Chapter 6 - Party

2305 Words
CHAPTER 6 - Party MALALIM ang buntong hiningang pinakawalan ko nang makalabas na ng classroom. Sa araw na ito, ito na ang huling klase ko kaya makakauwi na ako nang maaga. Pero imbes na maging masaya ngayong araw, pakiramdam ko ay tila patong-patong ang problema ko. "Tambay muna tayo?" biglang anyaya ni Xia na nasa tabi ko. Sabay kaming naglalakad pababa ng building namin. Isang tamad lang na tingin ang ipinukol ko sa kaibigan at muli na namang bumuntong hininga. Napailing siya sa inakto ko. "What's wrong with you?" I pouted my lips. "Iniisip ko kung anong kailangan kong gawin para mapalapit kay Domino." Sa narinig, pinukol niya ako ng hindi makapaniwalang tingin. Hindi ko na lang pinansin ang tingin na 'yon ng kaibigan at iniwas na ang mga mata sa kanya. Last week pa ang huling kita ko kay Domino, iyon ay nang makisali kami sa kanya at sa mga kaibigan niya sa bar. Kahit na pakiramdam ko ay may epekto ang naging pagbabago sa kanya, mailap pa rin ang loko. Nang matapos naming magsayaw nang gabing 'yon ay iniwan niya ako, at malaman-laman ko na lang ay umalis na ng bar na may kasamang ibang babae! Masyado na akong pinapahirapan ng Domino na 'yon. Ano pa ba ang gusto niya? I changed myself! Hindi na ako simple lang na sinasabi niyang hindi niya tipo sa mga babae. Pero bakit ganito pa rin ako sa kanya? Parang isang hangin lang. Nadadarama, ngunit hindi nakikita o pinapansin. Para mawala ang pagkainis at nang hindi mabagot, nang kulitan ako ni Xia na tumambay muna sa mall ay napagpasyahan ko na ang sumama. Ganito ang palagi naming gawain sa tuwing matatapos ang klase at kung hindi busy. "Wala ka bang balak na tigilan na lang si Domino? I know he's hot, pero marami pa rin naman ang lalaki riyan sa paligid. You know that. Karamihan pa nga sa kanila ay gusto kang ligawan," ani Xia. Kahit nandito na sa mall ay si Domino pa rin ang topic namin. Hindi na ako magtataka kung sa mga oras na ito ay nabubulunan o nakagat na niya ang sariling dila. "Siya lang ang gusto ko, wala nang iba pa." s**t. That's disgusting! Kung hindi ko ginagawa ang plano ko at kung sakaling magkatagpo ang landas namin ni Domino, hindi pa rin ako magkakagusto sa lalaking 'yon. Kahit na hindi ko pa lubos na kilala si Domino, masasabi ko na agad na hindi siya matinong lalaki. Bukod sa pagiging babaero niya, malamang ay laruan lang para sa kanya ang mga babae. Sa tagal ng pagiging stalker ko noon sa kanya ay iba't ibang babae ang nakikita kong kasama niya. Isa pa, saksakan ng pagiging arogante, suplado, at antipako ang isang 'yon. Siya ang tipo ng taong hinding-hindi mo gugustuhing makilala. But unfortunately, I know him. "Ano bang nagustuhan mo sa Domino na 'yon bukod sa pagiging hot niya?" Hindi ako nakasagot. Umiwas ako ng tingin at nagkibit-balikat. Narinig ko na lang ang pagbuntong hininga niya dahil sa itinugon ko at hindi na muling nagsalita o nagtanong pa. Sa totoo lang, ayaw kong itago sa kaibigan ang totoo. Pero sa tingin ko ay ito ang mas makabubuti para sa kanya. Ayaw kong madamay siya sa gulong pinapasok ko, kahit na parang nakakaladlad ko na siya patungo rito. Nagtagal pa kami ni Xia sa mall. Nang matapos mag-foodtrip, napagpasyahan naman naming nag-window shopping. Nang tuluyan nang sumapit ang hapon ay saka pa lang namin napagpasyahang umuwi na. Malalim ang buntong hiningang pinakawalan ko nang makapasok na ako ng apartment ko. Blangko ang mukha ko nang igala ko ang tingin sa bawat sulok ng bahay. Isa ito sa dahilan kung bakit sa tuwing inaaya ako ni Xia na lumabas ay sumasama agad ako. Sa tuwing nandito kasi ako sa apartment ko ay nararamdaman ko ang pagiging mag-isa. Unti-unti naman na akong nasasanay, pero may pagkakataon pa rin na nalulungkot ako. Hindi ganito ang buhay na kinalakihan ko. Noon, kapag umuuwi ako galing sa eskwela ay sasalubungin agad ako ng mga kapatid ko. Minsan pa nga ay papasalubungan ko sila ng kung ano-ano na labis naman nilang ikinakasiya. Sa umaga, bago tuluyang pumasok ay aasikasuhin ko ang pagkain nila at ang pagpasok nila sa eskwela. Madalas kasi ay tulog si Mama sa umaga dahil sa buong gabing pagtatrabaho sa bar. Pero sa tuwing gigising siya, siya na ang nag-aasikaso sa mga kapatid ko. Pagdating ng hapon, ako naman ang magbabantay sa kanila at siya naman ang aalis ng bahay para magtrabaho. Ganoon ang buhay na araw-araw kong nararanasan noong mga panahong buhay pa ang ina at mga kapatid ko. Pero ngayon, kapag umuuwi galing sa eskwela ay wala akong naaabutang ni isang tao sa bahay. Tanging ang madilim at tahimik lang na bahay ang sumasalubong sa akin. Ilang segundo pa akong nanatiling nakatayo sa kinatatayuan bago napagpasyahang gumalaw na. Basta ko na lang inilapag ang bag sa salas at tinungo na ang banyo para maligo. Nang matapos maligo ay saktong alas siyete na ng gabi. Tinungo ko ang maliit na ref at binuksan ito, naghahanap ng makakain. Napailing ako nang makitang walang pagkain na madaling iluto rito. Hindi naman ako mahilig sa mga frozen food. Kaya sa huli, isinara ko ang ref at ang binuksan ay ang cupboard. Kumuha ako ng isang cup noodles at napagpasyahang ito na lang ang kakainin. Habang hinihintay na tuluyang maluto ang cup noodles sa inilagay kong mainit na tubig, napagpasyahan kong kunin ang phone ko sa bag. Kumunot ang noo ko nang makitang may missed call si Xia. I decided to call her back. "Haelynn!" bungad ni Xia sa kabilang linya nang sagutin niya ang tawag ko. Hindi muna ako nagsalita at tinungo ang kusina. Naupo ako sa bangko. "I was in a bathroom earlier. Bakit ka napatawag?" "I have a good news for you. Sigurado akong matutuwa ka rito!" Bumakas sa mukha ko ang pagkagulo dahil sa sinabi niya. "What is it?" "Natatandaan mo 'yong kaibigan ni Domino na naging partner ko sa bar?" "Yes." I remember that guy. Siya ang unang in-approach noon ni Xia, pero kahit na ganoon ay hindi ko alam ang pangalan nito. "He's Hunter." "And?" "He's having a party tonight at their house." Natigilan ako nang magkaroon ng ideya. Nakumpirma ko ito nang muling magsalita si Xia. "And hell yes, we're invited!" Nang marinig 'yon ay natanto ko na lang na nakangiti na pala ako. May malaking tiyansa na nasa party na 'yon si Domino. Magkakaroon na naman ako ng pagkakataon na makipaglapit sa kanya. "I'll just change my clothes. Diyan na lang tayo magkita sa bahay nyo para sabay na pumunta roon," sabi ko nang hindi pa rin inaalis ang ngiti sa labi. Bigla na lang nabuhayan ang mga dugo ko sa katawan dahil sa nalaman. "Sure, Haelynn. And this time, siguraduhin mong hindi na babalewalain ni Domino ang ganda mo." Mahina na lang akong natawa sa sinabi niya. And then, I realized that I