05: ANG KANDILA

1456 Words
Pagdating nila sa simbahan… bumungad sa kanila ang isang napakalumang gusaling bato na mas matanda pa sa tsismosa sa kanto. Kulay abo ang pader, may mga bitak na parang kulubot ng panahon, at ang kampanaryo ay bahagyang nakatagilid na tila pagod na ring magbantay sa mga makasalanan. Tahimik ang paligid. Banal, at mapayapa. Pero may kakaibang lamig na gumagapang sa batok ni Lola Biatriz, na parang may nakatingin kahit wala naman. “Grabe, La…” bulong ni Alfred habang nakatingala sa malaking kahoy na pinto. “Parang dito kinunan ang isang horror movie na napanood ko ah.” Siniko siya ni Lola Biatriz. “Tumahimik ka diyan. Nasa bahay tayo ng Panginoon.” “Ah… opo,” sabay kamot sa ulo si Alfred, pero hindi pa rin maiwasang lumingon sa likod niya. Baka kasi may iba pa siyang makikita. Sumalubong ang amoy ng lumang kahoy at kandila sa kanilang pagpasok sa loob. May bahid ng insenso sa hangin na parang nakalimutang lumabas kahapon pa. Kumalabog nang bahagya ang pinto, at kusa itong sumara. Napalingon si Alfred. “La… sinara n’yo ba ‘yon?” “Hindi,” sagot ni Lola habang dere-deretsong naglalakad papunta sa altar. “Baka hangin lang.” “Ang lakas naman ng hangin. Parang may sariling kamay…” “Alfred.” saway ng matanda. “Opo, tahimik na po.” Lumuhod si Lola Biatriz sa harap ng altar, dahan-dahang nagkrus, at ipinikit ang mga mata. "Panginoon… ilayo mo sa kapahamakan ang apo ko… at kung may kung anuman sa mansyon na ‘yon… sana po, bigyan ninyo kami ng lakas ng loob… at sana hindi siya sumunod dito.” Saglit na natahimik ang simbahan. Tahimik na tumabi si Alfred sa kanyang Lola Biatriz. Hindi siya masyadong relihiyoso. Ang alam niya lang sa simbahan ay kung saan uupo kapag may kasal at kung paano magtago kapag may collection. Pero ngayon… iba ang pakiramdam. Ramdam niya ang bigat sa dibdib ng Lola niya. Hindi ito yung bigat na parang may utang ka. Iba ito. Parang may nakadagan na hindi nakikita. Napapikit si Lola Biatriz. Simula pa kaninang umaga, ay sa wakas nakahinga siya nang maluwag. Ngunit parang may kamay na marahang pumisil sa balikat niya at nagsabing, “Kalma lang.” Hindi niya alam si Sheryl na isang kaluluwa ang may gawa. Sigurado na si Lola Biatriz na may multo sa mansyon, sapat na ang makita niyang nagsasalita ng mag isa si Alfred, at ang paglutang ng isang tinidor kanina sa mesa. Nadala siya ng takot at sobrang pangamba, lalo pa at nanonood siya ng afternoon horror reruns. Pero sa isang bagay, hindi niya hahayaang may kung anong puwersa, na nakikita man o hindi, ang lalapit sa kanyang apo. Kahit multo pa ‘yan… o kamag-anak na biglang mangungutang. Ang mahalaga ngayon… magkasama sila ni Alfred. Para labanan ang takot. Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng pananampalataya. Biglang may malamig na hangin na naman ang dumaan sa loob ng simbahan. Sabay silang napadilat. “May aircon ba dito, La?” bulong ni Alfred. “Walang aircon ang simbahan na ‘to,” sagot ni Lola, pero hindi niya inaalis ang tingin sa altar. Malamig ang hangin… pero sa pagkakataong ito, hindi ito nakakatakot. Sa halip… tila may kung anong bigat na unti-unting nawawala. Parang may nagsabing, “Sige… pahinga muna kayo.” Napangiti nang bahagya si Lola. " Salamat po…” Ngunit sa may unahang bahagi ng simbahan, may isang kandilang kusa na lamang namatay. (Prik!) isang mahinang tunog. Halos hindi marinig. Napalingon si Alfred. "La…” “Ano na naman?” “May kandila pong namatay.” sinabi ni Alfred habang ang mata niya ay nasa isang kandila na wala ng apoy. “E di sindihan mo ulit.” “Ha? Bakit ako?!” pag iinarte ni Alfred. “Malapit ka diyan.” “Lola naman…” Bumuntong-hininga si Alfred at tumayo. Tumango lang si Sheryl, senyales na mananatili siyang nakaupo sa tabi ni Lola Biatriz. Dahan-dahan naglakad papunta sa may hanay ng kandila si Alfred. Tahimik ang mga yabag niya, pero sa bawat hakbang, parang may isa pang yabag na sumasabay. Tumigil siya sa paglalakad. Huminto rin ang isang sumasabay. “Okay… imagination lang ‘to,” bulong niya sa sarili. Sumilip siya sa gilid, ngunit wala siyang nakikita, kaya sure na siyang hindi si Sheryl na isang kaluluwa, ang may gawa. Pagharap niya ulit sa kandila, may dalawa pang namatay. (Prik!) “Lola…” tawag ni Alfred. “Ano ba?” “Dalawa na po sila.” sagot ni Alfred. “Baka ubos na ang wax.” “Pero sabay po silang namatay…” kunot noong sinabi ni Alfred. Hindi sumagot si Lola. Dahan-dahan siyang tumayo at naglakad palapit kay Alfred. Sa likod nila… may mahinang bulong. Pero hindi nila narinig. Pero ang mga kandila sa dulong bahagi ng simbahan, ay bahagyang gumalaw ang apoy. Parang may huminga malapit sa mga ito. Pagdating ni Lola sa tabi ni Alfred, tinitigan niya ang mga kandila. “Magdasal ka lang,” sabi niya. “Huwag mong pansinin.” “Paano ko hindi papansinin, La, kung parang may nagpaparamdam?” Tinignan siya ni Lola nang matalim. “Mas malakas ang Diyos kaysa sa kung anong nagpaparamdam.” Dumaan ang katahimikan. Biglang may tumunog na kahoy sa itaas. Parang may naglakad sa kisame. Sabay silang napatingin pataas. “Pusa lang ‘yon,” sabi ni Alfred, kahit halatang nanginginig ang boses. Pero bakit nasa loob ng kisame ng simbahan? “Baka alaga nila ang cat?” Napairap si Lola kahit kinakabahan na din. Muling umihip ang malamig na hangin. Pero kakaiba ang kanina kaysa ngayon, mas malinaw, at mas ramdam ang derektang paghampas nito. Dumaan ito sa pagitan nila, patungo sa mga kandila, at pinatay ang bawat isang nadaanang apoy. Tatlo na ang namawalan ng apoy. Napahigpit ang paghawak ni Alfred sa kanyang Lola. “La… parang may ayaw sa atin dito.” “Hindi,” mariing sagot ni Lola. “Baka may gusto lang magpakita.” “Mas nakakatakot po ‘yon. Pero ok lang ba iyon sa inyo?” tanong ni Alfred. Nais alamin kung talagang hindi natatakot ang matanda sa mga multo. Hindi pa naman niya sinabi na kanina pa niya kasama si Sheryl na isang kaluluwa at hinayaan lang niya itong sumama sa loob ng simbahan. Mula sa pinakadulong bangko ng simbahan… may marahang langitngit. "KREEK!" Tunog ng isang kahoy na upuan. Parang may umupo. Dahan-dahang napalingon si Alfred. Walang namang tao, at wala rin doon si Sheryl. Pero ang kahoy na bangko… bahagyang umangat at bumalik sa pwesto. Parang may bumitaw. “Okay… hindi na po imagination ‘to,” pabulong niyang sabi. Hinawakan ni Lola ang kamay ng apo. “Huwag kang matakot. Nasa simbahan tayo.” “Eh baka nga po nandito sila kasi simbahan ‘to…” Hindi na nakapagsalita si Lola. Sa likod ng altar… may aninong bahagyang gumalaw. Hindi malinaw. Hindi buo. Parang usok na nagkaroon saglit ng hugis… bago nawala. Sabay silang napalunok. “Kung sino ka man…” malakas na sabi ni Lola, kahit nanginginig ang tuhod, “huwag mong lalapitan ang apo ko. Ako na lang kung may kailangan ka.” “LA!” bulalas ni Alfred. “Baka isipin nila ipinamimigay kita!” Sa sandaling iyon… tumigil ang hangin. Tumahimik ang kahoy na upuan. At ang mga kandilang namatay… kusa na lamang muling nagliyab isa-isa. na para bang may nagbalik ng hininga sa kanila. Napakurap si Alfred. “La… nakita n’yo ‘yon?” "Oo." sagot ng matanda. At sa unang pagkakataon… hindi takot ang naramdaman ni Lola Biatriz, kundi kakaibang pwersa. Mula sa dulong bahagi ng simbahan… isang huling bulong ang dumaan sa hangin. Ito ay mahina at malumanay. "Alagaan mo ang Lola mo.." “Bantayan mo siya…” sunod na mga salitang narinig ni Alfred. Ang kaibahan lang ay hindi niya nakikita ang ispiritung nagsasalita, hindi katulad ni Sheryl na isang naliligaw na kaluluwa. Pagkatapos.. bumalik ang normal na katahimikan. Huminga nang malalim si Lola Biatriz. “Tara na.” “Uuwi na po tayo?” “Oo.” “Sure na po?” “Oo nga.” Habang naglalakad sila palabas ng simbahan, muling bumukas ang malaking kahoy na pinto nang kusa. Walang reaksyon dito si Lola Biatriz. . Sa labas, sumalubong ang malamig na hangin. Ngunit mas magaan na ang pakiramdam ni Lola Biatriz.. Pero isang bagay ang sigurado. Sa mansyon man o sa simbahan…May mga bagay na hindi kailangang makita para maramdaman. At minsan, kahit ang multo, marunong ding magbiro. Dahil paglingon ni Alfred sa bintana ng simbahan, may aninong kumaway. Kinawayan din ni Alfred pabalik ang anino nang may kaba. Pagkatapos ay namatay uli ang isang kandila sa loob. (Prek!!) “LA! Bilisan po natin!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD