Maruem
Naghiyawan ang mga manonood dahil sa aking biglang pagsulpot. Maantig silang makita ako na lalaban. Papatunayan ko sa kanila ngayon ang pambihirang natural na lakas na mayroon si Prinsipe Maruem, ang prinsipeng lagi nilang binababaan ng tingin. Sawa na ako sa pangmamaliit. Ang katulad kong gwapo at itatalagang hari ay walang oras para maapektuhan pa sa sinasabi nila.
Kumaway ako sa mga manonood at kinindatan ang mga kababaihan. Tumili naman ang mga ito nang matinis. Napangisi ako, talagang hindi mawawala ang aking kamandag sa mga kababaihan. Ako lang naman si Prinsipe Maruem.
Napatingin ako sa papaakyat na pigura nila ama papunta sa panoorang bahagi ng mga maharlika. Nandoon ang prinsipeng pinutulan ko ng braso kahapon, si Prinsipe Dominique. Katabi nito si Prinsesa Winona na kinindatan ko. Ayos na ulit ang prinsipeng mahina. Mukhang naagapan ng mga mangkukulam ang nangyari sa kaniya. Pasalamat siya at magagaling ang mga mangkukulam na nakatalaga sa aming kaharian, kung hindi ay tatawagin siyang prinsipe ng Ditan na putol ang braso. Pasalamat din siya at iyan lamang ang ginawa ko sa kaniya. Punong-puno na ako sa mga walang preno nilang bibig. Mayayabang, puro hangin lang naman ang mayroon sa ulo.
"Ito ang ating mga magigiting na kalahok para sa patimpalak! At ang huling lalaking mananalo, siya ang hihiranging hari ng Coran Kingdom! Sino kaya sa ating mga kalahok ang mananalo!?" malakas na sigaw ng tagapagsalita.
Tinatanong pa ba iyan? Ako na ang mananalo. Kahit sino ay lalabanan ko. Hindi rin naman papalag si Chadler dahil alam niya naman kung paano ako magalit at lumaban. Hindi ako mag-aatubiling durugin siya.
"Ngayon ay babalasahin na ang pangalan ng mga kalahok. Sino ang unang maswerte na lalaban!?" sigaw ng tagapagsalita.
Naghiyawan na naman ang mga manonood. Nababagot na ako sa kakaanunsyo niya. Hindi pa ba mag-uumpisa? Gusto ko nang matapos ito. Marami pa akong bagay na paplanuhin at babaguhin sa Coran Kingdom oras na maitalaga ako. Maraming hindi napapansin si ama na mali sa kaniyang pamamalakad. Masyado na siyang abala sa pagiging emperador para mapansin iyon. Mabuti nga at nagawa niya pang pamunuan ang Coran Kingdom at Prime Empire nang sabay.
"Ang unang maglalaban ay si Prinsipe Chadler Crisis Crimson at si Nicolo Armendez! Pumwesto ang unang maglalaban! At para sa mga hindi pa makikipaglaban, mangyaring maupo muna ang lahat," malakas na namang sigaw ng tagapagsalita.
Nabibingi ako sa lakas ng boses nito. Sobrang lakas ng tunog ng mikropono. Hindi ba sila naiirita? Konti na lang ay tatanggalan ko na ng lalamunan ang hayop na iyon.
Naupo ako sa bakanteng upuan. Akmang may tatabi sa akin na sibilyan nang takutin ko ito gamit ang aking pulang-pulang mga mata. Nasindak naman ito at nagtatakbo papunta sa kabilang dulo.
Akin ang mga bakanteng upuan kaya malaya kong naakbay ang aking mga braso rito. Dalawa sa kanan, apat sa kaliwa. Napangisi na lamang ako. Siguraduhin nilang magiging maganda ang labang ito at masisiyahan ako. Oras na mawalan ako ng gana sa panonood ay tatapusin ko ang lahat ng mga kalahok na nakaupo rito.
Prente lamang na nakatayo ang aking kapatid na si Chadler sa gitna. Naglalaro pa ito ng kaniyang PSP at may suot na malaking headphones. Wala itong pakialam sa kalaban niya.
"Umpisahan na ang laban!" sigaw ng hukom.
