Napatuwid ng tayo si Ginny kasabay ng pagtaas ng kilay niya. Taas-baba niyang tiningnan ang lalaki. Sinadya niyang lagyan ng bakas ng pagkasuya ang kanyang mukha dahil sa sinabi ng lalaki.
"At anong gusto mong palabasin? Na porke ikaw si Hero Yamada, magkakandarapa ako na magpa-picture sayo? Excuse me!" Mataray na wika niya. Namewang pa siya para makaabot sa lalaki na walang binatbat sa kanya na kesyo sikat na artista ito.
Dahan-dahang nawala ang matamis na ngiti sa labi ni Hero. Napaatras pa ito ng kaunti. Marahil ay hindi inaasahan ang magiging response niya sa sinabi nito. "Well, I'm sorry. I didn't expect na ayaw mo pala. Usually kasi, girls love to have photos with me."
"And so? You think na dahil gusto ng ibang babae, gusto ko din?" Talak ulit niya. Ipinagtodohan ni Ginny ang pagtataas ng kilay. Kailangan niyang magmukhang mataray. Kailangan niya itatak sa utak nitong Hero Yamada na ito na hindi siya tulad ng ibang babae. Hindi siya madadala ng gwapo nitong mukha. Hindi siya marupok katulad ng iba.
Hindi nakaimik si Hero. Marahil ay pinag-iisipan ang sinabi niya. Sinamantala ni Ginny ang pagkakataon na hindi nakaimik ang lalaki at itinuloy ang pagtataray.
"Hoy! Mr. Hero Yamada, huwag mo akong itulad sa ibang mga babae na makita ka lang ay magkakandarapa at kikiligin. Hindi ako mababaw tulad nila. At kung sa tingin mo ay makukuha mo ako dahil gwapo ka-"
Naputol ang anumang sasabihin ni Ginny dahil biglang humakbang papalapit sa kanya si Hero kaya siya naman ang umatras, dahilan para madiskubre niyang pader na ng elevator ang nasa likod niya. Na-corner siya ni Hero at ilang inches na lang ang pagitan nila.
Napatingin siya kay Hero. Nakangiti na ito. Labas na ang dimple nito at ang maputing mga ngipin. Ang mapula nitong labi ay lalong pumula. Matamis ang pagkakangiti at namumungay ang mata na nakatingin sa kanya. Biglang kumabog ang dibdib ni Ginny. Napakurap siya.
"So you agree? Na gwapo ako?" Biglang naging malambing ang malagong na boses ni Hero. Pakiramdam ni Ginny ay nagba-vibrate ang tinig nito sa loob ng elevator. Pakiramdam niya ay tumagos hanggang sa buto niya ang malagong nitong tinig.
"Hi-hindi iyon ang ibig kong sabihin!" Matigas na wika ni Ginny pero gusto nyang batukan ang sarili dahil boses ipis ang tinig na lumabas sa kanya. Hindi niya maintindihan ang nangyayari. Kanina lang ay buong-buo ang boses niya.
Para namang hindi siya narinig ni Hero dahil patuloy pa di na lumalapit ang mukha nito sa mukha niya habang nagsasalita. "It means naga-gwapuhan ka sakin?"
Gustuhin mang umatras pa ulit ni Ginny ay hindi niya magawa, na-corner na talaga siya ni Hero sa pader ng elevator. Kung bakit ba naman kasi sa likod siya pumwesto. Hindi tuloy niya alam kung saan lulugar para makaiwas sa paglapit nito.
"So just like other girls, you find me attractive?" Wika ulit ni Hero. Naaamoy na ni Ginny ang mabangong hininga ng lalaki dahil sobrang lapit na ng mukha nito sa mukha niya.
Napatitig si Ginny sa mapulang labi ni Hero, na gahibla na lang ang layo mula sa mukha niya. Papalapit na ito sa kanya. Hindi na halos siya makahinga dahil sa lakas ng t***k ng puso niya dahil isang maling galaw ay mahahalikan na siya ni Hero.
Para siyang na-magnet ng mapulang labi ng lalaki dahil hindi siya makakilos. Sobrang lakas din ng kabog ng dibdib niya kaya siguradong naririnig ito ng lalaki.
"Ibig sabihin pag itinuloy ko itong ginagawa ko, tulad ng ibang babae, hindi ka magagalit? Katulad ng ibang babae?" Paanas na patuloy ni Hero.
Mabilis na nag-process sa kanyang utak ang sinabi ni Hero kaya naman parang may nag-snap sa kanyang mukha at bigla siyang bumalik sa huwisyo. Automatic na umangat ang kanang palad niya papunta sa mukha ng lalaki.
Isang malakas na sampal ang pinadapo ni Ginny sa gwapong mukha ni Hero. Pareho pa silang nagulat sa lakas ng tunog nito. Pareho silang natigilan at nakatitig lang sa isa't-isa. Siya na hindi akalain na masasampal niya si Hero Yamada, ang kinahuhumalingan ng lahat , sa unang araw pa lang ng kanilang pagkikita.
Mukhang magsasalita sana si Hero nang biglang tumunog ang elevator bell kaya nagmamadaling lumabas si Ginny kahit pakiramdam niya ay bibigay ang nanginginig niyang tuhod. Save by the bell!
Dire-diretso siyang naglakad nang hindi lumilingon sa loob ng elevator. Ayaw niyang makita ang mukha ni Hero. Ayaw din niyang makita ng lalaki ang mukha niya na for sure ay pulang-pula.
Nang marinig niya ang pagsarado ng elevator, kaagad siyang umupi sa isang sofa sa hallway ng 9th floor. Dama pa din niya ang malakas na pagkabog ng dibdib. Hindi pa din siya makapaniwala na sinampal niya ang gwapong mukha ni Hero Yamada.
************************************
Matamlay ang mga hakbang ni Ginny nang lumabas ng compound ng JRN 11. Nakasimangot siyang pumara ng jeep at sumakay.
Kasalanan ito lahat ng Hero Yamada na iyon!
Kung hindi sana siya ginambala ng lalaki sa elevator para sabihang magpa-picture dito, hindi sana siya maiirita at magagalit. Hindi sana nito ilalapit ang mukha sa mukha niya. Lalong hindi sana niya ito masasampal.
Sira tuloy ang composure niya nang humarap sa interview. Sa halip na sa mga tanong ng interviewer siya magpokus, bumabalik-balik sa kanya ang malakas na pagdapo ng kamay niya sa gwapong mukha ng lalaki. Kaya tuloy mali-mali ang mga sagot niya sa interviewer. Alam niya na sa shredder ang diretso ng kanyang resumé.
Napasimangot ulit si Ginny ng marealize na kanina pa niya tinatawag na gwapo ang mukha ni Hero. Ipinilig niya ang ulo, kahit alam naman niyang hindi matatanggal noon ang mukha ng lalaki sa isip niya. Nakikita pa niya ang pagkagulat nito nang sampalin niya.
Paniguradong wala siyang matatanggap na call back mula sa JRN 11 dahil siguradong bagsak siya. Sino ba naman ang tatanggap sa aplikante na mukhang lutang?
Oh well, mabuti na rin siguro iyon dahil hindi na din niya makikita ang mukha ni Hero Yamada na tiyak niyang mangyayari pag natanggap siya sa media company.
Habang nasa daan ay paulit-ulit pa ding naaalala ni Ginny ang pagsampal kay Hero. Tiningnan niya ang kanang kamay at napasimangot na naman.
Ilang billboards din na may mukha ni Hero ang nadaanan niya. Hindi man niya gustuhin ay napapangiti siya at nasasabi sa loob na "Nasampal ko na yan." Huminga siya ng malalim. Magpapalusot na lang siya sa kanyang nanay at kapatid kung anong nangyari sa kanyang job interview.
"Kasalanan mo ito, Hero!" Mahinang wika niya sa mga billboard ng lalaki.