Lumipas pa ang mga araw.
Ganoon pa rin ang araw-araw na ganap ni Ariella sa pamamahay ng kanyang tiyahin. Maaga pa lang ay nandoon na siya sa balon para kukuha ng tubig.
Pati sa tubig ay siya pa ang araw-araw na kumukuha sa balon. Dahil gaya ng sinabi niya, hindi naman tumutulong ang kanyang mga pinsang lalaki. At pati na ang isang pinsan niyang babae. At hindi rin niya rin close ang pinsan na babae.
Kundi mas close pa nito si Celina.
Habang nasa balon siya ng mga sandaling iyon ay narinig naman niyang may mga maingay na naliligo sa batis. Ang batis kasi ay nasa unahan lang ng balon na kanilang iniigiban ng tubig, kaya maririnig lang talaga kapag may naliligo doon o naglalaba.
Malinis ang batis roon, may bahaging malalim at meron ding hindi.
Nasa mga alas nuebe na iyon ng umaga. Nagluluto pa kasi siya, naghuhugas ng pinggan at naglilinis ng bahay bago siya kumuha ng tubig sa balon kaya masakit na ang sikat araw.
Kuryos naman s'ya kung sino ang mga naliligo sa batis. Kadalasang boses na narinig niya ay boses iyon ng mga babae habang masayang nagtatawanan.
Napaisip agad siya, baka si Celina iyon kasama ang mga barkada nito. Tama, mukhang wala si Celina sa bahay ng mga ito.
Pagkatapos mapuno ng tubig ang kanyang sisidlang timba ay iniwan niya muna saglit upang silipin ng lihim sa batis ang mga naliligo. pagdating niya malapit roon ay maingat niyang hinawi ang makapal na dahon ng halamang nakatabon para makita kung sino ang naroroon.
At tama nga siya sa kanyang nakita, sina Celina nga ang naroon at ang mga barkada nito. Hindi naman niya mga kaibigan ang mga ito, hindi kasi s'ya sanay makipaghalubilo at makipag-usap, si Rina lang talaga ang nakasanayan niya. Mabait kasi si Rina at parang pareho din sila na ayaw ng masyadong ingay.
Napaatras na siya at bumalik sa balon. At nang pagbaling niya ay halos mapatalon siya sa gulat nang masalubong sa kanyang mga mata ang lalaking estranghero na tinatawag sa pangalan na Ador!
Nagtama ang kanilang mga mata. At pati ito ay natigil ito nang makita siya nito. May dala itong bag at naka Jacket, mukhang galing ito namili sa baryo proper. Ang lakas ng dating nito, matangkad, matikas at ang lakas talaga ng karisma dahil sobrang guwapo nito!
Nakasuot ito ng Sumbrero na kulay itim, Jacket na itim at lumang pantalon habang may knapsack itong bag sa likod.
Wala kasing ibang daanan papunta sa kubo nito kundi doon lang sa balon at batis.
"I-ikaw pala, Sir."
"Anong ginawa mo dito?" Pormal na tanong nito habang nakatitig sa kanya.
"Ah eh, sinilip ko lang kung nariyan ba ang kaibigan ko sa batis kasama ang mga naligo, pero wala pala kaya uuwi na lang din ako." Pagdadahilan niya.
Saglit silang nagkatitigan, parang matutunaw siya sa matalim na mga mata nito. Para bang may kapangyarihan ang paraan ng pagtitig nito sa kanya para mas mapansin pa niya ang gandang lalaki nito.
"S-sige po," Sabi naman niya at nagmamadali nang tumalikod pabalik ng balon.
Sinundan naman siya ng tingin ni Ador. Hinintay ng binata kung anong gagawin niya sa balon. At doon nakita ni Ador na dalawang malaking timba ang bitbit nito. Parang may kung anong awa ang naramdaman niya sa dalaga, nag-aaral kaya ito?
Nakita niya kung paano kinaya ng dalaga ang dalawang timba na puno ng tubig. Bata pa ito at hindi malaking babae, may kaliitan lang ito at hindi bagay na magbuhat ito ng mabigat na tubig.
Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit naawa siya. Napahinga na lang siya ng malalim at ipinagpatuloy na ang paglalakad pauwing kubo.
Pagdaan niya sa may batis, ang ingay ng mga dalagang naroon ay natigil nang makita siyang dumaan.
"Hi po, Sir Ador!" Bati ng mga ito.
Hindi magawa ng mga kadalagahan na ibagsak ang pangalan niya sa pagtawag. Tinawag talaga siya ng 'Sir' sa lahat kahit hindi naman alam ng mga ito ang tunay niyang pinanggalingan.
"Hello po, Sir Ador! Saan kayo nanggaling?" Nakangiting bati ni Celina.
Tumigil naman si Ador at tumingin sa mga ito. Hindi naman napigilan ang pagtili ng iilang kasama ni Celina dahil sa presensya ni Ador.
"Sa baryo." Maikling sagot niya.
Aalis na sana siya, ngunit natigil ang paghakbang niya nang muling magsalita si Celina.
"Wait lang po, Sir! Kausapin niyo naman kami, para hindi ka naman maboring. Bilang mga kaibigan mo na lang dito sa bundok." Sabi ni Celina.
"Oo nga po, Sir!" Sang-ayon naman ni Lira.
Hindi na napigilan pa ang paglapit kay Ador sa grupo ni Celina.
Napabuntong-hininga na lang si Ador, hanggang natagpuan na lang niya ang sariling nakikipag-usap ng pormal sa mga ito na ikinatuwa naman ng mga dalaga.
Sa totoo lang, doon sa tunay na buhay niya ay nakakailang girlfriend na rin siya, pero sa hiwalayan naman napupunta ang lahat.
Sa edad niyang 31 ay ilang babae na rin ang dumaan sa kanya lalo na't ang babae talaga ang unang magpapakita sa kanya ng motibo.
Wala namang masama doon, binata siya kaya okay lang iyon para sa kanya dahil wala pa siyang asawa. Ang hindi lang niya inasahan na pati ang mga dalaga sa bundok ay ganon din pala.
Akala niya kasi ay parehong matino ang mga babae kapag nakatira sa bundok o probinsya, nagkamali siya dahil mukhang pareho lang naman pala sa syudad.
Ramdam ni Ador ang malaking pagkagusto sa kanya ni Celina, ang babaeng minsan nang nakatulog sa kubo na tinitirhan niya.
Mga alas onse na nakarating si Ador sa kubo dahil natagalan siya sa pakikipag-usap sa grupo ng kadalagahan.
_____
Isang umaga sa bahay ng tiyahin ni Ariella ay maaga pa lang nag-iingay na si aling Linda.
"Ariella, gising na!" Malakas na katok ng kanyang tiyahin sa kanyang munting silid.
Napabalikwas naman ng bangon si Ariella nang marinig ang malakas na katok ng kanyang tiyahin.
"Ariella, ano ba! Bangon na sabi, samahan mo ako!"
"Opo, tiyang! andiyan na." Aniyang kahit masarap pang matulog ay napilitan nalang siyang bumangon.
Binuksan niya agad ang pinto at bumungad sa kanya ang nakatikwas na kilay ng tiyahin.
"Ang tagal mong gumising! Bumili ako ng kamote kay Doro para sa camote cue na lulutuin ko para sa bisperas ng fiesta bukas dito sa baryo natin, kaya samahan mo ako at tulongan, pupunta tayo sa munting taniman ni Doro para manghukay ng kamote." Anito sa kanya.
"Ha? Saan po yan banda?" Tanong naman niya.
" Ay saan pa nga ba, Ariella? Doon sa bundok! Malapit sa kubo niya." Sagot nito.
Natigilan naman siya. Sa kubo ni Mang Doro? Doon nakatira ang lalaking estranghero!
"Hala, tiyang, may tao doon, ang lalaking estranghero na pinatira ni Mang Doro sa kubo niya." Sabi naman niya.
"At anong pakialam natin sa lalaking nakatira doon? Hindi naman siya ang huhukayin natin, Ariella, kundi ang kamote malapit sa kubo!" Nanlaki ang mga matang wika ng tiyahin habang nakapamaywang ito.
"S-sige po, tiyang." Sagot niya.
Wala naman siyang magawa kundi ang samahan at tulongan ang kanyang tiyahin.
Pagkatapos nilang mag almusal ay umalis na agad sila papuntang bundok, sa may kubo, kung saan sila manghukay ng kamote. Mga 7:00 ng umaga sila umalis at nakarating sila roon ay nasa 8:30 na ng umaga. Isa at kalahating oras talaga ang nilakad nila.
Pagdating nila sa munting taniman ni Mang Doro ay tanaw nila ang maliit na kubo kung saan nakatira ang lalaking si Ador. Kahit distansiya lang sila ay naramdaman nila ang katahimikan ng kubo na parang walang tao sa loob.
"Oh, sige na. Bilisan mo na, manghukay na agad tayo ng kamote." Utos sa kanya ng kanyang tiyahin.
Tila natauhan naman siya at iniwas ang tingin sa kubo ni Mang Doro. Kinuha niya ang pang hukay niyang patalim at nagsimulang maghukay ng kamote.
"Dalawang lata ng kamote ang huhukayin natin bago tayo uuwi." Wika ng kanyang tiyahin.