Kabanata 3 - Trahedya

1869 Words
PUMASOK AKO SA bahay. Luma at halatang dumaan na ang maraming taon mula nang maitayo iyon. Gawa iyon sa kawayan at pawid. Ang hugis ay parisukat. Sama-sama na ang sala, kainan, at kusina. Nakahiwalay ang nag-iisang silid-tulugan at nasa bandang likod naman ang banyo. Nagdulot agad ng malaking ginhawa ang mas malamig na kondisyon sa loob. Isinabit ko sa likod ng pinto ang salakot at bandanang gamit ko. Pumunta ako sa lamesa at kinuha ang pitsel. Nakabuntot sa likod ko si Imaran. Humihingal pa ito habang sinasalinan ko ng tubig ang yari sa kahoy na iniinuman nito. Sabik namang inilublob nito ang dila sa tubig. Nangingiting iniwan ko ito. Kumuha rin ako ng isang basong tubig bago dumungaw sa bintana. Nasa tabi lang ng bahay ang taniman ng gulay. Mas malawak pa iyon noong nabubuhay pa sina Nanay at Lola. Tatlo kasi kaming nagtutulong-tulong sa pagtatanim. Halos lahat ng pang-araw-araw na pangangailangan ay mayroon kami. Bumababa lang kami sa bayan para bumili ng mga bagay na wala rito. Sinasabayan na rin namin ng pagbebenta ng gulay at halamang-gamot habang naroon kami. “Sa kubol muna ako, Imaran,” paalam ko. Tumahol naman ito. Nilapitan ko ito at tinapik sa ulo. “Maiwan muna kita.” Iyon ang tanging lugar na bawal si Imaran. Nakatago roon ang lahat ng gamit ko sa paggawa ng gamot. Doon din nakaimbak ang mga dahon at tuyong ugat ng halaman. Makikita rin doon ang gara-garapong halamang nakababad sa langis o alak. Ilang oras akong namalagi sa kubol. Napangiti ako nang kinalampag ni Imaran ang pinto. Inunat ko ang nangawit na likod sa matagal na pagkakayuko. Binuksan ko ang pinto. “Gusto mong maligo sa ilog, Imaran?” Masigla itong sumagot at saka ito umikot-ikot sa kinatatayuan. Tumawa ako. “Oo na! Huwag kang magmadali!” Pumunta ako sa bahay at agad dumiretso sa silid. Ipinatong ko ang itim na kapa sa suot ko. Sumunod si Imaran. Ipinadyak-padyak nito ang harapang paa. Naiinip ito sa bagal ng kilos ko. “Teka lang po!” Binitbit ko ang mga daldalhing gamit. “O, siya! Tayo na!” Mabilis na tumakbo si Imaran palabas ng bahay. Humalakhak ako nang malakas habang sinusundan ito. Malayo na agad ang narating nito, ngunit ilang saglit lang ang lumipas ay binalikan din ako. Humihingal na dinamba ako nito bago muling tumakbo sa direksiyon ng ilog. Ganoon palagi ang ginagawa nito hanggang sa mapagod at nagkasya na lang sa pagsabay sa tabi ko. Malayo-layo rin ang ilog sa bahay. Nang makarating kami roon, hinubad ko agad ang botang suot ko. Iyon na yata ang pinakamahalagang gamit ko. Gawa iyon sa balat ng baka at sinadya talaga para sa akin. Sabi kasi ni Lola, proteksiyon ko iyon sa mga gumagapang na hayop dito sa gubat. Namatay kasi si Nanay sa tuklaw ng ahas. Kumalat sa buong katawan niya ang kamandag niyon. Huli na para bigyan siya ng lunas. Sinunod kong hinubad ang pantalon at kamisetang mahaba ang manggas. Para din daw sa proteksiyon ko ang ganoong kasuotan. Sa kabila ng dahilang iyon, palaging naka-saya si Lola. Hindi raw siya makahinga kapag pantalon ang gamit niya. Isinuot ko ang dala kong puting kamison na hanggang hita ang haba. Nilabhan ko muna ang hinubad na damit bago ako lumusong sa tubig. Malalim ito at malawak. Ito ang parte ng ilog na palagi naming pinagliliguan ni Imaran. Dito ko rin nakita si Diego noon. Sinabayan ako ni Imaran sa paglalangoy. Hindi ito naliligo hangga’t hindi pa ako lumulusong sa tubig. Ilang sandali rin kaming nagtampisaw sa tubig nang bigla itong huminto sa paglangoy. Tumayo ang mga tainga nito na para bang may naulinigan itong kakaibang ingay. Bigla itong umalis sa tubig at patakbong pumunta sa loob ng gubat. Kinakabahang nilangoy ko ang pampang. Saglit lang nang mawala si Imaran sa paningin ko, nakarinig ako ng isang malakas na putok ng baril. Kasunod niyon ay ang iyak nitong tila nasaktan. “Imaraaan!” sigaw ko. Tumakbo ako sa direksiyong pinasok nito, ngunit napahinto ako nang makita ko ang dalawang marurungis na lalaki. Sinapian ako ng takot dahil sa hayok na paraan ng pagtitig nila sa katawan ko. Nanginginig akong umatras kasabay ng pagyakap ko sa aking sarili. “Kapatid! Suwerte . . . suwerte natin ngayong araw na ito.” Malademonyo ang pagkakangisi ng lalaki. Pinahid nito ang tumulong laway sa labi nito. “Tangna! Ang ganda niya, Kapatid,” sabi ng kasama nito na nasa gawing likuran nito. “At ang katawan, pamatay! Maliit na ang baywang, malusog pa ang dibdib.” “Pamatay? Nakakabuhay nga ’yan ng matagal nang patay!” Sabay silang nagtawanan. “Umaalpas na ang alaga ko. Gigil na gigil na.” “Tangna, Kapatid, huwag mong solohin ’yan. Pero dahil ikaw ang unang nakakita sa kaniya, hahayaan kitang mauna. Ayos ba, Kapatid?” Iika-ika itong maglakad. Umupo ito sa batuhan at tinalian ng bandana ang hitang duguan. “Ayos na ayos!” “At kailangang panoorin ko kayo.” “Gusto ko ’yan, pampagana.” Dinilaan nito ang labi. Tumaas ang balahibo ko dahil sa nakadidiring inasta at sinabi nito. Umilap ang mga mata ko habang abala silang nag-uusap. Wala akong panlaban sa kanila. Naiwan sa mga gamit ko ang patalim ko. At kahit hawak ko iyon, ano ang laban niyon sa baril? Kailangan kong bumalik sa ilog, languyin ang malalim na parte niyon, at piliting makarating sa kabilang panig. Madulas ang batong aakyatin doon pero sanay ako. Baka sa ganoong paraan ay matakasan ko sila. Pinilit kong kumilos kahit nangangatog ang tuhod ko sa takot. Pumihit akong pabalik sa ilog. Nakakailang hakbang pa lang ako ay naabutan na ako ng lalaki. May katabaan ito pero maliksing kumilos. Dinamba ako nito mula sa likod. Nadapa ako. Hinawakan nito ang binti ko, at kahit anong pagpupumiglas ang gawin ko, mahigpit pa rin ang pagkakakapit nito. Nagawa nitong gumapang pataas at iharap ako sa nakasusulasok na pagmumukha nito. Binayo ko ito sa dibdib at mukha, ngunit higit na malakas ito kaysa sa akin. Ikinulong nito ang dalawa kong kamay sa taas ng ulo ko at isiniksik nito ang sarili sa pagitan ng mga hita ko. Hinalikan ako sa leeg saka naglakbay ang basang labi nito pababa sa dibdib ko. Sumigaw ako nang malakas. Iyon na lang ang natitirang panlaban ko. Ipinikit ko nang mariin ang mga mata sa pag-aakalang mabubura niyon ang nakasusuklam na ginagawa nito. Subalit lalo kong narinig ang tunog na nagmumula sa bibig nito. Animo’y galing iyon sa hayop na gutom na gutom at nilalapa ang biktima. Tumatanggi ang utak ko sa malagim na kahihinatnan sa mga kamay nila. Tumulo ang luha ko. Alam kong wala na akong pag-asang makaligtas sa kanila. “Bitiwan mo siya kung ayaw mong sumabog ang bungo mo,” mababa ngunit kontrolado ang boses ng nagbabala. Nabuhayan ako ng loob nang marinig ko iyon. Unti-unting lumuwag ang naninikip na hininga ko. Itinuon ko ang aking atensiyon sa taong nagsalita at nakita kong si Diego iyon. Huminto sa pagsibasib ng halik ang lalaking nakakubabaw sa akin. Paglingon nito, nakatutok sa ulo nito ang dulo ng mahabang baril. Tinadyakan ito nang malakas ni Diego sa bandang tagiliran. Tumalsik ito. Balak nitong tumayo ngunit muli itong sinipa ni Diego. “Huwag po! Maawa ka! Maawa ka!” Nakaupo ito sa lupa, nakataas ang dalawang kamay. “Maawa? Kung ’di ako dumating, maaawa ba kayo sa babaeng balak n’yong halayin?” “Nagbibiro lang ako. Wala akong balak ituloy ’yon!” “Nagbibiro? Puwes, biro din ito!” Hinampas ni Diego ng baril sa mukha ang lalaki. Tumalsik ang dugo nito. Sa sobrang lakas ng pagkakatama ng baril ay halos mabasag ang panga ng lalaki. Dumipa ito at nagmakaawa sa harap ni Diego.“Tama na po! Tama na po!” “Ayaw ko nang makita ang pagmumukha n’yo. Kapag bumalik pa kayo, papatayin ko kayo!” Hinablot ni Diego ang kuwelyo nito. “Naintindihan mo?” “Opo! Opo!” Pabalyang binitiwan ito ni Diego. Hirap na tumayo bago nakayukong lumapit ito sa kasamang nakahandusay sa lupa. Niyugyog nito ang balikat niyon hanggang sa magkamalay. Lumaki ang mga mata ng kasama nito nang makita ang duguan nitong mukha. Wala nang pali-paliwanag, nagmamadali silang umalis. Sumulyap sa akin si Diego. Nakaigting ang panga at nanlilisik ang mga mata niya. Nasa ekspresyon pa rin niya ang matinding galit. Napalitan ang mabalasik niyang anyo ng pag-aalala habang humahakbang siya palapit sa akin. “Nasaktan ka ba?” Niyakap ko ang sarili para mabawasan ang pangangatal ng buong katawan ko. “S-salamat, kung hindi dahil sa ’yo, baka napahamak na ako.” “Bakit nag-iisa ka? Wala ka bang kasama?” Dahil sa tanong niya, naalala kong bigla ang aso ko. “Si Imaran!” Kumunot ang noo niya. “Sino ’yon?” Hindi ko na nakuha pang sumagot. Sa nanghihinang tuhod, tinakbo ko ang kinaroroonan ni Imaran. Malayo pa lang, nakita ko nang nakabulagta ito sa damuhan at naliligo sa sariling dugo. May mahinang ungol na lumabas sa bibig ko. Dali-dali akong lumapit at lumuhod sa harapan nito. Masuyo kong hinaplos ang ulo nito. Nakasunod si Diego sa akin. Lumuhod din siya sa tabi ko. Narinig ko pa ang malutong na pagmumura niya. “Ito si Imaran?” di-makapaniwalang tanong niya. Tumango ako bago muling ibinaling ang atensiyon ko kay Imaran. Inilapit ko ang aking bibig sa mukha nito. “Nandito na ako. Ililigtas kita. Pagagalingin kita tulad ng ginawa ko noon.” Dumilat ito na ikinalukso ng puso ko. “Hindi mo ako kayang iwan, ’di ba?” Mahinang dumaing ito na ang tunog ay katumbas ng pag-iyak ng isang hayop. Malungkot itong nakatitig sa akin hanggang sa nasaksihan ko ang pagpanaw ng buhay sa mga mata nito. Iyon ang huling paalam nito. Saglit akong hindi makahinga, parang may pumiga sa puso ko. “Imaraaan!” Niyakap ko ito at humagulgol ako ng iyak. Hindi ko alam kung gaano ako katagal sa ganoong ayos hanggang sa maramdaman ko ang pagdantay ng palad ni Diego sa balikat ko. Nang lingunin ko siya, hawak na niya ang mga gamit na naiwan ko sa ilog. “Kailangan na nating ilibing si Imaran bago kumalat ang dilim,” mahinang sabi niya. Wala sa loob na tumingala ako sa langit. Tama siya, pumupusyaw na ang liwanag ng araw. Tinangka kong buhatin si Imaran ngunit napakabigat nito. O maaaring naubusan lang talaga ako ng lakas. “Ako na ang magbubuhat sa kaniya,” pagboboluntaryo ni Diego. “Isuot mo na lang ang damit at bota mo.” Ngayon ko lang napagtantong nakakamison at nakayapak lang ako. Ipinatong ko ang itim na kapa sa suot ko. Hindi ko alintana ang dugong kumapit sa kamison ko. Napansin ko ang ilang biyak sa talampakan ko nang isuot ko ang aking bota. Sanhi iyon ng matutulis na batong natapakan ko kanina. “May alam ka bang paglilibingan ni Imaran?” tanong niya. Tumango lang ako bilang sagot at nagpatiuna na ako sa paglalakad. Walang naging imikan sa pagitan namin habang binabagtas ang huling hantungan ni Imaran. Matindi ang pagdadalamhati ko. Mukhang naiintindihan naman ni Diego iyon dahil hindi siya nagtangkang kausapin pa ako.      .
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD