Isang buwan na...
Isang buong buwan nang gumagala si Sheryl sa mundo nang hindi alam kung sino siya.
Hindi niya maalala kung paano siya namatay. Hindi niya alam kung patay na ba talaga siya. Hindi rin niya alam kung anong taon na, anong buwan, o anong araw. Ang alam lang niya... malamig.
Malamig ang hangin na tumatagos sa kanya tuwing gabi. Malamig ang tingin ng mga taong dumaraan sa kanya na para bang wala siyang anyo. At higit sa lahat... malamig ang pakiramdam ng walang maalala.
Naglalakad siya sa gilid ng kalsada sa bayan ng San Juan. Tahimik ang paligid. Ang mga ilaw poste ay kumikislap na parang may sariling buhay. Sa tuwing may sasakyang dadaan, kusang tumatagos ito sa kanya. Hindi siya nasasaktan... pero may kakaibang kirot sa tuwing mangyayari iyon. Parang paalala na hindi na siya kabilang sa mundo ng mga buhay.
Huminto siya sa harap ng isang salamin sa tindahan na sarado na.
Walang repleksyon.
Napaatras siya.
“Hindi ako tao...” mahina niyang bulong.
Sa unang pagkakataon, nakaramdam siya ng takot.
Isang malakas na hangin ang biglang umihip. Kasabay noon ay isang piraso ng alaala ang sumiksik sa kanyang isipan.
Isang puting van...
Mga lalaking naka-itim...
Isang kamay na pumipigil sa kanyang bibig...
At ang malakas na preno.
Sumakit ang ulo niya kahit wala naman siyang pisikal na katawan. Napaluhod siya sa gitna ng kalsada ngunit walang nakapansin.
“Sheryl...”
Napatingin siya sa paligid.
May tumawag ba?
“Sheryl Mae...”
Mas malinaw na ngayon.
Sheryl.
Iyon ba ang pangalan niya?
Doon nagsimulang tumibok ang isang bagay sa kanyang dibdib... kahit wala naman siyang puso.
Samantala...
Sa kabilang bahagi ng bayan, isang itim na SUV ang huminto sa tapat ng isang beach resort. Bumaba ang isang matangkad na lalaki na may makinis na balat at matangos na ilong. Suot niya ang simpleng puting polo at maong, ngunit hindi maitago ang natural na tindig ng isang lalaking lumaki sa marangyang buhay.
Si Alfred Miguel Constanante... 25 taong gulang.
Katatapos lamang niya sa kursong Economics sa Amerika at ngayon ay pansamantalang nagbabakasyon sa San Juan bago tuluyang bumalik sa Davao upang tumulong sa negosyo ng pamilya.
“Bakasyon lang ‘to, iho,” paalala ng kanyang Tito Raul habang inaayos ang mga bagahe. “Huwag mo akong dalhan ng problema rito.”
Ngumiti si Alfred. “Tito... pahinga lang. Walang gulo.”
Pero hindi niya alam... na ang bakasyong iyon ang babago sa lahat.
Kinagabihan, naglakad siya mag-isa sa dalampasigan. Tahimik ang alon. Maliwanag ang buwan. Ang mga paa niya ay unti-unting binabasa ng malamig na tubig dagat.
Huminto siya nang may mapansin.
Sa di kalayuan, may babaeng nakatayo sa gitna ng dalampasigan. Nakaputi. Mahaba ang buhok. Nakatingin sa dagat na para bang may hinihintay.
Napakunot ang noo niya.
May ganitong oras pa bang naglalakad dito?
Lumapit siya.
Habang papalapit, napansin niyang hindi gumagalaw ang mga yapak ng babae sa buhangin. Walang bakas.
Kinilabutan siya... pero hindi siya umatras.
“Miss... okay ka lang?” tanong niya.
Biglang napalingon ang babae.
At sa unang pagkakataon sa loob ng isang buwan...
May taong nakatingin diretso sa mga mata ni Sheryl.
Nanlaki ang mata niya.
“Ako ba... kinakausap mo?” nanginginig niyang tanong.
Napakunot ang noo ni Alfred. “Oo... sino pa ba?”
Napaatras si Sheryl.
Hindi siya nakikita ng iba. Ilang linggo na siyang dumaraan sa gitna ng mga tao na parang hangin lamang.
Pero ang lalaking ito... nakatingin sa kanya.
Hindi sa hangin.
Hindi sa kawalan.
Kundi sa kanya.
“Ano’ng pangalan mo?” tanong ni Alfred.
Napahawak si Sheryl sa dibdib niya.
Pangalan.
Sheryl...
“Sheryl...” mahina niyang sagot.
“Sheryl ano?”
Napapikit siya.
Parang may pilit na bumabalik sa kanyang isip. Mga ilaw. Isang mansyon. Isang babaeng umiiyak. Isang lalaking sumisigaw ng pangalan niya.
“Hindi ko alam...” bulong niya.
Mas lalong naguluhan si Alfred.
“Sandali... bakit parang...” napatingin siya sa paa ng dalaga.
Walang bakas sa buhangin.
Unti-unti siyang napaatras.
Hindi siya lasing. Hindi rin siya nananaginip.
“M-miss... bakit wala kang footprint?”
Napatingin si Sheryl sa paa niya.
Doon lang niya napansin.
Wala nga.
Napatingin siya kay Alfred.
“Hindi ako tao...” nangingilid ang luha niyang sabi.
At doon nagsimula ang takot ni Alfred.
Ngunit kasabay ng takot... may kakaibang awa.
Hindi siya mukhang halimaw. Hindi siya nakakatakot. Mukha siyang... naliligaw.
“Ano ka?” maingat na tanong niya.
“Hindi ko alam...” sagot ni Sheryl.
Tahimik ang dalampasigan. Tanging alon lamang ang maririnig.
Isang minuto.
Dalawa.
Tatlo.
Sa halip na tumakbo, huminga nang malalim si Alfred.
“Okay...” mahinahon niyang sabi. “Kung ano ka man... hindi ka mukhang masama.”
Napatingin si Sheryl sa kanya na para bang may narinig siyang himala.
“Hindi ka ba natatakot?” tanong niya.
“Natatakot...” totoo niyang sagot. “Pero mas mukhang mas natatakot ka kaysa sa akin.”
At sa unang pagkakataon...
May ngumiti sa kanya.
Isang simpleng ngiti na hindi niya naramdaman sa loob ng isang buwan.
“Alfred!”
Napalingon siya nang marinig ang boses ng Tito Raul niya mula sa malayo.
“Bakit ka nakatayo diyan mag-isa?”
Napatingin si Alfred kay Sheryl. Nakatayo pa rin ito sa tabi niya.
“Hindi ako mag-isa...” sagot niya.
Lumapit ang kanyang Tito Raul. “Ano?”
“Tito... may kasama ako.”
“Nasaan?”
Tahimik niyang itinuro si Sheryl.
Walang reaksyon ang matanda. "Alfred... wala namang tao diyan.”
Nanlaki ang mata ni Alfred. Nilingon niya si Sheryl.
Ngunit naroon lang siya sa kanyang kinatayuan.
“Hindi mo siya nakikita?”
“Wala kang kasama.” insist ng Tito niya.
Doon na tuluyang naintindihan ni Alfred, na siya lang.
Siya lang ang nakakakita. At siya lang ang nakakarinig kay Sheryl. Unti-unting bumilis ang t***k ng puso niya.
“Ano ka ba talaga...” bulong niya kay Sheryl.
Lumapit nang kaunti si Sheryl sa kanya. "Hindi ko alam... pero ikaw lang ang nakakakita sa akin.”
At sa gabing iyon, sa ilalim ng maliwanag na buwan sa San Juan, nagsimula ang isang kwento na hindi pangkaraniwan.
Isang lalaking buhay. Isang babaeng hindi sigurado kung nabubuhay pa.
At isang pagka-kaibigan na sisibol sa pagitan ng dalawang mundo...