Kanina pa ako naglalakad nang hindi man lang alam kung saan pupunta. Ang alam ko lang sa mga oras na ito ay gusto kong mapag-isa, gusto kong makapag-isip. Hindi naman ako nagkakaganito dahil sa binitiwang salita ni Rafael eh, kasi kung tutuusin, tama naman siya. May punto siya, wala akong pamilya kahit pa sabihin na ginabayan ako ng mga madre sa ampunan ay may kung ano sa puso ko na naghahanap ng kalinga ng magulang. Naiinis ako sa sarili ko. Dahil hanggang ngayon umaasa pa rin ako na babalikan nila ako. Umaasa ako na isang araw kakatok sila sa pinto ng bahay ko para kunin ako. Umaasa ako sa salitang pamilya na sana isang araw marealize nila na may anak silang nakalimutan nila, na may anak silang umaasa pa rin sa kanila. Isang parke ang tinigilan ko matapos ang may kahabaang paglalakad.

