Kahit magkaiba ng course si Gabie at Edne, during vacant periods ay magkasama pa rin sila. Minsan sa library, minsan sa canteen o minsan naman ay sa gym. Pareho kasing varsity player ang crush nila kaya enjoy silang tumambay doon. Volleyball player ang crush ni Edne, si Aristotel Magnaye. Guwapo ito at magaling talaga sa volleyball. Pero bukod doon, wala na itong ibang alam. Tinatanong nga niya si Edne kung bakit iyon ang type nito samantalang napaka-boneless naman, as in walang laman ang utak, puro kaguwapuhan lang.
“Paano pala kung hindi guwapo si Aris, ‘di wala na siyang magandang quality? Nakakaloka!” saad niya kay Edne.
“Hayaan mo na, Gabie, matalino naman ako. Keri na ʼyon. Matalino plus guwapo, ang ganda ng lahi namin kapag nagkatuluyan kami!” kinikilig na sagot nito sa kanya.
“Hay naku, Edne, matalino ka nga, ang shunga-shunga mo naman pagdating sa love,” eksaheradang saad niya.
“Alam mo, minsan iniisip ko kung talagang kaibigan kita. Kung makapanglait ka, wagas! Walang kasupo-suporta,” reklamo nito. “Bakit ʼyang si Omeng mo ba, akala mo hindi ka paiiyakin niyan? Kapag nagkatuluyan kayo baka maya’t maya kang tumawag sa akin at umiiyak. Napakababaero kaya niyan! Varsity player ng soccer kaya habulin ng mga chicks,” dagdag pa nito habang nakairap sa kanya.
Si Romeo Paderes Jr. ang tinutukoy nito. Moreno, dahil na din sa exposure sa init ng araw, pero guwapo at matalino. He is taking up Bachelor of Science major in Civil Engineering. Ka-batch nito si Vincent pero dahil five years ang Engineering, kasabay niya ito na ga-graduate.
Pareho sila ni Omeng na writer sa University newsletter. Ang focus ng binata ay Sports, Literary naman ang sa kanya. Madalas silang magkita ng binata kapag may meeting ang editorial staff. Hindi siya masyadong napapansin nito dahil mahilig ito sa sexy at magagandang babae.
Hindi naman kasi ako kagandahan, sapat lang, kaya deadma ang lolo mo. Sexy naman ako, ah, hindi nga lang revealing kaya ʼdi niya masyadong napapansin. Anyway, masaya na ako na tawagin niyang Miss Tawa every time na nagkakasalubong kami. Sapat na ʼyon sa akin for now, at least napapansin niya, pampalubag-loob niya sa sarili
“Hoy! Gabrielle, ano na? Nganga ka na naman kay Omeng!” sigaw ni Edne.
“Ano naman? Hayaan mo na at siya na nga lang ang kaligayahan ko,” paliwanag niya sa kaibigan.
“Ah, ganoon, kapag sa ʼyo kaligayahan, kapag sa akin katangahan? Ang unfair mo naman, Gabie!” reklamo ni Edne.
“Sige na nga, sorry na. Okay, kaligayahan na kung kaligayahan basta ʼwag madadala sa guwapo lang, ha. Wala ʼyang ipakakain sa ʼyo,” paalaala niya kay Edne.
“Oo na! Tara na nga sa canteen gutom na ako!” aya ni Edne sa kanya.
Laging sa canteen ang favorite hangout nila ni Edne. Kahit nagtatampo ito sa kanya, basta inaya niya sa canteen ay agad na nawawala ang pagtatampo nito.
*****
“Anak, dalian mo na riyan at inuugatan na daw ʼyong kaibigan mo sa ibaba!” malakas na sigaw ng Nanay niya.
Bumalik lang ang isip niya sa kasalukuyan nang marinig niya ang boses ng kanyang Nanay kasabay ng pagkatok nito sa pinto.
“Opo, ʼnay, tapos na! Susunod na po ako,” malakas na sagot ni Gabie.
Pagkatapos niyang magbihis ay bumaba na agad siya para makapag-breakfast na. Dumiretso na sila sa University pagkatapos kumain. Kailangan pa kasi niya na magbasa ng lessons dahil final exams na. Pareho na silang excited ni Edne sa nalalapit nilang graduation.
Naghiwalay na sila ni Edne nang makarating sa University patungo sa kani-kanilang classrooms. Nakita niya na sinalubong na ito ng kanyang classmate kaya dumiretso na din siya sa kanyang classroom.
*****
Dumating na ang araw na pinakahihintay ni Gabie, ang kanilang graduation. Hindi na siya nagulat na Summa c*m Laude si Edne at Magna c*m Laude naman siya. Kapwa masaya at sobrang proud ang kanilang mga pamilya dahil sa awards na kanilang natanggap.
Pagkatapos ng graduation ceremony ay agad silang binati ng kanilang mga Professors, fellow students at parents. Panay ang pakuha ng pictures habang suot ang kanilang mga medals.
Nang hinubad na ni Gabie ang kanyang suot na toga, lumitaw ang hubog ng katawan niya dahil sa dress na suot niya. Fitted na above the knee lang ang haba pero disenteng tingnan. Very light ang make-up niya kaya mas lumitaw ang kanyang simpleng ganda.
Nang paalis na ang pamilya ni Gabie ay napansin ng dalaga na papunta sa gawi nila si Omeng kaya nag-iwas siya ng tingin.
“Miss Tawa!” tawag ni Omeng sa kanya.
Agad namang lumingon si Gabie sa pamilyar na boses na tumawag sa kanya.
“Congrats!” bati ni Omeng.
Panay ang kuhit ni Edne sa kanya nang lumapit si Omeng, hindi maitago ang pagkakilig. Tiningnan niya ng masama si Edne upang tumigil sa ginagawa.
“Thanks, Omeng! Congrats din sa ʼyo. Pauwi na ba kayo?” tanong niya sa binata.
“Oo, binati lang talaga kita. Sige ingat kayo,” paalam nito sa kanya.
Ngunit nang akmang tatalikod na ang binata, lakas-loob niyang tinawag si Omeng. “Ay, Omeng!” malakas na tawag niya dito.
Lumingon muli ang binata sa kanya nang marinig nito na tinawag niya.
“Mayroon nga palang konting handaan sa bahay ngayon. Pasyal ka na lang kapag wala kang ibang gagawin,” alanganin siya habang sinasabi ito kay Omeng.
“Mayroon din kasing hinanda si Mommy sa bahay at saka dumating sina Lolo at Lola. Sa ibang araw ka na lang magpa-blowout sa akin,” saad ng binata, sabay kindat sa kanya.
“Blowout talaga? Bakit naman ako magpapa-blow out ay pareho naman tayong gumraduate,” paismid na sagot niya.
“Siyempre, ikaw ang may award, ‘di ba?”
“Wala pa naman akong trabaho. Saka na lang kapag meron na,” pagkasabi niya noon ay ngumiti siya dito na ikinatuwa ni Omeng dahil lalong lumitaw ang natural niyang ganda.
“O, sige na nga. Pero susubukan ko din kung makakasaglit ako sa inyo. Congrats ulit. Bye!” paalam ni Omeng sa kanya. Bumalik ito sa naghihintay na pamilya at sumakay ng kotse para umuwi.
*****
Nang bumalik si Omeng sa kanilang sasakyan ay hindi naiwasang ma-curious ang kanyang pamilya kay Gabie.
“Girlfriend mo, Kuya?” tanong ng bunsong kapatid niya at ang nag-iisang babae na si Rhea nang makaupo na siya sa sasakyan. College na rin ito sa darating na pasukan. At dahil idol daw niya si Omeng, Engineering din ang kukunin nitong kurso.
“Ayos ang taste mo, Kuya. Simple lang pero habang tinititigan mo paganda ng paganda lalo na kapag ngumiti,” sabi naman ni Rowel, ang sumunod sa kanya. Fourth year na ito sa kolehiyo at kumukuha ng kursong Bachelor of Science major in Accountancy. Pinagpala talaga sila when it comes to number. Lahat sila ay may award na Best in Mathematics during elementary at nagko-compete sa Math Olympiad noong high school. Mana raw sila sa kanilang Daddy na isang Civil Engineer.
“Tumigil nga kayo, hindi ko girlfriend si Gabie at lalong hindi ko siya type,” tanggi niya sa dalawang kapatid.
“Ah, oo nga pala, nakalimutan ko kasi, Kuya, na ang mga type mo ay ʼyong mga babae na halos lumuwa na ang dibdib at kita na halos ang singit sa kaiklian ng damit,” sabay tawa ni Rhea na may halong pang-aalaska.
“Bakit ba, magaganda naman!” kontra niya kay Rhea. “At saka bakit ba napunta doon ang usapan, ikaw nga ang bata-bata mo pa nakikipag-date ka na. Mommy, Daddy, dapat hindi pa ʼto pinapayagan mag-boyfriend,” sabay paling niya sa mga magulang habang itinuturo ang bunsong kapatid.
“Excuse me! Porke nakasabay lang sa paglalakad, date na agad at boyfriend? Magkaibigan lang po kaya kami ni Norman. Hindi ako ang type noon kasi ikaw ang crush niya!” Pagkasabi ni Rhea nito ay sabay-sabay silang tumawa ng malakas.
“Pero, anak, maganda ʼyong kausap mo, at matalino pa. Mukhang bagay kayo,” nakangiting sabi ng Mommy ni Omeng na agad namang sinang-ayunan ng Daddy nito.
“Ano ka ba, Mommy, ayoko muna mag-girlfriend at gusto ko po muna mag-concentrate sa pagre-review. Aba, baka maudlot ang pagkakaroon mo ng anak na Engineer,” biro niya sa ina.
“Okay lang iyan basta alam mo ang priorities mo. Bakit ba kami ng Mommy niyo, girlfriend ko siya nang nag-graduate kami noong college but we waited for the right time. Kung hindi, ay di pinarambo na ako ng lolo ninyo!” sabay-sabay muli silang nagtawanan.
Habang nasa biyahe sina Omeng, muli niyang naalala si Gabie. Nang makita niya kanina sa stage ang dalaga habang tinatanggap ang kanyang diploma at medal ay nanibago siya kay Gabie. Parang hindi ito ʼyong ordinary girl na nakakasama niya sa office ng editorial staff–walang kolorete pero parating nakangiti sa kanya oras na makasalubong ang dalaga. Hmm, dahil ba sa naka-make-up siya ngayon? Bakit ngayon ko lang napansin ang unique beauty ni Miss Tawa? tanong niya habang sinusundan ng tingin si Gabie mula pagbaba sa stage hanggang sa makaupo ito.
Hindi niya namalayan na nakarating na pala sila sa kanilang bahay kung hindi pa tumigil ang kotse. Nakita ni Omeng na madami ng tao sa loob ng kanilang bahay. Nang bumaba sila ng sasakyan ay nakita niya na papalapit ang Lolo at Lola niya. Niyakap nila si Omeng ng mahigpit at binati. Sabay-sabay na silang pumasok ng bahay.