EPISODE 24

1834 Words
ANTON'S POV Nandito kami ngayon sa bahay nina Lani. Birthday niya ngayon kaya heto kami nakikipag-party, nakikipagjamming at nakikipagkwentuhan. Since, nasa katawan ako ni Clark ay isinama ko na rin ang mga barkada niyang sina Mark, Romir at Joey. Habang nag-eenjoy kami ay may biglang sumulpot na hindi ko inaasahan. Si Direk!! My boyfriend! Lahat nabigla, lahat nagulat at natulala ng biglang yumakap ito kay Clark mula sa likuran at humalik pa ito sa kanyang pisngi at sa sobrang gulat ni Clark ay bigla niya itong hinawakan ang isa nitong kamay at buong lakas niya itong pinasan sa likod niya kasunod ang pagbagsak nito sa harapan naming lahat. Lahat napasigaw! Lahat gulat na gulat sa nangyari. Napatingin kami kay Direk, napangiwi ito sa sobrang sakit ng balakang dahil sa pagbagsak nito. "Oh, my god! Direk?!" Sigaw ni Ken, agad na lumapit sina Lani at Vence kay Direk at dali-dali nila itong sinaklolohan. Napangiwi pang dahan-dahan na tumayo si Direk. Napatingin ako kay Clark, kitang-kita ko ang pagkabigla niya at mukhang naguguluhan pa sa nangyayari. Hindi rin nakaligtas sa pagkabigla ang tatlong lalaking kasama namin. Ang mga bisita ni Lani, sa amin na rin nakatingin. Nang makatayo na si Direk ay tumingin ito kay Clark. "Babe," kahit nagtataka ito sa ginawa sa kanya ni Clark ay nagawa pa rin niyang ngumiti. "B-babe?" Tanong ni Clark habang nakakunot ang noo niya, napatingin siya sa akin na para bang nanghihingi ng paliwanag. "Anton, anong ginawa mo kay Direk?" Kunwa'y tanong ni Ken kay Clark. "D-Direk?" Naguguluhan pa rin niyang sabi. "Yes, babe. It's me!" Masiglang sabi ni Direk. Kabang-kaba na ako sa mga nangyayari, muling napatingin sa akin si Clark. Ang mga kasama naming mga lalaki ay sobrang naguguluhan na rin. "Ahhh!!..." bigla niyang sigaw saka itinuro si Direk, "...b-babe? Babe!" Buti at nakasakay agad siya sa trip. "Yes! It's me, babe!" Nakangiting sabi ni Direk. "B-babe?..." sabi niya saka tumawa na para bang nasasapian ng kung anong demonyo, "...babe!!..." muling niyang sigaw, "...babe," pabulong niyang sabi at napatingin ako kay Clark na may patangu-tango pang ginagawa habang tumatawa na para bang nasasapian na at napatingin rin siya sa akin at ngiting -aso naman ang tugon ko sa kanya habang ipinapakita ko sa mukha ko ang pakiusap na sana sumabay na lang muna siya sa daloy ng mga pangyayari. "Babe, I miss you!" Sabi nito at bigla itong yumakap sa kanya at walang anu-ano'y hinalikan siya nito sa pisngi. Lahat napanganga sa hindi inaasahang nangyari. Natutop ko ang sarili kong bibig. Kung nagulat man kami sa nangyari, mukhang mas nagulat pa si Clark. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa amin at nang itinuon niya sa akin ang tingin niya ay ningitian ko na lang siya ng sapilitan sabay nag-peace sign. Agad hinarap ni Lani ang mga bisita niya na parehong naguguluhan rin sa nangyari, nilapitan niya ang mga ito at kunwaring inasikaso. "Guys, don't mind them. Ituloy niyo lang ang mga ginagawa niyo," sabi niya habang may pangiti-ngiti pa. "I really miss you, babe," sabi ni Direk. "I really miss you, too b-babe. Babe," sagot niya habang niyayakap pa rin siya ni Direk at ang mga mata niya ay nasa amin lang nakatuon. Kunwaring hinaplos-haplos niya ang likod ni Direk habang ang mukha niya ay parang masusuka na, sirang-sira na kaya hindi napigilan ng mga kaibigan namin ang tumawa nang mahina at ako din ay napangiti na rin. Gusto ko na rin siyang pagtawanan sa mga nagiging reaksyon niya pero bigla ba naman kaming pinandilatan. "Kailan ka nakauwi?" Tanong ni Ken kay Direk nang nakaupo na kami nang maayos paikot sa isang malaking bilog na mesa sa hardin nina Lani. "Kanina lang," sagot naman nito. "Paano mo nalaman na andito kami ngayon?" Tanong din ni Vence. "Nu'ng pagdating ko, I went straight to Anton's house then sabi ni tita, birthday daw ni Lani kaya dumiretso na ako dito." "Kanina ka lang dumating tapos dumiretso ka kaagad sa aming-----" Napatigil ako sa pagsasalita nang biglang tumikhim si Clark bilang paalala sa akin na nasa loob ako ng katawan niya at hindi ako nakikita ni Direk bilang ako, bilang si Anton kundi bilang si Clark. Buti na lang din at ginawa niya 'yon kundi baka kung ano-ano nang lalabas sa bibig ko. "I mean ....s-sa bahay nila?" Pagtatama ko sabay turo kay Clark. "Yeah. 'Cause I really miss her," napatingin ako sa kamay ni Clark na hinawakan na lang bigla ni Direk. Pasimpleng kinuha niya iyon pero napahigpit lang ang hawak ni Direk dito. Napalingon siya sa bandang gilid niya saka napaismid. Sa nakita ko ay hindi ko napigilang mapangiti. "Ba't ka nakangiti diyan?" Pabulong na tanong sa akin ni Vence. Nagulat ako sa biglaan niyang tanong sa punong tenga ko. Napatingin ako sa kamay ni Clark na hawak-hawak pa rin ni Direk kaya napatingin na rin si Vence sa tinitingnan ko at nakita rin niya ang nakikita ko kaya napatingin ang lahat sa amin ng bigla ba namang napabungisngis ng tawa ang katabi kong tomboy. "Anong tinatawa-tawa niyo diyan?" Tanong ni Ken sa amin. Muli akong napatingin kay Clark na kasalukuyan nang nakatingin sa amin at hindi ko sinasadyang bumaba ang tingin ko sa mga kamay nilang magkakahawak pa rin at napatingin rin siya sa mga kamay nila. Mukhang na-gets niya kung bakit kami nagtawanan kaya agad-agad niyang binawi ang kanyang kamay at nakaismid siyang napalingon sa akin. CLARK'S POV Parang gusto ko na talagang upakan ang lalaking katabi ko. Nandidiri ako. Buti nga siguro at pinabagsak ko siya kanina. Sino ba naman kasi ang hindi magrereact nang ganu'n kung may bigla-bigla na lang yayakap at hahalik sa pisngi mo na pareho naman kayong lalaki. Buti na lang at naalala ko bigla nu'ng sinabi ni Anton na may boyfriend na siya kaya agad akong nakabawi sa nagawa ko. Napaka-clingy talaga ng lalaking 'to kasi panay hawak niya sa kamay ko kahit pa sinusubakan kong hilain at minsan hinihigpitan pa niya ang paghawak niya sa kamay ko. Nandidiri ako at parang gusto kong dumuwal. Mas lalo akong nainis nang makita ko ang mga kakaibang ngiti sa mga labi ni Anton habang nakatingin sa kamay ko na hawak-hawak ni Direk, para bang nanunukso kaya inis na hinablot ko ang kamay ko at buti naman at hindi nakapalag si Direk sa ginawa ko. Nakita ni Anton ang ginawa ko kaya mas lalo pang lumapad ang ngiti nito pati na si Vence. "Ingat kayo," sabi ni Direk sa mga kasama namin. "Iuwi mo 'yan diretso sa bahay," nakangiting tugon ni Ken, nagpalipat-lipat ang tingin ko sa mga ito at lahat sila nakangiti ng kakaiba na para bang may ibang ibig sabihin ang mga ngiti nilang 'yon na lalong nagpainis sa'kin at lalo pa akong nainis nang pati mga barkada ko ay nakisabay na rin sa trip ng mga kaibigan ni Anton. Aalis na sana silang lahat nang pasimpleng hinawakan ko sa braso si Anton. "Anong binabalak mo?" Pabulong kong tanong sa kanya. Pasimpleng tinanggal niya ang kamay ko na nakahawak sa braso niya saka nagpaalam kay Direk. "Mauna na kami sa inyo. Iuwi mo 'to agad huh?" Makabuluhan niyang tugon at tumingin siya sa akin. "Enjoy," pabulong niyang sabi. Tiningnan niya uli ako saka lumitaw sa mga labi niya ang nanunuksong ngiti. Napakunot ang noo ko sa huli niyang sinabi. Anong enjoy? Ano ang gusto niyang iparating sa akin sa sinabi niya? "Bakit hindi ka pa umalis?" Tanong ko sa mokong na 'to. "Syempre! Ihahatid pa kasi kita," sagot naman niya na medyo nagpainis sa akin. "Ako? Ihahatid mo?" "Oo!" Lumakad siya papunta sa pinto ng kotseng dala niya. Binuksan niya ang pinto nito katabi ng driver seat at tumingin siya sa akin saka nag-hand gesture sa akin na pumasok na sa kotse. "W-wag na! Kaya ko namang umuwing mag-isa, eh," tanggi ko at akala ko ba makikinig siya sa pagtanggi ko pero hindi pala. Mapilit rin pala. Lumakad siyang palapit sa akin at nang nasa harap ko na siya ay hinawakan niya ako sa magkabila kong braso. "Namiss kita, sobra! kaya hayaan mo akong ihatid ka ngayon. Ok?" Hindi ako umimik, nasusuka ako lalo pa at nakatitig siya sa akin. "I miss you," sabi niya saka dahan-dahan na inilapit ang mga labi niya sa noo ko at bago pa niya iyon nailapat sa noo ko ay tarantang iniharang ko ang palad ko sa mga labi niya. "Oo na. Payag na akong ihatid mo." Pagkatapos kong sabihin 'yon ay agad akong kumuwala sa pagkakahawak niya sa akin at dali-daling lumapit sa kotse niya at hindi ko na siya hinintay pa, pumasok na ako sa loob saka pumasok na rin siya. Napatingin siya sa akin at nakita kong dahan-dahan niyang inilapit ang mukha niya sa mukha ko. Ano na naman ba ang gusto nitong gawin? Nanlaki naman ang mga mata ko at dali-daling iniharang ko ang mga palad ko sa dibdib niya. "A-anong gagawin mo?" "Isasabit ko lang ang seatbelt mo." Napayuko ako at nakita ko na hindi ko pa pala naisabit ang seatbelt ko. "Ako na ang gagawa." Bahagya ko siyang itinulak palayo kaya napaayos ang upo niya sa driver seat. Nang maisabit ko na ang seatbelt ay agad niyang pinatakbo ang kotse niya at habang nasa daan ay panay ang daldal niya tungkol sa kung paano niya ako namiss ng sobra at kung anong klaseng buhay ang mayroon siya sa Canada kahit hindi ko naman siya tinatanong. Ahh Ganu'n ba? Talaga? Yan lang ang mga salitang lumalabas sa aking bibig dahil ayokong makipag-usap sa kanya, ayokong humaba pa ang pagkukuwento niya pero parang hindi niya na-gets ang ibig kong sabihin sa mga sagot ko kaya tuloy -tuloy parin talaga ang pagdadaldal niya. Nang dumating na kami sa bahay ay dali-dali akong bumaba at bumaba na rin siya. Bago pa ako nakapasok sa bahay ay pinigilan niya ako. "I want to say hi to Tita kaya lang may pupuntahan pa ako kaya next time na lang. Ok?" Sabi niya at tumangu-tango lang ako bilang pagsang-ayon. Akala ko ay aalis na siya pero bigla ba naman siyang humakbang palapit sa akin para halikan ako. "Ay! 'yung sintas ng sapatos ko," sabi ko at agad akong napa-squat kaya muntik na siyang mapasubsob at kunwaring inayos ko ang sintas ng sapatos ko pero ang totoo palusot ko lang 'yon para hindi niya ako mahalikan. Sino ba naman ang papayag na mahalikan ng kapwa niya lalaki? Oo, nasa loob ako ng katawan ng babae pero hindi ibig sabihin nu'n, pwede na akong halikan ng isang lalaki. Nang napansin kong nakatayo na siya ng maayos ay saka lang ako muling tumayo. "Di ba ang sabi mo may pupuntahan ka pa? Ba't hindi ka pa ba umalis?" Pagtataboy kong sabi. "P-paalis na nga ako," sagot din niya. "Ingat," sabi ko kaya napilitan na rin siyang pumasok sa kotse niya at nang makasakay na ito sa kotse niya ay tumingin pa ito sa akin saka ngumiti. Ningitian ko na rin siya kahit napipilitan lang ako atska kumuway. Nakahinga lang ako nang malalim nang tuluyan na siyang nawala sa paningin ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD