Dumating na yata ang kinatatakutan ni Katrina kung saan mas naging matanong si KV tungkol sa ama nito dahil sa narinig nitong usapan nilang dalawa ni Eduardo kanina.
Kahit na nagsinungaling siya at sinabing ang ama ni Eduardo ang pinag-uusapan nila ay alam niyang dinamdam na naman ng anak niya ang tungkol do’n.
Hindi man alam ni Katrina kung ano ang tumatakbo sa isip ng kan’yang anak ay isa lang ang sigurado siya… alam niyang kung saan-saan na naman lumalakbay ang isipan ng anak tungkol sa ama nito.
“KV,” mahinang tawag ni Katrina sa anak niya na tutok na tutok ang mga mata sa laptop niya dahil nanonood ito ng paborito nitong cartoon.
Kanina pa kasi tahimik si KV kaya alam ni Katrina na may bumabagabag sa loob nito.
“Ayos ka lang ba ‘nak?” tanong niya.
Nakangiti namang tumingin si KV sa kan’ya.
“Opo, Mama.”
Duda man si Katrina sa sagot ng anak niya at nakangiti pa rin niyang ginulo ang maayos nitong buhok. Tama kasi si Eduardo… kamukhang-kamukha ito ni Dak kaya naman natatakot siyang magsalubong ang landas ng mag-anak niya.
Marami nang nangyari sa nakalipas na mahabang panahon. Paniguradong nalimot na ng panahon ang kung anong namagitan sa kanilang dalawa ni Dak kaya naman nag-aalala siya tungkol sa kapalaran nilang mag-ina. Natatakot siya sa pwedeng kahinatnan ng lahat.
Alam ni Katrina na marami pang pwedeng mangyari pero ayaw naman niyang matakot. Umaasa siyang hangga’t nandirito silang mag-ina sa baryo ay hindi na muli pang maglalandas ang mga landas nila ng lalaking pinag-alayan niya ng lahat-lahat.
Natatakot siyang masisira nila ni KV ang buhay ni Dak kung biglaan silang magkita.
Hinalikan ni Katrina ang noo ng anak niya dahil nakakaramdaman siya ng awa para rito subalit pinanatili niya ang ngiti sa kan’yang labi kahit pa ba natatakot siya sa pananahimik ni KV.
May kakulitan ang anak niya kaya naman labis niyang pinagtataka na hindi ito nagtatamong tungkol sa narinig nito kanina sa kanilang dalawa ni Eduardo.
Hanggang sa napagdesisyonan nilang matulog ay walang kahit na anong tanong ang lumabas sa bibig ng anak niya kaya hinayaan na lang ni Katrina ‘yon.
Maaga pa kasi sila bukas dahil nga ihahatid nila sa terminal ng bus si Eduardo dahil nais talaga nitong magpuntang Maynila para kitain na ang afam nito.
Pinalampas ni Katrina ang katahimikan ng anak niya hanggang sa magising sila kinabukasan at nang maihatid nila si Eduardo sa terminal.
“Kailan po uuwi si Ninang?” tanong ni KV nang maihatid nila si Eduardo sa terminal ng bus kanina.
Tanging nagawa lang ni Katrina ay guluhin ang maayos na buhok ng anak niya habang nakangiti at naglalakad siya sa mall kung saan katabi lang ng terminal ng bus. Naisipan ni Katrina na ilabas naman si KV ngayong araw dahil deserve naman ng pinakamamahal niyang anak ang lumabas.
“Kahahatid pa lang natin kay Ninang mo, hinahanap mo na agad siya,” nakangiting saad niya kaya napanguso naman si KV.
“Kasi po si Lola na naman ang magbabantay sa akin kapag nasa work ka, hindi na po pwedeng si Lola ang magbantay sa akin sa school dahil matanda na siya, mahihirapan po siyang maglakad. Payagan mo na po akong pumasok at umuwing mag-isa, Mama. Ihatid at sundo lang po ako ni Tatay Ernesto ay okay na po akong mag-isa,” parang matanda nitong saad sa kan’ya dahilan kung bakit napataas ang kilay ni Katrina.
Nadadalas na talaga ang ganitong pananalita ni KV na para bang matanda na ito kung magsalita at kayang-kaya na ang sarili na mag-isa.
“Sigurado ka ba? Hindi mo na kailangan nang bantay sa school?” tanong ni Katrina habang naglalakad sila papuntang sinehan dahil may bagong labas na action movie at gusto ‘yon panoorin ni KV.
Sinabi lang nito kanina nang papasok sila sa mall.
“Opo, kasama ko naman ang mga kaklase ko at alam mo po ba si Julius? Mag-isa na lang po siyang pumapasok at sinusundo na lang ng Daddy niya pag-uwi kata po kaya ko na rin mag-isa. Ipaalam mo na lang po kay Tatay Ernesto na sunduin ako pagkatapos ng klase ko sa labas ng school,” anito.
Ang Tatay Ernesto na tinutukoy nito ay ang tricycle driver na palaging inaarkila ni Eduardo tuwing binabantayan ang anak niya sa school nito.
Pinagkakatiwalaan din talaga nila ang matandang ‘yon dahil mahal na mahal talaha si KV at madalas ay may binibigay pang laruan sa anak niya maging ang asawa nito na hindi naman gano’n kalayo ang bahay sa bahay nila.
“Sige, kakausapin ko si Tatay Ernes mamaya. Tatawagan ko rin ang teacher mo para mag-text sa akin kapag tapos na ang klase mo,” aniya.
Nauunawaan naman niya ang anak niya. Alam ni Katrina na nag-aalala lang ito tungkol sa Lola niya dahil matanda na nga ito talaga at hindi na kayang tumayo sa higaan nito.
Habang nanonood sila sa sinehan ni KV ay hindi mapigilan ni Katrina na titigan ang anak niya at hindi niya inaasahan na hindi nakatingin ang anak niya sa malaking screen sa harapan nila bagkus ay nakatingin ito sa mag-amang masayang kumakain ng pop corn sa harapan nila kaya tila may karayom na tumusok sa puso ni Katrina dahil sa nasaksihan.
Kahit na nasasaktan ay hinawakan niya sa buhok ang anak niya at inayos ang kaninang ginulo niyang buhok nito.
Nalipat ang tingin ni KV sa kan’ya kaya naman nginitian niya ito.
Nang makita niya ang ngiti nito ay tila natunaw si Katrina ngunit hindi pa rin nawawala ang sakit sa dibdib niya. Naaawa man siya sa anak niya ay ito ang kapalaran nilang dalawa.
Ang malayo kay Dak dahil hindi parehas ang ginagalawan nilang mundo. Matagal nang natapos ang kung anong meron sila ni Dak. Hindi naman niya akalain na mabubuo si KV.
Naaawa man siya ngunit kailangan niyang tiisin ang kagustuhan ng anak niya na maranasan naman ang pagmamahal ng isang ama.
Masayang-masaya si KV pagkalabas na pagkalabas nila sa sinehan. Natutuwa naman si Katrina. Nagulat na lang siya nang bigla na lang itong tumakbo at lumapit sa isang billboard na nakapaskil sa salamin sa mall.
“Woah! Mama! Tignan mo po! Ang gara ng sasakyan!” sigaw nito.
Natigilan si Katrina nang makita niya ang nakatatak sa tarpaulin. ‘The Kingdom of Gold Car Company’.
“Mama, ang ganda!” sigaw ng anak niya habang nagniningning ang mga mata.
Madiin na napapikit si Katrina at hinayaan ang anak na mamangha sa isang pulang sasakyan na nasa tarpaulin. Nakita niya lang na natigilan ang anak niya at nakatitig sa isang poster kung saan katabi ng tarpaulin ng pulang sasakyan.
Agad na lumapit si Katrina dahil ang poster na tinitignan nito ay ang kasalukuyang CEO ng Car Company na dati niyang pinapasukan.
Dak…
“Halika na, KV,” mahinang aya niya sa anak niya pero titig na titig lang si KV sa poster ni Dak na para bang pinag-aaralan nito ang mukha ng sarili nitong ama.
“Mama, kapag laki ko, magiging katulad po niya ako,” saad ng anak dahilan kung bakit tila nalaglag ang puso ni Katrina dahil sa gulat.
“KV.”
“Magiging may-ari rin po ako ng sasakyan, Mama!” nakangiti nitong sabi sa kan’ya kaya nais na maiyak si Katrina.
Gusto niyang sabihin sa anak niya na ito ang ama nito na matagal na nitong hinahanap.
Gustong sabihin ni Katrina sa anak na isang may-ari ng mamahaling sasakyan ang ama nito.
Gusto niyang ipagmalaki kay KV na isang mabuting lalaki ang ama nito kaso minabuti ni Katrina na gayahin ang ginagawa ng anak niya.
Tinitigan niya ang mukha ni Dak. Malaki man ang pinagbago ng pisikal nitong pangangatawan ay hindi pa rin nakakalimutan ni Katrina ang pagmamahal na pinagsaluhan nila. Ang Dak na pinoprotektahan siya noon.
‘Kumusta ka na, Dak? Nakikita mo ba ang anak natin ngayon? Mukhang parehas kayong mahilig sa magagandang sasakyan.’
‘Na-mimiss na kita, Dak.’