Chapter 3

3088 Words
HABANG nagma-mop ay pasimpleng pumunta si Becky sa clinic ni Doc Hugh. Dahil abala siya sa trabaho at sa paniningil sa mga nurse na may utang pa sa kanya ay hindi niya na napagkikita si Doc Hugh. Pero kahit ganoon pa man ay hindi pa rin niya nakakalimutan ang pinag-usapan nila ni Rysia noong nakaraang araw. Pinag-isipan niyang mabuti iyon at wala naman talaga siyang nakikitang masama. Iyong iba nga, niloloko pa ang iba para yumaman. Siya, hindi naman niya lolokohin si Doc Hugh. Aakitin niya lang para mas mabilis itong magkagusto sa kanya dahil crush niya ito. Bonus na lang at magandang oportunidad para sa kanya na mayaman din ito. Tama kasi si Rysia. Lagi na lang ang kapakanan ng pamilya ni Becky ang una sa mga prayoridad niya at isinasantabi niya muna ang pansariling kagustuhan. Kaya habang may lalaki nang nakapagpapabuhay sa katawang lupa niya ay hindi niya na papalagpasin iyon. Nagpalingon-lingon pa si Becky sa paligid para masigurong hindi siya makikita ng supervisor dahil baka mapagalitan siya. Nang makasiguradong walang ibang tao ay pasimple siyang sumilip sa maliit na parisukat na gawa sa salamin na naroon sa pinto ng clinic ni Doc Hugh. Iyon lang kasi ang paraan niya para makita ang guwapong mukha ng doktor. Hindi naman nabigo si Becky dahil nakita niya naman si Hugh. May pasyente itong kinakausap at doon lang nakatuon ang atensyon nito. Pero kahit hindi ito nakatingin sa direksyon niya ay okay lang kay Becky. Mas maganda nga iyon dahil mabibigyan siya ng mas mahabang pagkakataong mapagmasdan ang binata. Ngayon lang din niya napansin na mas guwapo pala si Hugh kapag naka-doctor's gown ito. Mukha itong matalino na aabot na sa puntong intimidating nito. Iyon bang parang marami itong alam na ang sinumang makakatabi nito ay magmumukhang mangmang. Pero okay lang iyon kay Becky dahil para sa kanya, mas nakakadagdag sa hotness ng doktor ang katalinuhan at ang medyo masungit na dating nito. Pa-mysterious ang effect. Ah! Lahat na lang ng tungkol kay Hugh ay hot para sa kanya. Para kasing pakiramdam niya ay masarap itong paamuin at ikatutuwa niya kapag siya ang maging dahilan kung sakaling ngumiti ito. Tila nangangarap nang gising si Becky habang iniisip niya kung paano niya mapapangiti si Hugh. Natigilan siya bigla nang mapatingin sa direksyon ng pinto si Hugh. Dahil ayaw niyang mahuli ng lalaki ay agad siyang nagtago. Napahagikgik nang walang tunog si Becky na parang teenager na nahuli ng crush niyang nakatingin dito. Pero hindi pa rin siya umalis doon dahil gusto niya pang pakinggan ang boses nito. Isinandal niya ang hawak na mop sa gilid ng pader at idinikit ang tainga sa pinto. Kung hindi niya kasi makikita ang guwapong mukha nito ay pagkakasyahin na lang niya ang sarili sa pakikinig sa baritonong tinig nito. Boses pa lang kasi ay ulam na. Paano niya ba ilalarawan iyon? Malamig? Suwabe? Hindi niya alam kung ano ang mas akma, pero natitiyak niyang boses pa lang nito ay sapat na para matunaw ang puso niya. Naisip niya tuloy kung marunong ba itong kumanta. Tiyak na kikiligin siya nang bongga kapag kinantahan siya nito. Ini-imagine pa ni Becky na hinaharana siya ni Hugh kaya hindi na niya gaanong naintindihan ang sinasabi ng mga tao sa loob. Nagulat na lamang siya nang biglang bumukas ang pinto. "Aaaah!" Napalakas ang pagtili niya dahil akala niya talaga ay susubsob ang mukha niya sa sahig. Pero mukhang hindi naman sahig ang makikinabang sa kanya dahil may sumalo sa kanya at naramdaman niya na lang na napasubsob siya sa matatag pero malambot na bagay na iyon. Pag-angat niya ng tingin ay nahigit niya pa ang kanyang hininga nang sumalubong sa kanya ang guwapong mukha ni Hugh. Si Doc Hugh ang sumalo sa kanya! Lalo lang tuloy siyang nabigyan ng pagkakataong titigan ito. Shocks! Mas guwapo yata ito sa malapitan. Maganda talaga ang mga mata nitong may malalantik na pilik. Napansin niya ring makinis ang balat nitong tila mas mapino pa yata sa kanya. Alaga siguro ni Doc sa derma, naisaloob niya. Nakaramdam siya ng kagustuhang haplusin ang mukha nito para malaman kung malambot ang balat nito, pero alam niyang kalabisan na iyon. Isa pa ay pinatayo na siya ni Hugh. Tila nawi-weirdo-han pa itong nakatingin sa kanya nang bahagya itong lumayo sa kanya. Kahit naman siguro ang iba ay mawi-weirdo-han kung pagbukas ng pinto ay bigla-bigla na lang na may babagsak na babae sa harapan mo. And take note, hindi lang basta-bastang babae kundi ubod ng ganda at lukaret na tulad niya. Pero kahit hindi man lang siya binati ni Hugh ay okay lang sa kanya. Mapagmasdan niya lang ito ay solved na siya. Awtomatikong napangiti siya habang muling pinapasadahan niya ng tingin ang kabuuan nito at lihim na nagpapasalamat na gumawa ang Diyos ng ganoon kaguwapong nilalang. Nakakalaglag panga talaga ang kaguwapuhan nito. Parang gusto niyang mahimatay sa sobrang kilig na nadarama. Kaya lang habang nakatingin naman siya rito ay lalong lumalalim ang gatla sa noo nito na para bang naiirita ito sa ginagawa niya. Para bang gusto na nitong maglahong bigla sa harap niya. Pero bago pa man nito magawa iyon ay nakaisip siya ng paraan para pigilan itong umalis. Nagkunwari siyang nahimatay. Ang maganda pa sa plano niya ay wala na itong choice kundi saluhin siya. Buti na lang talaga ay mabilis ang reflex nito kaya hindi siya bumagsak sa matigas na sahig. Sa halip ay bumagsak siya dibdib ni Hugh. Success! Sinamantala na rin niya ang pagkakataong yakapin ito nang mahigpit at singhut-singhutin. Pupunuin niya na ng mabangong amoy nito ang mga baga niya para may baon pa siyang iisip-isipin mamaya. Impit pa siyang napatili sa kilig dahil nayakap niya sa wakas ang crush niya. Mamaya ay papasalamatan niya talaga si Rysia dahil epektibo talaga ang mga tips na ibinigay nito sa kanya! Kaya lang, hindi pa man niya na-e-enjoy ang moment niya sa mga bisig ni Hugh ay umalma na ito. "What the hell? Ano'ng ginagawa mo?" inis na wika pa nito. "Tumayo ka nga!" Tinulungan siya nitong makatayo, pero mukhang pinagsisihan nito iyon nang mahawakan nito ang kili-kili niya. "Yuck! Basa ang kili-kili mo," tila nandidiri pang sabi nito. Hindi naman na-offend si Becky dahil normal lang sa tao ang pinagpapawisan at siyempre, kailangan niyang magpa-cute kay Hugh dahil simula na ng kanyang "Oplan: Akitin si Doc." Ipinaskil niya ang pang-beauty queen na ngiti niya nang harapin ang doktor. "Normal 'yan, Doc. Kanina pa kasi ako nagtatrabaho," nakangiti pa ring wika niya. "Ugh! Disgusting!" "Walang amoy 'yan, Doc. Nagtawas naman ako," nagpapa-cute pang sabi niya. Napakunot-noo si Hugh habang pinagmamasdan siya na animo'y iniisip kung nasisiraan siya ng bait o ano. Pati ang pasyente at ang nurse na si Jackie na nasa likod nito ay nawi-weird-an habang nakatingin sa kanya. Pinalabas muna ng guwapong doktor ang dalawa bago siya muling binalingan. "Ano ba kasing ginagawa mo rito?" nagtatakang tanong nito. "Ah... ano ho. Baka gusto n'yong magpalinis ng clinic," palusot ni Becky. Iyon lang kasi ang naiisip niyang paraan para mas matagal na makasama si Hugh at maisagawa ang kanyang plano. Saglit na pinagmasdan siya nito na parang pinagdududahan ang rason niya pero hindi siya nagpahalata. Todo pa rin siya ngiti at lihim na hiniling na magandahan sana si Doc sa ngiti niya. Ginaya niya pa ang ngiti ng mga model sa commercial ng toothpaste. Mukhang pinag-iisipan nitong mabuti ang isasagot sa kanya pero sa huli ay napabuntong-hininga na lang ito. "Yeah, kailangan ko talagang magpalinis..." "Rebecca Dalisay," sabi niya saka inilahad ang kamay. "pero Becky na lang ang itawag mo sa akin, Doc." Napatitig lang ito sa kamay niya na para bang wala itong balak hawakan iyon. Kaya bago pa mahuli ang lahat ay siya na mismo ang kumuha ng kamay nito at nakipagkamay. Infairness, malambot ang kamay nito. "I'm Hugh San Victorio, by the way," sagot nito saka agad rin namang binawi ang kamay. Matapos ay agad rin nitong binuksan ang clinic at pinapasok siya sa loob. Masaya na sana siya dahil pagkakataon niya na para magka-moment sila ni Hugh kaya lang ay naglaho rin ang tuwa niya nang makitang sobrang kalat ng clinic nito. Nagkalat ang mga laruan sa sahig na wari niya ay para sa mga batang pasyente nito. Nakabaliktad din ang mga upuan at may mga punit-punit pang pahina ng mga magazine sa sahig. Idagdag pa ang mga nakabaliktad na upuan at chocolate drink na natapon sa sahig. "Hindi naman po pala masyadong makalat," sarkastikong wika niya. "Gawa 'yan ng mga pasyente ko. Alam mo namang kailangan natin silang intindihin dahil sensitibo ang kanilang sitwasyon," paliwanag ng doktor. "Hindi mo ba kaya? Ipapatawag ko na lang si Malou at siya na lang ang paglilinisin ko," dagdag pa nito na kung makatingin ay parang sinusukat ang kanyang kakayahan. Hindi niya gusto ang ideya na si Malou ang maglilinis ng clinic ni Hugh, lalo pa at hayagan ang pagpapa-cute nito sa lalaki. "Naku, huwag na. Baka maunahan pa ako ni Malou na akitin ka," mahinang sagot niya. "What did you say?" kunut-noong tanong nito. "Wala ho, Doc." Malapad na ngumiti siya. "Sabi ko ho ay kukunin ko na ho ang mga gamit ko panglinis." Na-weird-an man sa kanya ay napatango na lang ito. Pero hindi lang ang pagkuha ng mga gamit panglinis ang dahilan ni Becky kung bakit siya lumabas. Dali-dali siyang nagpunta sa pinakamalapit na CR at nag-ayos. Inayos niya ang buhok niya dahil tiyak hindi siya magugustuhan ni Doc kung kulang na lang ay habulin siya ng suklay dahil sa sabog-sabog ang buhok niya. Naglagay na rin siya ng lipstick para naman magkaroon ng kulay ang mukha niya. Buti na lang talaga at kasyang kasya ang suklay at lipstick sa bulsa niya. Isang beses pa siyang napatingin sa repleksyon sa salamin at napansing parang may kulang. Mukha siyang maputla. Pero dahil wala siyang dalang blush on ay kinurot kurot niya na lang niya ang pisngi. "Ouch!" daing niya nang napalakas ang pagkurot niya. Nawi-weird-ang napatingin sa kanya ang isang babaeng nasa C.R din pero hindi niya na lang pinansin iyon. Lumabas na siya ng C.R, kinuha ang mga gamit pang-linis saka bumalik ng clinic. Pagdating niya doon ay madilim ang mukhang sinalubong siya ni Hugh. "What took you so long?" iritadong wika nito. "Kinuha ko po yung mga gamit ko," palusot niya. Pero base sa paglukot ng noo nito ay hindi bumenta ang palusot niya. "Nag-make up ka ba bago ka maglinis?" tila hindi makapaniwalang sabi nito. "Naku! Hindi ho! Natural na may rosy cheeks at rosy lips po ako," pagmamaang-maangan niya pa. Hindi lang alam ni Hugh pero ang totoo, kinikilig na siya dahil napansin nito ang pagpapaganda niya. Worth it ang pagkurot kurot niya sa pisngi niya. "Whatever," anito saka bumalik sa desk. Sinimulan na ni Becky ang pagliligpit ng mga nagkalat na laruan. Pero habang naglilinis siya ay hindi niya pa rin nakakalimutang magpasimpleng tingnan si Hugh. Tutok na tutok ang atensyon nito sa kung anumang binabasa at parang sinasadya nitong ignorahin siya. Hindi iyon puwede! Kailangan niya nang gumawa ng hakbang para mapansin nito dahil walang mangyayari sa pinapangarap niyang love story nila kung hindi siya kikilos. Nag-isip si Becky ng puwedeng mapag-usapan. Kaya lang ay wala rin siyang maisip na matino na puwedeng maging interesado ito. Napabuntung-hininga siya at nagpatuloy na lang maglinis. Iniligpit niya ang mga nakakalat na gamit hanggang sa may napansin siyang may mga alcohol, bulak, antiseptic at kung ano pa sa ibabaw ng mesa. Nang akma niyang gagalawin iyon ay napalingon sa kanya si Hugh. "Pakilagay na lang ang mga iyon sa medicine cabinet, Becky. Nakalimutan ko nang ayusin," sabi nito. "Yes, Doc," tugon niya. Sinunod niya naman ang utos nito pero hindi niya maiwasang magngitngit dahil kung hindi pa mag-uutos ay hindi pa siya nito mapapansin. Pero habang papalapit siya sa medicine cabinet ay may naisip siyang paraan para makuha ang atensyon nito. Kung hindi niya ito madaan sa ganda, idadaan niya na lang ito sa pagiging kuwela niya. "Doc. May tanong ako," sabi niya. "Ano 'yun?" "Bakit dinadahan-dahan ang pagbukas ng medicine cabinet." "I have no idea," kibit-balikat na sagot nito. "Eh pano po kasi, baka magising ang sleeping pills," sagot niya saka napahagalpak ng tawa. Bentang benta sa kanya ang joke na iyon at umaasa siyang baka kapag nakakatawa siya ay magustuhan na rin siya ni Doc Hugh. Hindi ba't ang ibang lalaki ay gusto ng mga babaeng may sense of humor? Kulang na lang ay gumulong si Becky kakatawa pero poker face pa rin si Doc. Nabitin tuloy sa ere ang pagtawa niya lalo pa at hindi siya nito pinansin. Sa halip ay walang emosyong napatayo ito at nagpunta sa isang file cabinet dahil may kukunin yata ito. "Awkwaaaarrrdd," sabi niya pa at nagpatuloy na lang sa pagsunod sa utos ni Hugh. Matapos ay nag-mop na lang si Becky ng sahig. Ang totoo ay hindi niya alam kung paano siya magpapapansin kay Hugh. Walang epek dito ang ganda niya at lalong lalo na ay waley dito ang joke. Pero hindi niya dapat sayangin ang pagkakataon niya. At dahil 'Don't give up on us, baby' ang peg niya ay hindi niya ito titigilan. Paatras na nag-mop siya hanggang sa makarating siya sa puwesto ni Hugh. Sinadya niyang isagi ang puwit sa katawan nito. Tingnan na lang niya kung hindi pa nito pansinin ang alindog niya. Nang lumingon ito sa kanya ay nagpasimple siya. "Ay, sareeeh, Doc," wika niya sa pabebeng tinig, saka ito nginitian. Alanganing nginitian din siya ng doktor, pero ibinalik agad nito ang atensyon sa kung anong hinahanap nito sa cabinet. Napabuga siya ng hangin. Hindi ba talaga siya kapansin-pansin? Isang beses niya pang sinagi ang doktor. Hindi niya na ito nilingon dahil nagkunwari siyang hindi sinadya iyon. Umasa na lang siyang papansinin siya nito, pero sa pagkadismaya niya ay tinalikuran siya nito at bumalik sa mesa nito. Nag-mop pa siya ng sahig nang pasulong para masundan ito at harangan. Nabubuwisit na kasi siya dahil hindi tumatalab ang mga ginagawa niya. "What are you doing?" tila iritadong tanong nito. "Wala ho, Doc. Madumi kasi ang sahig. Nililinis ko lang," pilit ang ngiting sagot niya. "Para naman maging kasinglinis ng intensiyon n'yo," dagdag na bulong pa niya. Okay naman ang mga lalaking maginoo kasi para sa kanya, pero paano niya pa magagawa ang plano kung kung umasta ito ay invisible siya? Nakakasakit na iyon ng pride niya. Sabi ng mga kapatid niya ay maganda siya pero bakit wala man lang siyang epekto kay Doc? Bakeeeet? "May sinasabi ka?" tanong nito sa kanya. "Wala ho, Doc." Pilit siyang ngumiti. Dumistansya na siya rito dahil sa hitsura nito ay baka pukpukin na siya nito ng mop sa ulo dahil sa iritasyon na nadarama sa kanya. Wala na tuloy siyang magawa kundi ipagpatuloy na lang ang paglilinis. Ang hirap palang magpapansin rito! Akala niya ay kaunting pabebe lang at pagpapa-cute ay madadale na ito, pero ginawa niya na ang lahat ay wapakels pa rin si Doc. Hanggang sa matapos na nga siya sa paglilinis ay hindi pa rin siya nito pinapansin. "Tapos na po ako. May ipag-uutos ba kayo?" walang ganang tanong niya maya-maya. Parang naglaho na rin kasi ang enerhiya niya dahil nasayang ang effort niya. Mukhang kailangan nila ni Rysia na magplano muli dahil palpak ang mga ginawa niya. "Ah, wala na. You may go now," sabi pa nito nang hindi man lang nag-aangat ng tingin mula sa binabasa. Nainsulto talaga siya dahil ni hindi man lang nito kayang tingnan siya. Pero dahil walang magawa ay napilitan na siyang talikuran ito. Saka lamang bumalik ang ngiti sa mga labi ni Becky nang nakakailang hakbang pa lamang siya ay muli siya nitong tawag. Lihim na nagpiyesta ang kalooban niya! "Yes Doc?" nagpapa-cute na sagot niya nang muli siyang nilingon. Nagpakurap-kurap pa siya habang nakangiti pa rin pero tulad ng dati ay napakunot lang ito ng noo sa kanya. "'Yong mga gamit mo sa paglilinis, naiwan mo." Itinuro pa nito ang mga gamit na dala-dala niya kanina. Biglang nag-init ang bumbunan ni Becky! Akala pa man din niya ay nagbago na ang isip nito, pero may ipapakuha lang pala sa kanya! Padabog na kinuha niya ang mga gamit sa paglilinis. "Galit ka ba?" tanong ni Hugh sa kanya. "Hindi, Doc. Nakangiti pa nga ako, eh." Ngiting-aso ang isinukli niya rito at saka padabog na isinara ang pinto. Nagsusuntok siya sa ere sa sobrang inis sa nangyari. Todo-effort na siya pero hindi man lang siya pinansin ni Hugh! Nakakaasar! Akala pa naman niya ay diyosang-diyosa na siya pero wala pa ring epekto rito. Palpak ang kanyang "Oplan: Akitin si Doc"! Napabuntong-hininga na lang siya, saka ibinalik ang mga gamit sa storage room. Dahil oras na ng kanyang break time ay pumunta na siya sa cafeteria para kumain. Doon niya na lang ibubuhos ang pagkadismaya niya para sa palpak na pang-aakit niya. Umupo muna siya sa mesa para bilangin ang pera niya bago siya umorder. Baka kasi mamaya ay magkulang iyon dahil may kamahalan ang presyo ng pagkain doon. Hindi na siya nakapagdala ng baon tulad ng ginagawa niya palagi dahil wala na siyang oras kaninang umaga. Nang masiguradong sasapat pa rin ang pambayad niya ay pupunta na siya sa counter nang bigla na lang may naglapag ng tray ng pagkain sa harap niya. Afritada, rice at may canned soft drink pa. "Sandali, Kuya. Hindi ho ako ang nag-order niyan," sabi niya sa waiter. "May nagpapabigay ho, sa 'yo. Baka secret admirer mo," tudyo pa ng waiter sa kanya bago siya nilayasan. Nagtatakang muling tiningnan niya ang pagkain. Doon niya napansin na may sticky note na nakalagay sa canned soft drink. "Thank you for today, Becky. - Hugh" Simple lang na pasasalamat iyon pero kinilig siya! Sa trabaho kasi niya bilang janitress ay bihirang may magpasalamat sa kanya para sa ginagawa niya dahil para sa mga nakakataas sa kanya ay iyon naman ang trabaho niya kaya dapat lang niyang gawin. Isa pa ay minamata siya ng iba dahil janitress lang siya. Kaya parang may mainit na bagay na lumukob sa puso niya dahil na-appreciate ni Hugh ang ginawa niya. Pinagala niya ang tingin sa cafeteria para hanapin ang nagpabigay niyon at namataan niya si Hugh sa isang mesa kasama ang ibang doktor na nanananghalian. Nang mapatingin ito sa direksyon niya at nakita nitong nakatingin siya ay ngumiti ito. Doon niya lang din na-realized na hindi naman pala nasayang ang effort niya. Late reaction lang siguro si Doc pero sigurado siyang napansin din siya ng binata. Hindi pa man ganoon kalaki ang progress niya, atleast alam niyang umuusad siya. One, down!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD