KABANATA 1

2296 Words
"Bilisan mo naman, Edgar!" may pagmamadali at inis niyang sabi sa kapatid. Unang araw ng pasukan ngayon at unang araw din niya bilang isang high school student. At kahit hindi pa naman pormal ang pagsisimula ng unang klase, ayaw pa rin niyang mahuli sa pagpasok sa eskuwelahan lalo na at sanay rin siya na laging maaga kung pumasok. Kailangan din talaga niyang magmadali dahil makikipagsiksikan pa siya mamaya sa paghahanap ng kaniyang magiging room. "Ano ba 'yan Reyshan, mag-ayos ka nga!" sita ni Leonora sa kanya habang sa kamay nito ay hawak ang pang-retouch. Panay ang pahid nito sa mukha ng hindi niya malaman kung ano'ng powder. Hindi tuloy niya mapigilang mapatingin sa kabuuan niya. Walang heels ang kanyang suot na black shoes na mukha pang pangbata—ayon nga kay Leonora nang makita nito ang suot niya kaninang dumating ito sa kanilang bahay. Maayos din naman ang suot niyang school uniform. Nasa tama ang mga tupi ng palda niya, plantsado pati ang blusa at maayos din naman ang pagkaka-ribbon ng kanyang necktie na terno sa suot niyang palda na maliliit na checkered red and white. Kung tungkol naman sa buhok niya, hindi naman siya mukhang bruha kahit nakalugay iyon. Wala tuloy sa sariling nahaplos niya ang may kahabaan at tuwid niyang buhok. "Highschool na tayo, mga dalaga na 'no!" dagdag pa nito sabay irap at sara ng hawak na compact powder. Punung-puno nang makukulay na maliliit na clamp ang buhok nito na parang kay Jolina Magdangal ang style. Natatandaan niyang idol nito si Jolina at paborito rin nito ang love team ng Jolina at Marvin bukod sa Rico at Claudine tandem. Sa kanilang tatlo rin ay ito talaga ang kikay at medyo "fashionista". Elementary pa lang sila ay marunong na itong mag-ayos ng sarili at mukhang nasobrahan pa ngayong tumungtong na sila ng highschool. At saka ano'ng dalaga rin ba ang pinagsasabi nito? Dose años pa lang sila! "At saka tignan mo 'yang bag mo," Napalingon naman si Reyshan sa kanyang likod upang makita ang kanyang bag. Napanguso at kunot-noo siya. Ano naman kaya ang problema nito sa bag niya? Salubong pa rin ang kilay na nilingon niya si Leonora habang nakanguso at ang mga kamay ay kusang kumapit sa straps ng kanyang backpack. Last week pa ito excited na tumungtong ng high school samantalang siya ay kinakabahan at natatakot. Kung anu-ano na rin ang ini-imagine at sinasabi nito, tila nananaginip nang gising. Kaya hindi na naman ito nakaligtas sa mga pangangantiyaw at pangbubuwisit ni Jane. Nakikinig lang naman ang huli sa walang habas na mga paninita ni Leonora sa kasimplehan ni Reyshan. Hindi na rin mapigilan ni Jane na mapahalukipkip habang angat ang isang kilay at ang isang paa ay tumatapik-tapik sa sahig. Isang patunay na nauubusan na ito ng pasensya sa kaibigan nilang si Leonora. "Backpack?" anito. "Eww," sabay ayos nito ng strap ng shoulder bag mula sa pagkakasabit sa balikat. Ang mga mata ay napapatirik. Inalis ni Jane ang mga braso mula sa pagkakahalukipkip at nagtitimpi na sumagap ng hangin bago umimik. Backpack din ang kaniya at pakiwari niya ay iniinsulto sila ni Leonora. "Sus, ikaw nga paganda ka nang paganda pero ang pangit mo pa rin naman!" bira ni Jane na may halong gigil at inis, hindi na mapigilang hindi rin mamuna dahil sa panayang paninita nito kay Reyshan. Hindi sinagot ni Leonora ang sinabi ng kanilang kaibigan bagkus ay nag-make face lang ito at umirap. Hindi na niya inintindi pa ang dalawa, sanay na siya. Sa araw-araw ba naman sa ginawa ng Diyos ay laging nag-aaway ang mga ito. Mabuti na nga lang at hindi siya napagti-trip-an na inisin kundi sasakit yata ang ulo niya sa pangbubuska ng mga ito kung sakali. At mabuti na nga lang din at hindi siya ang tipong pikunin kundi palagi rin siyang mapagdidiskitahan nang mapang-asar na si Jane. Mula ulit sa labas ng pinto ng kanilang bahay ay tinawag ni Reyshan ang kapatid. "Edgar!" "Oo ate, sandali! Napaipot kasi ako sa short ko bigla eh! Mag-ilo lang ako! Hintayin n'yo ako ate ha!" "Ano ba 'yan, Edgar!" napapadyak pa siya sa sobrang inis. Napailing na natampal na lang ni Jane ang kanyang mukha at si Leonora ay kababakasan naman nang pandidiri ang hitsura habang nakatikwas ang isang kamay mula sa pagkakahalukipkip. "Male-late na kami!" habol-sabi pa ni Reyshan sa kapatid. Grade three student pa lang ngayong pasukan si Edgar, ang kapatid niyang sumunod sa kanya. "Maaga pa naman! Sandali lang ate!" "Kainis!" napa-squat siya sabay lagay ng mga kamay sa magkabilang pisngi habang nakasimangot. Hindi na inintindi ang paldang sumayad sa sahig. Narinig din niya ang kanyang ama na pinagsasabihan si Edgar na matutong kumilos nang mabilis at maaga. Ang kaniyang mama naman ay inaasikaso marahil ang bunso niyang kapatid na ilang buwan pa lang. Totoo rin namang maaga pa, pero hindi kasi niya alam kung ano'ng oras ang flag ceremony sa high school. At sa totoo lang din ay nai-stress siya sa hindi niya mawaring dahilan. "Ano ba 'yan Reyshan! Umayos ka nga, para ka talagang bata!" puna na naman sa kanya ni Leonora. Wala sa loob na napatayo siya sabay buntong-hininga. Lunes na Lunes pero nakaka-stress na agad. Wala pa nga silang ginagawang assignment at project pero heto at mukhang pagod na siya. Badtrip na badtrip. At ilang sandali pa ang lumipas bago sila nakagayak paalis. Kandabusangot tuloy ang mukha niya habang nagmamarcha paalis ng kanilang bahay. Sakay ng pinarang tricycle ay unang ibinaba si Edgar sa Iba Central school na katabi naman ng kanilang magiging eskwelahan. Traffic na at halos nakabibingi ang ingay ng mga sasakyan bukod sa mga ginagawang busina ng ilang motorista. Kasabay pa ng mga iyon ang ingay ng mga abalang tao. Nakapangalumbaba si Reyshan habang nakasakay sa sidecar sa tabi ng pintuan. Kinakabahan talaga siya at hindi mapakali pero may kaunting excitement pa rin naman ang naroon sa kanyang dibdib. Mukha rin namang hindi pa sila late. Hindi na sila nagawa pang ibaba ng tricycle driver malapit sa gate dahil talagang siksikan na sa kalsada dahil sa unang araw ng pasukan. Hindi na halos makausad ang mga sasakyan kaya no choice rin sila kundi ang lakarin na lang ang patungo sa gate. Nagkalat ang mga estudyante sa paligid at hindi nila alam kung saan sila tutungo. Pero bigla nilang naalala ang sinabi ng guro na nag-assist sa kanila noong enrollment kung saan ang magiging building nilang mga freshman. Kaya naman binaybay nila ang kaliwang bahagi ng malaking eskwelahan upang tumungo roon. Nakita nila ang mga estudyanteng nakahanda na sa pila at batid nilang malapit nang mag-time. Mayroong pila sa harap ng stage at mayroon din naman sa harapan ng dalawang palapag na building. Ang mga nakapila at nakatalikod sa nabanggit na building ay nakaharap naman sa mga nakapila sa tapat ng stage. At hindi pa man nila naaabot ang tutunguhing building ay nag-a-announce na ang gurong nasa gitna ng stage sa quadrangle at sinabing mag-uumpisa na ang flag ceremony. Wala silang nagawa kundi ang tumayo na lang sa kung saan gaya ng iba at inilagay sa tapat ng puso ang kamay para sa pag-awit ng Lupang Hinirang. Tumagal pa ng ilang minuto ang flag ceremony dahil dalawang beses pa silang pinanumpa: ang panunumpa sa watawat at saligang-batas. Idagdag pa ang ilang mga habilin. Muling nagkawatak-watak ang mga estudyante nang matapos ang seremonya at nagtungo sa kanya-kanyang gusali. Nagsimula na rin sila Reyshan na umalis sa kanilang puwesto. Siksikan ang buong corridor mula first at second floor matapos ito dumugin ng freshmen na naghahanap ng kanya-kanyang magiging room. Kasama pa ng ilan sa mga estudyante ang kanilang mga magulang. "Ano ba 'yan, parang mga elementary!" narinig nilang pabulong na komento ni Leonora sa ilang estudyante na may bitbit pang magulang. Sumunod silang pumasok sa gitnang entrance ng ESF building kung saan sinabi ng guro kanina sa stage—at ng isa pang guro na tumawag sa kanilang pansin na sa building na iyon ang magiging mga room ng mga nasa unang taon sa high school. Halos nagtutulakan na ang karamihan sa mga estudyante pagpasok nila ng gusali. Maingay rin na akala mo ay nasa palengke ang bawat isa. Napapangiwi na lang silang tatlo kapag may nakakaapak ng kanilang mga paa, may nanunulak sa kanila at binabangga sila. Nasubukan pang makapagtaray ni Leonora nang may kamay na sumabit sa buhok nito. Sinubukan nilang hanapin ang kanilang mga pangalan sa unang room na katabi ng MAPEH department mula sa kanan (kung ikaw ay nakaharap sa building). Subalit wala roon ang kanilang mga pangalan. Nakipagsiksikan sila ulit palipat sa katabi nitong room. At kahit mahirap ang sumingit ay pilit nilang inilapit ang sarili papunta sa listahan ng mga pangalan na nakadikit sa tabi ng pinto ng ikalawang silid. Akmang iaangat ni Reyshan ang kanyang kaliwang braso upang suyurin ng daliri ang mga nakalistang pangalan sa bond paper nang mapapitlag siya. May kung ano'ng kuryenteng gumapang sa kanyang braso at mabilis na naibaba niya iyon. Napatingin siya sa kanyang katabi na mukhang nagulat din subalit ang mga kamay nito ay nananatili sa ere. At dahil medyo may kataasan ito ay napatingala siya sa binata. Nakatingin din ito sa kanya pero mabilis siyang nag-iwas nang tingin dahil tila nakapapaso ang tumitig sa chinito nitong mga mata. Napayuko siya at tila may mga paru-paro na nagsisiliparan sa kanyang tiyan at hindi niya maiwasang sapuin iyon. Pakiramdam niya ay parang may natutunaw rin doon. Halu-halo ang mga bigla niyang nararamdaman habang ang puso niya'y kumakabog din sa sobrang bilis at lakas. Nakagat niya ang ibabang labi upang pigilan ang papasungaw na ngiti roon sa hindi niya malamang dahilan. Nag-angat siyang muli nang tingin upang tingnan ang pangalan sa naroong listahan subalit tila wala siyang nakikita dahil tumatagos ang kanyang tingin. Pakiramdam ni Reyshan ay nasa alapaap siya. Lumulutang ang kanyang isip higit lalo dahil nararamdaman pa rin niya ang lalaki sa kanyang tabi. Ang mga balat nila ay nagkakakiskisan dahil sa magulong mga estudyante sa gilid at naroon pa rin ang kakaibang pakiramdam na nanunulay sa kanyang balat. At tandang-tanda pa niya ang araw na iyon. June 4, 2001. Araw ng Lunes pero hindi niya alam ang eksaktong oras dahil parang tumigil ang kamay ng orasan. Sabay na umatras sila ng binata. Lilingonin sana niya ito dahil sa pagkakasabay nila pero mas pinili niyang huwag na lang. Napanguso siya. Dinadaga ang dibdib sa hindi malamang dahilan. Nakita na niya ang kanyang pangalan sa class list na parehas nilang tinitignan ng binata kanina pero hindi niya alam kung nakita rin ba nito roon ang sarili nitong pangalan. At nang matapos niyang makita ay agad siyang umatras upang pagbigyan naman ang iba na hanapin doon ang sariling pangalan pero hindi niya akalaing magkakasabay pa sila sa pag-atras palayo sa pinto. May pag-aalinlangan na nilingon niya ang kanyang tabi, umaasam na naroon pa rin ang lalaki subalit wala na ito sa kanyang tabi at hindi na rin makita kahit luminga siya. Napahinga siya nang malalim. Aywan niya kung bakit may tumutubong lungkot sa kanyang dibdib sa kaalamang iyon at sa kaisipan na hindi niya ito magiging kaklase. Naipilig niya ang kanyang ulo at may pagtataka sa mga inaakto para sa isang estranghero. Napatunghay siya sa kaharap na room upang makita lang na may gurong nakatayo roon. At ganoon na lang ang pamimilog ng mga mata ng dalaga nang makita ang binatang nakatabi kanina na nakatayo sa likod ng guro na kasalukuyang nagbubukas naman ng pinto. Naisip niyang marahil ay ito rin ang kanilang magiging class adviser para sa buong academic year na iyon. Nakatalikod man ang binata sa gawi niya'y alam niyang iyon ang katabi niya kanina. Kumilos kaagad siya upang makapasok na rin sa silid at makaiwas sa magugulong estudyante. Masyado nang siksikan ang corridor at hindi na rin niya makita ang dalawang kaibigan matapos silang magkawatak-watak na tatlo dahil sa nangyaring tulakan kanina. Nang bumukas ang pinto ay unang pumasok ang binata. Natutulala na sinundan ito ni Reyshan nang tingin. Para siyang wala sa sarili na naglalakad nang mabagal papasok ng silid. At wala rin siyang ideya kung bakit ganoon na lang ang mga iginagawi niya ng mga sandaling iyon. Bago rin sa kanya ang lahat ng damdaming nararamdaman ng mga oras na iyon. Umupo ang binata sa unang upuan na malapit sa teacher's desk. At kung wala pang malakas na tumulak sa likod ng balikat ni Reyshan siguro'y hindi pa siya matatauhan. "Hoy, para kang timang!" siga na pagkakasabi ni Jane sa kanya at ngayon naman ay binunggo siya sa balikat. Maang na sinundan niya ito nang tingin. Naupo ang kaibigan sa bandang gitna ng unang hanay ng tatlong magkakadikit na upuan. Nagsalubong ang kanyang kilay. "Magkaklase tayo?" Walang ganang tinignan siya ni Jane saka nangalumbaba. "Malamang! Kaya nga ako nandito!" nagtataray na ani nito at umismid. Umaliwalas ang mukha ni Reyshan bago pasugod na lumapit sa puwesto nito at naupo sa kanang bahagi ng kaibigan, hindi na rin pinansin ang pagsusungit nito. Pag-angat nang tingin ay kanyang nakita ang nakabusangot na mukha ni Leonora habang pumapasok ito sa pinto ng silid na kanilang kinaroroonan; na siya namang labis na ikinasaya ng kanyang puso. Awang ang mga labi ni Reyshan sa mangha. Magkakaklase pa rin sila! "Kainis! Hindi n'yo man lang ako hinintay!" at padarag nitong ibinaba ang shoulder bag sa katabing upuan ni Jane sa kaliwa. Mauupo ito sa upuang katabi mismo ng mga bintanang jalousie. Nagdadabog ding umupo si Leonora. Mataray namang sinagot ni Jane ang sinabi ni Leonora sa kanila. "Bakit ba kaklase ka pa rin namin?" "Huwag kang mag-alala! Hindi ko rin ginustong maging kaklase ka ulit!" Napabuntong-hininga na lang ulit si Reyshan at hinayaang magbangayan ang dalawa. Pumangalumbaba siya sa kanyang armchair at hindi sinasadyang dumapo ang mga mata sa lalaking nakaupo sa harap at nakatalikod sa kanyang gawi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD