Samara
Sa Landmark hotel dinala ni Akiro si James. Presidential suite agad ang ni-request niya. Sisiw lang na mag-request ng ganun si Akiro dahil anak naman siya ng may-ari ng kilalang hotel na ito. Minsan lang ako makapunta sa branch na’to at kahit ako naka-VIP rin dito pero madalang lang talaga ako kung mag check-in dito. Kung hindi pa ako iimbitahan ng asawa ng may-ari, hindi pa ako pupunta.
Madaling araw na. Si Ale sa sofa lang nakahiga. Si Akiro nasa kabilang kwarto at ako naman ay nasa kabila ring kwarto. Sa isang suite na’to, halos kabuuan na ng isang bahay na may limang kwarto ang laki ng presidential suite na ito. Mag-isa lang si James sa inuukupa niyang kwarto. Bagsak agad ng dumating kami dito.
Napabuntong-hininga ako ng makita ang oras. Walang pag-asa na makabalik ako sa boarding house ko. May isang salita naman si Akiro kaya hindi ako nangangamba na ma-late sa trabaho.
Kiro:
Matulog ka na. I will wake you up around 4 AM later.
Binasa ko lang sa screen ng phone ko ang message ni Akiro na nag pop-up. Nasa kabilang kwarto lang din ‘yon. May tatlong oras pa ako para makatulog. Hindi naman ako namamahay kapag naka-check in dito sa landmark. Homey ang bawat suite ng hotel na’to kaya nakakatulog rin agad ako.
Mas nauna akong nagising kay Akiro. Naka-inom rin yun kagabi at medyo balais rin ako dahil sa trabaho ko. Bibisita kasi ngayong araw ang head ng store kaya dapat mas maaga akong pumasok. Nilagay ko sa hanger ang hoodie ni Akiro na pina-suot sa akin kagabi bago ako lumabas ng kwarto.
Naabutan kong hilik na hilik pa si Ale pero ng mapatingin ako sa kusina, bukas na ang ilaw. Malamang si Akiro na ‘yon. Naningkit agad ang mga mata ko dahil sa isipin na gigisingin niya ako pero hindi naman pala. Naghalukipkip ako habang naglalakad patungo ng kusina.
“Akala ko ba gigisingin mo ako–”
Napatigil ako sa pagsasalita ng basta lumingon sa akin si James! Kunot na kunot ang noo niya ng tingnan ako samantalang ako, nakaawang ang mga labi dahil bumalandra sa aking inosenteng mga mata ang katawan niyang walang suot na pang-itaas. Kaagad akong tumalikod ng bumalik ang aking wisyo.
“A-akala ko si Akiro…” Pikit mata kong sabi. Kinagat ko pa ang ibabang labi ko dahil nawewendang ang kaisipan ko! Jusko, agang-aga. Madilim pa talaga kung tutuusin.
Narinig ko siyang tumikhim kaya napatuwid ako ng pagkakatayo.
“Anong ginagawa mo dito?” Malamig niyang tanong sa akin.
Hindi ko pa rin siya hinaharap dahil ayaw kong maeskandalo ang mga mata ko. Baka basta na lang tumulo ang laway ko kapag nakita ko ang namumutok niyang abs. Naisapo ko sa aking noo ang isa kong palad. Hindi niya naalala kung gaano siya ka lasing kagabi? Na…ako ang girlfriend niya kagabi kaya siya nakaalis ng bar na ‘yon? Hanep!
“Nag…ka-emergency lang kagabi kaya nakituloy muna ako dito. N-nandito ka rin pala…” Dahilan ko.
Napamulat ako ng maramdaman kong dumaan siya sa tabi ko. Nasundan ko ang bulto niyang papalayo habang may hawak na tasa na may laman na kape. Napabuntong-hininga na lang ako dahil parang hangin lang ako sa kanya sa tuwing magkakaharap kami na hindi siya lasing o naka-inom. Pero kapag lasing naman parang normal lang sa kanya na nginitian ako at akbayan.
Ano ba ‘to… Agang-aga broken hearted agad ako! Nakakasakit siya ng feelings ha!
Nagbuga ulit ako ng hangin bago wala sa sariling naglakad pabalik ng kwarto ko. Nasa sala siya at nagkakape habang sinasapo ang kanyang magkabilang sentido. Buti nga sa kanya! Suplado.
Biglang bumukas ang pintuan ng kabilang kwarto at iniluwa si Akiro na sinusuklay ang buhok gamit ang mga daliri. Nakasambakol ang itsura ko ng tingnan niya ako matapos alisin ang paningin kay James.
“Ang aga mo naman nagising…” Ani Akiro.
Kinunutan ko siya ng noo. “Ayaw kong ma-late sa trabaho.” Tamad kong tugon.
Nakita kong bumaling sa aming direksyon si James. Mas lalong nangunot ang noo ko sa kanya. Suplado!
“Isuot mo ulit ang hoodie ko. Malamig pa sa labas. Ihahatid na kita pagkatapos ko mag kape,” utos niya bago ako lampasan.
Nagbuga ako ng hangin bago siya sinunod. Hindi ko na lang pinansin ang presensya ni James. Wala rin naman siyang paki-alam. Thank you na lang dahil sa akin kaya siya nandito ngayon sa hotel, masarap at komportable na nakatulog.
Dali-dali kong sinuot ang hoodie ni Akiro. Hindi na ako nag-abala pang magsuklay ng aking buhok. Baliwala rin naman ang ganda ko pagdating kay James. Hahayaan ko na lang na mas lalo siyang ma-turn off sa akin. Stk! Ligwak ang beauty ko pagdating sa kanya.
Binaliwala ko sila ni Akiro ng umupo ako sa sofa. Malakas pa rin ang hilik ni Ale pero parang sanay na sanay na sila sa kaibigan nila. Pinagdikit ko ang mga hita ko saka naghalukipkip ng mga kamay at inip na hinihintay si Akiro na matapos sa pagkakape.
Mabibilang lamang ang ganitong pag sama ko sa kanila. Marahil kapag nasa bahay ako nina Akiro, doon ko malimit nakakasama ang mga barkada niya partikular na itong si James. Medyo nasasanay na rin ako sa presensya nila pero kapag kay James, walang pinagbago. Naiinis ako sa kanya kapag binabaliwala niya ako pero ang inis na ‘yon may kahalong kilig. Nahihibang na nga yata talaga ako. O’ baka naman abnormal na ako?
Nakita ko si Akiro na umiling-iling ng balingan niya si James. Si James naman ay supladong nakatingin sa akin at binabaliwala lang ang presensya ko. Kunot-kunot ang noo niya habang nakatingin sa suot kong hoodie ni Akiro. Problema niya? Bigla akong nakaramdam ng inis kaya inirapan ko siya bago tumayo. Sabay sila ni Akiro na tumingin sa akin.
“Stk! Mag je-jeep na lang ako pauwi! Mga abala kayo sa pagtatrabaho ko.” Mataray kong sabi saka sila tinalikuran.
Hindi ko alam kung sino ang narinig kong nagmura ng mariin dahil dumiretso na ako sa paglabas ng kwarto. Hindi ko na talaga hinintay si Akiro kahit may pangako siya sa akin. Sa kanya na lang din yung ibabayad niya sa akin. At least, nakatulong ako sa kaibigan niyang suplado at ubod ng lamig. Pero kung…ipipilit niya naman at basta na lang ise-send sa bank account ko ang bayad niya, aba’y ayos rin.
Paglabas ko ng hotel saka naman bumungad sa akin si James at Akiro. Nakabihis na sila parehas at tila paalis na rin. Inirapan ko sila pareho at hindi na hinintay na makapagsalita si Akiro. Naglakad ako hanggang sa may b****a kung saan dumaan ang jeep na ang rota papunta sa aking boarding house.
“Kukunin ko lang ang kotse sa parking lot. Maaga pa naman Sam.” Iritadong sigaw sa akin ni Akiro ng tumigil ako sa paglalakad para mag-abang ng masasakyan. Hindi ko pa rin sila nililingon at hindi ko alam kung naroroon pa rin si James.
Sa wakas, may dumaan ng jeep. Pinara ko iyon at tumigil rin naman. Sumakay na agad ako. Hindi ko pa rin nililingon ang pinanggalingan ko hanggang sa maalala ko na wala pala akong dalang pera pamasahe. Nataranta ako kaya umawang ulit ang puwetan ko sa inuupuan ko para sa sana bumaba dahil nakatigil pa naman ang jeep kaso may humarang na kamay sa aking harapan dahilan para hindi ako makalabas ng jeep.
“Ba’t ka bababa?” Anang tanong sa akin ni James ng makumpirma ko na kanyang kamay yoong humarang sa akin.
Bahagya ng umaabante ang jeep kaya napakapit ako ng maigi sa railings na nasa bubong. “Wala akong pera pamasahe–”
“Babayaran ko…” Agap niya na ikinatigil ko. Tuluyan ng umandar ang jeep kaya nawalan ako balanse at basta napa-upo pabalik sa aking kinauupuan. Mabuti na lang din at maluwag pa ang mga pasahero. Nasa kaliwang bahagi ko pala naka-upo si James at hindi ko man lang namalayan na nakasakay na siya.
Pinakisuyo niya ang bayad naming dalawa sa isang pasahero na nasa unahan lang ng kabilang upuan. Napahinga ako ng malalim matapos tanggapin ng driver ang bayad niya. Ako pa ngayon ang may utang sa kanya. Lihim akong napailing.
“Salamat… Ibibigay ko na lang kay Akiro ang bayad ko sa'yo…”
“No need. Trese pesos lang ‘yon at hindi ka pa mababaon sa utang.” Pasuplado niyang tugon. Lihim akong ngumuso dahil sa kapilosopohan niya.
Hindi ko na ulit siya kinausap. Ano naman ang magiging topic namin kung sakali. Yoong nangyari kagabi? Yung pag panggap kong girlfriend niya para lamang makaalis siya ng bar? Sus. Baka sabihin niya nag i-illusion lang ako. Napa-tss ako dahil sa mga iniisip ko ngayon. Kung bakit ba kasi humantong ako sa puntong ito. Ukupado pa nga ng isipan ko ang biglaan niyang pagsakay sa jeep kung pwede namang magpahatid na lang siya kay Akiro pauwi sa tinitirhan niya kung saang lupalop man iyon.