Pagmamahal na Nawasak
Nagising ako sa kalagitnaan ng gabi sa loob ng isang masukal, madilim, at mabahong abandonadong bahay. Nakatali ang aking mga kamay at paa, at halos hindi ko na maigalaw ang aking katawan dahil sa dami ng pasa, sugat, at mga bakas ng paso mula sa sigarilyo. Dalawang araw na akong pinahihirapan sa lugar na ito. Tatlong lalaki ang paulit-ulit na lumapastangan sa akin at gumawa ng mga bagay na hindi ko kailanman inakalang mararanasan ko. Ang lahat ng ito ay nagsimula dahil sa isang pagkakamali ng puso isang pag-ibig na hindi ko dapat ipinaglaban.
Isa akong babae mula sa isang kilala at makapangyarihang pamilya. Ang aming negosyo ay kabilang sa pinakamalalaki at pinakamatagumpay sa bansa. Nagmamay-ari kami ng mga mamahaling hotel, malalawak na lupain, malalaking shopping complex, at iba't ibang kumpanya na nagbibigay ng trabaho sa libu-libong tao. Lumaki akong nakukuha ang lahat ng aking nais sa isang iglap. Isang hiling ko lamang at agad itong natutupad.
Marami ang nagsasabing napakaswerte ko dahil hindi lamang ako ipinanganak na mayaman, kundi pinagpala rin ng magandang mukha. Sa murang edad, naging sentro na ako ng atensyon saan man ako magpunta. Dahil dito, lumaki akong spoiled brat sanay na laging nasusunod, sanay na walang tumatanggi sa aking kagustuhan, at sanay na nakukuha ang anumang bagay na magustuhan ko. Mataas ang tingin ko sa aking sarili at naniwala akong walang taong hindi ko kayang mapasunod.
Ngunit hindi ko alam na darating ang araw na babagsak ang mundong kinalakihan ko. Isang maling desisyon lamang ang sapat upang sirain ang lahat ng mayroon ako, ang aking pamilya, dignidad, at maging ang aking kalayaan.
Nakilala ko si Rex Rosales, isa sa mga pinakabatang tycoon sa bansa at tagapagmana ng Rosales Group of Companies. Siya rin ang lalaking nakatakda kong pakasalan.
Sa unang tingin pa lamang, imposibleng hindi siya mapansin.
Nakatayo siya sa taas na halos anim na talampakan at dalawang pulgada, taglay ang tindig ng isang lalaking ipinanganak upang mamuno. Ang kanyang malapad na balikat at matipunong pangangatawan ay bunga ng disiplina at regular na pag-eehersisyo. Kitang-kita sa bawat galaw niya ang lakas at kumpiyansang hindi matutumbasan ng kahit sinong lalaki sa silid.
Mayroon siyang matalim na pares ng mata na tila kayang basahin ang kaluluwa ng sinumang kanyang titigan. Ang kanyang maitim at bahagyang magulong buhok ay lalong nagbibigay ng karisma sa kanyang mukha. Ang matangos niyang ilong, matibay na panga, at perpektong hubog ng mga labi ay sapat upang mapalingon ang kahit sinong babae.
Ngunit ang higit na nakapagpapahina sa tuhod ng maraming kababaihan ay ang kanyang presensya.
Hindi niya kailangang magsalita upang mapansin.
Kapag pumapasok siya sa isang silid, kusa siyang nagiging sentro ng atensyon.
Kapag ngumiti siya, para bang pansamantalang humihinto ang mundo.
Kapag nagsuot siya ng mamahaling itim na suit na perpektong bumabagay sa kanyang matipunong katawan, mistula siyang isang hari na bumaba mula sa kanyang trono.
Mayaman.
Makapangyarihan.
Gwapo.
At halos perpekto sa paningin ng lahat.
Kaya nang sabihin ng aming mga magulang na siya ang magiging fiancé ko, pakiramdam ko noon ay ako na ang pinakamaswerteng babae sa buong mundo.
At habang tumatagal, hindi ko lang siya nagustuhan.
Minahal ko siya.
Buong puso.
Ngunit hindi ko alam na habang unti-unti akong nahuhulog sa kanya, matagal nang may ibang babae na nagmamay-ari ng kanyang puso.
Si Ara Villanueva.
Ang babaeng nakilala niya noong siya ay nag-aaral sa France.
Ang babaeng hindi niya kailanman nakalimutan.
At ang babaeng magiging dahilan ng pagkawasak ng buhay ko.
Nagsimula ang lahat sa isang hindi pagkakaintindihan.
Mula nang malaman kong may ibang babaeng minamahal si Rex, halos hindi ko na matanggap ang katotohanan. Para akong unti-unting nababaliw sa sakit at selos. Hindi ko maintindihan kung saan ako nagkulang.
Ano ang mayroon siya na wala ako?
Hindi ba sapat ang pagmamahal ko?
Hindi ba sapat ang lahat ng isinakripisyo ko para kay Rex?
Dahil sa mga tanong na iyon, hinanap ko si Ara.
Nakipagkita ako sa kanya nang ilang beses upang malaman kung ano talaga ang namamagitan sa kanila. Ngunit sa bawat pagkakataon, iisa lamang ang sinasabi niya.
"Wala akong inagaw sa iyo."
Ngunit paano ako maniniwala?
Siya ang babaeng laman ng puso ng lalaking mahal ko.
Unti-unti akong nilamon ng insecurities at galit. Madalas ko siyang tawagan at padalhan ng mensahe. Minsan ay pinupuntahan ko pa siya sa kompanyang pinagtatrabahuhan niya upang kausapin.
Hindi nagtagal, kumalat ang mga tsismis.
Nalaman ng mga tao ang tungkol sa kanya. Tinawag siyang kabit. Sinisi sa pagkasira ng relasyon namin ni Rex. Marami ang nanghusga at nang-insulto sa kanya.
Dahil doon, lalong lumala ang kanyang kalagayan.
Tumigil siyang pumasok sa trabaho.
Bihira nang lumabas ng bahay.
Unti-unti siyang nilamon ng depresyon.
Nang malaman iyon ni Rex, agad siyang kumilos.
Nagdaos siya ng isang press conference kasama si Ara upang tuluyang wakasan ang mga haka-haka.
Sa harap ng mga mamamahayag, mahigpit niyang hinawakan ang kamay nito.
"Walang kinalaman si Ara sa mga alitan namin ni Irene," malamig ngunit matatag niyang pahayag.
"At para malinaw sa lahat, ang paghihiwalay ng aming pamilya ay desisyon ko. Huwag ninyong idamay ang isang inosenteng tao. Siya ang aking tunay na minahal at siya ang pakakasalan ko."
Pakiramdam ko noon ay pinagtulungan akong saksakin sa dibdib.
Sa unang pagkakataon, hayagan niyang ipinagtanggol ang ibang babae.
At hindi ako iyon.
Ilang linggo ko na siyang hindi nakikita matapos ang press conference nila ni Rex.
Ngunit sa halip na humupa ang sakit, lalo lamang itong lumala ng makita ko si Ara.
Huminto ako sa harap niya.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ako.
"Irene…"
"Ano?" mapait kong tanong. "Natatakot ka ba sa akin?"
Napabuntong-hininga siya.
"Pagod na ako."
Napatawa ako nang walang saya.
"Pagod ka? Eh, ano ngayon kung pagod ka?"
Hindi siya sumagot.
Lumapit ako.
"Araw-araw akong umiiyak dahil sa'yo."
"Araw-araw kong tinatanong ang sarili ko kung bakit hindi ako ako."
"Araw-araw kong iniisip kung bakit ikaw ang pinili niya."
Namumuo na ang luha sa aking mga mata.
"Ano bang meron ka na wala ako? Pagod rin ako, pagod na pagod rin ako Ara"
Tahimik lang siyang nakatingin sa akin.
Lalo akong nasaktan.
"Sabihin mo!"
"Ano bang dapat kung gawin?"
"Hindi ba sapat ang pagmamahal ko sa kanya?"
"Masama ba ako? Hindi ba ako katanggap-tangap?"
"Irene..." nanginginig niyang sambit.
"Hindi ko ginusto ang lahat ng ito, mahal ko rin siya, wala ba akong karapatan na mahalin siya Irene?."
"Hindi mo ginusto?" natawa ako na naiiyak.
"Meron, ngunit bakit siya pa Ara? May nagmamay-ari na sa kanya, Bakit?"
"Maawa ka!"
"Ako ang fiancé niya!"
"Ako ang dapat niyang pakasalan!"
Tumulo ang luha ko. At nasaktan ako ng subra na nagmamakaawa sa kanya.
" I’m sorry, ako ang nauna…" Nasabi iyon ni Ara sa akin na may halong galit sa tinig niya.
Mahabang katahimikan ang namagitan sa amin.
Hanggang sa marahan siyang nagsalita.
"Hindi ko kailanman ginusto na wasakin kung ano man ang relasyon ninyo."
Parang may kumuyom sa puso ko.
"Mahal ko siya," bulong ko.
"Alam ko," sagot niya.
"Mahal na mahal ko siya."
"Alam ko rin iyon."
"Kung alam mo, bakit hindi ka lumayo?"
Napapikit siya.
Nang muli siyang dumilat, puno ng awa ang kanyang mga mata.
"Hindi ko ginusto ang lahat ng ito," umiiyak na sagot niya. "Kung kaya ko lang kontrolin ang puso niya, ginawa ko na."