PROLOGUE:

434 Words
PROLOGUE: “MAAWA na po kayo, napapagod na ako sa gabi-gabing bangungot na nararanasan ko!” Tahimik akong nakikinig mula sa loob ng bahay-kubo namin. Si Mama ang nasa labas habang kinakausap ang babaeng gustong magpagamot sa akin. Maganda ang boses niya, mahinhin pero hindi ako sigurado kung totoo ba ang sinasabi niya o manloloko rin. “Iha, sa totoo lang hindi na kami halos tumatanggap ng babaeng pasyente na ka-edaran mo dahil madalas, nanloloko lang. Kung hindi naman kritikal ang kondisyon mo, huwag na lang,” sagot ni Mama. Ilang segundong naging tahimik. Akala ko nga umalis na iyong babae o kaya sumuko na pero. . . Narinig ko ang unti-unti niyang paghikbi. Nabitin tuloy sa ere ang isusubo ko sanang pandesal. Naknangputsa! Ayaw ko talaga sa lahat ay ‘yong umiiyak. “Gabi-gabi niya po akong ginagahasa. Napapagod na po ako, parang awa n’yo na po. Gusto ko na po siyang mawala. . .” “Iha, kung ginagahasa ka, hindi dapat dito. Sa pulis ka magsumbong—” “Hindi po ako ginagahasa nang pisikal, sa panaginip po! Gabi-gabi po akong ginagahasa sa panaginip!” “E baka iha, tigang ka kaya nananaginip ka ng gumagahasa sa iyo? Kailan ba ang huling nagkaroon ka ng nobyo?” Imbes na sagutin ang tanong ni Mama, mas lalong lumakas ang paghagulgol niya. Tagos na tagos sa puso ko kung paano siya umiyak. May ilang babae na rin ang umiyak dahil ayaw kong pagbigyan na gamutin, pero ang iyak nitong babaeng ito, kakaiba. Napamura ako sa isip lalo na nang maiukit 'yong wala sa bokabularyo ko; ang maawa. “H-hindi po ako g-ganun. . .” “Please, hindi kasi pwedeng—” Hindi ko na pinatapos ang pagsasalita ni Mama, kaagad na akong tumayo mula sa kahoy na silyang kinauupuan ko at saka sumigaw. “Teka lang, Ma!” Pagkabukas ko ng pinto, bumungad sa akin si Mama. Kaharap niya ang isang babaeng may itim, diretso at mahabang buhok. Maputi siya, mukhang mahinhin ang mukha at disente kung manamit. Namumugto ang mga mata niya dahil sa labis na pag-iyak. Nag-angat siya ng tingin sa akin, at nang magtama ang mga mata naming dalawa. . . bahagyang umawang ang labi ko. Kumunot ang noo ko nang dahil sa nakita. . . Teka hindi ko dapat makita 'yon! Pumikit ako sabay iling bago tumikhim. “Tutulungan kita,” mabilis na tugon ko. “Pero anak baka niloloko ka na naman nito?” Lumingon sa akin si mama na may pagtataka sa mukha. Umiling ako. “Hindi Mama, may nakita ako. Totoo ang sinasabi niya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD