Chapter 4

2068 Words
"HI, Doc!" kumikislap ang mga matang bati ni Becky nang mapadaan si Hugh sa tapat niya. Itinigil pa niya ang pagma-mop para batiin ito, pero tinanguan lang siya nito at dumeretso sa mga nurse sa nurses' station at kinausap ang nurse na si Jackie. Kahit may kausap ito ay nagpatuloy pa rin siya sa pagmamasid dito.   Pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan nito habang nakatalikod sa kanya. Dahil maski pa noong nakasuot ito ng doctor's gown ay napansin niya na ang katawan nitong halatang alagang-alaga sa ehersisyo. Infairness. Sexy talaga itong si Doc. Malapad ang mga balikat, makisig at matangkad! Pasok na pasok sa banga ang mga katangian nito kaya lalo lang niyang ponagpantasyahan ang lalaki.   Kaya lang ay bigla ring naputol ang pagde-dayream niya nang lumingon. Nahalata yata nitong pinagnanasaan niya ito dahil matiim na napatitig ito sa kanya. Parang tumatagos sa kanyang kaluluwa ang paraan ng pagtitig nito na lalo lamang nakakapagpabilis ng t***k ng puso niya.   She's really attracted to him. Pakiramdam niya ay may pisi na nakatali sa kanya at unti-unting hinihila ni Hugh iyon.   Pero wala sinabi si Hugh sa kanya at sa halip ay matipid na ngumiti lang ito bago umalis sa nurse's station. Ni hindi man lang ito huminto para batiin siya.   Hindi niya alam kung anong trip nito sa buhay dahil lagi na lang siya nitong tinitingnan na para bang may gusto itong sabihin pero hindi naman nito magawa. Pagkatapos ay ngingitian siya nito at saka bigla na lamang aalis. Okay lang sana sa kanya kung ganoon lang kasimple ang nangyayari sa tuwing ginagawa nito iyon, kaya lang ay lalo siyang nahihiwagaan sa lalaking ito.   Para bang may mas malalim pang bahagi ang pagkatao nitong iba sa ipinapakita nito. Pero habang nagpapakamisteryoso ito ay lalo lamang napupukaw ang interes niya. May mga bagay itong ginagawa na salungat sa una nitong sinabi. Tulad na lang kahapon, pinalayas-layas siya nito sa clinic pero sa huli ay binilhan din siya ng pananghalian. Para itong puzzle para sa kanya na mahirap i-solve pero ayaw niyang sukuan.   Nagmamadaling sinundan ni Becky si Hugh habang hawak-hawak pa rin ang mop niya.   "Hi, Doc!" magiliw na bati niya nang maabutan niya ito.   Siguro naman ay puwede na siyang makipagkaibigan dito dahil binigyan na siya nito ng pananghalian. Assumera!   "Hi, Becky." matipid na sagot nito nang sandaling napatingin sa kanya.   Parang gusto niyang mapatili nang banggitin nito ang pangalan niya. Alam niyang ordinaryo lang ang pangalan niya, pero bakit kapag si Hugh ang nagsasabi niyon ay sobrang gandang-ganda siya? Ah, siguro ay dahil sa maganda nitong boses.   "Salamat nga pala sa pananghalian na ibinigay n'yo sa akin kahapon. Sakto, paborito ko pa man din ang afritada," nakangiting sabi niya habang sinasabayan ito sa paglalakad.   Hindi siya papayag na basta-basta na lamang matapos sa "hi" at "hello" ang pag-uusap nila. Paano na lang siya makakapagpa-cute dito kung ganoon?   "You're welcome," simpleng sagot nito. "It's my way of saying thank you."   "Kering keri lang sa akin, Doc. Kahit bahay mo pa, lilinisin ko basta ikaw."   Sandaling nilingon siya nito at nginitian. Iyon lang. Ni wala man lang itong ibang sinagot. Pero okay lang, lalo pa at maganda naman ang ngiti nito na sapat na para makapagpasirko sa puso niya. Siguro ay 'man of few words' lang talaga itong si Hugh kaya siya na lang ang mag-a-adjust. Siyempre, dahil crush niya ang lalaki ay gagawin niya ang lahat para pansinin lang siya nito.   "Oo nga pala, Doc. Ang guwapo mo ngayon. Saan ka galing?" usisa niya.   Napahinto ito nang sa wakas ay makarating sila sa tapat ng clinic at saka siya binalingan. "Hindi ko kailangang sagutin ang tanong mo, Becky," mariing sagot nito.   Seryoso ang mukha nito at maawtoridad ang boses kaya hindi na siya nangahas na salungatin ang sinabi nito. May punto rin maman kasi ito. Hindi naman nito kailangang mag-report sa kanya.   "Sorry, Doc. Gusto ko lang sabihin sa 'yong ang guwapo mo."   Napahagikgik siya samantalang kumunot naman ang noo nito habang nakatingin sa kanya. Napaisip tuloy siya kung normal ba itong tao. Ang iba kasi ay natutuwa kapag pinupuri pero ito, parang naiirita pa sa kanya. Hindi ba nito alam na guwapo ito?   "Okay," sabi lang nito.   Akma nitong bubuksan ang pinto ng clinic nito nang magsalita siyang muli. Kailangan niya kasing mapigilan itong pumasok nang sa ganoon ay magkaroon siya ng mas mahabang panahon na kausap ito. Paano niya maisasagawa ang plano niyang akitin ito kung iwas ito nang iwas sa kanya?   "Okay lang? Hindi ka man lang ba magpapasalamat sa akin na pinuri kita, Doc?"   Muli itong napalingon ito sa kanya at base sa hitsura nito ay nagpipigil lamang ito ng pagkainis sa kanya. Pero kumalma siya. Ayaw ng lalaki ng babaeng masungit kaya todong nginitian niya si Hugh.   "Hindi ko kailangang magpasalamat sa 'yo. Alam kong guwapo ako at hindi ko kailangan ng validation sa ibang tao."   Aba, taray! "May point ka naman doon, Doc. Pero gusto lang naman kitang maka-chika. Gusto kitang makilala, gano'n lang."   "Well, ako hindi," deretsahang wika nito.   Eksaheradong napasinghap si Becky, saka napahawak sa dibdib niya at umaktong nasasaktan. Lalo lamang na lumalim ang gatla sa noo nito dahil sa ginawa niya. "Ouch! Ang sakit n'yo namang magsalita, Doc." Napasimangot siya. "Gusto lang naman kitang makilala dahil crush kita. Gusto ko lang naman malaman kung ano'ng paborito mong pagkain, ano'ng paborito mong kulay, ano'ng mga gusto mong bagay at ano ang mga ayaw mo."   Lumapit pa si Becky kay Hugh. Tila nanlaki ang mga mata nito at napaatras pero hindi siya magpapaawat. Kailangan nilang maging close para maisagawa niya ang kanyang plano. Inilapit niya pa ang sarili niya rito para lalo itong mapagmasdan. Sobrang guwapo talaga nito, lalo na sa malapitan. Kahit pa mukhang nasisindak ito sa kanya ay hindi nakabawas iyon sa kaguwapuhan nito. Tingin niya ay si Hugh ang tipo ng lalaking walang araw na pangit.   Pero ito ay hindi yata kayang titigan nang ganoon kalapit ang mukha niya. Hinawakan nito ang kanyang braso para sandaling palayuin siya. Tila naiilang ito na may babaeng lumalapit nang ganoon dito. Tama ba ang nakikita niya? May namumuong pawis sa noo nito?   "Gusto mo ba talagang malaman ang mga ayaw ko?" tanong nito.   "Oo, siyempre," mabilis na sagot niya at saka nginitian ito.   "Ayaw ko sa mga feeling close," masungit na sagot nito.   Imbes na matameme ay natawa na lang si Becky sa sinabi nito. Tila nawi-weird-ang pinagmasdan siya nito.   "Okay lang, Doc. Masasanay ka rin na close tayo." Kinindatan niya pa ito.   Sa pagkakakunot ng noo nito at sa paraan ng pagkakatingin sa kanya, tila gusto na siya nitong sakalin. Pero okay lang, kahit medyo masungit itong tingnan ay hot pa rin. Nakadagdag pa nga ang papatubong balbas nito sa lalaking-lalaking dating nito.   Hindi niya rin alam kung bakit, pero parang may magnetong humihila sa kanya para pagtuunan ito ng pansin. Napakalakas ng dating nito sa kanya na kahit tinitingnan pa lang niya ito ay hindi niya maiwasang mag-imagine ng mga makamundong bagay. Sobra sa intensidad ang pagtitig nito sa kanya.   Kaya lang ay natigil din naman agad sa pag-iisip ng kung ano-ano ang utak niya nang marahang itulak siya nito para lumayo pa nang kaunti. "Hindi tayo close, Becky. At kung iniisip mo iyon dahil binigyan kita ng pagkain kahapon, I was just being kind to you. Tingin ko ay tama lang naman iyon matapos mong linisin ang clinic ko."   Gusto niyang itirik ang mga mata. Kind? Tingin ba nito ay pagpapakabait ang ginagawa nito sa kanya ngayon? "Pero akala ko, cool na tayo?" aniya.   "No. Sana huwag mong bibigyan ng malisya ang lahat ng ginagawa ko dahil walang malisya iyon sa akin," iritadong wika nito.   "Okay lang kung walang malisya sa 'yo," kibit-balikat na wika niya. "Sa akin, meron," ngiti-ngiti pang dagdag niya.   Isang beses pa itong napahinga nang malalim na parang kinakalma ang sarili dahil baka hindi ito makapagpigil ay kutusan na lang siya nito dahil sa kakulitan niya. "Tell me. Why are you doing this, Becky?"   "Wala lang. Gusto lang talaga kitang makilala, Doc. Crush nga kasi kita, eh."   Napabuga ito ng hangin. "Ganoon ba kadali sa 'yo para magka-crush sa isang tao? Ni wala pang isang linggo mula nang makilala mo ako, crush mo na ako agad? Bakit?"   "Bakit naman hindi, Doc?" Hindi ba nito alam kung ano ang epekto nito sa populasyon ng mga kababaihan? Si Malou nga na tinanguan lang ni Hugh ay halos maglupasay na sa sahig. Ganoon katindi ang kaguwapuhan at s*x appeal ng batang doktor pero mukhang hindi ito aware doon. "Guwapo ka, doktor, matangkad, edukado at higit sa lahat, mayaman. Ano ba ang hindi kagusto-gusto doon?"   "Pero hindi ka man lang ba nahihiya na sinasabi mo sa akin nang harap-harapan na crush mo ako. Kababae mong tao pero ikaw pa ang unang nagtatapat ng damdamin sa isang lalaki?!"   "Bakit naman ako mahihiya, Doc? Mas maigi nang alam mong gusto kita nang hindi tayo naghuhulaan kung ano'ng nararamdaman ko. At least, nagpapakatotoo ako sa nararamdaman ko. Saka 2017 na ngayon, uso nang ang babae ang gumagawa ng first move."   Mataman siyang pinagmasdan nito. Hindi niya alam kung bumibilib ba ito sa pagpapakatotoo niya o lalo lang itong naiinis sa kanya. "Pero--"   "Wala naman sigurong masama roon dahil wala ka namang dyowa," sansala niya.   "Paano mo nalamang wala akong girlfriend?" nagtatakang tanong nito.   "Narinig ko sa tsismisan ng mga nurse. Kaya wala namang magagalit, Doc. Hayaan mo naman akong makilala ka."   "Actually, mayroong magagalit."   "Sino naman?"   "Ako," deretsahang sagot nito. "Nandito tayo sa ospital para magtrabaho, Becky. Kaya kung puwede lang, umalis ka na dahil magtatrabaho na ako. Puwede ba 'yon?" His eyes narrowed at her.   Napangisi si Becky. Hindi siya masisindak nang ganoon-ganoon lang. "Okay. Aabangan na lang kita sa labas pagkatapos ng trabaho mo."   "Becky..."   Muli niyang nilapitan ito dahilan para mapigilan ito sa kung anumang sasabihin. Inilapit niya ang katawan niya rito hanggang sa mapaatras na naman ito. Pinapungay niya pa ang mga mata habang matiim na pinakatitigan ito. Parang hindi ito sanay na may nakakalapit ditong ganoon dahil napapansin niyang kinakabahan ito. Pero hindi pa rin siya nagpaawat dahil may gusto siyang malaman.   Lumapit pa siya hanggang sa tumama na ang likod nito sa pinto. Dahil matangkad ang lalaki ay bahagya pa siyang tumingkayad para ilapit ang mukha niya rito habang hindi pa rin inaalis ang tingin dito. Inilabas na niya ang mga natutunang flirting techniques sa mga napapanood niya sa telebisyon para naman maakit sa kanya si Hugh.   Mukhang effective naman iyon dahil habang nagtatagal ay nakakaramdam na siya ng koneksyon sa kanilang dalawa. Para bang may mahikang bumalot sa kanilang dalawa at kung magtatagal pa ang paghihinang ng kanilang mga mata, pakiramdam ni Becky ay bibigay din sa kanya ang may kasungitang doktor.   Pero hindi muna niya iyon gagawin ngayon dahil gusto niya lang namang malaman kung naapektuhan rin si Hugh sa kanya. At kung pagbabasehan niya ang paghigit nito ng hangin nang ilapit niya ang mukha sa mukha nito ay mukhang tama ang hinala niya. Para lang itong kinakabahan pero hindi rin naman nito magawang itulak siya palayo.   So she teased him more. Hinawakan niya pa ang leeg nito at pinaglandas ang kamay hanggang sa batok nito sa sensuwal na paaan. Parang nanigas ang katawan nito, pero lalo lang niyang inilapit ang kanyang mukha hanggang sa gahibla na lamang ang layo ng mga labi nila sa isa't isa. Napakapula ng mga labi nito at hula niya ay malambot iyon kung pagbabasehan ang hitsura. Gusto na sana niyang samantalahin ang pagkakataong mahalikan ang crush niya pero bibitinin muna niya ito.   Napansin niyang napalunok ito kaya lihim siyang napangiti. Epektibo ang kanyang ginawa. Nang malapit na nitong ipikit ang mga mata ay saka niya inabot ang pinto. Pinihit niya ang door knob at binuksan ang pinto. Tila biglang natauhan si Hugh nang marinig nito ang pagtunog ng pinto.   "Binubuksan ko lang ho ang pinto para sa 'yo, Doc. Huwag n'yong masyadong bigyan ng malisya," aniya.   Mukhang napahiya naman ito dahil biglang namula, pero dahil ay ayaw magpahalata ay inayos nito ang sarili sa pagkakatayo na tila walang nangyari. Desimuladong inayos nito ang buhok at dali-daling pumasok sa loob ng silid. Narinig pa niya ang pagsigaw nito sa loob.   Napangisi si Becky. "O, ngayong alam mo na kung gaano katindi ang kamandag ko, Doc. Mag-iingat ka. Nagsisimula pa lang si Rebecca Dalisay," kumpiyansang-kumpiyansang wika niya sa sarili.   Pasasaan ba at mahuhulog din sa kanya ang guwapong doktor.         
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD