CHAPTER 2

1299 Words
Maruem Ilang araw ang nakalipas ay pinagbawalan ako ni ama na lumabas ng kastilyo. Ito ay dahil sa ginawa kong eskandalo noong selebrasyon. Baka raw ulitin ko na naman ito, tigilan ko na raw ang pagbibigay sa kaniya ng kahihiyan. Nanatili ako rito sa aking silid. Nakaupo at nakatunganga habang nagmamasid sa ibaba ng kastilyo. Nasa ika-sampung palapag ang aking silid ngunit dahil likas na malinaw ang mata ng mga bampira, malinaw kong tanaw ang ibaba. Lubos na mas malalakas ang royal pure-blooded vampires kaysa sa mga ibang nasa hirarkiya. Ang nauuna ay ang mga royal pure-blooded na pwedeng mamuno sa bawat kaharian at emperyo, sumunod ang mga royal half-blooded na mananatiling prinsipe o prinsesa, pagkatapos nila ay mga normal-blooded na mamamayan, at panghuli ang mga alipin na may kaso sa kaharian. Iyon ang hirarkiya na sinusunod sa buong Underworld. Mayroon kaming natural abilities o iyong mga abilidad na talagang taglay na namin mula pagkasilang. Ang mga bampira ay may abilidad na kayang patalasin ang senses higit pa sa normal na kaya nito, lalo na ang mga royal pure-blooded. May abilidad din kaming mapabilis ang aming paggalaw na parang hangin lamang na dumaan. Nagmumukha itong teleportation ngunit hindi. Ang mga natural abilities na ito ang tanging taglay ko, iyong kakaibang abilidad ko ay wala pa rin hanggang ngayon. Mayroon namang limang emperyo ang Underworld. Una ang Albaca kung saan naninirahan ang karamihan ng mga witches and wizards, ang North at South Lycan kung saan naninirahan ang karamihan ng mga werewolves, ang Prime kung saan naninirahan ang karamihan ng mga bampira, at ang United Union of Underworld kung saan tumutuloy ang karamihan sa maharlika ng bawat lahi. Pinamumunuan naman ito ng iba't ibang antas. Ang mga kaharian ang tinuturing na bawat bansa at isa akong prinsipeng naninirahan sa Coran Kingdom. Kilala ako bilang prinsipeng minamaliit ngunit babaguhin ko iyon. Oras na magbukas si ama ng pagpili ng susunod na magmamana ng trono ay ako ang magpiprisinta. May karapatan ako sa trono. Ako pa rin ang panganay at papatunayan kong malakas ako kahit pa natural abilities lang ang mayroon ako. Isang emperor ng Prime Empire ang aking ama na si Emperador Julyan. Ang pagiging emperador ay isang mataas na pwesto kung saan ikaw ang mamumuno sa isang emperyo. Upang maging aplikante ka para sa pwesto ay kailangan mong maging hari. Magiging hari ako pagdating ng panahon at sasali sa Blood Compact Organization upang madaan sa initiation at makabilang sa kanila. Kailangang maging parte ng organisasyong ito upang maging finalist sa pagkuha ng puwestong emperador. Ang mga klasipikasyon upang maging aplikante na papalit sa nakatalagang emperador ng isang emperyo ay marami. Kailangang maging hari at mairekumenda ka ng dating hari ng inyong kaharian, kailangan ding maging miyembro ng Blood Compact Organization dahil ang mga kasapi lang nila ang maaaring maging parte ng finalists para sa puwesto ng emperador. Panghuli ay kailangang malampasan ang mga misyon na ibibigay ng vampire council. Kapag napagdaanan ang lahat ng iyon ay roon lamang sila kukuha ng isang emperador para sa isang buong kontinente. At sisiguraduhin kong ako ang mapipili para sa Prime Empire. Pangarap ko ito at alam kong para sa akin ang pwesto. Nais ko rin na makarating sa mundo ng mga mortal upang makita ang kanilang mundo. Gusto kong masilayan ang inobasyong mayroon sila at makabili ng kanilang nagmamahalang mga dyamante. Nais ko ring libutin ang iba't ibang mundong natuklasan na. Kung marami akong alam na paraan ng pamamalakad mula sa iba't ibang mundo ay magiging mas mabuti akong emperador ng Prime Empire pagdating ng araw. Naalisto ako nang maramdaman kong may bumubulusok na bagay papalapit sa akin. Agad akong umiwas nang maramdaman kong nasa harap ko na ito at papasok sa aking bintana. Napatiim-bagang ako nang makita ang bagay na sumalpok sa aking pader. Isa itong kamatis. Kilala ko ang prinsipeng kayang bumato nang ganito kalakas kahit na may malaking distansya. Ang air manipulator na si Prinsipe Dominique. Ang panganay na prinsipe ng Ditan Kingdom. Matalim kong tinitigan si Prinsipe Dominique na nakangisi sa ibaba. Tinaas pa nito ang gitnang daliri niya sa akin. Ramdam ko ang pagkulo ng aking dugo at pagpula ng aking mata. Humaba ang aking kuko at naghandang bumaba ng kastilyo nang marinig ko ang anunsiyo ni ama na umalingawngaw sa bawat sulok. "Inuutusan kong bumaba ang lahat ng maharlikang nasa aking kastilyo. May mahalaga akong iaanunsiyo." Agad naman akong kumalma. Mukhang importante iyon kaya napangisi naman ako. Baka mamimili na si ama ng pagpapasahan niya ng trono. Minsan lang iyon magpatawag ng pulong. Ginamit ko ang taglay kong bilis ng isang bampira upang makarating sa meeting room nitong kastilyo. Kumpleto na silang lahat. Prente naman akong pumasok habang nakalagay sa aking bulsa ang aking dalawang kamay. Natanaw ko pa sa gilid si Prinsesa Winona, ang prinsesa ng Ditan Kingdom na may masarap na dugo. Kinindatan ko ito kaya ramdam ko naman ang masamang titig ng kapatid nitong si Prinsipe Dominique. Kaya mainit ang dugo nito sa akin ay dahil sa ginawa ko sa kapatid niya. "Magsasagawa ako ng isang paligsahan upang makapamili ng magiting na lalaking bampirang papalit sa aking sa trono ng Coran Kingdom bilang hari. Siya rin ang irerekumenda ko bilang aplikanteng ilalaban ng Coran Kingdom upang ipalit sa akin bilang emperador. Gusto kong ipakalat ninyo ang balita sa buong Coran Kingdom na magsisimula ang paligsahan bukas. Lahat ng lalaking bampira ay imbitado. Ang huling pagsubok ay ang kalabanin si Prinsipe Dominique. Salamat sa partisipasyon at tulong ng Ditan Kingdom," seryosong sabi ng aking ama. "Ama, bakit hindi niyo na lang sa akin ilipat ang trono? Kung gusto niyo talagang subukin ako ay ilista niyo na agad ako. Walang-awa kong itutumba ang Prinsipe Dominique na iyan," seryoso kong sabi. Napatingin sa akin si Prinsipe Dominique at napangisi na parang may mali sa aking sinabi. Nang mapalingon naman ako sa aking kapatid na si Claire ay bumuntong hininga ito at umiling. "Hindi ka maaaring lumahok, Maruem. Bibigyan mo lang ako ng kahihiyan dahil sa iyong magiging pagkatalo. Sumuko ka na habang maaga pa," sabi ng aking ama. Pumula ang aking mga mata dahil sa kaniyang sinabi. Malakas naman na tumawa si Prinsipe Dominique. "Prinsipe Kangkong este Prinsipe Maruem, tama ang iyong ama. Ipapahiya mo lamang ang iyong buong kaharian. Mula pa noong bata tayo ay wala ka namang kwenta. Parang isang tangay lang sa iyo ng aking hangin ay wala ka ng laban," mapang-asar na sabi ni Prinsipe Dominique. "Bawiin mo ang sinabi mo!" malakas kong sigaw. Kita ko ang aking repleksyon sa salaming may mahika. Hindi kita ang aming repleksyon sa ordinaryong salamin kaya ganito ang aming gamit. Naglalabasan na ang mga itim na ugat sa aking leeg. Pulang-pula ang aking mata at handa na akong umatake. "Wala ka naman talagang kwenta–" Hindi ko na pinatapos si Prinsipe Dominique sa kaniyang pagsasalita. Sinunggaban ko ito at itinulak papunta sa salaming nasa likod niya. Nahulog kami mula sa ikatlong palapag ng kastilyo. Agad itong lumayo sa akin ngunit agad ko rin siyang hinabol. Bumulusok kami pataas nang kontrolin niya ang hangin. Wala akong pakialam sa abilidad niya. Hindi ko hahayaang yurakan ng mababang prinsipeng tulad niya ang aking pagkatao. Malakas ako at alam ko iyon. Masyado lang nila akong minamaliit. Pinahaba ko ang tulis ng aking kuko at tinanggal ang kaniyang buong kaliwang braso. Humiyaw si Prinsipe Dominique at bumulusok kami pababa dahil nawalan ito ng balanse sa pagmamanipula ng hangin. Nang bumagsak kami sa lupa ay ginawa kong tungtungan ang katawan ng mahinang prinsipe. Humarap ako kay ama at ibinato sa tapat niya ang putol na braso ni Prinsipe Dominique. "Hayaan mo akong sumali sa paligsahan, ama. Dahil kung hindi mo ako hahayaang ipaglaban ang titulong para sa akin, bibigyan kita ng pinakamalaking eskandalong masasaksihan mo," galit kong sabi at naglaho sa kanilang harap.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD