04: ANG TINIDOR

1363 Words
Abala si Lola Biatriz sa paghahanda ng almusal para sa kanyang apo na si Alfred. Sa ibabaw ng mahabang mesang yari sa narra ay nakahanay ang mga paborito nitong kakanin… bibingka na may manipis na latik sa ibabaw, puto na bagong hango sa steamer at sumisingaw pa, kutsinta na kumikintab sa ilalim ng ilaw, at isang bilao ng sapin sapin na parang bahaghari ang kulay. Sa gilid naman ay dalawang tasa ng unsweetened coffee… mapait ngunit mabango… eksaktong gusto ni Lola. Ibinaba ng mga katulong ang mga kutsara at pinggan sa mesa at tahimik na umalis. Naiwan si Lola sa gitna ng kusina, tangan ang maliit na tuwalya na pamunas niya sa pawis. Iniscan ng kanyang mga mata ang pagkain na inihanda niya para sa kanyang apo ngayong umaga… at siya ay napangiti. “Alfred… gising na…” pangatlong katok ng matanda sa labas ng pinto ng kanyang silid. Walang sagot. “Alfred, it’s already nine o’clock… kailangan mo nang bumangon bago tumawag ang mga magulang mo. Kailangan nilang makita na nakakain ka na ng almusal…” pagpapaalala niya habang pinipilit panatilihin ang kalmadong boses. Idinikit ni Lola Biatriz ang kanyang tainga sa pinto upang marinig ang hagikhik o boses man lang ni Alfred… ngunit wala siyang naririnig na anumang tunog mula sa loob. Walang kaluskos… walang yabag… kahit hilik ay wala. Napakunot ang kanyang noo. Akmang kakatok na siya muli ngunit nagulat siya nang biglang bumukas ang pinto nang kusa… marahang umusog papaloob, tila may kamay na humila mula sa loob. Napaatras si Lola. Pagtingin niya sa loob… si Alfred ay nasa ilalim pa ng kanyang kumot at mahimbing na natutulog, At oo… humihilik pa ito na parang maliit na traktora. Napatingin muli si Lola sa pinto. “Sino ang nagbukas ng pinto?” tanong niya sa sarili, halos pabulong. Lumapit siya sa kama at walang pasintabing hinampas ng unan ang ulo ng apo. “Diyos meyo ka, apo… kalalaki mong tao ang ingay mo matulog. Dali na at bumangon ka diyan…” “Lola…” antok na antok na sabi ni Alfred habang tinatakpan ng kumot ang mukha. “Gusto ko pang matulog…” “Hindi. Bumangon ka na diyan at mag-uusap tayo.” Napabuntong-hininga si Alfred at bahagyang sumilip mula sa kumot. “Lola… kung tungkol kahapon… wala ’yon. Nag-enjoy lang ako sa ilog. Kasama ko naman si Tito Raul, di ba… huwag ka nang mag-alala…” “Hindi ito tungkol kahapon!” sigaw ng matanda. Sa mismong sandaling iyon… may malamig na hangin na tila humawak sa kanyang batok. Nanigas nanigas ang matanda, ramdam niya na hindi ito hangin. Sobrang lamig. Aminado sa sarili na nanginginig ang kanyang kalamnan. Hanggang sa may dumaan na anino sa gilid ng kanyang paningin. “Mahabaging langit… patawarin mo kami sa aming mga kasalanan…” mabilis niyang bulong. “Lola?” nagtatakang tawag ni Alfred habang tuluyan nang nagmulat. “Bumangon ka na,” mariing utos ni Lola, pilit tinatago ang kaba. Makalipas ang ilang minuto, naghilamos si Alfred at sumunod sa kusina kasama si Lola Biatriz. Naupo siya sa harap ng nakahandang almusal. “Kailangan mong ubusin ’yan dahil aalis tayo.” “Saan tayo pupunta, Lola?” “Sa simbahan.” “Sa simbahan? Di ba Martes ngayon?” kunot-noong tanong niya. “Wala sa araw ang pagsamba. Wala sa oras at lalong wala sa lugar. Kailangan manatili ang pananalig natin.” “Lola, alam ko naman… but usually tuwing sunday ka lang nagsisimba. Nagulat lang ako bakit Tuesday?” “Huwag ka ngang maraming tanong… kumain ka na!” mariing sagot ni Lola. Sumubo si Alfred ng puto… ngunit bago pa niya maabot ang tasa ng kape… May kumalansing. Mabilis napatingin sa mesa si Lola Biatriz, hinahanap ng kanyang nga mata kung saan galing ang tunog na iyon. Hanggang sa nanlaki ang mga mata ni Lola Biatriz na biglang gumalaw ang tinidor sa tabi ng plato ni Alfred. Alam niya na hndi siya nananaginip sa kanyang nakikita, totoo ito. Patunay na may kababalaghan sumasapi o nagpapakita sa apo niya na si Alfred. Ang tinidor sa tabi ng plato ni Alfred ay dahan-dahang gumagalaw… tila may hindi nakikitang daliring nagtutulak. Natigilan ang matanda. Sumunod ay nanlaki ang mga mata ni Lola sa ilalim ng kanyang salamin. Ang tinidor ay umangat. Dahan-dahang umikot sa hangin, at humarap sa mukha ni Alfred. “She…” bulong ni Alfred. “Normal ba ’to?” “HUWAG KANG GUMALAW!” sigaw ni Lola, sabay kuha ng rosaryong nakasabit sa kanyang leeg. Ang tinidor ay tila naglalambitin sa ere… pagkatapos ay biglang bumagsak sa plato. (KLANG!) Napatalon si Lola Biatriz. "Lola okay ka lang?" kalmadong boses ni Alfred. "Ano iyon? Ano iyong tinidor? umaangat..." natatarantang boses ni Lola Biatriz. “Baka hangin lang ’yon, Lola.." pilit na sabi ni Alfred. Ang mukha ng matanda ay namumutla. “Hangin? Sa loob ng kusina? At may sarili bang isip ang hangin para itaas ang tinidor?” sagot ni Lola, mabilis na nag-aantanda. Pagkatapos ay biglang umilaw at namatay ang ilaw sa kusina. On. Off. On. Off. "She...Hindi galit si Lola..Halika at maupo ka sa tabi ko.." "Sino bang tinatawag mong "She"?" tanong ng matanda. "Kaibigan ko Lola..." “Kaibigan….?” halos maiyak na si Lola Biatriz. Matagal na siyang naninirahan dito mula noong bago paman sila ikasal ng kanyang yumaong asawa. Hanggang siya ay tumanda at nagkaroon ng apo sa kanyang tatlong mga anak. Hindi niya akalain na sa edad pa niya ngayon, makaranas ng kakaibang misteryo sa loob ng kanyang tahanan. “Hindi ka ba naligo sa ilog kahapon?” biglang tanong ni Lola. “Ah… oo…” “May kakaiba ka bang napulot? Bato? Anting-anting? Lumang kahoy?” “Wala! Nangisda lang kami ni Tito Raul!” Muli na namang gumalaw ang tinidor… pero ngayon, pati ang kutsara at ang tasa ng kape ay bahagyang umangat. Napasinghap si Lola. “Hindi ito maganda… hindi ito maganda…” paulit-ulit niyang bulong. Pagkatapos ay biglang bumukas ang refrigerator nang kusa. At may nahulog na yelo sa sahig. “AY!” sigaw ni Lola Biatriz. Tumayo si Lola, hawak ang rosaryo na parang sandata. “Kung sino ka man… lumayo ka sa apo ko! Wala kang karapatan sa kanya!” Isang malakas na kalabog ang umalingawngaw mula sa sala. Biglang bumukas ang pinto at pumasok ang mukha ng isang katulong. "AHH!!" Pareho silang napasigaw ni Lola Biatriz. Sa gitna ng tensyon. May narinig pa silang pamilyar na boses. “Ma’am… pasensya na po!” Napatigil si Lola Biatriz, at napatingin sa pintuan ng kusina. Nandoon ang isa sa mga katulong… hawak ang mahabang walis tambo… at nakatingin sa kanya na parang mas takot pa sa kanya. “Ma’am… may pusa po kasi sa ilalim ng mesa kanina… natamaan ko po yata habang nagwawalis…” Natigilan si Lola. “Pusa?” “Opo… tumalon po ito sa ibabaw ng mesa, mabuti na lang at nahabol ko pa. Ngunit ang pusa po ay tumalon uli sa refrigerator matapos maka alis sa mesa.... kaya po siguro gumalaw ’yung mga kubyertos…” Biglang natahimik ang paligid. Unti-unting bumaba ang kamay ni Lola na may hawak na rosaryo. “Eh ’yung ilaw?” tanong ni Alfred. “Brownout po yata saglit… kanina pa po nagfa-fluctuate.” sagot ng katulong. “At ’yong refrigerator?” dagdag ni Lola. “Naipit po ’yung rubber seal… kusang bumubukas minsan…” Nagkatinginan ang maglola. Pagkatapos…sabay silang napabuntong-hininga. Ngunit sa likod ng katulong, may aninong mabilis na dumaan sa dingding. Hindi nila napansin. “Magbihis ka. Aalis tayo ngayon din,” seryosong sabi ni Lola. “Lola… dahil lang sa pusa...” “HINDI dahil sa pusa!” singhal niya. “Mas mabuti nang sigurado.” Makalipas ang ilang minuto ay nasa loob na sila ng sasakyan. Tahimik si Alfred habang nagmamaneho ang kanilang driver papunta sa simbahan sa bayan. Normal ang lahat sa labas, maaraw at abala ang iilan sa kani kanilang buhay. Ngunit sa tuwing susulyap si Lola sa rearview mirror, pakiramdam niya may isa pang nakaupo sa likod… sa tabi ni Alfred. Isang anino. “Lola, bakit ganyan ka makatingin?” tanong ni Alfred. “Wala…” maikling sagot niya, sabay higpit ng hawak sa rosaryo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD