CLARK'S POV
Sa sobrang inis ko dahil sa narinig ko, pagkatapos ng klase ay inabangan ko si Anton sa labas ng engineering department. Napasandal ako sa may labasan nang maya-maya lang ay nakita ko nang naglalakad na ang barkada ko palabas kasama si Anton. Nainis ako nang makita ko siyang nakangiti pa habang nakikipagkwentuhan kaya dali-dali ko siyang nilapitan. Napahinto sila nang makita nila ako.
"Dude, she's here," nakita kong pasimple siyang siniko ni Mark. Matatalim na tingin ang pinukol ko sa kanya at nakipagtitigan narin siya sa akin. Nang makalapit na ako ay bigla ko siyang hinila.
"Hey!"
"Teka!"
Sigaw ng mga kaibigan ko. Kinaladkad ko siya palabas at naiwan ang tatlong naguguluhan at walang ibang nagawa kundi ang magkatinginan na lang sa isa't-isa.
"What are you doing?"
Hindi ko siya pinansin. Patuloy ko pa rin siyang kinakaladkad palabas at halos lahat ng naroroon ay nakatingin na sa amin pero wala akong pakialam sa kanila.
"Clark, ano ba! Nasasaktan ako."
Pagalit na binitiwan ko siya sa isang hallway kung saan walang katao-tao.
"Bakit mo ginawa 'yun?!"
Pasigaw kong tanong. Napakunot ang noo niya na tila ba hindi niya alam kung ano ang tinutukoy ko.
"Ano bang sinasabi mo?"
Napahilamos ko ang sarili kong mga palad sa mukha ko nang sagutin niya ako ng tanong din.
"Bakit mo 'ko pinahiya kay Leo? Hindi mo ba alam na tinatawag nila akong billiard king? Tapos nagawa mong magpakatalo sa walang kakwenta-kwentang Leo!" Galit na pahayag ko.
"Mahangin ka rin pala," pabulong niyang sabi.
"Anong sabi mo?" Napipikon kong tanong.
"Kasalanan ko ba kung hindi ako marunong maglaro ng billiard?"
"Eh, di sana hindi ka nalang naglaro."
"May magagawa ka pa ba? What is done is done."
"Madali lang sabihin sa'yo 'yon kasi hindi naman ikaw ang napahiya o baka sinadya mo 'yun para lang mapahiya ako."
"Hindi talaga ako marunong maglaro ng billiard at hindi ko 'yun sinadya dahil hindi mo alam kung anong kahihiyan ang inabot ko doon habang naglalaro ako nun pero dahil sa inasal mo ngayon, masasabi ko rin na mas mabuti nga na nangyari 'yun."
Pagkatapos niyang sabihin 'yun ay agad siyang lumakad paalis.
"Anong sinabi mo?"
Pahabol kong tanong pero hindi na niya ako pinansin kaya sa sobrang inis ko ay bigla ko siyang hinila sa kamay at pagalit, patulak na isinandal ko siya sa pader. Napatingin ako sa kanya at ganu'n rin siya sa akin.
Laking gulat ko na lang nang makita ko si Anton na nasa harapan ko, hawak ang isa kong kamay habang ang isa ay nakatukod malapit sa bandang kaliwang gilid ng leeg ko at ako naman ay nakasandal sa pader habang nakipagtitigan sa kanya. Kung nagulat ako sa biglang pagbalik namin sa sarili naming katawan ay nabigla rin siya.
Halos 1 inch na lang ang agwat ng mukha namin sa isa't-isa, nararamdaman ko na rin ang maiinit niyang hininga pero mabango sa pisngi ko. Biglang kumabog ng kakaiba ang dibdib ko lalo na at natitigan ko ng malapitan ang mga mata niya. Maya-maya lang ay sabay kaming napatingin sa mga kamay namin na magkahawak pa rin.
Kaya pala kami nakabalik sa sarili naming katawan dahil magkadaop ang mga palad namin pero nang pareho naming nakitang magkadaop ang mga palad namin ay pagalit na binaklas ko ang kamay ko kasabay naman nu'n ang biglaan naming pagpikit at nang muli naming imulat ang aming mga mata ay ganu'n na lang ang pagkadismaya ko nang muli na naman kaming nagkapalitan.
Nasa loob na naman ako ng katawan ni Anton. Pasimpleng tiningnan ko siya at hindi naman siya makatingin sa akin ng diretso. Kumakabog pa rin hanggang ngayon ang dibdib ko na hindi ko naman maiintindihan kung para saan ang kabog na iyon kaya dali-dali akong umalis sa harap niya. Nang makalayo na ako sa kanya ay hindi ko napigilang damhin ang dibdib ko, ramdam na ramdam ko talaga ang lakas ng pagkabog nito.
"Relax, Clark. Wala lang 'yun. Wag mong gawing big deal."
Dahan-dahan akong lumakad para makaalis na ako nang tuluyan at nakita ko na lang sina Lani, Vence at Ken na naglalakad palapit sa akin.
"San ka ba galing?" Tanong ni Ken sa akin.
"Kala namin, ano ng ginawa mo," sabi naman ni Vence.
Nilagpasan ko lang sila. Hindi ko sila pinansin, hindi ko sila sinagot. Nagtataka namang sumunod sa akin ang tatlo habang patuloy pang nagtatanong pero hindi ko pa rin talaga sila pinansin.
ANTON'S POV
wala na si Clark sa harapan ko pero pakiramdam ko hawak pa rin niya ang kamay ko. Ikinulong ko ang mukha ko sa dalawa kong palad dahil hanggang ngayon, hindi parin humuhupa ang init nito at pakiramdam ko, sobra ang pamumula nito.
Hindi yon ang unang pagkakataong magkadaop ang aming mga kamay pero 'yun naman ang unang pagkakataon na halos 1 inch na lang ang agwat ng aming mukha sa isa't-isa. Ano na 'tong nadarama ko? Bakit ba ganito kung pumitik ang puso ko? Pinilit ko pa rin ang sariling ikalma.
"Dude!" Sigaw ni Joey. Napatingin ako sa unahan nang makita ko ang tatlo na tumatakbo palapit sa akin.
"Buti na lang nakita ka namin. Teka! Asan na si Anton?" Hinihingal pang tanong ni Mark. Umalis ako sa pagkakasandal sa pader at inayos ang pagkakatayo ko.
"U-umalis na."
"Grabe talaga ang babaeng 'yun, nuh? Imagine, nagawa ka niyang kaladkarin sa harap ng maraming studyante?" Hindi makapaniwalang nasambit ni Romir.
"Oo nga. Grabe! Kala ko iihawin ka na nu'n ng buhay," segunda ni Mark.
"Parang hindi siya babae, eh," sabi naman ni Joey. Napakuyom ko na lang ang mga kamao ko sa mga narinig. Dahil sa ginawa ni Clark sa akin kanina, image ko na ngayon bilang babae ang unti-unting nasisira. Muli na namang nabuhay ang inis ko sa lalaking 'yon.
"Kailan pa ba kayo titigil sa mga ginagawa niyo? I mean, 'yong galit niyo sa isa't-isa kailan pa ba ninyo 'yan pakakawalan?" Tanong ni Mark.
Naningkit ang mga mata ko dahil nagpupuyos na naman ang dibdib ko sa galit.
"Kuya, Clark?!"
Napalingon ako sa likuran ng may tumawag sa akin. Si Jane! Patakbong lumapit siya sa akin. Napasulyap ako sa mga lalaking kasama ko, lahat sila nakatingin sa kararating lang na si Jane.
"Uuwi na ba kayo?" Nakangiti nitong tanong nang makalapit na siya sa amin.
"Hi, Jane," bati naman ni Mark kay Jane.
"Hey, Kuya Mark!" Biglang ikinawit ni Jane ang braso niya sa batok ni Mark kaya bahagyang napayuko ito at walang anu-ano'y inipit ni Jane ang leeg ni Mark gamit ang braso niya kaya naman napapikpik si Mark sa braso niya bilang pag-surrender dahil nasasaktan ito sa ginawa niya.
"Grabe! Papatayin mo ba ako?" Sabi nito habang hawak-hawak nito ang leeg niya.
"Namiss kasi kita," sagot naman nito.
"Ayyyiieee," sabay na tukso nina Romir at Joey.
"Kami ba..." sabi ni Romir sabay turo kay Joey, "...di mo namiss?" Tanong nito.
"Syempre, namiss ko kayong lahat," nagkatinginan sa isa't-isa sina Joey at Romir at sabay pang nagsabi ng " Ahhhh " na may kakaibang ngiti. Napatingin naman ako kay Mark, iba ang titig nito kay Jane.
May gusto kaya ang lalaking 'to sa kapatid ni Clark?