am lucky to have a friend like her. NANG makarating sa bahay ni Hunter na isa sa mga kaibigan ni Domino, pareho kaming namangha ni Xia nang makita ang bahay nito. It's not just a simple house! Mula pa lang sa labas ay makikita na agad ang laki nito pati na rin ang magarang na disenyo. At nang tuluyang makapasok sa loob ay mas lalo pa akong namangha. Malawak ang garden na ngayon ay napupuno ng dalawang mahahabang table. Naroroon ang mga pagkain. Sa gilid naman nito, naroroon ang dalawang malaking freezer na naglalaman ng iba't ibang klase ng hawak. Sa likod na bahagi ng bahay ay may swimming pool. May iilan na dumalo sa party na lumalangoy na roon. "Kakaiba mag-party ang mga kaibigan ni Domino," komento ni Xia sa nakikita niya sa paligid niya. Kahit ako ay ganoon din ang naiisip. "Ano na ang gagawin natin ngayon?" tanong ni Xia nang bumaling na ang tingin sa akin. I shrugged. "Let's find them first?" Sa dami ng taong nasa paligid, hindi pa namin nakikita ang grupo ni Domino kahit tila nalibot na namin ang labas ng bahay nito. Tumango si Xia bilang pagsang-ayon. Para mas madali ang paghahanap kay Domino at sa mga kaibigan niya, napagpasyahan namin ang magtanong sa taong dumaan. Itinuro nito ang loob ng bahay. Kahit may pagdadalawang-isip sa amin ni Xia, tinungo namin ang loob ng bahay. Nasa salas pa lang kami ay natagpuan na namin agad ang grupo ni Domino. Nang mapansin ng mga tao ang presensiya namin ni Xia ay mabilis na bumaling ang atensiyon nila sa amin. Tumayo si Hunter mula sa kinauupuan para salubungin kami. "Xia, Haelynn," bungad nito nang tuluyan kaming makalapit sa kanya ng kaibigan. Bahagya pa akong nabigla nang magbeso sila ni Xia. Are they close? Or is there something happening between them? Nawala na roon ang atensiyon ko nang isa-isa kaming batiin ng mga kaibigan niya. At nang kay Domino na tumigil ang tingin ko, mas pinalawak ko ang ngiti sa labi. "What's up, Domino?" Tamad niyang sinalubong ang tingin ko at bumuntong hininga. Bumakas sa mukha niya na tila hindi siya nasisiyahang makita ako. Ni hindi man lang pinansin ang pagbati ko! Dahil nasa labas ng bahay ang mismong party, nagkaayaan na kaming lumabas. Si Xia, kay Hunter nakadikit. Kaya nang wala na akong kasama ay dumikit na rin ako kay Domino. "You miss me?" I asked while there's a smile on my lips. Kapag siya ang kaharap, awtomatikong ngingiti ako ng pagkatamis-tamis. He snorted. "Why would I miss you?" "Oh," bulalas ko at humawak sa dibdib na tila nasaktan ako sa sinabi niya. "You're so harsh. Ako, na-miss kita. Pero ikaw, ganyan lang ang sasabihin sa akin?" Tanging iling lang ang nakuha ko sa sinabi ko. Nang muli ko siyang subukang kausapin ay basta na lang siya umalis sa harapan ko. Dahil sa pagkainis sa ginawa niya, napagpasyahan ko ang kumuha na lang ng alak at mag-inom. Halos lahat ng tao ay ganoon na rin ang ginagawa, naglalasing na. Mas lalong naging wild ang party nang magpatugtog ng sobrang lakas. At kahit walang dance floor, may mga tao pa rin ang sumasabay sa indayog ng musika. "Do you want to dance with me?" Iyon ang bungad kong tanong kay Domino nang muli ko na naman siyang lapitan. Hiwa-hiwalay na sila ng mga kaibigan niya. Nag-iisa na lang ang kasama niya. At ako, wala nang ideya kung nasaan si Xia. All I know is she's with Hunter. "No, thanks," matipid na tugon niya. Inalis na niya ang tingin sa akin at lumagok sa hawak niyang bote ng alak. Sa pagkakataong ito, hindi ko na napigilan ang pagbakas ng iritasyon sa mukha ko. Hindi lang ito ang unang beses na sinubukan kong kausapin siya ngayong gabi, pero kahit anong gawin ko ay hindi niya pa rin ako pinapansin. Wala pa rin talab ang ginagawa ko. Nawala amg atensiyon ko kay Domino nang mapansin ang kaibigan niya, naglakad palapit sa akin. Humarang ito sa gitna namin ni Domino. "You're Haelynn, right?" Sa boses niya pa lang ay nakumpirma kong lasing siya. I put a smile on my lips before answering him. "Yes." Ngumiti ito sa naging tugon ko. "Nakaraan pa kita napapansin na hinahabol si Domino, pero parang walang interes sa 'yo ang kaibigan ko." Unti-unting naglaho ang ngiti sa labi ko nang mapansin kong humakbang pa ito ng isang beses patungo sa akin kaya halos magkadikit na kami. Dinala niya ang bibig malapit sa tainga ko bago ipinagpatuloy ang sinasabi. "Pero ako, interesado sa 'yo." Bumaling ang tingin niya sa akin habang nananatiling malapit sa tainga ko ang bibig. Nanigas ako sa kinatatayuan nang mabilis na dumampi ang labi niya sa puno ng tainga ko. "Baka gusto mong sumama sa akin? There's a room inside." Parang napapaso akong humakbang palayo sa kanya. Ramdam ko ang panginginig ng mga kamay ko dulot ng ginawa niya. Ni hindi ko nagawang makapagsalita dala ng pagkabigla. Lumunok ako nang mapansing nasa malapit ko pa rin siya, tila hinihintay ang magiging tugon ko. Umiwas ako ng tingin at ibinaling ito kay Domino na nasa likod niya. Nang magtama ang tingin namin ni Domino ay nagkaroon ng linya ang noo niya. Pinasadahan niya ako ng tingin at mas lalong nagkasalubong ang mga kilay nang tila mapansin ang takot sa akin. "Ano, tara na?" anyaya na naman ng lalaki sa akin. Napipilitan akong umiling. "No. I'm not interested." Mukhang tuluyan nang tinamaan ng alak ang lalaking kaharap. Dahil kahit 'yon ang sinabi ko ay hinawakan pa rin ako nito sa palapulsuhan ko. "Sa ngayon lang 'yan, pero kapag nasa loob na tayo ng kwarto ay magkakaroon ka na ng interes sa akin," makahulugan niyang sabi. Alam ko na agad kung ano ang tinutukoy niya. Akmang hihilahin na niya ako paalis nang may humawak sa kabila kong palapulsuhan. Kaya nang subukan niya akong hilahin ay walang talab ito. Nanatili ako sa kinatatayuan. Gulat at nabibigla ang tingin na ipinukol ko kay Domino nang mapansing siya ang taong humawak sa akin. Hindi ko napansing nagtungo na pala siya sa side ko. "Ayaw sa 'yo sumama ng babae, tigilan mo na," tila tamad na tamad na sabi ni Domino sa kaibigan. Mariin itong umiling. "Anong ayaw sumama? Nahihiya lang 'yan kasi nandiyan ka." Hindi tinugon ni Domino ang sinabi niyang 'yon. Blangko lang niyang pinagmamasdan ang kaibigan, habang ako ay makahulugang pinagmamasdan siya. Tila ba sa tingin ko ay ipinapahiwatig ko sa kanyang huwag niya akong hahayaan sa kaibigan niya. "Kung wala ka, siguradong sumama na siya sa akin at ngayon ay nasa ilalim ko na... umuungol." Nanlalaki ang mga mata kong bumaling ng tingin sa kaibigan ni Domino, hindi makapaniwala sa sinabi niya. Pero ang mas nagpagulat sa akin ay nang bigla na lang bumulagta sa sahig ang lalaking kaharap dahil sa isang sapak na tumama sa kanya. And... it was from Domino!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD