“Nasaan si Aizen?” tanong ko sa kaniya. Tinapangan ko ang loob ko dahil hindi ako pwede maging mahina. At alam ko rin namang kailangan ako ni Aizen ngayon. Kahit na alam ko din namang hindi dapat ako mangialam sa mga ginagawa nila pero hindi kakayanin ng konsensya ko na may mangyaring masama kay Aizen habang ako, nandito at walang ginagawa.
Natawa siya sa sinabi ko at mas lalo pa siyang lumapit sa akin kaya ang lakas ng t***k ng puso ko. Napalunok ako at umatras pa pero wala na akong maaatrasan dahil pader na ang kasunod.
“Sumama ka sa akin kung gusto mo siyang makita.” ngumisi siya at saka tinalikuran ako. Agad naman niyang binuksan ang pinto ng itim niyang kotse saka sumakay. Pinaandar niya ang makina ng sasakyan at binaba ang bintana.
“Sasakay ka ba riyan o titingin ka na lang sa akin?” tanong sa akin ni Franco.
Napalunok ako ng laway at kinuyom ang kamao ko. Naglakad ako papunta sa loob ng sasakyan at saka umupo sa back seat. Hindi ko alam kung anong naghihintay sa akin pero bahala na.
“Hindi ka ba natatakot sa akin?” tanong niya sa akin at pinasadahan ako ng tingin sa salamin. Agad naman kumunot ang noo ko at saka umiling.
“Bakit naman ako matatakot sa’yo? Dapat bang katakutan kita?” tanong ko sa kaniya. Sa totoo lang ay kinakabahan ako. Pero hindi ko ‘yon ipinakita dahil ayokong isipin nila na natatakot ako. Alam ko naman na gagamitin nila ang kahinaan ko para mas lalo pa akong masindak.
Ngumiti siya sa akin at umiling bago nagsimulang magmaneho. Panay ang tingin ko sa daan. Medyo kumalakam na rin talaga ang sikmura ko dahil hindi ko nainom ang kape ko kanina at yung isang slice ng cake na inorder ko.
Hindi ako pwedeng mag focus sa kumalakam na sikmura ko at baka mamaya ay hindi ko na masundan ang daan pabalik. Matalas ang memorya ko pagdating sa mga lugar kaya ipagwalang bahala ko muna ang gutom ko.
Nasa halos sampung minuto na kaming nasa loob ng kotse at wala pa rin ako ideya kung saan kami pupunta. Medyo malayo na rin kami sa coffeeshop at parang wala na ring mga bahay ang nadadaanan namin.
“Saan ba tayo pupunta? Nasaan na ba si Aizen?” hindi ko na napigilan ang sarili kong magtanong. Hindi ko rin naman alam kung nasaan si Aizen at gusto ko na lang malinawan kung nasaan nga talaga siya.
“Relax, okay? Mukhang nagugutom ka na kaya kakain muna tayo.” aniya na agad kumunot ang noo ko.
Hindi ko alam kung ano ba talaga ang balak niyang gawin sa akin. Hindi ko rin naman alam kung alam niya ba talaga kung nasaan si Aizen pero bakit niya ako aayain kumain? Hindi ko naman sinabing nagugutom ako at hindi ko rin naman pinakitang nagugutom ako.
“Hindi ako gutom. P’wede bang dalhin mo na lang ako kay Aizen?” paki-usap ko sa kaniya.
Agad siyang umiling at ngumiti kaya kinabahan ako.
“Kung gusto mo talagang makita si Aizen, sumunod ka na lang sa sasabihin ko. Hindi ‘yung umaangal ka pa. Hindi mo ba kilala ang kaharap mo?” tanong niya sa akin.
“Kilala, ikaw si Franco hindi ba?” sagot ko at saka tinaasan ko siya ng kilay.
Agad naman siyang mahinang tumawa. “Silly. Alam kong ako si Franco but don’t you have any idea who I am? Si Aizen ba kilala mo?” tanong niya sa akin.
Hindi ako makasagot. At wala akong balak na sagutin ang tanong niya dahil alam ko namang isang maling salita ko lang at mabubuko na kami ni Aizen. Less talk, less mistakes. Kaya mas mabuti pang hindi na lang ako gaano mag salita.
“Of course, you’re not going to answer that.” Seryosong sabi niya. Hindi ako tumingin sa kaniya at nakatingin lang ako sa labas. Nakikinig naman ako sa kaniya, umaakto lang ako na wala akong pakialam sa mga sinasabi niya.
“Kung ako sa’yo, ‘wag ka nang sumama kay Aizen. Alam kong hindi ka niya girlfriend. And knowing Aizen? Wala na siyang balak magka girlfriend after nila mag hiwalay ng Ex niya.”
“He’s too delicate for you. Bakit ka pa ba sumasama sa kaniya? Bakit ka sumama sa akin? Bakit parang willing ka mapahamak? Mahal mo ba siya? Or kilala mo ba siya personally?” sunod sunod na tanong sa akin ni Franco na para bang ngayon pa lang ay gusto niya na akong ‘wag tumuloy.
“Or maybe you’re after his money?” Dagdag pa niya.
Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya pero pakiramdam ko ay binabalaan niya ako. Sa totoo lang din kasi, wala naman akong alam tungkol kay Aizen. Mukha naman siyang mabait. Nakakatakot lang siya dahil sa tangkad niya at hubog ng katawan. Napakaraming tattoo pa pero hindi naman ibig sabihin noon ay masamang tao na siya.
Pero hindi rin ako papayag na pag isipan niya ako na pera ang habol ko kay Aizen. Dahil unang kita ko pa lang sa kaniya, mukha na siyang tambay noon sa lagay niya na nakipag suntukan at inuman sa kanto. Pero tinulungan ko pa rin siya, dahil hindi ko kayang nakikitang may nahihirapan sa harap ko at wala man lang akong nagawa. Kaya hindi ko hahayaan na isipin niyang pera lang ang habol ko kay Aizen.
Ngumiti ako at pinasadahan siya ng tingin bago ako nagsalita.
“Unang una, hindi mo ako kilala. Pangalawa, wala ka naman na sigurong pakialam kung anong meron sa amin ni Aizen. Hindi naman ako sasama sa’yo para ipahamak ang sarili ko para sa wala hindi ba?”
“At wala ka ring karapatan para husgahan ako dahil lang alam mong mahirap ako. Bakit ko pa ipapahamak ang sarili ko dahil lang sa pera? Kaya kong kitain ang pera, Franco. Pero ‘yung makitang may nahihirapan sa harap ko at wala akong ginagawa? ‘Yun ang hindi ko kaya.”