“Hendry, nakakahiya baka mahuli tayo,” giit niya sa pamimilit ni Hendry.
“Hindi nga, Snow,” sagot nito. Nasa kubo sila ngayon.
Sa kanilang tambayan at gusto niya sanang magpahinga roon dahil nanakit ang pisngi niya sa sampal ng tiyahin. Hinahanap kasi nito ang paboritong damit at pinapahanap sa kanya. Nang hindi niya nakita ay nagalit ito at sinaktan siya.
Wala namang bago sa ganoong pangyayari sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Minsan nga ay iniisip niyang may Diyos ba talaga at parang pinagkait sa kanya ang masayang buhay. Minsan nga ay pinag-ti-tripan siya ng mga pinsan niyang lalaki at babae. Sa huli ay siya rin ang sasaktan ng tiyahin niya kahit hindi niya kasalanan.
Tatawagin siyang malandi at kung ano-ano. Siguro may mga katulad talaga niyang ganito na ang papel sa mundo.
“Ako nga bahala sa ‘yo. Sa kwarto ko ka lang maghihintay. Walang makakakita sa ‘yo. Pangako ‘yan,” ani nito habang nakataas pa ang isang kamay na nanunumpa.
Bahagyang nalaglag ang salamin nito sa mata kaya itinulak nito iyon gamit ang daliri ng kabilang kamay.
Natawa na lamang siya at umiling iling.
Sobrang yaman ng pamilya nito.
Pamilya nila Hendry ang pinakamayaman sa kanilang lugar. Mansyon ang bahay at malaking lupain. May mga negosyo rin daw ang mga ito sa ibang bansa.
Napapangiti na nga lang siya dahil kahit ganoon naging kaibigan niya ito.
Tinutulungan siya sa pag-aaral niya na minsan nakakahiya pero talagang kailangan niya kasi gusto niyang makapagtapos kahit Junior High School lang.
“Ano na, Nyebe? Tara na?” ani ulit nito.
Tiningnan niya muna ang sarili.
Nakadamit siyang kulay puti ngunit sobrang nipis na dahil sa kalumaan. Ang mga damit niya ay mga pinaglumaan lang ng anak ng tiyan niyang babae. Hindi pa siya kailan man nagkaroon ng bagong damit. Minsan ay binabawi pa ng pinsan niya ang mga damit kapag nakikitang maganda ito kapag suot niya.
May kaunting putik ang paa niya kaya tinungo niya muna ang sapa, “Linisin ko muna paa ko. Basta siguraduhin mo walang nakakita sa akin. Ayaw kong mapahiya ka dahil kaibigan mo ‘ko,” sambit niya habang inaalis ang putik sa paa.
Kunot ang noo nito, “Ikaw lang naman ang may ayaw na malaman ng ibang tao na magkaibigan tayo.”
Tanaw niya ang pagiging strikto ng mukha dahil sa nakatanglaw na tanging ilaw mula sa labas kubo.
Natawa na siya.
Ayaw niya lang na mapahiya ito kasi sino ba naman ang gustong maging kaibigan ng batang walang magulang.
Mabuti na nga lang at maganda siya kaya kahit papaano ay swerte pa rin siya.
Sabay nilang nilakbay ang daan sa gilid ng sapa patungo sa likuran ng bakuran nila Hendry.
Mas malapit kasi doon kung lalakarin kahit na madilim.
May ilaw naman si Hendry gamit ang cellphone niyang mamahalin.
Agad siyang yumuko at nagtago sa maraming halaman nang tumama ang ilaw ng guard sa kanila.
“Hendry? Anong ginawa mo riyan? Baka hinahanap ka na nila Ma’am at Sir sa loob,” ani nito nang makilala si Hendry.
Halos hindi na siya humihinga dahil sa takot na baka makita siya.
Iniisip niyang tumakbo na lang pabalik sa kubo at hindi na tumuloy.
“Nagpahangin lang po ako. Babalik na rin sa loob,” kalmadong sagot ni Hendry at lumingon sa likuran, hinahanap siya.
“O sige. Mag-iikot na rin ako at baka may makapasok na kung sino sa bakuran ninyo.
Marami pa namang bigatin na bisita ngayon,” paalam ng guard at nagsimulang maglakad patungo sa kabilang banda.
Nang mawala sa paningin nila ay nagpakita na rin siya kay Hendry.
Tiningnan siya nito pataas at baba, “Akala ko kung saan ka nagpunta.”
Ngumiti siya, “Babalik na nga lang sana ako sa kubo mabuti na lang at hindi ako napansin,” sagot niya.
Tinuloy nila ang pagpasok sa mansyon habang panay ang paghahanap niya ng mapagtataguan dahil sa dami ng mga katulong na nakasalubong nila habang papasok.
Pinagsuot pa siya ni Hendry ng damit tulad ng mga katulong bago sila umakyat ng hagdan patungo sa kwarto nito.
Halos mamangha siya dahil kwarto pa lang ito pero para ng bahay. Mas malaki pa kwarto nito kaysa sa bahay ng tiyahin niya pero akala mo kung sinong Donya kung makaasta.
Minsan nga inisip niya na paano kung akitin niya si Hendry para gumanda ang buhay niya pero baka lalong mapasama kasi malamang hindi rin siya matatanggap ng pamilya nito.
Paano kung mabuntis siya, mas lalong siya lang ang kawawa. “Dito ka lang. Babalik ako para magdala ng pagkain para sa ‘yo,” tugon nito dahil panay pa rin ang pagkamangha niya sa paligid.
Tumango lang siya at inikot ang buong silid.
Mula sa mga naka-frame na picture nito Tumango lang siya at inikot ang buong silid. Mula sa mga naka-frame na picture nito hanggang sa mamahaling mga gamit na ngayon niya lang nakita.
Nilingon niya ang pinto nang bumagsak pasara.
Napangiti siya sa sarili lalo na nang mapatingin siya sa kulay blue at pula na kama nito. Siguro ang lambot n’un. Makakatulog siguro siya nang mahimbing at pwede nang huwag tumayo.
Tatawag lang ng mga katulong para hatiran siya ng pagkain kapag nagutom.
“Hayyy. Sarap siguro ng buhay mayaman,” bulong niya sa hangin.
Umupo siya sa kama at sinubukan kug paano ito ka lambot.
Ang lambot nga.
Hanggang sa hindi na siya nahiyang tumungtung at tumalon-talon.
Samantala… Si Hendry ay naghahakot ng mga pagkain sa pinggan na hawak niya.
Bawat sa tingin niya na magugustuhan ni Snow ay inilagay niya sa plato.
Alam naman kasi niyang minsan lang ito kung makakain ng marami.
Lagi itong umiiyak sa kanya kapag sinasaktan na naman ng tiyahin o mga pinsan.
Kahit sa paaralan nila ay palihim niyang dinadamihan ang baong pagkain para mahatian niya ito. Naawa siya kay Snow pero hanggang kaibigan lang talaga ang tingin niya rito.
Ibinalik niya ang huling piraso ng macaroons dahil malalaglag na ito kung ipapatong pa niya.
Punong-puno ang hawak niyang pinggan nang mamataan niya ang mata ng pinsan niyang makatingin sa kanya na parang may pagdududa.
Napapikit siya dahil napaka-bully pa naman nito at baka mabuko kung para kanino ang mga pagkaing dala niya. Baka kung anong gawin kay Snow.
Mas lalo siyang kinabahan nang magpaalam ito sa kausap na mga barkada at hindi siya nilubayan ng tingin na naglakad.
Agad siyang nag-iwas ng tingin at naglakad paalis doon nang mapatigil siya dahil humarang ito nang paakyat na siya ng hagdan patungo sa kanyang silid kung nasaan si Snow.
“Para kanino ‘yan? Hindi ako naniniwalang sa ‘yo lang ‘yan. ‘Wag kang magsisinungaling kung hindi ay isusumbong kita sa parents mo,” lumingon-lingon ito, “Nandito ba iyong kaibigan mong pulubi?”