KABANATA 2

2954 Words
“Good morning class,” Papasok pa lang ng room ay magiliw na silang binabati ng teacher sa hindi pa nila alam kung ano’ng hawak na subject. Nagsitayuan naman silang lahat bilang paggalang sa guro. Ito ang kanilang ikalawang klase sa umagang iyon. Nakilala na rin nila kanina ang kanilang unang guro tuwing umaga at araling panlipunan ang kanilang unang subject. “Good morning sir!” “I’m Mr. Alejandro De Lara, your English teacher for this school year 2001-2002.” at inutusan na niyang magsipag-upo ang kanyang mga magiging bagong mag-aaral. Mukha pang bata ang guro. Siguro ay nasa kanyang early o mid-thirties na ito. Naka-tuck in sa suot na maong pantalon ang polo nito na may maiksing manggas. Sobrang linis din nitong tignan dahil naka-clean cut. “Dahil unang araw pa lang naman nang pasukan ay hindi na muna ako magtuturo. Pero pakihanda na ang inyong mga notebook para sa inyong syllabus na isusulat ko sa blackboard—subalit bago ‘yon,” humakbang ito ng dalawang beses, humalukipkip at ngumiti pagkatapos. “Gusto ko muna kayong makilala isa-isa.” sabay ngiti nito. Biglang binundol nang matinding kaba si Reyshan. Ang introduce yourself pa naman ang isa sa pinakaayaw niya sa tuwing magsisimula ang unang klase ng pasukan. Nahihiya kasi siyang magpakilala at magsalita. Tumalikod ang guro at muling pumuwesto sa likod ng mesa nito. Itinukod nito ang mga kamay sa mesa at mabilis na pinasadahan nang tingin ang mga estudyante. Naramdaman ni Reyshan ang paghawak ng kung sino sa kanyang braso para lang makita si Leonora na nagpipigil nang kilig at ngiti habang nakatunghay sa kanilang teacher. Kanina ngang ngumiti ang guro ay halos maghugis puso na ang mga mata nito. “Hay nako,” rumo-roll eyes na sita ni Jane at tamad na sumandal sa backrest ng upuan. Siniko nga ni Reyshan ang kaibigan at pinagsabihan. “Umayos ka nga. Mamaya isipin ni sir na siya ang iniirapan mo.” aniyang bumubulong dito na siya namang binalewala ng kaibigan. “Okay, mukhang ready naman na kayong lahat.” Narinig ni Reyshan ang mahinang pagtutol ng iba niyang kaklase mula sa sinabi ni sir De Lara pero hindi iyon pinansin ng guro bagkus ay nagpatuloy ito sa pagsasalita. “Simulan na natin mula sa row 1.” Sabay turo nito sa hilera ng kinapupuwestuhan ni Leonora. “Kapag natapos nang magpakilala ang nasa dulo ng row 1 ay susundan naman siya ng katabi niya sa row 2. Tapos ang katabi ni kuya na nakaupo sa harap,” tukoy nito sa lalaking nasa unang upuan ng hilera ni Jane. “Ay susundan naman siya ng katabi niya na galing sa row 3. At gano’n ang magiging ikot ng ating introduce yourself. Okay, let's start.” “Hi! I'm Leonora Velez. Twelve years old,” maarte at tila pa-cute na pakilala ng kanilang kaibigan matapos ang naunang nagpakilalang tatlo sa linya nito. Hindi alam ni Reyshan kung ano ang mararamdaman habang nagsasalita si Le, parang gusto niyang magtago. Naramdaman naman niyang patagilid na humarap sa kanya si Jane na halos takpan na ng buhok ang buong mukha. Pigil ang sariling natawa siya. Pati rin tuloy siya ay nahahawa na rito, tinakpan din niya gamit ang kanyang buhok ang sariling mukha habang pigil na humahagukgik. “Taga-zone 3 ako.” Kulang na lang ay maging katunog na nito si Ruffa Mae Quinto sa kaartehan magsalita habang nilalaro-laro din ang buhok na tila nagpapa-cute sa guro. “I'm a fan of Rico Yan and Claudine Barretto loveteam. Fan din ako ng Jolina and Marvin tandem. Favorite kong movie nila Rico at Claudine ang Dahil Mahal na Mahal Kita tapos Labs Kita Okay Ka Lang? naman nila Jolina. Crush na crush ko si Rico Yan!” Pigil at impit na natatawa na ang mga bagong kaklase nila Reyshan. At kahit ang teacher nila sa harapan ay pasimpleng napapatakip na lang ng bibig habang nakahalukipkip ang isang braso. Pinipigilan na lang nito ang matawa sa pamamagitan nang ilang beses na paghinga nang malalim. Halos tuluyan na ring magtago si Jane sa kanyang buhok samantalang si Reyshan naman ang mas nakararamdam na nang matinding hiya para kay Leonora. First day of school at ganitong eksena agad ang ginawa ng kaibigan nilang loka. “Tumigil ka na nga!” pabulong na wika ni Jane. “Tama na ‘yan!” Pasimpleng hinampas ni Leonora si Jane habang ang mga mata ay hindi humihiwalay sa teacher. Kung anu-ano pa ang mga sinabi nito na hindi na rin pinatapos ng guro dahil mauubos na raw ang oras ay baka hindi na makakapagpakilala ang mga kaklase nito. Dahil doon ay hindi na napigilan pa ng iba ang sumabog sa paghalakhak. Irita na bumalik sa pagkakaupo si Leonora at sinuyod nang masamang tingin ang mga kamag-aral saka umirap. “Ang dami mong sinabi,” ani Jane. “Hindi naman kami interesado.” Pinandilatan lang naman siya ni Leonora. Umusad uli ang introduce yourself at isa na lang mula sa harapan ni Reyshan mula sa kanyang hilera ang kailangan magpakilala at kinakabahan na siya. Siya na kasi ang susunod dito. Nagsimulang manlamig ang kanyang mga kamay at maging ang kanyang mga tuhod ay nagsisimula na ring mangatog. Pinanlalamigan na siya. Halos kagatin na niya ang kanyang daliri nang sawayin siya ni Jane kaya napatunghay siya sa kaibigan na patamad na nakaupo habang naka-de kuwatro. “Kaya mo ‘yan.” anito. “Next,” Dahan-dahan at kinakabahan pa siyang tumayo. “Hello,” bati niya habang nilalaro-laro ang tupi ng kanyang palda dahil sa matinding kaba. Bakas sa boses niya ang pangangatal doon. “Go. Huwag kang mahiya.” wika ng guro na ineengganyo siyang magsalita at huwag kabahan. May suyo rin na ngumiti ito at parang hihimatayin na yata si Leonora dahil doon kahit hindi siya ang nginitian. “I’m Reyshan Alonzo. Eleven years old and I'm from zone 2.” sabay upo niya. “‘Yon lang?” tanong sa kanya ni Jane. Napanguso siya at hindi na ito sinagot. “Wala nang idadagdag?” habol pa ni Mr. De Lara. “Iyon lang? Mga classmate mo nag-share ng kanilang hobbies, favorites...” Nahihiyang tumayo siya ulit at kagat-labing tumingin kay Jane. “Kaya mo ‘yan. Sige na.” “Ang hobbies ko po ay magbasa at makinig ng music. Mahilig din po ako mangolekta ng mga song magazine,” tumango ang guro at matamang nakinig. “Tapes, posters—” “At saka pocketbook! Mahilig po siya roon!” singit ni Leonora. Napangiwing nilingon niya ito at tinignan lang siya ng kaibigan sa nagtatanong na mukha. Na para din bang sinasabi na hindi naman ito nagsisinungaling. “Just like me. Mahilig din po ako mangolekta—kaming tatlo.” sabay turo nito sa kanilang dalawa ni Jane na halos yumuko na sa armchair nito sa kahihiyan. Hindi tuloy malaman ni Reyshan kung uupo na ba siya o hindi pa. “Are you three friends? ” “Yes sir!” kumikinang ang mga matang sagot ni Leonora. Dahil si Jane na ang nahihiya para sa kaibiga’y tinabig niya ang kamay ni Leonora na nakalapag sa sarili nitong armchair. “Please tama na, kami na ni Shan ang nahihiya eh.” makaawa nito. Tumango lang ang guro at bahagyang ngumiti. “Okay ate Reyshan, maaari ka nang maupo.” Walang boses na nag-thank you siya. “At ang cute rin nang boses ni ate Reyshan.” puri ni Mr. De Lara sa tinig ng kanyang estudyante na si Reyshan at dahil doo’y nakahinga nang maluwag kahit paano ang dalaga. “May hinahon na malambing kahit na nahihiya.” Bigla’y lumingon sa kanyang gawi ang binatang nakaupo sa harapan mula sa row 4. Hindi sinasadyang nagkasalubong muli ang kanilang paningin na ikinabilog ng kanyang mga mata. Hindi niya inaasahan iyon! Kumibot ang pinkish nitong labi bago iwanan ang kanyang paningin. “Alam n’yo class,” patuloy ng guro. “Dapat ngayon pa lang ay masanay na kayo na magsalita sa harapan. Alisin natin ‘yang mga hiya na ‘yan. Kasi rito sa high school madalas ang mga reporting, sasanayin namin kayo. Para naman pagdating ng college gamay na ninyong tumayo at magsalita sa harapan. Pero sa akin, hindi ako nagpapa-report.” nakatawang sabi nito. “Mas gusto ko na ako ‘yong nagtuturo. Sinasabi ko na lang din ito para hindi na kayo mabigla sa mga susunod pang subject. Iyon nga lang class, more on recitation ako kaya I need your cooperation, okay?” “Yes sir,” “Okay. Next.” Nagpatuloy ang introduce yourself at ilang saglit pa’y ang binata sa unang upuan sa row 4 ang sunod na tumayo at nagpakilala. Humarap ito sa kanila at hindi niya maiwasang madinig ang ilang bulungan sa paligid. Sino ba naman kaya ang hindi mapapabulong sa katabi dahil sa taglay nitong visual? Kung titignan ito ay mukha itong banyaga. Hindi niya alam kung Japanese, Korean o Chinese ito—at hindi siya makapamili sa tatlong iyon dahil sa mga mata nitong bahagyang singkit. Kanina nang magsalubong ang mga mata nila ay nasilip niyang dark chocolate ang kulay ng mga iyon. Ang tangos ng ilong nito at nakadagdag pa sa kaguwapuhan nito ang clean-cut na gupit ng buhok. Kung may pinagpala siguro pagdating sa magandang pagkakaukit ng mukha, itong kaklaseng ito na siguro ang masasabi. “Hello,” walang kangiti-ngiti nitong bati. Mukhang suplado ang lalaki at madamot sa ngiti—na pinatunayan ng paraan nang pagbati nito. Pero kanina ay nakita niyang muntik na itong ngumiti sa kanya. O baka guni-guni niya lang? “I’m Hayden Suarez. Eleven. From Palanginan.” sabay upo nito. “Hmp! Ang suplado naman.” dinig niyang bwelta ni Leonora na silang dalawa lang ni Jane ang nakarinig. “Por que guwapo?” “Anything else, Mr. Suarez?” Muli itong tumindig at humarap sa kanila. Medyo mataas na rin ito para sa edad na onse at hindi rin nito bagay ang umupo sa harap dahil kawawa ang mga bulilit sa kanilang section na nakapuwesto sa likuran. “I love to play instruments like guitar, keyboard and drums. That's all.” Natapos ang introduce yourself at nagsimula nang magsulat ang guro ng kanilang syllabus na agaran din nilang kinopya. After ng klase nito ay recess na nila, ang favorite subject daw ng dalawa niyang kaibigan. “Tomorrow we will be having an election of English officers.” panimula nito ilang minuto matapos makapagsulat at tingnan ang oras sa suot na relo. “Even if you don't know each other yet we can do it. Kahit ituro mo na lang kung sino ang gusto mo maging president, vice-president, secretary, okay lang. Itanong na lang natin kung ano'ng pangalan niya. Dahil maaaring sa linggo na ring ito ay may magaganap nang election of officers para sa English club. At inabisuhan na kami tungkol dito kaya naman kailangan na nating pumili nang nararapat sa mga puwesto. Now, goodbye and thank you class. Magkita-kita ulit tayo bukas.” Bago ito umalis ay nag-iwan ito nang masayang ngiti sa mga labi para sa kanyang mga estudyante. “Grabe, ang guwapo talaga ni sir!” kinikilig na komento ni Leonora na tila nangangarap pa habang nilalaro-laro ang laylayan ng buhok. Naglalakad na sila pauwi dahil tapos na ang kanilang buong maghapon sa unang araw nang pasukan. At dahil malapit-lapit lang kahit paano ang kanilang mga tirahan ay pinili na lang nilang lakarin iyon para makatipid din. Ginagawa na rin naman nila iyon noong nag-aaral pa sila ng elementary dahil sa Iba Central din sila nag-graduate, katabing elementary school ng kanilang kasalukuyang paaralan. At saka kailangan nilang magtabi ng pera para makaipon ng pangbili ng kanilang mga paboritong collection mula sa song magazines, posters at tapes. At isa rin sa kanilang paboritong tatlo ay ang pangongolekta ng mga pocketbook lalo na sa mga writer na sila Gilda Olvidado, Martha Cecilia, Helen Meriz at Loreta Baltazar. Noong una ay itinatago pa nila ang pagbabasa niyon at maging ang pakikipag-swap sa isa't isa. Ang sabi kasi ng mga matatanda, masamang libro daw iyon at bawal sa kanilang mga bata. Bawal din daw nilang basahin at basta! Hindi raw sa kanila iyon puwede kaya huwag na nilang alamin kung ano iyon. At dahil curious sila kung bakit ganoon na lang sila kung pagbawalan ng mga matatanda na malaman ang tungkol sa pocketbook ay nag-research sila. Kanilang napag-alaman mula sa isa nilang kaklase na ang pocketbook pala ay naglalaman ng iba’t ibang mga kuwentong pag-ibig. At hindi nila ma-gets kung bakit i***********l iyon sa kanila kung tungkol naman pala sa love ang laman ng mga iyon. Sabi ng dati nilang kaklase, ang ate raw kasi nito ay maraming koleksyon ng pocketbook kaya alam nito ang tungkol doon, hanggang sa pinahiram sila nito ng tig-iisa. Basta raw ba mangangako sila na ibabalik nila nang maayos at buong-buo pa ang pocketbook kasi ipinuslit lang daw nito iyon mula sa taguan ng ate nito. Na-amaze sila sa mga nabasa nila noon habang nakaupo sila sa ilalim ng punong mangga sa bukid. Pare-parehas silang kilig na kilig sa pagbabasa ng pocketbook higit lalo si Leonora na umiimpit pa. Tanda pa nila na itinatago nila iyon sa loob ng suot nilang t-shirt at iniipit sa kanilang short kapag pauwi na. Bawal kasi magbasa sa bahay at baka sila mahuli. “Ang mga ngiti niya,” animo’y nangangarap pa ring sabi ni Leonora sabay tila kiti-kiti ring napapaimpit nang sigaw dahil sa pinipigilang kilig. Niyugyog pa nito ang katabing si Jane kaya nabanas na tinabig siya nito. “Ano ba!” Samantalang si Reyshan ay tila wala rin sa sarili na naglalakad at malayo ang tingin. Utro ding nagdi-daydream. Natatandaan pa niya ang pakiramdam nang magdikit ang kanilang balat ni Hayden at maging ang kuryenteng dumaloy sa kanyang buong katawan na nagdulot ng kilabot na masarap sa pakiramdam. Ang init ng balat nitong nakadampi sa kanya ay parang nandoon pa rin. Naiangat niya ang kaliwang braso at ipinahinga iyon sa dibdib habang hinihimas ng kamay ang bahagi kung saan nagkadikit ang kanilang mga balat. Pakiwari niya kanina ay tumigil ang lahat sa pagkilos at sila lang dalawa ang humihinga. Parang may humahalukay rin sa kanyang sikmura na sinasabayan nang matinding pagkabog ng dibdib. Naalala niyang ganoon na ganoon din ang sinasabi ng mga babaeng bida sa mga pocketbook na nabasa niya. Magsisimula na ba ang love story niya? Magiging makulay rin kaya ang kanya? Pero sana walang kontrabida. Anang batang isip niya. Hindi rin mawaglit sa isip niya ang pagkibot ng labi nito nang magsalubong ang kanilang tingin kanina. Mukha itong suplado at maramot sa ngiti pero kanina ay muntik na siya nitong ngitian! “Mabuti pa si Reyshan kanina pinuri ni sir, bakit ako hindi?” nakausli ang nguso na saad ni Leonora. “Paano mukha kang timang!” “Che!” “At tignan mo ‘tong isa,” tukoy ni Jane kay Reyshan na wala pa rin sa sarili. “Kung nasa tabing-daan pa tayo mababangga ‘tong ungas na ‘to eh! Ano ba’ng nangyayari dito?!” “Aba malay ko!” “Awteh! Utro din yatang namamantasya!” pumunta siya sa likuran ni Reyshan at hinawakan ito sa magkabilang balikat at malakas na inalog ng isang beses. “Hoy!” “Hala! Nabuang na!” komento ni Leonora nang nakangiti silang lingunin ng kaibigan. “Bakit?” Nagkatinginan si Jane at Leonora na parehas bahagyang salubong ang kilay. Nahihiwagaan sa hitsura nito ngayon. Ngayon lang din kasi nila nakita si Reyshan na magkaganito sa tagal na rin nilang magkakaibigan. “Ano ba’ng nangyayari sa ‘yo?” salubong ang kilay na tanong ni Jane. “Masakit ba ‘yang braso mo at kanina mo pa hinihimas?” Inangatan niya nang kilay si Reyshan sabay pinagkrus ang mga braso sa tapat nang dibdib. Para namang natauhan si Reyshan sa tanong na iyon sa kanya. Mabilis niyang naibaba ang mga kamay at salubong din ang kilay na nagsalita para lang itanggi ang napuna nito. “Hindi ah!” “Siguro crush mo rin si sir De Lara!” akusa ni Leonora at naipadyak pa ang isang paa. “Kainis naman!” "Ano namang paki mo kung crush man niya! Crush lang ‘yon, loka! Baka nga mamaya may asawa at anak na ‘yon! At saka teacher natin ‘yon!” “Bakit, crush lang naman ah!” “Kaya wala ka ring karapatang pagbawalan si Reyshan kung crush din niya!” At nagpatuloy ang bangayan ng dalawa. Naiinis na napakamot ng ulo si Reyshan na binalingan ang mga ito. “Hindi ko crush si sir, okay!” Umaliwalas ang mukha ni Leonora sa inamin ng kanyang kaibigan na ngayon ay iniwan na sila at nagpatuloy sa paglalakad. Curious niyang hinabol ito. “Eh sino pala? Sino’ng crush mo?” “Wala!” “Weh! Wala raw!” hindi naniniwalang ani Leonora. “May crush na rin siguro ‘to sa school. Ayieee!” “Wala!” “Eh bakit ka naiinis?” bira pa uli ni Leonora. “Crush mo ‘yong Hayden ‘no?” Naramdaman ni Reyshan ang mabilis na pag-akyat ng dugo niya sa mukha, ang pag-iinit niyon at ang parang paglobo ng kanyang tainga. Batid din niya ang kanyang pamumula. Mabuti na rin pala at nauuna siya sa paglalakad kaya hindi nakikita ng mga ito ang pangungulay makopa niya. Wala sa hinagap din na mas bumilis pa ang bawat hakbang niya. “H-hindi ‘no! Wala akong crush! Ang aga-aga Leonora! Kasisimula lang ng klase! Huwag mo nga ako itulad sa ‘yo!” “Kaya nga!” narinig niyang pagsang-ayon sa kanya ni Jane. “Alam n’yo kayong dalawa ang sarap n’yong pag-untugin eh!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD