I

1863 Words
“ISABEL! Halika na at kakain na,” tawag ni Pilita sa dalagitang si Isabel na abala sa pagpapakain sa mga alagang manok ng kanyang ama. Nakangiting nagtatatakbo ang dalagita papalapit sa kanyang inang naghahanda ng tanghalian sa ilalim ng maliit na kubo kung saan naroroon na ang kanyang ama na si Noel at maganang kumakain. Naghugas muna siya sandali ng mga kamay sa may gilid ng batalan. Dumulog sa hapag-kainan ang dalagita at saglit na nagdasal bago sumandok ng kanin sa platong nasa kanyang harapan.  Hilaw na mangga na may bagoong at piniritong galunggong. Iyon ang ulam nila noong tanghaling iyon na sinamahan pa ng ilang piraso ng hiniwang kamatis. Magiliw na kumain si Isabel gamit ang kanyang mga kamay, habang nakangiti naman siyang pinapanood ng kanyang mga magulang na tila nengganyo na rin sa kanyang pagkain. Sa halos labing-anim na taon na siya ay nabubuhay, ginugol niya na ang buong buhay niya sa Echiverri Farms, na pinakamalaking sakahan sa kanilang bayan ng San Esteban. Ang kanyang ina ang mayordoma sa mansiyon ni Don Fernando Echiverri, ang may-ari ng sakahan, habang ang kanyang ama naman ang katu-katulong nito mangasiwa sa malalawak na palayan at sakahan ng iba’t ibang mga pananim na gulay. Mayroon din silang mga tanim na saging at manga kung saan madalas siyang naglalagi dahil mahilig siyang umakyat sa mga puno. Madalas pa nga siyang makipagpaligsahan sa ibang mga bata sa sakahan kung sino ang makakaakyat sa pinakamataas na sanga ng puno. Masaya ang paligsahan na iyon kung hindi malalaman ng kanyang ina na tiyak na kakagalitan siya dahil masyado raw siyang asal-lalaki. Simple lamang ang kanilang buhay sa San Esteban. Lumaki siya na kilala halos lahat ng mga taong naroroon dahil maliit lamang ang kanilang bayan. Karamihan pa sa mga magulang ng mga kaedad niya ay tauhan ni Don Fernando sa sakahan. At bagaman madalas na mayamot dahil araw-araw ay iisang mga mukha ang kanyang nakikita, wala naman siyang magagawa. Sa San Esteban na siya tatanda. Sa Echiverri Farms na siya mamamalagi katulad ng kanyang ama at ina. At pihado, doon na rin siya magkakapamilya. Magkakaapo. Mamamatay. “Sabel, hinahanap ka pala ni Señorito Luis,” saad ng kanyang ina habang nililigpit ang pinagkainan nilang mag-anak. “May ibibigay yata sa ‘yo.” Awtomatikong namilog ang mga mata ni Isabel. Hinahanap siya ng kanyang Kuya Luis? Nakabalik na pala ito galing sa siyudad? Hindi pa man natatapos na kumain ay kaagad na siyang tumayo. Nilagok ang tubig na laman ng kanyang baso. Inayos ang kanyang sarili. Natatawa naman ang kanyang ama na si Noel habang pinapanood siya. Bago pa siya makaalis sa maliit na kubo ay inalaska na siya ng kanyang ama. “Ambilis ng kilos mo no’ng narinig mo pangalan ni Señorito, a.” Naramdaman ni Isabel ang pamumula ng kanyang pisngi. Inirapan niya ang kanyang ama. “Nananabik lang akong makita kung anong bagay ang ipapakita sa ‘kin ni Kuya Luis, Itay. Walang halong malisya.” Nakapameywang na nilingon siya ng kanyang ina. “Maria Isabel. Ano ang paalala ko sa ‘yo?” Napalunok siya at tipid na napangiti. “Na tawagin na señorito si Señorito Luis.” Tumango ito. “Huwag mong kakalimutan na magmano kay Don Fernando. Kahit na ba sabihin mong kaibigan ng ama mo ang Don at malapit si Señorito Luis sa ‘yo, huwag mo sanang makaligtaan na amo pa rin natin sila at mga tauhan nila tayo. Naiintindihan?” Tumango na lamang siya bago naglakad papunta sa hacienda. May kalayuan din iyon mula sa kanilang maliit na kubong pahingahan sa may palayan ngunit hindi inalintana ni Isabel ang init, o ang layo ng kanyang kailangang lakarin. Mas nananabik siyang makita si Luis. Ang kanyang Kuya Luis.  Labindalawang taon ang tanda nito sa kanya. Kasalukuyan itong nangangasiwa sa mga pabrika ng pamilya nito sa may siyudad na nagpo-proseso ng mga pagkain na kanilang pinapatubo at pinapalaki rin sa Echiverri Farms. Pinag-aaralan na rin nito ang negosyo ng pamilya nito kaya naman paminsan-minsan na lamang niya ito nakikita sa isang buwan. Na kanyang ikinasasabik dahil marami itong kuwento at mga pasalubong sa kanya sa tuwing nanggagaling ito sa siyudad ng X, kung saan naroroon ang mga pabrika ng Echiverri Farms.  Nasa malayo pa lamang ay kaagad nang napangiti si Isabel. Paano ba naman, nakita niya ang makisig na pangangatawan ng kanyang Kuya Luis na nakasakay sa puting kabayo nitong si Hagibis. Marahan lamang ang lakad ng kabayo at ang lalaki ay nakasuot ng cowboy hat at puting kamiseta, na madalas na suot nito kapag nag-iikot-ikot sa paligid ng pananiman. Magiliw niya itong kinawayan bago nagtatatakbo papalapit sa kung saan naroroon ang lalaki. “Kuya Luis!” Napangiti ito. “Isabel! Ang tagal kitang hindi nakita, a!” saad nito bago bumaba mula sa pagkakasakay kay Hagibis. Yayakapin niya sana ito ngunit umatras ang lalaki. “Naku, galing ako sa may kuwadra. Huwag mo akong yakapin at panigurado amoy kung ano ako.” Natawa siya. “Sabi ni Mama, hanap mo raw ako kaya… nagpunta ako rito, Kuya Luis.” Ngumiti ito. “Oo, hinahanap talaga kita. Sabi kasi sa ‘kin ni Papa, valedictorian ka raw ng klase mo. Kaya naman habang nasa siyudad e naisipan ko na bilhan ka ng regalo.” Hindi niya malaman kung bakit nag-iinit ang kanyang pisngi. Kung dahil ba iyon sa tindi ng sikat ng araw o dahil sa pagiging maaalalahanin ng kanyang Kuya Luis pagdating sa kanya. Isang bagay na dahilan ng kanyang… mumunting paghanga sa lalaki. Maliban kasi sa talagang makisig ito, mabait ang lalaki at madalas ay tinuturuan siya nito sa mga alam nito sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo. Magaling din ito makisama katulad ni Don Fernando kaya naman lahat yata ng mga kababaihan sa Echiverri Farms ay may lihim na pagtingin sa kanilang Señorito Luis.  Nilandas ng kanilang mga paa ang daan patungo sa pilapil. Pinasakay siya ni Luis kay Hagibis habang hatak naman nito ang kabayo sa may makitid na daan. Ninamnam ni Isabel ang sandali. Alam niya kasi na kapag bumalik na naman sa X si Luis ay matagal na naman muli bago niya ito makasama.  Hindi naman sa naghahangad siya na magugustuhan siya pabalik ng kanyang Kuya Luis. Labindalawang taon ang agwat nila sa isa’t isa at natural lamang na makihalubilo ito sa mga babaeng kaedad nito at kapareho nito ng katayuan sa buhay. Parang kapatid lang ang turing nito sa kanya at kontento na siya roon. Kung sa bagay, paghanga lang naman ang kanyang nararamdaman. Isang munting paghanga na natural sa kanyang edad. Mawawala rin naman iyon paglipas ng ilang taon. “Wala pa bang nanliligaw sa ‘yo, Bel?” Umiling siya. Tumawa. “Ano ka ba, Kuya Luis. Alam mo naman na nakapokus ako sa pag-aaral ko.” Natawa na rin si Luis. “Dapat lang. Makakapaghintay naman ‘yan. At saka kapag may nanligaw sa ‘yo, ipakilatis mo muna sa ‘kin at kay Tito Noel. Pati na rin kay Papa. Aba, hindi puwedeng hindi namin makikilatis ang aali-aligid sa munting prinsesa ng Echiverri Farms, ‘no!” Hindi niya alam kung bakit siya nakaramdam ng pinong kurot sa puso dahil sa sinabing iyon ng kanyang Kuya Luis. Alam niya naman na maganda ang intensyon nito dahil halos kapatid na ang turing nito sa kanya ngunit parang mas lalo siya nitong binigyan ng hangganan sa kung hanggang saan lamang siya sa buhay nito.  Tahimik silang dalawa hanggang sa makarating sa maliit na kubong nasa gitna ng palayan kung saan madalas maglagi ang Don at ang kanyang ama kapag nagpapahinga. Itinali nito si Hagibis sa kalapit na puno ng mangga at pagkatapos ay sinamahan siyang maupo sa ilalim ng kubo. Mayamaya ay may inilabas ito mula sa messenger bag na bitbit nito at iniabot sa kanya. Nang buksan niya iyon ay napatanga na lamang siya. Isang set ng silver accesories, kumpleto mula sa kuwintas na may korteng korona at may palawit na maliit na perlas hanggang sa mga dangling earrings at singsing na may palawit ring maliliit na perlas. May kasama pa iyong bracelet. Kaagad na naibalik ni Isabel kay Luis ang kahon at umiling.  “Kuya, ‘di ko matatanggap ‘to, mahal ‘to panigurado–” Tumawa lamang si Luis at napapalatak. “Ayos lang, Bel. Kapatid na turing ko sa ‘yo. At gusto ko, isuot mo ‘yan sa graduation mo. Halika, isukat natin sa ‘yo.” Mas lalong nag-init ang pisngi ni Isabel nang kuhanin ni Luis ang kuwintas at marahan siyang pinatalikod. Hinawi nito ang buhok niya at ikinabit sa kanya ang kuwintas. Napangiti ito nang makita na sakto lamang ang sukat niyon sa kanya. “Kuya, masyado namang mahal ‘to…” Ngumiti lamang si Luis. “Isabel, ayos lang. Basta ipangako mo lang sa ‘kin na magiging mabuti kang mag-aaral at palagi mong susundin sina Tito Noel at Nanay Pilita, okay?” Tumango siya at tumungo para itago ang kilig na nararamdaman. Mayamaya ay may inilabas pang plastik si Luis mula sa messenger bag nito. May dala pala itong sandwich at juice na nasa lata. Binigyan siya nito at tahimik silang kumain kahit na kakatanghalian niya pa lamang.  Palaging ganoon si Luis Echiverri sa kanya. Maalaga. Dahil nag-iisang anak, kahit kailan ay hindi ito nagkaroon ng karanasan na magkaroon ng kapatid. Pagkatapos kasi mamatay ng ina nito sa panganganak sa kanya ay hindi na muli pang nag-asawa si Don Fernando. Mag-isa na lamang nitong pinalaki ang anak nito. Hanggang sa ipanganak siya. Palagi nitong ikinukuwento sa kanya kung gaano raw ito nanabik na magkaroon ng nakababatang kapatid na babae.  At mukhang hanggang doon na nga lang ang tingin ni Luis sa kanya. “Hanggang kailan ka rito sa San Esteban, Kuya Luis?” Ngumiti ito. “Dalawang linggo siguro. May mga kailangan kasi akong asikasuhin. Pero baka bumalik din ako sa siyudad. Hindi ko pa sigurado.” Napatikhim ito. “Oo nga pala, gusto pala nila na pag-aralin ka sa siyudad, a. Pinag-uusapan na nina Papa.” Mahina siyang tumawa. “Ayokong umalis sa San Esteban, Kuya Luis. Dito na ako lumaki. At saka ayaw ko na mawalay sa mga magulang ko. Sa Echiverri Farms.” Luis sighed. “Isabel, mas maraming oportunidad sa siyudad. Mas matututo ka ro’n.” “Ayaw kong mawalay sa ‘yo, Kuya Luis,” nadulas niyang sabi. “Ibig kong sabihin, ayaw kong–” Tumawa ito at ginulo ang kanyang buhok. “Ayos lang ‘yan, bunso. Naiintindihan ko.” Kung puwede lang siguro siyang lamunin ng lupa o hindi naman kaya ay sapakin si Luis sa mukha, ginawa niya na. Pakiramdam niya ay para itong bato. O siguro ay sadyang nakikita lang siya nito bilang isang nakababatang kapatid. “Besides, pupunta-punta pa rin naman ako sa siyudad. Kapag sa X ka nag-aral, ipapakilala kita sa girlfriend ko, si Rika. Panigurado magkakasundo kayo. You can treat her as your older sister.” Sa ilang segundo ay naramdaman niya ang pagguho ng kanyang mundo. Alam niya namang simpleng paghanga lang iyon ngunit hindi niya maipaliwanag ang bigat sa kanyang dibdib habang pinapanood ang pagniningning ng mga mata ni Luis habang ikinukuwento ang nobya nito sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD