PAGDATING nila ni Hugh sa reception ng kasal ni Celine sa isang events place sa Antipolo ay agad ding pinagsisihan ni Becky na sinabi niyang natutuwa siyang sumama siya kay Hugh sa kasal ng nobya nito. Akala niya kasi ay magiging maaayos ang lahat pero hindi pala. Ramdam na ramdam niya ang tensiyon sa mesa nila kung saan kasama nila ang mga magulang ni Celine, ang ina at ama ni Hugh na halatang halatang hindi kasundo ng binata. Ramdam niya rin ang talim ng tinging ipinupukol sa kanya ni Celine na kahit na kasayaw na nito sa dance floor ang asawa ay patingin-tingin pa rin sa kanila. Hindi niya alam ang naiisip ng bawat isa, pero may pakiramdam siyang ayaw ng mga itong kasama siya ni Hugh. Ang ama kasi ni Hugh na si Dr. Eduardo San Victorio ay hinila pa sa gilid ang binata para kausa

