CLARK'S POV
Nagising ang diwa ko nang biglang tumunog ang alarm clock na nasa side table. Inabot ko iyon at pinatay habang nakapikit ang mga mata at muling bumalik sa pagtulog.
Weekend kaya magpapakasarap ako ngayon sa pagtulog. Mamaya na ako babangon. Muntik na sana akong makatulog uli nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto.
"Good morning, Anton. Bangon ka na dyan dahil tanghali na," bati ni Yaya pero hindi ko siya pinansin at nanatili akong nakapikit pero bigla na lang akong napabalikwas ng bangon nang may naalala ako.
Weekend ngayon, supposedly magkikita kami ni Anton ngayon para muli niya akong tututuruang magpaint. Pupunta ba ako? Paano ko siya haharapin? Bigla na lang akong napapikit nang bigla akong nasilaw sa sinag ng araw nang buksan ni Yaya ang kurtina ng bintana.
"Hindi ka pa ba bababa?" Tanong niya sa akin.
"Mamaya na po."
Muli akong napahiga at maya-maya lang ay naramdaman ko ang paglabas ni Yaya. Napalingon ako sa side table at nakita ko ang wallet ni Anton, nakalimutan ko itong isauli kahapon dahil na rin sa biglang pag-iba ng temperature ng paligid namin.
Ipipikit ko na sana ang mga mata ko para muling matulog pero hindi ko talaga magawa dahil si Anton ang nakikita ko. Muli akong napatingin sa wallet niya. Pupunta ba ako? Magpapakita ba ako sa kanya ngayon? Paano ko ipapaliwanag ang tungkol kahapon? Binalot ko ng kumot ang buo kong katawan pero maya-maya lang din ay inis na tinabig ko ang kumot sabay bangon.
"Kala ko ba hindi ka na darating," salubong sa akin ni Anton pagkarating ko ng glass house.
"Sorry, tinanghali ako nang gising," hingi kong paumanhin at pilit kong iniiwasan na magkatagpo ang aming paningin.
Tumayo siya sa pagkakaupo at inayos ang gagamitin namin sa pagpi-paint. Lumapit ako sa kanya at inabot ang wallet niya.
Napatingin siya dito saka tumingala sa akin pero umiwas din ako agad ng tingin. Kinuha niya ito at ipinatong sa isang mesa.
"Ready ka na?" tanong niya at tumangu-tango lang ako. Buti na lang at hindi na niya binanggit pa ang tungkol kahapon. Pinaupo niya ako sa upuang inayos niya sa harap ng canvass.
Kinuha ko ang palette na may lamang acrylic paint at sa kabilang kamay ay ang paint brush. Nasa harap ko ang isang antique na jar bilang modelo ko kung saan ito ang iguguhit ko.
Itinaas ko ang kamay ko na may hawak na paint brush at itinutok ko iyon sa canvass pero hindi talaga gumagana ang utak ko.
"Focus. You need to focus," paalala sa akin ni Anton.
I released a deep sigh at saka dahan-dahan na iginalaw ang paint brush sa canvass pero hindi maganda ang naging resulta. Pinunit ko ang canvass. Nagsimula uli ako pero hindi pa rin gumagana.
Muli ko naman itong pinunit at gumawa na naman ng panibago pero hindi pa rin nagkatugma sa gusto kong maging resulta hanggang sa nauubos na ang pasensya ko.
Pagalit na pinunit ko ang canvass at pabagsak na inilagay ang palette at paint brush sa mesa. Magwa-walk out na sana ako nang pigilan ako ni Anton.
"Susuko ka na? Wag ka namang sumuko kaagad. Ako nga, hindi ako sumusuko sa'yo," sabi niya na siyang nagpakaba sa dibdib ko.
"Ako nga, hindi ako sumusuko sa'yo."
Bakit parang may kakaibang damdaming naidulot sa akin ang huli niyang sinabi?
"Ako nga, hindi ako sumusuko sa'yo."
Bakit ang sarap pakinggan? Bakit ang sarap ulit-ulitin? Napatingin ako sa braso ko na hawak-hawak pa rin niya. Bahagya niya akong hinila pabalik at pilit na ipinapaupo sa upuang inupuan ko kanina lang.
Kinuha niya ang palette at paint brush sa mesa na kinalalagyan ko at inabot niya ito sa akin. Napatingin ako sa kanya saka ko kinuha ang palette at paint brush mula sa kanya at muli akong humarap sa canvass. Sinubukan ko uling gumuhit pero paulit-ulit lang din akong nadi-disappoint.
Makailang ulit ko na ring pinunit ang canvass na ginamit ko. Paulit-ulit akong bumabalik sa simula, paulit-ulit kong sinusubukan ang makakaya pero wala pa rin talaga. Ok. Last try na'to.
Pag hindi pa rin, ayoko na talaga. Nabuntong-hininga muna ako ng malalim bago ko muling itinaas ang kamay ko na may hawak na paint brush pero bago ko pa iyon naigalaw para muling gumuhit ay may biglang humawak dito. It's Anton! Agad akong napalingon sa bandang kanan ko at ganu'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang mapansin kong napakalapit ng pisngi niya sa pisngi ko.
Bahagya siyang naka-bend sa bandang likuran ko, ang kaliwa niyang kamay ay nakapatong sa kaliwa kong balikat habang ang kanan naman niyang kamay ay nakahawak sa likod ng kamay ko na may hawak na paint brush.
"You need to focus. Don't let the nonsense things occupy your mind," sabi niya saka dahan-dahan niyang itinaas ang kamay ko and she started to paint.
"Use your heart when you are painting. Dahil nandoon sa puso ang emotions natin at kapag 'yan ang ginamit mo habang nagpi-paint ka, mararamdaman ng mga tao kung anong emosyon ang nasa painting mo. Maiintindihan nila kung ano ang gusto mong ipahiwatig sa mga iginuhit mo."
Habang nagsasalita siya, ang puso ko tumatambol. Ang lakas! At hindi ko rin maiwasang lingunin at titigan siya habang nagsasalita. May kung anong kiliti akong nadarama habang hawak-hawak niya ang kamay ko at iginagaya niya ito sa bawat stroke na ginagawa niya.
Naririnig ko ang lahat ng mga sinasabi niya pero wala akong naiintindihan dahil sa kaba, sa lakas ng pintig at kabog ng puso ko dagdagan pa ng kakaibang sensations na nararamdaman ko habang nakakulong ang likod ng kamay ko sa palad niya. Oo, katawan ko ang nasa kanya ngayon pero pakiramdam ko, si Anton ang nakikita ko.
Presensiya ni Anton ang nararamdaman ko kaya ang pintig ng puso ko nagkakagulo at samu't-saring damdamin ang bigla ko na lang nadama. Muli akong napalingon sa kanya at hindi sinasadyang 'yun din ang paglingon niya sa akin kaya muling nanlaki ang mga mata ko at ganu'n rin siya.
Yung noo niya at ang noo ko ay biglang nagkadikit nang hindi sinasadya. Nagkatitigan kami, walang kumukurap. Walang gumagalaw, walang nagsasalita. Pareho kaming natulala. Pakiramdam ko na-froze ako at that moment at hindi ko sinasadyang bumaba ang mga mata ko sa mga labi niya. Napatitig ako du'n, naaakit ako, nananabik. I want to kiss her right now. I want to taste her lips. Dahan-dahang inilapat ko ang mga labi ko sa mga labi niya. Hindi siya gumagalaw, napapikit siya. Naghihintay.
Nang malapit ko nang maangkin ang mga labi niya ay biglang nahulog ang palette na nasa kamay ko at nagdulot iyon ng may kalakasang ingay nang bumagsak ito sa sementadong sahig ng glass house nila kaya pareho kaming napaigtad sa sobrang pagkabigla.
Pareho kaming natauhan. Agad siyang tumayo nang maayos at bahagyang lumayo sa akin. Ako naman ay agad na inayos ang pagkakaupo pero para na akong sasabog sa sobrang init ng nararamdaman.
"I-ituloy mo na lang ang pagguhit. L-lalabas lang ako sandali," sabi niya at agad ko siyang nilingon, nakita ko ang pagmamadali niya para makalabas kaagad.
Napatingin ako sa palette na nahulog. Pinulot ko iyon at nakita ko kung paano nagkagulo ang mga paint na nandoon. Hay, ano nang gagawin ko dito? Nasayang tuloy ang mga pintura dahil sa katangahan ko.
Naagaw ang pansin ko sa kamay ko na hawak-hawak pa rin ang paint brush. Bakit ganu'n, bakit ramdam ko pa rin ang kamay ni Anton na nakahawak sa kamay ko? Ano ba 'tong nararamdaman ko? Bakit ako nagkakaganito?