Samantala, nganga pa rin si Gabie habang nasa sasakyan pauwi sa kanilang bahay. Hindi siya makapaniwala na nilapitan talaga siya ni Omeng para i-congratulate lang. Ano ang nakain niya, hindi ako sanay! Sa office lang talaga ng editorial staff kami nagbabatian. Pero sa loob ng campus, deadma lang siya. Parang hindi ako nag-e-exist.
Sa sobrang pagkabigla, inimbitahan tuloy niya ang binata na pumunta sa bahay nila dahil wala siyang maisip na sabihin dito. Kahit alam naman niya na hindi ito pupunta. Ah, nakakainis! Nahalata kaya niya na na-tense ako? Caught off-guard ako sa ginawa niya! Hindi ako prepared! Nakakaasar!
Mas kinikilig pa si Edne kaysa sa kanya nang tumalikod na si Omeng. Panay ang kuhit nito sa tagiliran niya.
“Ayih!” tili nito. “Nakakaloka! Ang haba ng hair ng Lola, oh! Kinikilig ka, Bes!” muli nitong tudyo.
“ʼWag ka ngang maingay diyan, ano ka ba! Baka marinig ka niya isipin pa na patay na patay ako sa kanya,” awat niya dito.
“Bakit, hindi ba? If I know malapit ng malaglag ang panty mo!” sabi nito kasabay ng malakas na tawa.
“Hindi naman, slight lang, grabe naman ʼto!” nahihiyang sagot niya.
Nasa ganoon silang usapan nang tawagin na ito ng Nanay nito na si Nonie kaya nagpaalam na rin siya sa kanila. Ninang niya sa kumpil ang Nanay nito kaya mas lalo pang nagkalapit ang kanilang pamilya. Pareho lang sila na may tig-isang kapatid. Babae ang bunsong kapatid nito at lalaki naman ang sa kanya.
Pagdating nila sa kanilang bahay ay marami ng bisita. Agad silang sinalubong ng ilang bisita nang makababa sila ng sasakyan. Very proud naman ang mga magulang niya dahil napakaswerte daw nila, dahil bukod sa matalino na siya ay maganda pa.
Likas na sa Nanay Alona niya ang pagiging maasikaso sa mga bisita. Kaya nang makapasok sila ng bahay ay sobrang naging abala na ito sa pag-estima ng kanilang mga bisita. At dahil sa sobrang haba ng programa sa graduation ceremony, hindi maiwasang kumalam ang sikmura niya sa sobrang gutom kaya agad siyang kumain. Hindi kasi siya nakakain ng mabuti noong tanghalian dahil sa sobrang excitement.
Nang makakain siya ay unti-unti na ring nagsiuwian ang mga bisita. May ilang mga naiwan dahil nag-iinom pa kasama ng Tatay Gabriel niya habang nagbi-videoke naman ang iba. At dahil iilan na lang ang bisita nila, nagpaalam na siya sa Nanay niya na aakyat upang makapagpahinga na. ʼDi rin kasi siya nakatulog ng maayos noong isang gabi dahil tinulungan niya ang Nanay Alona niya sa pagtitimpla ng salad at shanghai.
Paakyat na sana siya nang tawagin siya ni Earl, ang bunso niyang kapatid. Second year college na ito sa darating na pasukan at kumukuha ng kursong Nursing.
“Ate, may bisita ka!” sigaw nito kaya dali-dali naman siyang lumabas. Hindi siya kaagad nakaimik nang makita ang sinasabi nitong bisita.
Nganga ka na naman Gabie! Tatanga ka na lang ba dʼyan? Imik ikaw! utos niya sa sarili.
Huminga muna siya ng malalim bago nagsalita. “Uy, akala ko ba may handaan din sa inyo?” ʼyon lang ang nasabi niya nang makita si Omeng na nakatayo sa labas ng pintuan. Nakapantalong maong na ito, puting t-shirt at itim na sneakers kaya mas lalong lumitaw ang kaguwapuhan.
“Oo nga! Konti na lang naman ang bisita at saka inuman na lang kaya nagpaalam muna ako sa kanila na aalis lang ng madali. ʼDi ba sabi ko naman sa iyo susubukan kong pumunta. Kaya heto na ako, basta hindi ako drawing,” paliwanag nito.
Hindi niya napigilan ang sarili na ngumiti. “Okay. Ano, ahm, tara sa loob kumain ka muna,” lutang pa rin siya sa kabiglaan.
“Busog pa ako, salamat na lang.” Hinaplos nito ang kanyang tiyan. “Sumilip lang naman talaga ako kasi matagal na rin akong hindi nagagawi sa lugar ninyo. Hindi rin ako magtatagal,” dire-diretsong sabi ni Omeng habang nakatitig lang siya dito.
“Miss Tawa!” tawag ni Omeng habang pinipitik ang daliri sa harap ng mukha niya. “Anoʼng nangyari? Para kang nahipan ng hangin. Okay ka lang?” tanong pa nito.
“Ha? Ah, sorry naman. Nagulat lang ako kasi tinotoo mo ‘yong sinabi mo. A-Akala ko kasi joke-joke lang ʼyon, eh,” nauutal na paliwanag niya sa binata. “P-Pasok ka muna,” aya niya dito habang lumalakad papasok sa loob ng bahay nila. Agad namang sumunod si Omeng sa kanya.
Pagpasok nila ay sakto namang palabas ng kusina ang Nanay Alona niya. Ipinakilala niya ito kay Omeng.
“Nanay ko nga pala, si Nanay Alona.” aniya.
Ngumiti lang si Nanay Alona kay Omeng at muling humarap sa kanya. “Anak, pakainin mo muna ang bisita mo,” utos nito sa kanya.
“Magandang gabi po. Okay lang po, busog pa naman po ako. ʼWag na po kayo mag-abala,” magalang na sagot ni Omeng.
“ʼNay, si Omeng nga po pala, kasama ko po sa editorial staff. Bale siya po ʼyong nagsusulat ng mga articles namin sa Sports column,” pagpapakilala niya kay Omeng dito.
“Ganoʼn ba? Ay siya sige, umupo ka muna at lalabasan ko lang ng pulutan sina Tatay mo.” Pero bago pa man makalabas ang Nanay Alona niya ay nakapasok na ang Tatay niya kaya ipinakilala na rin niya ito kay Omeng.
“Si Tatay Gabriel ko nga pala.” Bumati naman ng magandang gabi dito si Omeng.
Palibhasa ay medyo nakainom na ang Tatay Gabriel niya, naging mausisa ito sa binata.
“Ikaw ba ay nanliligaw dito kay Gabie, Utoy?” tanong nito kay Omeng. Nanlaki naman ang mata niya at namula ang kanyang pisngi dahil sa tanong ng Tatay niya.
“ʼTay naman, ano ka po ba! Nakakahiya kay Omeng. Magkakilala lang po kami kasi nagkasama po kami sa pagsusulat doon sa newsletter ng University. Napadaan lang po siya rito at hindi po siya nanliligaw sa akin,” paliwanag niya dito.
“Ay ganoon ba? Pasensya ka na, Utoy, at akala ko kasi ay manliligaw ka nitong si Gabie. Para kasing doon sa ikinukuwento ni Edne na crush daw ni Gabie ay ikaw ang nagma-match kaya akala ko ay ikaw talaga ʼyon. Ang sabi kasi ni Edne ay may crush daw itong si Gabie, varsity player daw ng soccer. Matangkad daw, guwapo at matalino. Engineering nga ba ang course noon, Gabie?” tanong ni Tatay Gabriel sa kanya.
Nanlaki ang mga mata niya dahil sa kadaldalan ng Tatay niya. Juice colored! ʼTay, preno naman! Gusto na niyang awatin ang Tatay niya sa pagsasalita.
Hindi niya alam kung ano ang magiging reaction niya. Gusto na lang niyang lamunin siya ng lupa sa mga oras na iyon dahil sa pinagsasabi ng Tatay niya. Nang mapatingin siya kay Omeng ay nakangiti lang ito sa kanya habang pakiramdam naman niya ay nangangapal ang kanyang mukha sa sobrang kahihiyan!