Chapter Two

1210 Words
Hindi maintindihan ni Lola kung bakit bigla-bigla siyang kakamustahin ng binata gayong sa nakalipas na isang taon ay puro kagaspangan ang naging pagtrato nito sa kanya. "Lola, tungkol sa nangyari noong araw na iyon," nabanggit ng binata. "Kalimutan mo na iyon, Nathaniel, dahil matagal ko ng kinalimutan ang nangyari noong araw na iyon," tugon naman niya. "Kinabukasan ay pumunta ako sa mansion nyo para humingi ng tawad sa nagawa ko, ngunit ang sinabi na iyong papa ay umalis ka ng hacienda at nagtungo sa maynila mismong hapon ng araw na iyon.” "Tulad ng sinabi ko'y matagal ko ng kinalimutan iyon.” "Pero alam kong naglikha ng peklat ang ginawa ko," "Iyon ba? Oo pero agad din na naghilom ang latay kaya ‘wag mo ng alalahanin iyon.” Aminado si Lola na sa muling pagkikita nila ni Nathaniel ay nagkaroon muli ng epekto sa kanya ang binata. At ang tinutukoy nitong latay ay ang tatlong pilat sa kanyang likod likha ng kanyang sariling latigo. Kung gugustuhin niya ay pwede niyang ipatanggal ang mga pilat na iyon pero mas minabuti niyang panatilihin na lamang ang mga iyon sa kanyang likod. Nagtaka pa ang doctor noon kung saan niya nakuha ang tatlong sugat sa kanyang likod pero hindi niya sinabing mga latay iyon ng latigo. Latay ng kanyang sariling latigo. "Ipapaalam mo ba sa papa mo ang nangyari sa ‘yo sa bayan?" tanong ni Nathaniel at bahagya siyang nilingon habang binagalan ang takbo ng kanyang motorsiklo. "Wala akong balak sabihin sa papa ang nangyari, Nathaniel," tugon niya. "Paano kung ako ang magsabi sa kanya?" "No!" sigaw niya sa binata. Mahinang tumawa ang binata bago muling nagsalita. “Bakit parang takot na takot kang malaman ng papa mo ang pagtilapon mo sa damuhan?" "Pagtilapon ko na ikaw ang dahilan, Montelibano!" "Hindi ko kasalanan ang nangyari sa ‘yo, Lola, masyadong mabilis ang takbo ng motorsiklo mo.” "Kung marunong ka rin sana tumingin sa makakasalubong mo'y hindi sana mangyayari sa akin iyon.” "Masyado pa rin talaga matigas ang ulo mo, Lola, wala pa rin pinagbago ang isang hacienderang tulad mo sa kabila ng pananatili mo sa Maynila ng isang taon.” "Katulad mo'y wala ka rin pinagbago, Montelibano. Isa ka pa rin aroganteng sundalo!" galit na tugon ng dalaga kay Nathaniel. "Kumusta ang Maynila, Lola?" tanong ni Nathaniel. "Ganun pa rin," tipid niyang tugon. "Madami ka bang nakilalang lalaki sa Maynila?" tanong muli ng binata na tila may ibang ibig sabihin. "Oo madami.” "Ilang lalaki ba ang napasunod at napaikot ng isang Lola Castillon?" tanong ng binata na may pag-uuyam. "Hindi ko gusto ang tono mo, Montelibano!" mariin niyang tugon sa binata. "Hindi ba't sinubukan mo rin akong paikutin sa mga palad mo ngunit ako lang ang bukod tanging hindi natinag sa isang Lola Castillon.” "Kaya mo ba ako ihahatid upang sumbatan at pagsalitaan ng kung anu-ano, Nathaniel?” "Malapit na tayo sa hacienda nyo," pag-iiba ng binata sa usapan. Sa sinabing iyon ng binata ay natatanaw na ni Lola ang arko ng hacienda el abra. Pagpasok nila sa malaking gate ng haciend ay kaagad niyang natanaw ang kanyang papa na kausap si Mang Caloy, ang isa sa kanilang trabahador sa hacienda. Pinatay ni Nathaniel ang makina ng motorsiklo at kaagad na bumaba si Lola. Patakbo niyang nilapitan ang kanya papa na si Don Mattias Castillon. "Hello, Pa," bati ng dalaga sa Don at dinampian ng halik sa pisngi nito. "Hija, bakit hindi ka nagsabing uuwi ka ngayon dito sa hacienda nang sa ganu’n ay sumabay na sana ako sayo," wika ng kanyang ama. "Kumusta, Mang Caloy?" bati ng dalaga sa matandang katiwala ng kanyang ama. "Mabuti naman po, Señorita," tugon naman ng matanda at nagpaalam sa kanya ama na babalik na sa trabaho. "Teka, si Nathaniel ba ang nakikita kong papalapit, hija?" tanong ng Don habang nakatingin sa papalapit na binata. "Opo, Pa," tugon niya. "Kumusta, Sir?" bati ni Nathaniel sa kanyang ama. "Aba'y mabuti naman Capitan, akala ko at kung sino ang kasama ng aking anak, iyon pala ay ikaw," nakangiting tugon ng kanyang ama sa binata. "Ako nga po, Sir, nakita ko lang ang iyong anak sa bayan.” "Teka, kanino nga pala ang motorsiklo na sinakyan nyo?" tanong ng kanyang ama na nakatingin kay Nathaniel. Hindi kaagad sumagot si Nathaniel at tinignan siya ng binata. "Itanong nyo na lamang po kay, Lola," tugon ng binata. "Kanino ang motorsiklong iyon, anak?" tanong sa kanya ng ama na humarap sa kanya. Napakagat muna ng labi si Lola bago sumagot sa ama at sinabi, “Sa akin po ang motorsiklo, Pa," Pagkatapos sabihin sa ama na pag-aari niya ang motorsiklong sinakyan nila ay kaagad na tumakbo si Lola papasok sa loob ng kanilang mansion. Narinig pa niyang tinawag siya ng kanyang ama. Hindi na niya kailangan pang marinig ang sasabihin ni Nathaniel sa kanyang ama. Alam niyang kaya niyang bolahin ang ama ngunit sa pagkakataong ito ay hindi madadala ang kanyang ama sa matatamis na salita. Lalo na at si Nathaniel ang kausap nito. Alam niyang noon pa man ay malaki na ang tiwala ng kanyang ama sa binata kahit na dayo pa lamang ito noon sa bayan nila. Nagtuloy-tuloy sa pagtakbo si Lola hanggang sa marating niya ang hagdan at mabilis na tinakbo niya ito patungo sa kanyang kwarto. Alam niyang magsumsumbong si Nathaniel sa kanyang ama tungkol sa nangyaring pagtilapon niya sa damuhan kasama ang kanyang bagong biling motorsiklo. Kilala niya si Nathaniel, hindi basta-basta napapakiusapan iyon. Tulad nga ng sinabi nito kanina ay ito lang ang bukod tanging lalaking hindi natinag sa kanya. Tama naman ito, dahil sa kabila ng ginawa niyang mapalapit dito ay ang tanging ginanti lamang nito sa kanya ay kagaspangan. Kahit na lantaran niya noon sabihin sa binata na gusto niya ang binata ay lantaran din nitong pinamukha sa kanya na hindi siya nito gusto, na hindi siya nito magugustuhan kahit na ano pa ang gawin niya. Ang tingin ng binata sa kanya ay isang babaeng haciendera na spoiled brat. Na walang ibang alam gawin kundi ang pasunurin ang mga taong nasa paligid niya. Bagay na hindi niya nagawa sa binatang dayo. Habang nakapwesto si Lola sa bintana ng kanyang kwarto ay natatanaw niya ang kanyang ama at si Nathaniel na nag-uusap. Iniisip niya kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa. Marahil ay sinasabi na ni Nathaniel ang nangyaring aksidente sa kanya sa bayan kanina. Nakaramdam ng kaba ang dalaga, hindi dahil sa posibleng ipatanggal sa kanya ang kanyang motorsiklo, kundi dahil sa posibleng galit ng kanyang ama. Simula noon pa ay nakukuha na niya lahat ng gusto niya ngunit kapag napuno ng ang kanyang ama ay wala na siyang magagawa pa. Tanging ang kanyang madrasta na si Tita Agnes ang kakampi niya kapag nagagawa ng kanyang ama na pagalitan siya. Si Tita Agnes ay ang pangalawang asawa ng kanyang ama. Isa itong punong-guro sa kabilang bayan ng makilala ito ng kanyang ama. Noong una ay hindi niya tanggap ito dahil ang akala niya ay pera lamang ng kanyang papa ang habol nito ngunit nagkamali siya. Habang nakakasama niya sa mansion ang pangalawang asawa ng kanyang ama ay nagbago ang tingin niya rito. Nakita niya kung paano nito alagaan ang kanyang ama. Nakita rin niya ang kagustuhan nitong mapalapit sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD