Ang araw na iyon ang naging simula ng malalim na ugnayan naming dalawa ni Himiko. Napag-alaman kong isa siya sa mga Haponesang impormante ng guerillang Hukbalahap. Si Ka Isko ang pinaka-lider nito sa aming baryo, at ilan sa miyembro noon ay ang mga magulang ko. Nalaman ng mga Hapon ang tungkol sa pagiging kasapi ng mga magulang ko kaya ng mahuli nila ang mga ito ay walang habas nilang agad na pinugutan ng ulo.
Dahil sa aking nalaman ay lalong lumalim ang galit ko sa mga Hapong pilit na sumakop sa Inang Bayan. Sumapi ako sa grupo ng Hukbalahap upang ipaghiganti ang pagkamatay ng aking mga magulang. Punong-puno ng galit ang puso ko, kaya ipinangako ko na kahit ikamamatay ko ay handa akong ipaglaban na maging malaya ang Inang Bayan.
Pero kahit na anong lalim at siklab ng galit ko sa mga Hapon, napagtanto kong pagdating kay Himiko ay lumalambot ang puso ko. Sa gitna nang nanganganib naming buhay; ako bilang isang kasapi ng mga guerilla at siya dahil sa pagtataksil sa bansang kan’yang kinasilayan, ay umusbong ang kakaibang damdamin na sa amin namagitan.
Niligawan ko si Himiko sa paraang alam ko, dahil ako ay tipikal na Pilipino, palihim akong nagpapadala sa kan’ya ng liham upang ipabatid ang aking tunay na nararamdaman. Kalangkip ng mga liham ang mga nakaipit na bulaklak na pinipitas ko sa hardin ng Direktor-Heneral na siyang ini-espiyahan ko.
Hindi ko man magawang haranahin siya ay idinadaan ko sa tula ang pagpapaabot ng pagmamahal ko sa kan’ya. Kapag kami ay nagkakasalubong sa daan ay pasimple ko siyang tinutulungan sa kung anuman ang kan’yang mga dala-dalahan. Lagi ko ring sinisiguro ang kan’yang kaligtasan. Kaya nang sinagot niya ang isa sa mga liham ko at buong pusong tinugon ang aking dadamin; ganuon na lang ang galak ng puso ko.
Humiling ako kay Ka Isko na ang mga puso namin ni Himiko ay ipagkasundo. Ang aming pag-iibigan ay palihim na ginapos nang simpleng ritwal ng kasalan.
Lumipas ang ilang buwan at nagbunga ang aming pagmamahalan. Itinago ko si Himiko sa gitna ng kagubatan, upang pangalagaan ang buhay nila ng anak namin na nasa kan’yang sinapupunan. Naging simple at payak ang aming pamumuhay, hanggang siya ay magsilang sa kambal naming panganay. Akala ko ay wala ng katapusan ang aming kaligayahan, mahirap man at salat kami sa lahat ng bagay, masaya kaming nagsama ng matiwasay. Sa ika-siyam na buwan ng aming kambal, ang anino ng aming nakaraan kami’y natagpuan.
Bumaba ako sa kabisera upang gampanan ang aking tungkulin bilang isang guerilla. Hindi ko inaasahan na iyon na pala ang huli kong pamamaalam sa aking esposa. Sa muli ‘kong pagbalik sa bundok, napag-alaman kong siya ay dinukot. Mabuti na lamang at ang kambal ay iniwan niya saglit, sa pangangalaga ng isa naming kapanalig. Siya ay maglalaba lamang sana sa ilog ng makita siya ng mga Makapili na kasalukuyang nagroronda sa lugar na iyon.
Dahil sa siya ay matagal ng pinaghahanap, agad siyang dinala ng mga ito sa gitna ng kabisera. Upang ipakita sa lahat ng mga kalahi nila ang mangyayari sa mga Hapon at Haponesa na pumapanig sa mga guerilla. Hinatulan siya agad ng kamatayan ng Direktor-Heneral ng bayan. Pero dahil sa isa ring maimpluwensiyang angkan nanggaling si Himiko, ang mga magulang niya ay nagsumamo. Imbes na bitay sa pamamagitan ng lubid ang dapat niyang ikamamatay, pumayag ang Direktor-Heneral na sila ay mag ‘Harakiri’ kung pati ang kan’yang buong-angkan ay karamay.
Sa oras ng ritwal nang kanilang ‘Harakiri’; kasama ang kan’yang mga magulang, tinangka kong pumasok sa gitna ng plasa upang itakas at iligtas siya. Pero nang ako’y kan’yang masulyapan, ang mga mata niyang punong-puno ng pagmamahal at determinasyon ang siyang nagpatigil sa aking paghakbang. Katulad nang sa aking ina ang kan’yang mga mata ay determinado na. Sa pangalawang pagkakataon, muli kong naramdaman ang kawalan ng kakayahan na pangalagaan at iligtas sa kuko ni kamatayan ang pinaka-importanteng tao sa aking buhay.
“Kailangan mong mabuhay, para sa ating kambal,” buka ng kan’yang bibig upang ipabatid sa akin ang kan’yang nais kahit na ako ay may kalayuan sa kan’yang kinalulugaran. Hindi niya inaalis sa akin ang kan’yang titig habang iniangat niya ang patalim at itinarak sa sarili. Ako’y nanlamig at tuluyang hindi makagalaw, habang nakikita kong unti-unting nawawalan ng kulay ang kanyang mala-anghel na mukha.
“Mahal na mahal kita, aisheteru,” huling buka ng labi niya, bago siya tuluyang tumumba. Umigting ang aking panga at ikinuyom ko ang aking palad upang pigilan ang aking sarili na magwala sa gitna ng plasa. Nang sumabog ang itinanim kong bomba sa munisipyo ng kabisera ay nakakuha ako ng pagkakataon upang kuhanin ang katawan ni Himiko, ang babaeng pinakamamahal ko. Ang galit sa puso ko ay lalong nagsiklab ng aking mapag-alaman na kasama niyang nawala ang isa pang magiging supling namin sana.
Ginugol ko ang aking panahon upang maipaghiganti ang maagang pagkawala ng babaeng tangi kong tinangi. Pagkalipas ng isang taon ay nagawa kong ipaghiganti ang kamatayan ng aking mga magulang, pati na rin ang ginawang sakripisyo ni Himiko upang kami ng kan’yang mga anak ay mapangalagaan.
Kasalukuyan…
“Himiko, mahal ko. Ginampanan ko na ang nais mo. Kung hindi lang sa liham mo, marahil ngayon ay wala kami dito,” patuloy kong pagkausap sa kan’yang larawan na animo ako’y kan’yang pinakikinggan. “Hanggang sa huling sandali ng buhay mo, kami pa rin ay pinangalagaan mo. Kaya ngayong maayos na ang lahat, ako’y handa ng humarap sa’yo.”
Napasapo ako sa aking dibdib ng maramdaman kong naninikip ito. Hindi ko ipinahalata kay Arturo na may nararamdaman ako. Sa halip ay may ngiti sa labi akong pumikit habang pinakikinggan ang masayang halakhakan ng aking mga apo. Nang higitin ko ang aking hininga sa huling sandali ay nakita ko ang nag-aalalang mukha ni Arturo, bago ito napalitan ng mala-anghel na mukha ni Himiko.
“Salamat mahal ko,” ang huling katagang sinambit ko.
-THE END-