Kabanata 2 - Tanong

1815 Words
NASA BAYAN AKO tuwing araw ng palengke. Kahapon iyon, pero heto muli ako—makikiusyoso. Nabalitaan kong may pagdiriwang na magaganap. Dumiretso muna ako sa pinagbabagsakan ko ng paninda. Nagreklamo agad si Aling Lina nang makita ako. “Galing dito si Baste. Aba’y galit na galit!” “Bakit naman?” nagtatakang tanong ko. “Hindi raw tumalab ang gamot na binili niya. Gusto niya ngang bawiin ang ibinayad niya.” “Ano? Subok ko na ’yon. Napakabisa n’on at talagang gaganahan kang kumain kapag ininom mo ’yon.” “Gaganahang kumain? Aanhin naman ni Baste ’yon? Nakita mong napakataba na ng tao. Kaya pala ang sabi niya, lumakas daw siyang lumamon.” Kumunot ang noo ko dahil sa pagkalito. “Pampagana ang hiningi mo, ’di ba?” “Ay, ’sus! Ano ka, inosente? Ibang pampagana ang tinutukoy ko.” Unti-unting nagkaroon ng linaw sa akin ang lahat. Naalala ko ang usapan nina Nanay at Lola. Sabi ni Lola, ayaw niyang gumawa ng gamot kung si Baste rin lang ang gagamit niyon. Ayaw niyang maging parte ng pagkalat ng lahi nito dahil wala naman daw itong sapat na kakayahang magparami pa. Gumapang ang init mula sa leeg papunta sa aking mukha. “Linawin mo kasi. Saka matagal nang walang gano’ng halaman sa gubat,” pagdadahilan ko. “Nagbakasakali lang ’yong tao, baka raw mayro’n pa.” “Huwag na siyang umasa pa.” Nagpaalam ako matapos niyang magbayad. Buong sabik na nilibot ko ang palengke. Iniwasan ko ang grupo ni Diego, ayaw ko nang makaengkuwentro pang muli si Mang Nardo. Masaya ang mga tao habang nanonood ng palaro. Nakapalibot sila sa kural na hugis parisukat. Sa loob niyon ay may ilang kalalakihang humahabol sa isang biik. Maputik doon. Sinadya iyon para mahirap hulihin ang tumatakbong biik. Magaling umiwas ang biik kaya kapag sinunggaban nila, sumusubsob sila sa putikan. May sarili ring palaro para sa mga bata—pabilisan sa pag-akyat sa kawayan. Dumadausdos silang pababa tuwing sinusubukan nilang umakyat sa kawayang pinahiran ng langis. Kung sino ang unang makakuha ng supot na nakasabit sa tuktok niyon ang mananalo. Paligsahan naman sa pagkanta at pagsasayaw ang sinalihan ng iba. Karamihan sa kalahok ay mga binata at dalaga. Masigla ang lahat. Nagtatawanan. Nagbibiruan. Naghaharutan ang ilan. Sila lang iyon. Akala ko nga, magiging masaya ako habang pinanonood sila, hindi pala. Lalo ko lang naramdaman ang pag-iisa. Wala kasing pumapansin sa akin. Nagdesisyon akong umuwi na. Habang naglalakad, umagaw sa atensiyon ko ang isang bestidang nakasabit sa tindahan ng mga damit. Nagandahan ako. Lumapit ako at buong paghangang pinagmasdan iyon. “MAY BATA BANG nakatira sa gubat, Lola?” malakas na tanong ng lalaking may baritonong boses. Si Diego iyon. Muntik na akong sumigaw sa sobrang gulat. Mabuti na lang, nakapagpigil ako. Kung nagkataon, baka nabukong hindi ako matanda. “D’yaskeng bata ka! Bakit bigla ka na lang sumulpot diyan?” pagalit na tanong ko. Pinatanda ko na rin ang boses ko. “At puwede ba, huwag mo akong bulyawan? Hindi ako bingi!” Paano nga bang nakalapit si Diego nang hindi ko namamalayan? Ang laking tao niya pero may pagkapusa kung kumilos. Tahimik! “Hindi ka bingi?” nagtatakang tanong niya. Sa halip na sumagot ay humakbang akong palayo sa kaniya. Akala ko, tatantanan niya na ako ngunit sumunod pa rin siya sa akin. “Lola, sandali!” Hindi ko alam kung saan ba ako mas maiinis? Ang tawagin akong tanda o lola? “Gusto ko lang malaman kung may batang nanirahan sa gubat.” Sinabayan niya ako sa paglalakad. “Palagay mo, may batang tatagal do’n?” Hininaan niya ang kaniyang boses. “Hindi na siya bata ngayon, malamang dalaga na ’yon.” Natisod ako. Muntik na akong madapa kung hindi agad ako nakahawak nang maigi sa tungkod ko. Maagap ding kumapit si Diego sa braso ko. “Mayro’n ba?” pangungulit niya. “Kahit kailan, wala akong nakitang bata o dalaga ro’n. At kung ako ikaw, mag-iingat ako sa pagtatanong tungkol sa bagay na ’yan. Baka isipin ng tao, nababaliw ka,” mahina ngunit mariing sabi ko. “Huwag kang mag-alala, Lola, dahil wala akong balak banggitin sa iba ang tungkol sa batang nakita ko. Sinabi ko na sa kanila ’yan noon pero hindi ako pinaniwalaan.” Lumuhod siya sa harap ni Imaran at buong paghangang hinaplos ang ulo hanggang likod ng aso ko. Lumaylay naman ang dila ni Imaran at kumawag-kawag pa ang buntot nito. Nagustuhan nito ang ginagawa ni Diego. “Pero totoong may batang babae sa gubat. Malinaw na malinaw pa rin sa isipan ko no’ng iniligtas niya ako sa ilog.” Suminghap ako. Akala ko, nakalimutan niya na ang pangyayaring iyon. Hapon noon at balak naming maligo sa ilog na malimit naming pinupuntahan ni Imaran. Pero may nauna na sa amin—si Diego. Nakaupo siya sa ibabaw ng malaking bato. Sinenyasan ko si Imaran na huwag gumawa ng ingay. Nagtago kami sa likod ng halamanan at manghang pinanood ko si Diego. Siya pa lang ang tanging naligaw sa liblib na parte na iyon ng gubat. Nasaksihan ko nang tumama sa kaniya ang naputol na sanga ng puno. Naging dahilan iyon para mahulog siya sa ilog. Hinintay kong umahon siya sa tubig ngunit ilang segundo na ang lumipas ay wala pa rin siya. Tumakbo ako sa dating kinaroroonan niya. Tumalon at sumisid ako sa malalim na bahagi ng ilog. Naaninag ko ang nakataob at walang malay na katawan niya. Maliit lang ang pangangatawan ko. Hindi ko siya kayang iligtas kung hindi tumulong si Imaran. Pinasan nito ang ibabang bahagi ng katawan ni Diego hanggang sa marating namin ang pampang. Sinikap kong ibuga niya ang nainom na tubig. Makaraan ang ilang sandali ay nagkamalay siya. Umupo siya at naguguluhang iginala ang paningin sa paligid bago iyon napako sa akin. Pumasok sa isipan ko ang paalala ni Lola—umiwas sa tao. Tumakbo ako sa masukal na gubat. Hindi ko pinansin ang malakas na tawag niya. Likas na yatang matigas ang ulo niya. Ilang beses pa siyang bumalik sa ilog para hanapin ako. Hindi ako nagpakita. Nanatili lang ako sa likod ng halamanan habang pinanonood siya. Nakahinga lang ako nang maluwag nang bumalik siya ng Maynila. Tuwing bakasyon, iniiwasan kong pumunta sa ilog dahil sa pangambang magkita kami roon. Tama ang hinala ko, makailang beses pa siyang bumalik sa ilog hanggang sa mabalitaan kong nangibang bansa na siya. Naputol ang daloy ng diwa ko sa nakaraan nang magtanong muli si Diego. “Ano’ng klaseng aso ’tong alaga mo?” Ikiniling niya ang ulo at pinakatitigan si Imaran. Lumiit ang mga mata niya na para bang may mahalagang bagay siyang dapat na maalala ngunit mailap ang memoryang iyon. Kinabahan naman ako. Sana ay hindi niya maalalang naroon si Imaran nang maaksidente siya. “Asong-gubat.” “Matalino siya at mukhang naturuan mo.” Tumingala siya. Iniiwas ko ang aking mukha para hindi niya makitang mabuti. Nagtaka rin ako kung bakit walang naging reaksiyon si Imaran nang lumapit si Diego. Siguro, nakilala nito na si Diego ang nagligtas sa akin kanina.  “Nakakaintindi siya sa mga sinasabi at iniuutos ko.” Tumayo siya at nakapamaywang na hinarap ako. “Talaga bang wala kang alam tungkol do’n sa batang nagligtas sa akin?” “Baka guniguni mo lang ’yon. Maraming kababalaghan ang nangyayari sa gubat.” Iniwan ko siya at nagpatuloy ako sa paglalakad. Tulad ng inaasahan, muli siyang sumunod. “Hindi ako naniniwalang kababalaghan ang nangyari. At malayong guniguni ko lang siya. Tao siya, hindi multo, hindi maligno!” “Puwedeng naligaw rin siya katulad mo.” “Kilala ko ang lahat ng bata rito sa bayan at hindi siya kasama ro’n.” “Maraming nangangaso sa gubat. Ang iba ay galing pa sa ibang bayan. Baka anak siya ng isa sa kanila.” “Gubat ’yon. Alangang iwan nilang mag-isa ’yong bata!” “Ano’ng malay ko sa takbo ng isip ng tao?” Nagkunwari akong hinihingal para tigilan niya na ang pagtatanong. “Sa edad kong ito, iba’t ibang ugali na ang nasaksihan ko.” Sandali siyang natahimik, nag-isip. “Para kanino ang tinitingnan mong damit kanina?” Nahigit ko ang aking hininga. Pinagmamasdan niya pala ang mga kilos at galaw ko. Nagdududa ba siya na ako na ngayon ang batang nakita niya noon? “Bakit ba nangingialam ka?” “Dahil hindi ’yon bagay sa matanda, pandalaga ’yon.” Kulay pula kasi iyon, walang manggas, hapit ang pang-itaas, at medyo litaw ang dibdib. Mala-prinsesa sa dami ng tela ang lagpas-tuhod na haba niyon. “Ano ngayon sa ’yo?” “Para ’yon sa apo mo, ano?” Dahan-dahan kong pinakawalan ang pinipigil na hininga. Akala ko, nabuko na ako. Dapat pa rin akong mag-ingat. Matagal siyang nawala kaya estranghero siya sa mga nakagawian na rito. Bukod doon, mapagmatiyag siya. Mga katangiang maaaring magpasiwalat sa mga lihim ko. “Wala akong apo. Wala rin akong nakitang bata o dalaga sa gubat. Sinagot na kita. Ano pa ba ang gusto mong malaman?” naiiritang tanong ko. “Puwede ba, huwag mo na akong guluhin pa!” “Pasensiya na, Lola, pero hindi ako naniniwala sa ’yo. Sa kilos ng batang ’yon, kabisado niya ang gubat. At kayo lang ang alam kong nakatira doon. Bakit hindi n’yo sabihin sa akin ang totoo? Puwede n’yo akong pagkatiwalaan.” Nilakipan ko ng pang-iinsulto ang tawa ko. “Tiwala? Nakalimutan mo na ba ang mga kalokohang ginawa mo noon? Basagulero ka at mahilig sa babae. Kahit posteng nakapalda, hinahabol mo!” “Kahit sira-ulo ako, ’di ko ugaling patulan ang mga taong tumulong sa akin,” malamig na saad niya. Huminto siya sa paglalakad. Mukhang may nasaling ako. Ilang hakbang na ang layo namin sa isa’t isa nang tawagin niya ako. “Lola, teka!” Humabol siya at may iniabot sa akin. Natitigilang tinitigan ko iyon. Mukhang pagkain iyon galing sa handaan. Nakabalot iyon sa dahon ng saging. Kinuha niya ang kamay ko at ipinatong doon ang dala niya. “Napansin ko kasing hindi ka sumasali sa kasiyahan. Mahigit walong taon na nang umalis ako, hanggang ngayon, wala pa rin kayong ipinagbago. Minsan ho kasi, kailangan nating makibagay para matanggap ng mga tao sa paligid natin.” Walang lingon-likod na iniwan niya ako. Bumalik siya sa mga kasama niya. Nanginginig ang kamay na niyakap ko ang bigay niya. Parang may bikig sa lalamunan ko. May luha ring gustong kumawala sa mga mata ko. Sa ilang taong nabuhay ako sa mundo, siya pa lang, bukod sa pamilya ko, ang nagpakita ng kabutihan sa akin. Siya pa lang ang may ibinigay na walang hinintay na kapalit. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD