Maruem
Buong araw akong nagkulong sa kwarto kahapon. Nakakapagdamdam naman talaga ang mga katagang sinabi ni ama. Maging ang mga desisyon niya pagdating sa akin, hindi niya man lang ako tinatanong. Para akong batang nagrerebelde para sa kaniya. Bata naman talaga ang edad ko pagdating sa mga bampira. Kung ikukumpara sa mga mortal ay parang teenager pa lamang ako rito sa Underworld. Ang pang-adult na batayan ng edad dito ay 80 years old. Imortal ang mga nakatira sa Underworld, hindi kami mamamatay kung hindi papatayin. Wala rin namang makakapatay sa amin kundi ibang lahi lamang.
May mga kahinaan din ang mga bampira, iyon ang kagat ng mga taong-lobo. Ipinagbawal na rin naman ng vampire council ang paglapit ng mga taong-lobo sa aming mga bampira tuwing full moon. Kahit na higit na mas malakas kami sa kanila, may lason ang kanilang mga kagat.
Bawat lahi ay may council. Vampire council, moon council para sa mga taong-lobo, at magic council para sa mga mangkukulam. Kung ikukumpara sa mga mortal, ang council ay parang mga senador. Nag-iisip at gumagawa ng batas bago ay ipapaapruba sa mga emperador. Mga emperador pa rin ang pinakamataas.
Pagdating naman sa mga mangkukulam ay mautak ang kanilang lahi. Magaling silang magmanipula ng mga spell ngunit walang laban ang mga ito kung wala ang kanilang spell book. Kaya rin nilang lumipad.
Napatiim-bagang naman ako nang marinig ang sigawan ng aking ama at ina. Nagsisigawan sila sa baba. Ayaw ng aking ama na pagbigyan akong lumahok ngunit ang aking ina ay suportado ako. Buti pa ang aking ina, may tiwala sa kakayahan ko.
Sa harap ng aming kastilyo gaganapin ang paligsahan mamaya. Tiyak na aabangan ako ng mga kababaihan at mga pupuntang maharlika galing sa ibang kahariang dadayo upang manood. Papanoorin nila akong mapahiya tulad ng tawag nila sa 'king prinsipe na walang kwenta. Patutunayan ko sa kanilang mali sila. Bibigyan ko sila ng kilabot na ngayon lang nila madarama. Patutunayan kong kaya ko silang itumba. At ang secret weapon ko? Ang nag-uumapaw kong kumpyansa sa sarili.
Tinawag ko naman ang aking mga alipin. Napakababagal ng mga itong kumilos kaya nagtitimpi akong paliparin sila. Kukuha na ako ng bagong vampire pet. Iyong magiging personal na akin.
Nagsalin ang aking mga alipin ng gatas sa bath tub. Napangisi naman ako matapos nitong mapuno. Pinalabas ko na sila bago ako naghubad.
Bumungad ang aking hubad na katawan sa tapat ng mahiwagang salamin. Napakaswerte ng babaeng makakabihag sa akin ngunit wala sa isip ko ang pagkakaroon ng kasintahan. Makakahadlang lamang iyon sa aking pamumuno. Mabuti na rin iyong wala dahil walang pipigil sa pagtikim ko ng iba't ibang prinsesa na may masasarap at matatamis na dugo.
Nagbabad muna ako at naligo sa gatas. Nang makuntento ako ay saka ako nagbanlaw at nagbihis. Slacks at white long-sleeves ang aking sinuot. Bukas ang una nitong dalawang butones. Mamahaling itim na sapatos naman ang aking isinuot sa paa. Kailangang isa pa rin akong magandang lalaki habang nakikipaglaban.
Tumingin ako sa mahiwagang salamin para suriin ang aking postura. Handa na ako para mamaya, siguradong hindi man lang ako pagpapawisan. Madali ko silang itutumba.
Umupo ako sa aking swivel chair na nakaharap sa veranda. Bukas ang aking mga bintana upang klaro kong marinig ang ibaba. Napakaingay na nga ng mga manonood. Hindi ko alam kung bakit sa unahan pa ng kastilyo gagawin ang paligsahan imbis na sa arena. Siguro ay para maisaisip ng mga kalahok na bawasan ang paninira. Napangisi naman ako. Subukan ng aking ama na humadlang sa aking pagsali at ipapakita ko sa kaniya ang aking lakas na araw-araw ko noong inensayo. Sisirain ko ang kaniyang pinakamamahal na kastilyo.
"Tinatawagan na ang mga kalahok na nagpalista! Pumasok na kayo rito sa ating ground!"
Napangisi naman ako nang marinig ang anunsyo na iyon sa ibaba. Inubos ko ang kopita ng dugo na nasa aking gilid. Oras na hindi matawag ang pangalan ko ay maghahanda na akong gawin ang aking balak. Isang malawakang pagsira.
"Simple lamang ang mga batas ng paligsahan. Matira ang matibay at ang huling kalahok na nakatayo ang lalaban kay Prinsipe Dominique ng Ditan Kingdom. May mga mangkukulam namang nakaantabay bilang medic ng ating paligsahan. Ang mananalo sa paligsahang ito ay ang hihiranging hari ng Coran Kingdom! Simulan na ang last man standing!" sigaw ng tagapag-anunsyo.
Naghiyawan ang mga manonood. Lahat ay tuwang-tuwa. Pasensyahan na lang kung may dala silang mga bata. Hindi ako magpapakita ng awa.
Isa-isa nang tinawag ang mga kalahok. Ni isa ay wala akong kilala sa kanila. Mga mahihinang uri, mga normal-blooded panigurado ito o kaya ay miyembro ng awtoridad sa aming imperyo. Narinig ko rin kanina na kasali si Chadler. Hindi ko alam kung kakalabanin ako ng batang iyon. Wala pa naman iyong pakialam sa mundo. Ang mahalaga lang sa kaniya ay ang virtual girlfriend niyang si Melisa.
"Prinsipe Chadler Crisis Crimson! Nicolo Armendez!" anunsyo sa ibaba.
Kasali nga ang aking kapatid. Alam kong wala pa itong balak na maging hari. Hindi ko rin naman balak na durugin ang buto ng batang iyon.
Patapos nang mag-anunsyo at tumayo na ako. Tawagin man ako o hindi, bababa ako sa paligsahan na iyon.
"At ang panghuli, si Prinsipe Maruem Ezekiel Crimson!"
Nang marinig ko ang aking pangalan ay napangisi ako. Mula sa veranda ay tinalon ko ang taas ng aking kwarto pababa. May taas itong sampung palapag na hindi ko na pinansin. Oras na para patunayan kong malakas ako at karapat-dapat na maging hari.
Nang bumagsak ako sa lupa ay nakabwelo ako. Bahagya akong nakayuko para pigilan ang lakas ng impact. Sinadya ko ring lakasan ang pagbagsak upang masira ang lupa. Napakalaking c***k ang aking nagawa. Nagsi-atrasan din ang ibang kalahok dahil sa takot.
Nang mag-angat ako ng tingin ay nagtama ang mata namin ng aking ama na si Emperador Julyan. Napangisi ako at nagpagpag ng aking suot.
"Manood ka, ama."