Pinatunog na ang malaking kampanang hudyat na simula na ang laban. Walang pakialam ni kibo ang aking kapatid. Napangisi ako nang palihim, marunong na magyabang ang batang ito. Hindi rin naman biro ang abilidad niya.
"Hoy, hindi ka ba magseseryoso!? Kahit prinsipe ka ay hindi ako magsisising bugbugin ka!" sigaw ng kalaban ni Chadler.
Nag-angat ng tingin ang aking kapatid. Pumula ang mga mata nito at doon may lumabas na itim na usok sa kaniyang katawan. Ito ang malakas na kapangyarihan ng aking kapatid. Ang smoke of nightmare.
Ang kapangyarihan ng aking kapatid ay maglabas ng itim na usok. Oras na mabalutan nito ang gusto niyang atakihin ay walang may alam kung anong mangyayari sa nilalang na iyon. Basta't kapag nawala ang usok ni Chadler, lahat ng kalaban niya ay nagsisisigaw at nababaliw. Malalaman lamang ang sakit na dulot ng kaniyang kapangyarihan oras na masubukan niya ito sa iyo.
Aatake sana ang kalaban ni Chadler sa kaniya ngunit mabilis na umikot ang usok sa katawan nito. Mukha itong nawindang nang hindi siya makaalis. Mukhang alam niya na ang magiging kapalaran niya.
Ilang minuto ang nakalipas nang mawala ang usok ni Chadler sa gitna. Tuloy pa rin ito sa paglalaro at walang pakialam sa paligid. Nang marinig niya ang sigaw ng kaniyang kalaban ay saka siya naglakad paalis.
Palabas na si Chadler nang maisip nitong pinapaupo ang mga kalahok na tapos na. Napakamot ito sa ulo at sa isang iglap ay nasa tabi ko na.
"Hi kuya," bati nito sa akin.
"Lumayo ka sa akin, pwesto ko ito. Doon ka sa malayo," utos ko sa kaniya.
"Ayaw ko nga, ang babaho nila. Hindi naman kita kukulitin. Nagpapa-rank lang ako rito sa laro ko," palusot pa ng kapatid ko kaya napasinghal na lamang ako. Hinayaan ko na siyang maupo sa aking tabi.
Nabaliw nga ang lalaking kalaban ni Chadler. Hinuli ito ng mga mangkukulam at ikinulong sa isang glass chamber. Nagsisigaw ito. Kung normal na bampira lamang ako ay baka nasindak na ako kay Chadler. Kaso hindi, ako si Maruem. Si Chadler pa ang takot sa akin kahit wala akong espesyal na abilidad o kapangyarihan. Ngunit may isang bampira kaming hindi kayang pagdabugan, iyon ay si Claire. Ang kapatid naming bruha na brutal. Ngunit oras na mabastos nila ako ay hindi ako papayag. Ako pa rin ang nakakatanda, hindi ko hahayaan na maging bastos ang mga kapatid ko sa nakakatanda lalo na kung hindi tama ang kanilang pagpapasya o inaakto.
Halos nakalimutan ko na naman si Moriah, ang kapatid kong laging wala. Akala ko ay si Claire at Chadler lang ang kapatid ko minsan. Hindi kasi makontrol ni Moriah ang bloodlust niya kahit sa mura niyang edad. Lalo na ang kapangyarihan nito, kaya niyang kumontrol ng tubig. Kaya niyang pasabugin ang isang bampira dahil may tubig sa dugo.
Tatlo pang pares ang sumunod. Bagot na ako at nagugutom sa tagal kong tawagin. Kapag hindi pa ako tinawag dito ay talagang eeksena na ako.
Wala akong pakialam sa atensyon dahil lagi namang nasa akin ang sentro. Kung hindi ako pupurihin sa aking kagwapuhan, panliliitan naman ako ng tingin ng mga bampirang matataas sa akin. Katulad nga ng tingin nila sa akin bilang prinsipe na walang kwenta. Ngunit matatapos na ang bansag nilang iyon sa akin ngayong araw. Subukan ulit nila akong tawagin sa mga palayaw na hindi ko gusto at baka hindi ko na talaga sila matantya. Kung kaya kong iwasan ay hindi ko na lamang papansinin, ngunit kapag sobra ay hindi ko iyon palalampasin.
"Para sa susunod na pares! Ito ay sina Prinsipe Maruem Ezekiel Crimson at Heneral Matthias Sullivan!" sigaw ng tagapagsalita.
Napabuntong hininga naman ako pagkatapos ay tumayo. Sa wakas ay natawag na rin ako. Akala ko ay kailangan ko na magboluntaryo.
Nagpunta na ako sa gitna at hinarap ang aking kalaban. Nag-ayos pa ako ng kwelyo sa harap niya.
Malaki ang katawan nito at moreno. Tinawag siyang heneral kanina ng tagapagsalita, mukhang nasa militar ang lalaking ito. Kaya siguro maangas itong nakaway pa sa mga manonood.
"Prinsipe Maruem, sumuko ka na kung ayaw mong mapahiya. Alam ng lahat na wala kang espesyal na abilidad. Alam ko ring pinaboran ka na naman ng iyong ama dahil gagawa ka ng komosyon. Hindi ka ba nahihiya na isa ka lamang malaking kahihiyan?" rinig kong bulong niya.
Naging pula ang aking mga mata. Ang ayaw ko sa lahat ay minamaliit ako. Hindi ko na bubuhayin ang hayop na ito. Sisiguraduhin kong hihiyaw siya sa sakit at magmamakaawang huwag kong patayin.
"Simulan na ang laban!"
Nang marinig ko ang hudyat ay agad kong pinatulis ang aking mga kuko at pinatibay ang aking buto katulad ng metal. Mabilis namang sumugod sa akin si Heneral Matthias kaya napangisi ako. Nagkamali siyang binalak niya pang sumugod.
Gamit ang aking kanang kamay ay inabangan ko ang kaniyang katawan. Nang nasa harap ko na ito ay isinaksak ko ang aking kamay na parang kutsilyo sa kaniyang dibdib. Doon siya napatigil at sumuka ng dugo.
Napangisi naman ako at umayos ng tayo mula sa pagkakabwelo ko kanina. Inangat ko ang kaniyang katawan sa ere na parang kopita lang ng tsaa. Hawak ko ang kaniyang puso at isang higit ko lamang dito ay patay na siya.
"Mahigpit kong ipinagbabawal ang pagpatay! Ang sino mang papatay ay matatanggal sa paligsahan!" malakas na sigaw ng aking ama para pigilan ako.
Napakibit-balikat ako at ibinato sa malayo ang katawan ng heneral na ito. Ipinagpag ko ang aking kanang kamay na may dugo habang pabalik sa inupuan ko kanina.
Nang makatabi ko si Chadler ay mabilis itong lumipat sa katabing upuan. Umiwas ito sa kamay kong may dugo. Ayaw niyang madumihan ang kaniyang damit.
"Huwag mong ipapahid sa akin iyan ha," sabi nito.
"Parang hindi ka umiinom ng dugo," naiiling ko namang sabi.
Mabilis na natapos ang lima pang mga pares. Karamihan ay umayaw na dahil sa nakita nilang lakas namin ni Chadler. Ayaw nilang mabaliw dahil sa kapatid ko at ayaw nilang maging kritikal dahil sa akin. Mahusay ang kanilang pagpili ng desisyon.
Natira na lamang ang mga nanalo sa unang pares ng pakikipaglaban. Pares ulit ang lalaban para sa pangalawang yugto at ang mahuhuling paligsahan ay matira ang matibay. Ang lahat ng kalahok ay magpapatayan sa loob.
Ang unang tinawag ay dalawang sibilyang bampira na hindi ko kilala. Sinubukan ko namang manood kung paano ang kanilang pakikipaglaban. Kung paano ipagtanggol ng ordinaryong mga bampira ang kanilang sarili.
Ipinakilala ng tagapagsalita ang dalawang lalaking maglalaban bilang si Chano at Arturo. Nakasuot ng cloak si Chano kaya hindi kita ang kaniyang mukha. Si Arturo naman ay mukhang isa ring parte ng militar.
Nagsimulang maglaban ang dalawa. Inikutan nitong si Chano si Arturo. Nakakapagtaka ang uri ng pakikipaglaban nito. Para itong sumasayaw palibot kay Arturo. Nagiging balisa rin ang kaniyang kalaban.
Biglang bumilis ang paggalaw ni Chano. Sa loob ng isang segundo ay nasaksak niya si Arturo sa tiyan. Muling bumalik si Chano sa pagsasayaw. Para itong babae kung gumalaw.
Akmang sasaksakin ulit ni Chano si Arturo nang mahagip ni Arturo ang cloak ni Chano at natanggal. Napasinghap ang mga manonood nang masilayan namin ang mahabang buhok ni Chano. Babae ito, isang magandang babae. Naaamoy ko rin ang matamis niyang dugo.
Napangisi naman ako, kung hindi nagawa ni Arturo na sindakin itong si Chano ay talo na siya. Malakas si Chano kung iyon nga ba talaga ang pangalan niya.
Nagkatitigan kaming dalawa. Maganda ito at nakakabighani ang mata niyang magkaiba ang kulay. Ang kaliwa ay asul at ang kanan ay berde. Kung prinsesa lamang ito ay baka sinakmal ko na ang kaniyang leeg upang matikman ang kaniyang matamis na dugo.
Agad na kinaladkad ang babaeng nagpakilalang Chano palabas ng paligsahan. Itinatalaga namang panalo na itong si Arturo. Hindi ko rin alam kung bakit hindi pantay ang pagtingin nila sa kababaihan. Kung sumali si Claire sa patimpalak na ito ay paniguradong maibubuhos ko ang aking buong lakas. Kahit alam kong malakas ako ay may ibubuga ang babaeng iyon. Ngunit hindi ko rin alam ang buong dahilan kung bakit ayaw nilang isali ang mga kababaihan sa mga ganitong paligsahan ng pagpalit sa trono. Hindi pantay ang pagtingin at pagtrato.
Malakas kaming lahat na magkakapatid, lalo na kaming dalawang pinakamatanda ni Claire. Ngunit ako ang pinakamalakas sa amin pagdating sa pisikal, partida pa na wala pa akong espesyal na abilidad.
Si Claire ay kayang kumontrol ng panahon. Kaya niya ring pakidlatin ang kalangitan. At lahat ng lalabas na klima ay kulay pula. Pupula ang langit, pulang tubig-ulan, pulang ulap, at pulang kidlat. Si Chadler naman ay ang kaniyang usok at si Moriah naman ay ang kakayahan niyang kumontrol ng tubig. Lahat ng bampira ay hindi makontrol ang bloodlust lalo na kapag kakalabas pa lang ng abilidad. Lalong hindi makontrol ng aking ama si Moriah dahil may kakayahan itong pasabugin ang dugo sa loob ng katawan ng isang nilalang.
Matapos mawala ang komosyon ay muli na silang bumunot ng susunod na maglalaban. At nang tawagin kami ni Chadler ay doon ako napatingin sa aking ama. Masama ang tingin nitong nagbibigay ng babala. Alam niyang kaya naming magpatayan. Nang mag-away kaming lahat noong mga bata pa kami ay halos magiba ang buong kastilyo.
Tumayo ako maging si Chadler at pumunta sa gitna. Iniwan nito ang kaniyang headphones at PSP sa upuan dahil mukhang magiging seryoso ang aming laban. Akala ko ay hindi ito papalag sa akin.
Matiim kaming nagtitigan na magkapatid. Hindi dahil kinse anyos pa lamang si Chadler ay mukha pa itong paslit. Mabilis magbinata ang mukha at katawan ng isang bampira pagdating nito ng edad na trese. Titigil naman sa pag-edad ang mukha ng isang bampira kapag umedad ito ng dalawampu't lima. Sa kaso ni Chadler ay mukha na itong labing walong taong gulang. Ngunit ang utak niya ay swak lamang sa kaniyang edad.
"Sigurado ka bang lalaban ka sa akin, Kuya Maruem?" tanong ni Chadler na nagpangisi sa akin.
"Kung gusto mo ay talagang hindi ko pipigilan ang sarili kong patayin ka, Chadler. Isang sabi mo lang at pagbibigyan kita," bulong ko kaya napangisi kaming dalawa.