito at gustong tumayo upang pigilan ako ngunit hindi niya magawa. Dinurog ko ang kaniyang kaliwang kamay upang hindi niya na ulit ito maibalik pa.
"Itigil ang paligsahan! Hinihirang ko na bilang kampyon si Prinsipe Maruem Ezekiel Crimson! Ang bagong hari ng Coran Kingdom!" malakas na sigaw ng aking ama.
Doon mabilis na nagsitakbuan ang mga mangkukulam upang saklolohan si Prinsipe Dominique. Hindi ko na ito pinakialaman pa dahil nakuha ko na ang aking gusto. Ang hiranging bagong hari ng Coran Kingdom.
Kumaway ako sa mga bampirang manonood. Sinulyapan ko naman ang aking ama habang nakangisi. Pula ang mga mata niya at halatang galit na galit. Wala namang mali sa ginawa ko. Hindi ba at matira matibay ito? Ginawa ko lang naman ang nararapat. Hindi pa nga ako tapos sa pagpapahirap kay Prinsipe Dominique. Kung hindi siya umeksena ay baka nabalian ko na rin ng tadyang ang kawawang prinsipe.
"Inaanyayahan ko ang lahat mamaya para sa isang selebrasyon at koronasyon para sa bagong hari ng Coran Kingdom! Bigyan ng masigabong palakpakan ang aking panganay na anak para sa kaniyang tagumpay! Nakita nating lahat kung paano pinalabas ni Prinsipe Maruem ang kaniyang lakas at bilis upang matalo ang lahat ng kaniyang kalaban! Mabuhay ang bagong hari ng Coran Kingdom!" malakas na sigaw ng aking ina.
Tinanguhan ko ang aking ina dahil sa pagpapakita niya ng suporta sa akin. Nang mapasulyap naman ako sa ama ni Prinsipe Dominique ay kulang na lang sakmalin ako nito sa galit. Biyak na ang batong mesang tinutuunan niya ng kaniyang kamay. Masama ang loob niya sa naging pagkatalo ng kaniyang anak. Nararapat naman iyon para kay Prinsipe Dominique dahil isa siyang mayabang at mahinang nilalang. Dapat niyang alamin kung sino ang mas mataas at mas malakas sa kaniya.
Naglakad ako pabalik sa kastilyo at tinitigan iyon. Balak ko pa sanang ibato ang katawan ni Prinsipe Dominique sa kastilyo upang mabahiran ito ng dugo ngunit hindi ko na nagawa.
Maganda ang bagong tayong kastilyo ng aking ama. Ilang taon pa lamang ito at ingat na ingat siyang huwag masira. Alam niyang kaming magkakapatid ang muling makakasira nito.
Siamese architecture ang pinagbasehan ng arkitektura sa pagbuo ng aming kastilyo. Sa mga mortal nagmula ang ideyang iyon na naangkat ng aking ama. Lihim ang ugnayan ng mga bampira at tao. Para lamang iyon sa mga eksklusibong kaibigan ng maharlikang pamilya.
Nang makapasok ako sa kastilyo ay may bumulusok na paso sa aking direksyon. Agad ko naman iyong iniwasan. Nang tingnan ko kung saan iyon nanggaling ay mula pala ito sa aking ama.
"O ama, bakit yata parang masama ang iyong loob sa akin? Hindi ba at sinunod ko lamang ang palatuntunan ng iyong paligsahan?" magalang kong tanong.
"Sobra ang ginawa mong pagpapahiya kay Prinsipe Dominique! Nangangamba rin ang hari ng kanilang kaharian na baka hindi na maibalik ang kaniyang kaliwang kamay!" sigaw ng aking ama.
"Kung hindi ako lumaban, ama, hindi iyon matatawag na paligsahan. Isa pa, ganoon din naman ang gagawin niya sa akin. Ipinakita ko ang lakas ko sa harap ng maraming tao. Hindi ba at iyon naman ang gusto mo? Ang maging malakas ako at sumunod sa yapak mo bilang hari na hindi mo ikakahiya? Bakit ngayon ay parang galit ka?" sarkastiko kong tanong.
Pumula ang mata ng aking ama. Galit na galit ang emperador ng Prime Empire sa akin. Isa itong magandang tanawin.
"Mahal, may punto si Maruem. Sinimulan mo itong paligsahan, nagpartisipa lang naman ang anak natin. Hindi ba at pareho lamang ang kaniyang ginawa kay Chadler? Wala nga lang dumanak na dugo sa laban ng batang iyon. Binabaliw niya ang bawat bampirang nakakalaban niya," pagpapakalma ng aking ina sa aking ama.
Bumuntong hininga ang aking ama at naglaho sa aming harap. Nginitian naman ako ng aking ina bago mabilis ding naglaho para sundan ang aking ama.
Nagkibit-balikat lamang ako habang sumisipol na naglakad papunta sa aking silid. Mamaya na ang koronasyon. Nagawa ko nang sungkitin ang aking unang pangarap na maging hari ng Coran Kingdom. Unti-unti ko nang napapatunayan ang aking sarili.