CHAPTER 5
ZHED QUIAH POV
Kinabukasan, pinauwi ko na muna si mama para makapagpahinga. Halos hindi rin siya nakatulog kagabi dahil sa pag-aalala kay papa. Buti na lang at may maliit kaming apartment dito sa siyudad matagal na kasi kaming nakapwesto rito mula pa nang parehong dito sa lungsod nagtrabaho si mama at papa. Kahit maliit lang ang kita, sapat na sana para sa simpleng pamumuhay namin.
Ako naman, hindi ko natapos ang college. Hanggang isang taon lang ako dahil kinapos kami sa pera. Gustuhin ko man, wala akong magawa. Kaya cashier lang ang naging trabaho ko sa isang convenience store. Pero sa malas, kung kailan ako nag-resign at umasa na makakahanap ng mas maayos na trabaho, saka naman dumating ang problemang ito.
Humugot ako ng malalim na buntong-hininga habang naglalakad papunta sa cafeteria ng ospital. Bumili ako ng kape, umaasang kahit papaano ay gisingin nito ang isip ko at magbigay ng lakas. May konti pa akong pera sa bulsa, pero alam kong hindi ito magtatagal. Malaki ang kailangang bayaran sa ospital, at hindi ko alam kung saan kami kukuha ng ipangbabayad. Kailangan ko talagang makahanap ng trabaho, at mabilis.
Pagbalik ko sa waiting area, naupo ako at tahimik na tumungga ng kape. Tulala ako habang pinagmamasdan ang mga dumadaan mga pasyente, kamag-anak, at ilang staff ng ospital. Ang daming mukha na puno ng pag-aalala, ng pag-asa, ng pagod. Parang nakikita ko ang sarili ko sa kanila.
Hanggang kailan kaya kami ganito?
Hanggang kailan ako makukulong sa hirap, habang pinipilit kong kayanin ang lahat?
Hindi ko mapigilan ang mapaisip gusto ko rin maranasan ang marangyang buhay. Hindi para sa akin, kundi para sa mga magulang ko. Habang nandito pa sila, gusto kong iparanas sa kanila ang kaginhawaan na hindi na nila naranasan noong kabataan nila. Ayokong pumanaw sila na puro sakripisyo lang ang baon.
Naputol ang pag-iisip ko nang biglang may lumapit na doktor. Hawak ko pa ang baso ng kape nang magtama ang mga mata namin.
“Kamusta ang papa mo?” tanong niya.
Napatayo ako agad at lumapit, medyo nagulat kasi hindi ko agad nakilala. Pero nang masipat ko ng mabuti, napansin ko si Doc Lucas. Siya ang doktor na nag-opera kay papa kagabi. Nalaman ko ang pangalan niya mula sa mga nurse na kasama niya, pati na rin ang kasamang babae si Doc Llianne na sa pagkakaintindi ko ay kasintahan niya.
“Doc Lucas,” mahina kong sabi, may halong pagtataka. “Maayos naman po, salamat po ulit.”
Bahagyang tumango siya at ngumiti. “Walang anuman. Ililipat na siya sa pangangalaga ng ibang doktor. Masisiguro kong magiging maayos ang paggaling niya.”
Natigilan ako. “Po? Bakit po?” hindi ko naiwasang itanong, bakas sa boses ko ang pag-aalala.
“May personal na dahilan,” sagot niya, medyo mailap ang mga mata. “Pero huwag kang mag-alala, mas magaling pa sa akin ang doktor na hahawak sa kanya.”
Sandaling natahimik ang paligid. Tinitigan ko siya nang matagal, parang sinusuri ko ang bawat salitang binitawan niya. Hindi ko alam kung bakit, pero may kakaibang bigat at lambing ang paraan ng kanyang pananalita.
“Salamat po, Doc,” mahina kong sagot. “Anuman po ang desisyon ninyo, naiintindihan ko po.”
Ngumiti siya muli. Isang ngiti na para bang saglit na nagpagaan sa bigat ng dibdib ko.
At doon ako natigilan.
Bakit biglang kumabog nang kakaiba ang puso ko? Para bang may ibang dahilan kung bakit hindi ko maalis ang tingin ko sa kanya.
Hindi kaya… may sakit ako sa puso? Kailangan ko na bang magpa-check up?
Napailing ako nang bahagya, pilit tinatawanan ang sarili. Pero habang papalayo si Doc Lucas, hindi ko mapigilang mapaisip
Kanino kayang doktor niya ililipat si papa? Mabait din kaya? Mapagkakatiwalaan ko rin kaya tulad niya?
At higit sa lahat… bakit parang hindi lang pasasalamat ang nararamdaman ko para kay Doc Lucas?
Napapikit ako saglit habang humihigop ng kape. Paulit-ulit sa isip ko ang mga sinabi ni Doc Lucas, pati ang ngiti niyang hindi ko maipaliwanag kung bakit tumatak sa akin. Parang may bigat at misteryo sa likod ng bawat salita niya.
“May personal na dahilan…”
Ano kaya ang ibig niyang sabihin doon?
Bumuntong-hininga ako, pinipilit na iwaksi ang mga katanungan. Wala akong karapatan makialam sa personal niyang dahilan. Ang mahalaga lang, ligtas si papa, at may doktor pa ring mag-aasikaso sa kanya. Pero hindi ko maalis ang kaba kanino kaya siya ililipat? Mapapabayaan kaya siya?
Habang nalulunod ako sa mga tanong at pangamba, biglang may malamig na kamay na dumampi sa balikat ko. Napalingon ako at bumungad sa akin si mama, hawak ang isang plastik na supot na puno ng pagkain. May manipis siyang ngiti, pero bakas pa rin ang pagod at puyat sa mga mata niya.
“Anak,” mahina niyang tawag, “kumain ka muna. Baka wala ka na namang laman ang tiyan mo.”
Parang biglang lumiwanag ang paligid sa pagdating niya. Hindi ko namalayang namuo na pala ang luha sa sulok ng mga mata ko. Inabot ko ang dala niyang pagkain at bahagyang napangiti.
“Ma… bakit ka pa nag-abala? Dapat nagpahinga ka na sa apartment,” sabi ko habang nililipat sa maliit na mesa ang mga nilutong ulam na nakabalot sa papel. May amoy pa itong mantika at bawang pritong tuyo, itlog, at kanin. Simple lang, pero sapat na para maalala ko ang lasa ng tahanan.
Umupo siya sa tabi ko at hinaplos ang braso ko. “Hindi ako mapakali sa bahay. Naalala ko baka hindi ka pa kumakain. Alam kong nagtitipid ka sa pera, pero huwag mong kalimutan ang sarili mo, anak. Hindi lang si papa ang dapat mong inaalagaan.”
Napayuko ako, pilit pinipigilan ang pagbagsak ng luha. Totoo ang sinabi niya mula kagabi, puro kape lang ang laman ng sikmura ko. Pero ayokong makita niyang naguguluhan ako, kaya pinilit kong ngumiti.
“Kumain ka na rin, Ma. Hati tayo,” sabi ko at nagsimula akong maglatag ng pagkain.
Habang kumakain kami sa gilid ng waiting area, pinagmamasdan ko ang mukha ni mama. Ang mga kunot sa noo niya, ang mapupungay na mata, at ang nangingitim na eyebags lahat iyon ay bakas ng taon ng pagsasakripisyo. Sobrang sakit isipin na habang ako, nangangarap pa lang ng magandang kinabukasan, sila, heto’t unti-unting inuubos ng panahon at hirap ng buhay.
“Ma…” mahina kong tawag habang ngumunguya ng kanin, “hanggang kailan kaya tayo ganito? Hanggang kailan tayo maghihirap?”
Sandali siyang natigilan, saka marahang ngumiti. “Anak, huwag mong intindihin ang hirap. Ang mahalaga, buo pa tayo. Habang magkasama tayo, may pag-asa. Huwag kang mawalan ng tiwala sa Diyos. Baka bukas, may magandang kapalarang darating.”
Pinilit kong ngumiti pero sa loob-loob ko, hindi ko alam kung saan pa kami kukuha ng lakas. Pero ayokong magpahalata, ayokong dagdagan pa ang bigat ng loob niya. Kaya tumango na lang ako at itinuloy ang pagkain.
Habang kumakain kami, hindi ko pa rin maiwasang maalala ang mga mata at ngiti ni Doc Lucas. Bakit gano’n? Bakit parang may iniwang tanong sa puso ko ang maikling pag-uusap naming iyon?
At higit sa lahat… hindi ko alam kung mas natatakot ako sa sakit ng buhay na ito, o sa kakaibang kabog na nararamdaman ko sa dibdib ko ngayon.