Habang nasa lady's room si Edne ay naiwan sina Gabie at Omeng sa table na inokupa nila nang kumain sila. Pareho silang walang imik at tila nagkakailangan kaya si Omeng na ang bumasag sa katahimikan.
“Medyo tinamaan ako kagabi doon sa tagay ng Tatay mo, ah,” bungad niya.
“Eh, kasi nilaklak mo ba naman lahat, ang taas kaya noon!” sagot ni Gabie.
“Pero totoo ba ʼyong sinabi ng Tatay mo?” nakangiting tanong niya rito. Napansin niya na namula agad ang pisngi nito at biglang inubo.
“Ha, alin ba doon?” painosenteng tanong ni Gabie.
Hindi niya napigil ang mapatawa. “Wala, ʼdi bale na lang,” nakangiti niyang sagot. “Gabie, napapansin ko lang, bakit hindi mo na nakakasama ang boyfriend mo?”
Foul! Bakit ko ba naitanong ʼyon? Hindi ko na kayang bawiin. Napakatsismoso mo, Omeng! Kitang-kita niya na nag-iba ang timpla ng mood ni Gabie. Sumimangot ito at biglang nagpalinga-linga sa loob ng canteen. Nahagip naman ng tingin niya ang boyfriend nitong si Edgar, graduate rin ito ng Civil Engineering. May kasama itong babae at sa pagkakatanda niya ay isa ʼyon sa mga contestants ng Ms. Campus noong Foundation Day. Sweet na sweet ang dalawa at nagsusubuan pa ng kinakain nilang cracker. Sobra ang pagsisisi niya kung bakit naitanong pa niya iyon dahil hindi maitago ni Gabie ang sakit na nararamdaman.
“Wala na kami ni Edgar. Matagal na! ʼWag na lang natin siya pag-usapan, please. Medyo naka-move on na ako,” malungkot na sagot ni Gabie.
Hindi napigilan ni Omeng na hawakan ang kamay ni Gabie. “Sorry, hindi ko sinasadya. Akala ko kasi kayo pa. Ngayon ko lang napansin na may iba na pala siyang kasama.”
Hindi nila namalayan na nakalapit na pala sa table nila si Edgar, nakita nito na hawak pa rin niya ang kamay ni Gabie.
“Hi, Gabie, kumusta?” Hindi pa nakakasagot si Gabie ay muli itong nagsalita. “Mabuti naman at happy ka na rin. Ang bilis mo naman palang mag-move on. Tama ʼyang ginawa mo, ang ipinalit mo sa akin ay at least ka-level ko,” sabi nito kay Gabie.
Bago pa nakasagot si Gabie ay inunahan na ito ni Omeng. “Oo, ʼtol, ang suwerte ko nga kay Gabie, eh. Gusto ko na ngang pakasalan agad.” Pagkasabi nito ay hinalikan niya ang kamay ni Gabie.
Napansin niya ang pagkagulat ni Gabie pero hindi naman ito sumagot. Walang nagawa si Edgar kung hindi bumalik sa table na inookupa nito.
“Bakit mo ginawa ʼyon?” nagtatakang tanong ni Gabie.
“Eh, nakakainsulto naman kasi siya. Tingnan mo, mukhang paniwalang-paniwala ang loko.”
Tumingin si Gabie sa gawi nina Edgar at napansin nito na nakasimangot ito habang nakatingin sa kanila.
“Tara na nga lang, Omeng. Sa labas na lang natin hintayin si Edne,” akit nito sa kanya.
Titig na titig pa rin si Edgar sa kanila ni Gabie kaya pinanindigan na niya ang pang-aasar dito. Nang tumayo si Gabie ay hinawakan niya ang kamay nito at inilapit ang bibig sa tainga ni Gabie. “Asarin pa lalo natin si Edgar.” Sabay silang lumabas na magkahawak ang kamay. Ngumiti naman si Gabie sa ideya niya at magkahawak-kamay sila na lumabas ng canteen.
Nang pabalik na ng canteen si Edne matapos pumunta ng lady's room ay laking gulat niya nang makitang nasa labas na sina Omeng at ang kanyang bestfriend, magkahawak-kamay.
Napansin naman siya ni Gabie na papalapit kaya agad nitong hinila ang kamay na noon ay hawak-hawak pa rin ni Omeng. Kitang-kita ni Gabie ang pagkagulat sa mukha nito na agad din namang napalitan ng ngiti.
“Hoy! Anong ibig sabihin niyang holding hands, holding hands ninyo, ha? Nalingat lang ako ng ilang saglit, kayo na!” bulyaw niya sa dalawa.
“Siyempre, ganoon ako kabilis sinagot ni Gabie. Sa guwapo ko ba namang ito magdadalawang-isip pa 'tong kaibigan mo? Boyfriend material yata ito!” sagot ni Omeng sabay kindat kay Gabie.
“Hindi rin naman makapal ang mukha, ano!” Namumula na naman ang pisngi ni Gabie habang nakairap kay Omeng.
“Ah, ganoon? Walang ano man, ha. Sa halip na mag-thank you sinungitan pa ako. Ikaw na nga 'tong ginawan ng pabor, ikaw pa ʼtong pikon diyan,” sagot ni Omeng, may halong pagtatampo.
Kumunot ang noo ni Edne. “Pakipaliwanag nga!” nalilitong sabi niya. “Ano bang nangyari? Bakit kayo magka-holding hands?” pangungulit niya sa dalawa.
“Si Gabie na lang ang tanungin mo, may pupuntahan lang ako,” pagkasabi ni Omeng noon ay lumakad na ito palayo sa kanila.
Nang sundan ng tingin ni Gabie si Omeng ay nakita niyang lumapit ito sa grupo ng mga pep squad. Animo ay nakakita ang mga ito ng isang artista at hindi magkamayaw sa paglapit kay Omeng. May isa na ikinawit ang kamay sa braso nito at may isa naman na umakbay pa sa binata.
Sus! May patampo-tampo pa kunwari pero para-paraan niya lang naman ʼyon para makalapit sa mga babae niya! inis na sabi ni Gabie sa sarili.
“Ano bang nangyari doon at biglang parang nagtampo? At saka, anong pabor ang sinasabi noon?” sunod-sunod na tanong ni Edne.
“Ewan ko sa kanya!” pagkasabi ni Gabie noon ay agad na niyang niyaya si Edne na tapusin na ang pag-aasikaso ng kanilang clearance.
Hindi rin naman siya tinigilan ni Edne sa pangungulit kung ano ang totoong nangyari kaya napilitan din siyang ikuwento rito ang nangyari sa canteen.
“Eh, ʼyon naman pala, ikaw na nga naman itong ginawan niya ng pabor, ikaw pa itong napipikon,” pangongonsensiya nito
“Sino naman ang hindi maiinis sa kanya, masyado siyang feeling. Hindi porke ginawan niya ako ng pabor ay may karapatan na siyang ipamukha sa akin na... na ano... basta!” Hindi rin niya maintindihan ang sarili kung bakit pinagsungitan niya si Omeng.
“Ipamukha na ano ba, na patay na patay ka sa kanya?” Hindi napigilan ni Edne ang mapatawa. “Eh, kasi naman, Bes, obvious ka kaya!”
“Tigilan mo na nga ako, ha! Si Tatay kasi pahamak!”
Hindi naman maikakaila ni Gabie sa sarili na nakaramdam siya ng selos nang makita niyang lumapit si Omeng kanina sa grupo ng mga pep squad. Kaya buong hapon ay wala siyang imik habang kinokompleto nila ang kanilang clearance.
Nang pauwi na sila ni Edne ay nakasabay ulit nila si Omeng nang sapitin nila ang gate ng campus. Kasama nito si Joy, siya ang leader ng pep squad. Hindi maiwasan ni Gabie na ma-insecure dahil pakiramdam niya ay wala siyang panama sa ganda at tangkad nito. Naka-abrisiyete ito kay Omeng na animo ay may relasyon ang dalawa. Laking gulat ni Gabie nang hinalikan ni Joy sa pisngi si Omeng. Napansin din niya na nagulat ang binata nang halikan ito ni Joy. Dumistansiya si Omeng nang makita sila nito.
Wow! May pahalik-halik talaga? Ang lalandi! inis na sabi ni Gabie sa sarili.
Niyaya na niya si Edne na umalis nang may dumaang jeep. Pinara niya ito at sumakay, sumunod naman agad sa kanya ang kaibigan.
“Bes, okay ka lang?” nag-aalalang tanong ni Edne sa kanya nang makaupo.
“Oo naman, ano ka ba!” pagsisinungaling niya.
Ang over acting mo naman, Gabie! Hindi mo naman boyfriend si Omeng, bakit ka nagseselos? Wala kang karapatang magselos! Hindi ka nga type noon, eh! kumbinsi niya sa sarili.
GUSTO sanang sundan ni Omeng sina Gabie nang makita niyang sasakay na ang mga ito sa jeep. Hindi naman niya inaasahan na hahalikan siya ni Joy. Muntik na nga niya itong maitulak pagkatapos noong tagpong iyon. Pero bakit ganoon? Bakit parang gusto kong sundan si Gabie para magpaliwanag? Hindi ko naman siya girlfriend at lalong hindi ko rin naman siya nililigawan. Pero bakit gusto ko siyang habulin kanina at sabihing wala lang ʼyong nakita niya? nalilitong tanong ni Omeng sa sarili.
Nang gabing iyon ay sinubukan niyang hanapin sa phonebook niya kung may naka-save na number si Gabie pero na-disappoint siya dahil wala siyang nakita.
“Pakiramdam ko kasi ay nasaktan ko ang damdaming niya. Pero hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Galit kaya siya?” bulong niya.
Ngunit hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na makausap si Gabie dahil nang mga sumunod na araw ay naging abala na siya sa pagre-review para sa kanilang board exam.
Nabalitaan na lang niya sa malalapit niyang kaibigan na lumuwas na ng Manila sina Gabie at Edne para mag-apply ng trabaho. Nalulungkot man, wala siyang magawa kung hindi mag-concentrate na lang sa pag-attend ng kanyang review classes.